49
University of the Philippine Manila College of Arts and Science Department of Social Sciences Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan? Pananaliksik sa Epekto ng Pangingibang-bansa ng mga Kababaihan sa Pagsasakapangyarihan Nila sa Pamilya Research Report Submitted In Fulfillment of The Requirements in Political Science 198 By Mary Anne Yu Pinlac 2009-13389 Professor Clarinda Berja

Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

  • Upload
    others

  • View
    2

  • Download
    0

Embed Size (px)

Citation preview

Page 1: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

University of the Philippine Manila College of Arts and Science

Department of Social Sciences

Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan? Pananaliksik sa Epekto ng Pangingibang-bansa ng mga

Kababaihan sa Pagsasakapangyarihan Nila sa Pamilya

Research Report Submitted

In Fulfillment of

The Requirements in

Political Science 198

By

Mary Anne Yu Pinlac

2009-13389

Professor Clarinda Berja

Page 2: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 2

Balangkas ng Nilalaman

PAGKILALA …………..……………………………….………….….. 3

I. Abstract …………..……………………………….………….. 5

II. Panimula …………..……………………………….………….. 6

III. Pagsusuri sa mga Kaugnay na Literatura …………………....….. 8

IV. Balangkas ng Pag-aanalisa ………………………………...…. 14

V. Pamamaraan ng Pananaliksik …………………………………….. 19

a. Disenyo ng Pananaliksik

b. Pamamaraan ng Pagkolekta sa Datos

c. Pag-analisa ng Datos

d. Limitasyon

e. Pang-Etikang Konsiderasyon

VI. Paglalarawan ng Resulta ..……………………………………….. 24

VII. Diskusyon ……...……………………………………………….... 35

VIII. Konklusyon …………………...………………………………..…… 39

IX. Batis ……………………...………………………………..…….… 43

X. Apendiks …………………...………………………………..……… 45

a. Liham Para sa Organisasyon

b. Liham Para sa Katugon

c. Free, Prior, Informed Consent Form

Page 3: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 3

PAGKILALA

“No one who achieves success does so without the help of others.

The wise and confident acknowledge this help with gratitude.”

- Alfred Whitehead

Ang pagtatapos at tagumpay ng aking pananaliksik ay hindi mangyayari kung wala ang

mga taong sumuporta, tumulong, at walang sawang naniwala sa aking kakayahan. Ang pahinang

ito ay inaalay ko sa kanila. Batid kong hindi ito sapat ngunit sana ay sa pamamagitan nito ay

maramdaman ninyo ang aking lubos na kasiyahan at pasasalamat.

Unang una, pinasasalamatan ko ang apat na kahanga-hangang Pilipinang OFW na

aking nakapanayam para sa pananaliksik. Hindi po ninyo alam kung gaano kalaking tulong ang

naibigay ninyo sa akin nang ako ay paunlakan ninyong kapanayamin kayo. Kayo at ang inyong

katatagan ang naging inspirasyon ko sa pagpapatuloy ng aking pananaliksik. Hanga ako sa

inyong tapang at lakas sa kabila ng mga pagsubok na inyong naranasan bunga na rin ng

pangingibang-bansa. Umaasa akong magkikita tayo balang araw at hangad ko po ang inyong

kaginhawaan at kaligayahan sa buhay. Mabuhay ang mga kababaihang OFW!

Lubos din ang aking pasasalamat sa mga taong tumulong sa akin upang makahanap

ng mga katugon para sa aking pananaliksik. Kay Ka Garry ng Migrante International na

tumugon sa aking hiling na makahanap ng mga OFW na pwedeng kapanayamin, maraming

salamat po sa inyong pagtulong at saludo po ako sa inyo at sa Migrante International. Kay Sir

Raymund ng Overseas Workers Welfare Administration na malugod akong tinulungang

makahanap ng mga katugon at sa walang sawang pag-sagot sa aking mga mensahe para lamang

matulungan ako, maraming salamat din po. Kela Ma’am Rina at Ma’am Ellen na naging

napakabuti rin sa pagtulong sa akin at pagrerekomenda ng mga katugon at pagsama pa sa akin sa

kanilang mga bahay, maraming maraming salamat po. Saludo po ako sa inyong lahat!

Sa aking mga kaibigan na naging kasama ko sa pagtahak ng landas na ito, alam ninyo

kung gaano tayo muntik nang mabaliw dahil sa pag-intindi sa mga dapat gawin. Sa mga oras na

pinag-uusapan natin ang mga nalalabing requirements at tila ba gulong gulo na sa mga dapat

gawin, sa mga oras na halos maloka na tayo sa papalapit na deadlines, sa mga oras na

nagtatanungan tayo dahil sa sobrang kalituhan, maraming salamat sa mga oras na iyon. Ang mga

Page 4: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 4

oras na iyon ang ilan sa mga oras na pareho akong nabaliw at nabuhayan rin naman. Sa

PAMILYA, naaalala ko ang mga panahon noon na akala natin ay napakalayo pa ng 4th year

kung kailan gagawa na tayo ng thesis, ang bilis talaga ng panahon. Sa EXTENDED FAMILY,

sa mga #nkklk nights natin na nagpabuhay sa dugo ko dahil sa sobrang katuwaan. Sa mga

masasaya at sobrang nakakatawang sandali na kapiling ko kayo, maraming salamat dahil

malaking tulong ang mga iyon para hindi ako tuluyang mawala sa katinuan dahil sa stress.

Ispesyal na pasasalamat sa aking kaibigang si Yuri na nagsilbing thesis respondent hunting

buddy ko, napagtagumpayan rin natin! Congrats sa atin!

Sa aking thesis adviser na si Ma’am Claire Berja na naging malaking tulong sa kurso ng

paggawa ko ng aking pananaliksik, maraming salamat po Ma’am. Alam kong may mga panahon

po na nag-alala kayo dahil parang hindi kami nababahala sa paggawa ng thesis at seminar paper,

pero alam ko pong katulad ko ay kunwari lang din pong di nabahala ang mga kaklase ko.

Hahaha! Maraming salamat po sa pag-gabay at paniniwala sa akin, isa po kayo sa mga dahilan

ng tagumpay ko sa pagtapos ng aking pananaliksik. Sana po ay natuwa kayo sa kinalabasan ng

aking pananaliksik. Hehehe.

Sa aking pamilya lalo na sa aking mga magulang, maraming salamat sa pag-intindi sa

mga oras na ako ay parang masyadong mainitin ang ulo dahil sa stress. Maraming salamat sa

aking tatay na walang sawang nagbigay sa akin ng baon para sa lahat ng gastusin sa thesis. Alam

kong magastos pero heto at napagtagumpayan ko na. Maraming salamat din sa aking nanay na

hindi kinewestyon ang wirdong sleeping schedule ko kapag walang pasok, gising ng gabi

hanggang umaga, tulog ng umaga hanggang hapon. Bunga talaga iyan ng stress dahil sa school,

lalo na sa thesis. Hahaha! Ang thesis na ito ay simbolo ng pagtatagumpay ko sa pagtapos ng

aking pag-aaral, alam kong matagal ninyong pinagpaguran at pinaghirapan ang pagpapatapos sa

aming lahat, alay ko sa inyo ang thesis kong ito.

Higit sa lahat, pinasasalamatan ko ang Panginoon na alam kong tinulungan akong

tumayo ako sa mga oras na ako’y tila nawawalan na ng pag-asang magpatuloy dahil na rin sa

pagkapagod. Alam kong hindi ako isang ehemplong estudyante at mabuting anak Ninyo, ngunit

salamat po sa patuloy na pagmamahal sa akin. To God be the glory!

Page 5: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 5

Abstract

Ang pangingibang-bansa ng mga kababaihang OFW ay isang mahalagang isyu na dapat

binibigyan ng sapat na halaga sa ating bansa. May mga pag-aaral na nagsasabing ang

pangingibang-bansa raw ng mga kababaihan ay nagbibigay sa kanila ng pagsasakapangyarihan.

Sa pag-aaral na ito, pagu-ugnayin ng mananaliksik ang pangingibang-bansa ng mga kababaihang

OFW sa kanilang pagsasakapangyarihan sa loob ng pamilya sa aspeto ng pagtanggap ng

kanilang pamilya sa kanilang pangingibang-bansa, pagkakaroon ng paglawak ng tungkulin, at

pagkakamit o pagtaas ng antas ng pansariling kalayaan at kumpiyansa. Pangunahing layunin ng

mananaliksik na tignan ang pagkakaiba-iba ng karanasan ng bawat kababaihan batay na rin sa

kundisyong kanilang pinagmulan. Ang mananaliksik ay nagsawa ng apat na in-depth interviews

sa iba’t ibang Pilipinang Overseas Filipino Workers na may magkaka-ibang uri ng relasyon sa

kanilang mga asawa (o tatay ng mga anak). Pinag-aralan ang mga karanasan ng mga kababaihan

bago sila mangibang-bansa at nang makabalik na sila sa Pilipinas sa konteksto ng kanilang

relasyon at kaayusan sa loob ng pamilya. Sa pananaliksik, natuklasan na mayroong pagkakaiba

at maging pagkakapareho ang mga kababaihang OFW sa pamamagitan ng pag-analisa sa

kanilang karanasan at pagpapakahulugan patungkol sa mga pagbabagong idinulot ng kanilang

pangingibang-bansa. Napatunayan sa pananaliksik na hindi parating magkakapareho ang dulot

na epekto ng pangingibang-bansa sa pagsasakapangyarihan ng mga ina ng tahanan. Ang pag-

aaral ay tinatanaw bilang isang pag-aambag sa kaalaman ukol sa mga pagbabagong hatid ng

pangingibang-bansa ng mga kababaihan lalo na sa loob ng kanilang tahanan at pamilya kung

saan nakakonteksto ang pananaliksik.

Page 6: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 6

Panimula

Tunay na malaki ang papel ng kasarian ng isang tao sa kaniyang pamumuhay sapagkat ito

ay may kakayahang magtiyak kung ano ang mga tungkulin at responsibilidad na inaasahang

kanyang gagampanan sa lipunan at sa kaniyang pamilya. Ang Kanluraning ideya na ang lalaki

ang nagtatrabaho habang ang babae naman ang nag-aalaga sa mga anak ay nakakaimpluwensiya

sa tradisyunal na kaayusan ng tungkulin sa loob ng isang tahanang Pilipino. Ngunit katulad ng

ibang panlipunang kasanayan, ito ay nagsimulang magbago nang magkaroon ng pagkakataon

ang mga kababaihan na mangibang-bansa upang doon ay magtrabaho at kumita ng pera para

maipadala sa kanilang pamilya. Ang pangingibang-bansa nilang ito ay naghudyat ng isang

pagbasag sa kinasanayang kaayusan na ang babae ay dapat lamang nananatili sa loob ng tahanan.

Nagkaroon rin ng pagkilala na ang pangingibang-bansa ng mga kababaihan ay nagdudulot ng

pagkakaroon nila ng mas mataas na antas ng kapangyarihan sa loob ng pamilya at maging

kalayaan para sa kanilang mga sarili.

Ang pangingibang-bansa ng mga Pilipina ay isang maganda at angkop na kaso sa

masusing pag-aaral ng mga epektong dulot ng pangingibang-bansa sa buhay ng mga kababaihan.

Ito ay sa kadahilanang ang Pilipinas ay itinuturing na nangungunang bansa sa Asya pagdating sa

pagpapadala ng mga manggagawa sa iba’t ibang parte ng mundo—karamihan sa mga

manggagawang pinapadala ay mga kababaihan. Sa katunayan, magmula noong 1990s ay patuloy

lamang ang pagtaas ng bilang ng mga kababaihang umaalis ng bansa upang magtrabaho. Ang

kaganapang ito ay nagbigay katwiran sa gobyerno ng Pilipinas upang maglunsad ng mga

programa upang lalo pang isulong ang pangingibang-bansa ng mga Pilipina. Dito pa lamang ay

Page 7: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 7

makikita na kung gaano kahalagang elemento ang pangingibang-bansa ng mga Pilipina sa

pagpapalalim ng kaalaman ukol sa female out-migration.

Sa kabila nito, hindi parating mapayapa ang proseso ng pagbasag sa tradisyunal na

kaayusan na kinagisnan na sa lipunan. Hindi sa lahat ng pagkakataon nagkakaroon ang isang

babae ng mas mataas na antas ng kapangyarihan at kalayaan sa oras na siya ay makapangibang-

bansa. Ang karanasan ng mga babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) ay magkakaiba ayon

na rin sa kontekstong isasaalang-alang sa pagtanaw rito. Maaaring ang pagsasakapangyarihan at

dagdag na kalayaan para sa ibang babaeng OFW ay isa pa lang uri ng kapinsalaan at kasiraan ng

pamilya para sa iba. Samakatuwid, hindi tama na ikahon lamang sa iisang konteksto ang mga

epektong hatid ng pangingibang-bansa para sa mga kababaihan.

Mga Katanungan sa Pananaliksik

Pangkalahatang Katanungan:

Ang pangingibang-bansa upang magtrabaho ba ng mga kababaihan ay nakakaapekto sa kanilang

pagsasakapangyarihan sa loob ng pamilya?

Mga Partikular na Katanungan:

1. Ano ang nagtulak sa kanila upang magdesisyong lumabas ng bansa para magtrabaho?

a. Ang kanila bang paglabas ng bansa ay kanilang sariling desisyon?

b. Nagkaroon ba ng papel ang kanilang pamilya (asawa, tatay, nanay, mga kapatid,

atbp.) sa kanilang desisyon na lumabas ng bansa upang magtrabaho?

2. Ano ang kaayusan ng mga tungkulin sa kanilang pamilya bago sila mangibang-bansa?

Ano naman ang naging kaayusan matapos silang mangibang-bansa?

Page 8: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 8

3. Naghatid ba ng pagbabago sa kanilang katayuan at relasyon sa pamilya ang paglabas nila

ng bansa upang magtrabaho at kumita ng pera?

a. Anu-ano ang mga positibong pagbabagong inihatid nito?

b. Anu-ano ang mga negatibong pagbabagong inihatid nito?

c. Sino ang sinisisi sa mga negatibong pagbabago? Bakit sila?

4. Paano binibigyang kahulugan ng mga kababaihan ang mga pagbabagong idinulot ng

kanilang pangingibang-bansa?

a. Ano ang mas pipiliin nilang karanasan, ang bago mangibang-bansa o ang

pagkatapos mangibang-bansa?

b. Tinatanaw ba nila bilang isang porma ng pagsasakapangyarihan para sa

kababaihan ang pangingibang-bansa batay sa kanilang naging karanasan?

Pagsusuri sa Mga Kaugnay na Literatura

Papel at Kahalagahan ng Kasarian sa Pag-aaral ng Pandarayuhan

Ang kasarian ay itinuturing na isa sa mga malalakas na pwersang nagtutulak sa mga tao

sa paggawa ng kanilang mga desisyon sa buhay. Mas magiging madali ang pag-intindi sa usapin

ng pangingibang-bansa kung ang pangkasariang aspeto ay isasaalang-alang. Ayon sa artikulong

isinulat nila Mahler at Pessar (2006), ang kasarian ay hindi lamang ang pagkakaiba ng mga

kababaihan at kalalakihan batay sa biological na aspeto. Ang kasarian raw ay isang salik na

nago-organisa ng pamumuhay ng mga tao sa lipunang kanilang ginagalawan. Samakatuwid, ito

ay isang proseso at hindi lamang isang kaayusan. Dagdag pa nila Mahler at Pessar (2006),

mahalaga raw ang kasarian sa pag-aaral ng pandarayuhan. Ito ay may malaking ambag sa pag-

unawa kung bakit at paano nagdedesisyon ang mga tao upang mandayuhan at kung anu-ano ang

Page 9: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 9

mga trabahong pinapasok nila sa kanilang pakikipagsapalaran. Karamihan sa mga etnograpong

nagsaliksik sa pandarayuhan ay nagsabing ito raw ay isang socio-cultural na proseso kung saan

ang kasarian at ang kaisipan ng mga kamag-anak at institusyon, maging ang mismong lipunan,

ay may malaking papel (Pessar, 1986; Ui, 1991; Eastmond, 1993; Kibria, 1993; Hirsch, 1999;

Matsuoka at Sorenson, 1999; Gamburd, 2000, na binanggit kay Mahler at Pessar, 2006). Dito

mauunawaan na maging ang mga dalubhasa sa pag-aaral ng kasarian at pandarayuhan ay

nagsasabing malaki ang impluwensya ng kasarian ng isang tao sa kaniyang desisyon na

magtungo sa ibang bansa upang magtrabaho.

Pagbabago sa Tradisyunal na Tungkulin Batay sa Kasarian

Tunay ngang malaki ang ambag ng kasarian sa pamumuhay ng mga tao sapagkat ito ay

may kapangyarihang magtiyak kung ano ang nararapat at hindi nararapat na gawin ng isang tao

batay sa kanyang kasarian. Ayon sa pag-aaral nila Battistella at Paganoni (na binanggit kay

Kohut, 2007), karamihan sa mga trabahong mayroon para sa mga migrante noon ay may karakter

ng pagiging mabigat at mahirap kung kaya’t ang mga ito ay inilaan lamang sa mga kalalakihan.

Dahil ang tradisyunal na tungkulin at responsibilidad ng mga kalalakihan sa loob ng isang

pamilya ay ang magbigay ng pinansyal na suporta, kanila itong natutugunan sa pamamagitan ng

pangingibang-bansa. Habang ang mga kababaihan naman ay naiiwan upang mag-alaga ng

pamilya bilang pagtalima sa kanilang nakatakdang tungkulin batay na rin sa kanilang kasarian.

Bagamat maituturing itong Kanluranin, ang kaayusang ito ay litaw na litaw rin sa kultura ng mga

Pilipino (Kohut, 2007).

Page 10: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 10

Ngunit kasabay ng pagbabago sa mundo ay ang pagbabago ng ilan sa mga kaayusang

kinagisnan na sa ating lipunan. Isa sa mga kaayusang nagsimulang magbago sa pagdaan ng

panahon ay ang tradisyunal na pagtingin na ang mga kababaihan ay nararapat lamang manatili sa

loob ng bahay upang mag-alaga ng mga anak habang ang kanilang mga asawa ay nagtatrabaho at

nakikilahok sa mga pampublikong aktibidad. Ang pagdating ng tinatawag ng karamihan sa mga

eksperto bilang “age of migration” ay naglunsad ng ilang pagbabagong nakatuon sa papel ng

mga kababaihan bilang mga independent migrants. Ayon sa artikulong ginawa ng Caritas

Internationalis (2012), ang pagdami ng mga kababaihang nangingibang bansa upang magtrabaho

ay nagresulta sa pagkakaroon ng interes ng mga eksperto sa ilang mga aspeto tulad ng

mahalagang papel ng mga kababaihan bilang remittance senders at ang pagbabago sa papel ng

mga kababaihan sa loob ng kanilang pamilya at maging sa komunidad. Dahil hindi na lamang

pambahay ang responsibilidad na inaasahan sa kanila, maraming mananaliksik ang nagsimulang

pag-aralan ang pag-iiba sa tungkulin ng mga kababaihan sa loob ng tahanan. Dagdag pa, sa oras

na lumahok ang mga kababaihan sa merkado ng paggawa, sila ay kumikita ng pera at

nakakapagpadala na rin sa kanilang mga pamilya kung kaya’t sila ay sinasabing nagtatamo ng

pagsasakapangyarihan. Ang kaganapang ito ang simula ng pagbabago sa kaayusan sa loob ng

kanilang mga pamilya (Lopez-Ekra, Aghazarm, Kötter at Mollard, 2011).

Pandarayuhan ng mga Pilipina

Ang mga nagdaang dekada ay saksi sa pagdami ng mga kababaihang nangingibang-bansa

upang magtrabaho at tumayo bilang breadwinners sa kanilang pamilya. Maraming mga pag-aaral

tungkol sa female out-migration ang nagsasabi na ang Pilipinas raw ay isang maganda at angkop

na case study sa kaganapang ito (Alcid, 2012; Carling, 2005; Caritas Internationalis, 2012;

Page 11: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 11

Engle, 2004; Jolly & Reeves, 2005; Omelaniuk, 2012). Batay sa istatistikang ginamit nila Jolly at

Reeves (2005), ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa Asya pagdating sa pagpapadala ng mga

manggagawa sa mundo, at karamihan sa mga manggagawang pinapadala ay mga kababaihan.

Ayon pa sa kanila, ang Pilipinas ay nangunguna sa kadahilanang ang mga migranteng nagmula

sa Pilipinas ay binubuo hindi lamang ng mga low-skilled workers kundi pati na rin ng mga

professional at specialized workers. Sa datos na inilabas ng International Organization for

Migration (na binanggit kay Omelaniuk, 2012), noong 1990s nagkaroon ng mahigit isang

milyong Pilipinang nagtatrabaho sa ibang bansa at magmula noon hanggang sa kasalukuyan, ang

bilang na ito ay patuloy na tumataas. Dagdag pa sa pananaliksik na isinagawa ni Kohut (2007),

ang Pilipinas ay isang interesanteng halimbawa sa pagpapalit anyo ng panlabas na migrasyon—

mula sa panlalaking anyo patungo sa pambabaeng anyo.

Ang katotohanang ito ang nagbigay katwiran sa gobyerno ng Pilipinas na maglunsad ng

mga programa upang lalo pang paigtingin at isulong ang pandarayuhan ng mga Pilipino. Ayon

pa nga sa ilang mga iskolar, ang Pilipinas raw ay isa sa mga bansa sa Asya na naglayong gawing

pormal ang proseso ng pagpapadala ng mga kababaihang manggagawa at patuloy na suportahan

ito (Engle, 2004). Batay sa pag-aaral ni Alcid (2012), karamihan sa mga ineeksport ng Pilipinas

na manggagawa ay napupunta sa service sector, partikular sa domestic work at related household

work. Dagdag pa niya, noong 1999, ang mga Pilipina ay kumatawan sa 64% ng mga new hires at

makalipas lamang ang limang taon, umakyat ito sa 74.3%. Kadalasan ang mga trabahong

kanilang ginagawa ay kabilang sa mga may pinakamababang sahod sa mga destinasyong bansa,

hindi nabibigyan ng sapat na halaga, at walang nakukuhang proteksyon mula sa batas. Sa

kabuuan, 44% ng mga Pilipina ay naninilbihan bilang domestic workers, at caregivers o

Page 12: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 12

caretakers (Alcid, 2012). Sa mga datos na ito makikita na ang mga Pilipinang OFW ay

mahalagang elemento sa pagpapalalim ng kaalaman ukol sa worldwide female out-migration.

Pangingibang bansa at Pagsasakapangyarihan ng mga Kababaihan

Isang magandang pagsasalarawan sa pagsasakapangyarihan na idinudulot ng

pangingibang-bansa sa mga kababaihan ay ang ulat na ginawa ng Harvard University (na

binanggit kay Chammartin, 2008). Sa ulat na ito binanggit na matapos mangibang-bansa at

magtrabaho ng isang babae, ang pagdedesisyon sa loob ng kaniyang pamilya ay nagiging

pandalawahang aktibidad na. Hindi na lamang ang lalaki ang pangunahing nagdedesisyon, ang

boses ng kababaihan ay binibigyang respeto na rin sa loob ng pamilya. Isa pang natatanging

pagsasalarawan ay ang pahayag ng isang babaeng migrante sa Roma mula sa pag-aaral na

ginawa ng United Nations International Research and Training Institute for the Advancement of

Women (2008) kung saan sinabi niya na nagkaroon ng mas mataas na respeto sa kanya ang mga

miyembro ng kaniyang pamilya magmula nang siya ay nagsimulang magtrabaho at magpadala

ng pera lalo na sa mga oras na sila ay nangangailangan ng lubos. Ang mga nabanggit ay ang mga

positibong naidulot ng pandarayuhan sa katayuan ng mga kababaihan sa loob ng kanilang mga

pamilya.

Gayon pa man, may ilang mga pag-aaral na nagsasabing hindi sa lahat ng pagkakataon

nagtatamo ng pagsasakapangyarihan ang mga babae matapos silang mangibang-bansa upang

magtrabaho. Ayon nga kay Devasahayam (2008), may mga kababaihang nakakaramdam na hindi

nila nagagampanan ng tama ang kanilang pagiging ina sa kanilang mga anak sapagkat malayo

sila sa piling ng mga ito. Dahil dito nararamdaman nila na ang pangingibang-bansa ay ang

Page 13: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 13

dahilan kung bakit lumalayo ang loob ng kanilang mga anak. Kung minsan pa nga ay ikinasisira

ito ng kanilang pamilya, na nagbubunga sa lalong pagkawala ng respeto sa kanila ng mga

miyembro ng kanilang pamilya. Bukod pa rito, ang pangingibang-bansa ay maaring magpalala o

magpababa sa katayuan ng mga kababaihan sa loob ng kanilang mga pamilya (Carling, 2005).

Ayon nga kay Brochmann (na binanggit kay Carling, 2005) ang epekto ng pangingibang-bansa

sa katayuan ng mga kababaihan ay maaaring magbago sa pagtagal ng panahon. Sa madaling

salita, hindi pangmatagalan ang kapangyarihan na dulot ng pangingibang-bansa. Ang bawat

babae ay may iba’t ibang karanasan at ang pagsasakapangyarihan sa iba ay maaring isa pa lang

porma ng kapinsalaan para sa iba.

Pagpapakahulugan ng mga Kababaihan sa Pagbabago ng Kaayusan ng Tungkulin sa Loob

ng Pamilya

Mahalaga ang pagsasaalang-alang sa pagpapakahulugan na ibinibigay ng mga

kababaihan ukol sa pagbabago ng kaayusan sa loob ng pamilya sapagkat sila ang mga

pangunahing apektado sa nasabing kaayusan. May ilang mga pananaliksik ang naglakip ng mga

opinyon ng mga babae sa pagbabagong nararanasan nila sa tahanan nang magsimula silang

lumabas ng bansa upang magtrabaho. Isa na rito ay ang pag-aaral nila Lopez-Ekra, Aghazarm,

Kötter at Mollard (2011) tungkol sa epekto ng remittances sa tungkulin sa loob ng pamilya.

Ayon sa kanila, ang ibang mga kababaihan ay tinitignan ang pagbabago ng kaayusan bilang

isang kabawasan sa kanilang impluwensiya sa loob ng tahanan sapagkat sa kanilang

pangingibang-bansa, sila ay nalalayo sa kanilang mga tahanan kung saan nila dapat ginagamit

ang impluwensiyang ito. Dagdag pa rito, ang pagbabago ng ayos ng tungkulin sa loob ng tahanan

ay hindi siguradong mapapanatili at kadalasan pa nga ito ay nawawala sa oras na magbalik ang

Page 14: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 14

mga kababaihan sa kanilang mga pamilya. Kung minsan pa nga ay nagkakaroon ng pagkasira ng

pamilya at paglayo ng loob ng mga anak sa oras na bumalik na ang ina ng tahanan. Ayon rin sa

parehong pag-aaral, hindi palaging nangyayari ang pagpapalit ng tungkulin ng mga ina at ama ng

tahanan. Mas madalas ay hindi pa rin ang mga kalalakihan ang tumatayong taga-pangalaga ng

mga anak at taga-pagpanatili ng tahanan. Dahil pa rin sa patriyarkal na tradisyong umiiral,

ipinapasa lamang sa ibang mga kababaihan ang naiwang tungkulin ng nangibang-bansang ina.

Dito papasok ang papel ng extended family sa pag-aalaga ng mga naiwang anak ng mga

kababaihang lumisan upang magtrabaho (Kohut, 2007).

Balangkas ng Pag-aanalisa

Konteksto ng Pagsasakapangyarihan

Ang pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan ay isang mahalagang paksa na madalas

lamanin ng iba’t ibang mga pag-aaral ukol sa pag-unlad. May iba’t ibang mga pakahulugan ang

mga dalubhasa sa kung ano ang tunay na ibig sabihin ng pagsasakapangyarihan. Madalas ay

kanila itong ipinapaloob sa ideya na ang mga tao ay may kakayahang gumawa ng sarili nilang

mga desisyon lalo na’t patungkol sa mga bagay na mahalaga sa kanilang sariling buhay pati na

rin ng kanilang mga pamilya. Ang pagsasakapangyarihan rin ay tinitignan bilang isang proseso

sa halip na isang resulta. Sa madaling salita, hindi basta basta lamang natatamasa ang

pagsasakapangyarihan at may posibilidad rin na ito ay huminto sa isang antas batay na rin sa

karanasan ng taong sinasabing nakakaranas ng nasabing pagsasakapangyarihan (Mosedale,

2005). Ayon pa nga kay Stromquist (na binanggit kay Mosedale, 2005), ang

pagsasakapangyarihan raw ay dapat tanawin bilang isang multi-dimensyunal na konseptong may

pang-kamalayan, pang-kaisipan, pang-kultura, pang-ekonomiko, at pang-pulitika na mga angulo.

Page 15: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 15

Dagdag pa, ang pag-aaral sa pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan ay nangangailangan ng

isang pag-aanalisa sa gender relations kung saan nakaka-apekto ang paraan kung paano binubuo

at napapanatili ang kapangyarihan sa pagitan ng mga kasarian (Mosedale, 2005).

Tradisyunal na Tungkulin Batay sa Kasarian

Ang kasarian ay isang salik na bumubuo sa balangkas ng hindi pagkakapantay-pantay sa

ating lipunan na umiiral maging sa loob ng tahanan. Ang hindi pagkakapantay-pantay na ito ay

nagdudulot sa isang kaayusan kung saan ang mga lalaki ay mas pinapaboran kaysa sa mga babae.

At isa sa mga porma ng ganitong uri ng kaayusan ay ang hindi pantay na distribusyon ng

kapangyarihan at tungkulin sa loob ng tahanan (Garcia-Dungo, 1995).

Ang isang tradisyon na katulad nito ay nakakaapekto sa kaayusan ng kapangyarihan sa

loob ng isang tahanan at kadalasang ang kaayusang ito ay hindi pabor sa mga kababaihan. Ang

kasaysayan ng Pilipinas matapos itong masakop ng mga dayuhan ay saksi sa kung paano pinairal

at pinalakas ng kolonyalismo at kapitalismo ang hindi pagkakapantay sa pagitan ng mga

kasarian. Magmula ng dumating ang mga Espanyol sa ating bansa, nagkaroon ng dibisyon sa

trabaho kung saan ang mga kababaihan ay inatasang manatili sa kanilang mga tahanan habang

ang mga kalalakihan naman ay nagtatrabaho at nakikilahok sa mga panlabas na gawain (Garcia-

Dungo, 1995). Kaugnay nito, ang kolektibong kamalayan ng mga miyembro ng pamilya ay may

kapangyarihan ring lumikha ng isang kaayusang mamamayani sa loob ng tahanan (Allan, 2011).

Ang tradisyunal na kaayusan na umiiral sa loob ng tahanan ay isang mahalagang elemento sa

proseso ng paggawa ng desisyon na mangibang-bansa. Ang kasarian ay kadalasang may

malaking papel sa pagdedesisyon kung sino ang mangingibang-bansa sa isang pamilya. Sa

Page 16: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 16

maraming mga pagkakataon, ang mga kalalakihan ay gumagawa ng sarili nilang desisyon na

mangibang-bansa habang ang mga kababaihan naman ay nangingibang-bansa bilang parte ng

desisyon ng mga miyembro ng pamilya (Boyd, 1989; Hugo, 1995, na binanggit kay Carling,

2005).

Pagsasakapangyarihan at Kalayaang Dulot ng Pangingibang-bansa

Ang tradisyunal na kaayusan ay nagsimulang magbago nang magkaroon ng pagkakataon

ang mga ina ng tahanan na lumabas at maghanap ng trabaho sa ibayong karagatan upang

makapag-ambag o kung minsan pa nga ay maging breadwinner ng pamilya. Maaaring kasabay

ng pagbabagong ito ay ang pagbabago rin ng sistema ng kapangyarihan sa loob ng tahanan.

Dahil ang mga ina ay hindi na lamang nag-aalaga ng kanilang mga anak at kumikita na rin ng

pera para sa kanilang pamilya, ang lumang sistema ay unti-unting nagbago. Ang pagbabagong

ito ay kadalasang tinitignan bilang isang mahalagang salik sa pagsasakapangyarihan ng mga

kababaihan. Ayon sa United Nations Fund for Population Activities, ang pagsasakapangyarihan

ng mga kababaihan ay nagsisimula sa pagkilala na mayroong umiiral na power imbalance at sa

paggawa ng hakbang upang iwasto ito. Dagdag pa ng UNFPA, nararapat ring bigyan ng mas

mataas na kalayaan ang mga kababaihan sa pamamahala ng kanilang mga buhay. Ang mga

tungkulin na ginagampanan ng babae at lalaki sa ating lipunan ay socially determined lamang,

kung kaya’t ito ay maaring magbago at lalong maaari pang baguhin.

Ang papel ng mga kababaihan bilang remittance senders at ang pagbabago ng kanilang

katayuan sa loob ng pamilya ay mga bagay na ibinunga ng pagdami sa bilang ng mga

kababaihang nangingibang-bansa para magtrabaho. Katulad ng nabanggit ng Caritas

Page 17: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 17

Internationalis (2012) at nila Jolly at Reeves (2005) sa kanilang mga pag-aaral, ang

pangingibang-bansa raw ng mga kababaihan ay may malaking kontribusyon sa

pagsasakapangyarihan nila sapagkat ito ay nagbibigay sa kanila ng pampinansiyal na

kapangyarihan, kalayaan sa pagdedesisyon sa loob ng tahanan, at ng mas mataas na kumpiyansa

sa kanilang mga sarili. Hindi katulad noong sila ay nasa loob lamang ng tahanan at nagaalaga ng

kanilang mga anak, ang kanilang katayuan sa loob ng pamilya ay nagkaroon ng mas malalim na

kahalagahan magmula nang sila ay makapagtrabaho sa ibang bansa. Dagdag pa ng nasabing mga

pag-aaral, ang pagkakaroon ng oportunidad ng mga kababaihan na lumabas ng tahanan at

lumahok sa mga pampublikong aktibidad ay nagmulat ng kanilang mga mata sa mga bagong

ideya at kaayusan na noon ay hindi nila nakikita. Sa pagpapalalim pa ni Martin (2007), ang

pangingibang-bansa ay itinuturing na isang karanasang nagbibigay kapangyarihan sa mga

kababaihan. Ito ay dahil sa proseso raw ng pandarayuhan lumalayo ang mga kababaihan mula sa

tradisyunal at patriyarkal na kundisyon papunta sa mga karanasang nagbibigay sa kanila ng

kalayaan na magdesisyon para sa kanilang mga sarili.

Ngunit ang pagbabago sa tradisyunal na kaayusan ay maaring magkaroon ng parehong

positibo at negatibong mga epekto batay na rin sa kung anong klaseng social condition mayroon

ang mga kababaihan at ang kanilang mga pamilya. Kung kaya’t hindi sapat ang mga nasabing

pag-aaral upang mas lalong mapalalim ang pang-unawa sa pagsasakapangyarihan na ibinibigay

diumano ng pangingibang-bansa sa mga kababaihan. May kaniya-kaniyang karanasan at

kalagayan ang bawat babaeng nagtutungo sa ibang bansa upang magtrabaho (Devasahayam,

2008). Sa pagtanaw na ito maiintindihan na hindi sa lahat ng pagkakataon itinuturing ng isang

babae bilang pagsasakapangyarihan ang pagkakamit ng pagkakataon na magtrabaho sa ibang

Page 18: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 18

bansa. Bukod dito, hindi rin sa lahat ng pagkakataon nagiging mapayapa ang proseso ng paglayo

mula sa patriyarkal na kalagayan patungo sa isang kalagayan kung saan mayroon ng kakayahan

ang mga kababaihan na mag-ambag sa rekurso ng pamilya. Maaari rin itong magdulot ng

pagbabago sa relasyon ng mga kababaihan sa mga miyembro ng kanilang mga pamilya, lalo na

ang kanilang mga asawa at mga anak (Devasahayam, 2008).

Sa pag-aaral ng pagbabago sa kaayusan ng kapangyarihan sa loob ng tahanan, mahalaga

ang pagsasaalang-alang sa kamalayan ng mga kababaihan maging ng mga miyembro ng kanilang

pamilya gaya ng asawa at mga anak. Ayon sa teorya ni Karl Marx tungkol sa kamalayan,

sinasabi niya na ang kamalayan ng isang tao ay natitiyak ng mga materyal na kundisyon. Dagdag

pa, hindi ang kamalayan ng isang tao ang nagtitiyak sa kanyang katayuan sa lipunan, kundi ang

kanyang katayuan sa lipunan ang nagtitiyak sa kanyang kamalayan (Marx, 1977). Ang

pagbabago ng patriyarkal na kamalayan patungo sa isang mulat na kamalayan kung saan

kinikilala na ang mga kababaihan ay nararapat magkaroon ng sapat na kapangyarihan sa tahanan

ay kadalasan nagiging posible sa oras na magbago ang kundisyong pang-ekonomiko ng pamilya.

At nagiging posible ito sa pamamagitan ng panlabas na pandarayuhang paggawa. Magmula nang

mag-umpisang mangibang-bansa ang mga kababaihan upang magtrabaho at hindi lamang upang

sundan ang kanilang mga asawa, nagkaroon sila ng pagkakataon na mag-ambag sa badyet ng

pamilya na nagmulat sa kanila na hindi lamang taga-pangalaga ang maaaring maging tungkulin

nila sa pamilya (Caritas Internationalis, 2012; Kohut, 2007).

Ang mga kababaihan ay may iba’t ibang karanasan na nakadepende sa kanilang katayuan

sa lipunan at maging sa loob ng tahanan. Ang mga pangyayaring inaakala na magreresulta sa

Page 19: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 19

pagsasakapangyarihan ay maaring hindi maituturing na gayon sa ibang konteksto at dimensyon.

Samakatuwid, kinakailangan na isaalang-alang ang konteksto bago ito tignan bilang isang porma

ng pagsasakapangyarihan. Ang konteksto ay mahalaga sa pag-tuklas kung sa anong lawak

titignan ang pagsasakapangyarihan ng kababaihan sa loob ng tahanan (Malhorta, Schuler, at

Boender, 2002).

Sa pag-aaral na isinagawa, naging malaki ang ambag ng dalawang batayang teorya na

ginamit ng mananaliksik sa pag-aaral: ang critical social sciences, at ang standpoint feminism ni

Dorothy Smith. Naging angkop ang critical social sciences sapagkat tinatanaw nito na ang

panlipunang reyalidad ay maaaring magbago at kaakibat ng pagbabagong ito ay ang mga tensyon

na dulot na rin ng kontradiksyon sa pagitan ng social relations. Dagdag pa, pinaniniwalaan din

ng nasabing teorya na ang mga pagbabago ay hindi parating pantay-pantay (Neuman, 2006).

Maiiugnay ito sa pagtingin na ang mga pagbabagong dulot ng pangingibang-bansa ay hindi pare-

pareho sa lahat ng kababaihang OFW. Ang standpoint feminism naman ay itinuturing na angkop

sapagkat tinitignan nito ang ugnayan sa pagitan ng kasarian at ng karanasan. Ang layunin ng

teoryang ito ay ang alamin kung ano ang katayuan ng kasarian at ang epekto ng katayuang ito sa

mga tunay na karanasan (Edles & Appelrouth, 2010).

Pamamaraan ng Pananaliksik

Disenyo ng Pananaliksik

Ang napiling disenyo para sa pananaliksik ay ang historical-comparative method. Ito ang

napiling disenyo dahil sa layunin ng mananaliksik na pag-aralan ang pag-usbong ng mga bagong

social relations na dulot ng mga pagbabago sa kaayusan. Itinuring ng mananaliksik na malaking

Page 20: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 20

salik ang pag-analisa sa nakaraang kaayusan sa lipunan at ang pag-uugnay nito sa kasalukuyang

kaayusan. Ang disenyo ay ginamit upang mabigyan ng historikal na pagpapalinaw ang mga

kaayusang umiiral sa kasalukuyan (Mahoney at Rueschemeyer, 2003). Ayon kela Skocpol at

Somers (1980), ang mga sumusunod ay ang tatlong paraan ng paggamit sa historical-

comparative method: macro-causal analysis, parallel demonstration of theory at ang contrast of

contexts. Sa pag-aaral, ang ginamit ng mananaliksik mula sa tatlo ay ang contrast of contexts.

Ang layunin ng ganitong pamamaraan ay ilabas ang mga indibidwal na katangian ng bawat kaso

at huwag itong ikahon lamang sa iisang konteksto. Ipapakita nito kung paanong ang mga

indibidwal na katangian ay nakakaapekto sa pag-usbong ng isang sosyal na proseso (Skocpol at

Somers, 1980). Ang mananaliksik ay gumamit ng iba’t ibang kaso ng mga kababaihang OFW

upang maipakita kung paano nakakaapekto ang konteksto sa pagkakaiba-iba ng antas at porma

ng pagsasakapangyarihan na nararanasan sa loob ng pamilya.

Kaakibat ng historical-comparative method, ay mananaliksik ay gumamit rin ng

disenyong case study. Para sa mananaliksik, ang paggamit ng case study ng mga kababaihang

nagtrabaho sa ibang bansa ay epektibo upang bigyang lalim at linaw ang mga katanungang nais

masagot sa pag-aaral. Bukod pa rito, sa pag-aaral lamang ng kalagayan at kamalayan ng mga

pangunahing apektado mas lalong magkakaroon ng lalim ang pag-intindi sa mga pagbabagong

hatid ng pangingibang-bansa sa buhay ng mga Pilipinang OFW. Ang case study ay nagbigay ng

pagkakataon sa mananaliksik upang siyasiyatin ang mga kaganapan sa pamamagitan ng pag-

aaral sa mga indibidwal at pato na rin sa mga komplikadong relasyong nag-uugnay sa kanila.

Bukod pa dito, ang disenyong ito din ay may malaking kapakinabangan sa mananaliksik

Page 21: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 21

sapagkat ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mananaliksik at mga kalahok na magkaroon ng

direktang interaksyon (Baxter at Jack, 2008).

Pamamaraan ng Pagkolekta sa Datos

Ang mananaliksik ay nagsagawa ng apat na in-depth interviews. Ang apat na

kinapanayam ay mga kababaihang dating naging Overseas Filipino Workers. Napili ang mga

katugon sa pamamagitan ng purposive sampling. Bawat babaeng nakapanayam ay may iba’t

ibang klase ng estado ng relasyon sa kanilang mga asawa (o tatay ng mga anak) nang sila ay

mangibang-bansa. Ang apat na klase ay ang mga sumusunod: single mom o walang asawa nang

mangibang-bansa, may asawa ngunit nagkakaroon na ng problema sa relasyon nang mangibang-

bansa, may asawa nang mangibang-bansa at magkasamang nagtrabaho sa ibang bansa, at may

asawa ngunit naiwan ang asawa sa Pilipinas nang mangibang-bansa. Makikita sa talahanayan sa

ilalim ang kabuuang pagsasalarawan sa mga naging katugon.

Talahanayan 1. Pagsasalarawan sa mga Katugon

Unang Katugon

(KG)

Pangalawang Katugon

(KS)

Ikatlong Katugon

(MC)

Ikaapat na Katugon

(RT)

Single mom na nang

mangibang-bansa

Kasama ang asawa

nang mangibang-bansa

pero kalaunan ay

naghiwalay rin

Kasama ang asawang

nagtrabaho sa ibang

bansa

Kasama pa ang asawa

ngunit naiwan ito sa

Pilipinas nang siya ay

nangibang-bansa

Domestic helper

Domestic helper at

babysitter

Restaurant manager,

shop manager, at

babysitter

Domestic helper

5 years – Singapore

5 years- Lebanon

8 months – Bahrain

Saudi Arabia – 3 years

and 1 month

Kuwait – 6 months

Botswana – 6 years Singapore – 4 years

Ang bawat babaeng katugon ay hiningan ng mga sagot at opinyon patungkol sa mga

pagbabagong kanilang naranasan sa pamilya nang sila ay mangibang-bansa. Ang mga katugon

ay nakilala sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa dalawang organisasyon: ang Migrante

Page 22: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 22

International at ang Overseas Filipino Workers Administration (OWWA). Nagbigay ng liham

ang mananaliksik sa dalawang organisasyon upang humingi ng tulong sa paghahanap ng mga

katugon na maaaring kapanayamin. Bago isagawa ang panayam, ang bawat katugon ay binigyan

muna ng isang liham na humihingi ng permiso sa kanilang paglahok, at nang sila ay pumayag ay

pinalagdaan sa kanila ang consent form bilang patunay na walang pamumuwersang naganap sa

kanilang paglahok sa pananaliksik. Ang panayam sa bawat katugon ay hindi tumagal ng mahigit

sa isang oras. Ang pagsasagawa ng panayam sa lahat ng naging katugon ay naganap mula noong

Enero 21, 2013 hanggang Pebrero 8, 2013. Ang mga katugong inirekomenda ng Migrante ay

kinapanayam sa mismong opisina ng Migrante sa Quezon City, habang ang mga katugong

inirekomenda ng OWWA ay pinuntahan sa kanilang mga tahanan sa Tondo at Novaliches upang

doon ay isagawa ang panayam.

Pag-analisa ng Datos

Nang matapos ang in-depth interviews, ang mananaliksik ay nilapat ang naging mga

panayam sa pamamagitan ng pag-transcribe. Ang bawat salita sa mga naganap na panayam ay

inilapat upang mas lalong makita at mahimay ang lahat ng detalye na makakapagbigay ng lalim

sa pananaliksik. Ang pag-analisa ng bawat kaso ay sinimulan sa papamagitan ng paggawa ng

isang coding scheme sa bawat panayam. Ginawan ng kategorya ang mga mahahalagang datos na

maaring magbigay ng pagpapalalim sa pananaliksik mula sa transcripts. Kasama sa coding

scheme ang pagkuha ng excerpts mula sa panayam na maaaring makatulong upang mas lalong

maipakita ang kahulugan ng mga datos. Ito ay naging mabisa sa pagpapakita ng mga emosyong

nakapaloob sa panayam. Kaakibat rin nito ang pagsusulat ng pakahulugan ng mananaliksik sa

bawat mahalagang datos sa mga panayam, o ang tinawag na memoing. Matapos ang indibidwal

Page 23: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 23

na coding, ang mananaliksik ay nagsagawa ng isang pagkukumpara sa pamamagitan ng

pagsasagawa ng isang cross-case analysis. Ito ay naging makabuluhan sapagkat napalitaw nito

ang pagkakaparepareho at pagkakaiba ng karanasan ng bawat katugon. Bilang huling bahagi sa

pag-analisa ng datos, ang mananaliksik ay nagsagawa naman ng narrative analysis upang mas

lalong maintindihan ang kwento ng mga katugon tungkol sa kanilang mga karanasan.

Limitasyon

Bago pa man maisagawa ang pananaliksik, ninais ng mananaliksik na isama ang mga

asawa at anak sa mga taong kakapanayamin. Subalit ito ay hindi naging posible sapagkat naging

mahirap para sa mananaliksik ang paghahanap ng mga katugon na hindi pa hiwalay sa kanilang

mga asawa. May pagkakataong nakahanap ng may-asawa ngunit kadalasan ay tumatanggi silang

lumahok sa pag-aaral. Pagdating naman sa mga anak, kadalasan ay mga menor de edad pa ang

mga ito kung kaya’t mahirap na sila ay isali sila sa pag-aaral. Ang mga anak naman na hindi

menor de edad ay nakabukod na sa kanilang magulang at sa malayong lugar naninirahan. Bukod

dito, hindi rin nakahanap ang mananaliksik ng mga katugon na hindi kabilang sa mahirap na

pamilya sapagkat kadalasan ang mga ito ay tumatangging maging parte ng pag-aaral.

Pang-Etikang Konsiderasyon sa Pananaliksik

Napakahalagang mabigyan ng karampatang proteksyon ang mga impormasyong

ibinahagi ng mga katugon sa pananaliksik na ito. Dahil dito, nararapat lamang na panatilihing

pribado ang pagkakakilanlan ng mga nakapanayam na kababaihang OFW. Bago rin simulan ang

bawat panayam, ang mananaliksik ay nakipag-usap muna sa bawat katugon upang alamin kung

nais ba nilang ipalathala ang kanilang mga tunay na pangalan. Kinailangan ito upang matiyak na

Page 24: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 24

ayon sa kanilang kagustuhan ang paglalagay ng mga pangalan. Sa mga hindi pumayag na

ipalagay ang tunay na pangalan, ang mananaliksik ay gumamit lamang ng inisyals ng mga

pangalan o alyas na ibinigay.

Sinisiguro rin ng mananaliksik na anumang impormasyon ang nakalap ay mananatiling

pribado at eksklusibo para lamang sa isasagawang pananaliksik. Bukod pa rito, naglakip rin ng

consent form upang mas lalong masiguro na malaya at hindi sapilitan ang paglahok ng mga

katugon. Bago maganap ang anumang panayam, binigyan ng sapat na impormasyon ang mga

katugon patungkol sa gagawing pananaliksik, sa layunin kung bakit isinasagawa ang

pananaliksik, at kung ano ang maaaring maging patutunguhan ng pananaliksik. Tiniyak ng

mananaliksik na ang lahat ng mga katugon ay nabigyan ng pagkakataong malaman ang lahat ng

detalyeng nararapat nilang malaman upang maging mas malaya ang magiging panayam.

Paglalarawan ng Resulta

Tradisyunal na Tungkulin ng Ina ng Tahanan

Sa pag-aaral na isinagawa, itinuring bilang isang mahalagang salik ang sosyo-

ekonomikong kundisyong pinagmulan ng bawat kababaihang kinapanayam bago pa sila

mangibang-bansa. Ito ay sa kadahilanang kinikilala ng mananaliksik na may malaking epekto

ang sosyo-ekonomikong kundisyon sa kung ano ang katayuan nila sa loob ng pamilya. Ang apat

na kababaihang kinapanayam para sa pananaliksik ay pare-parehong nagmula sa mahihirap na

pamilya. Maaaring batay sa kanilang sariling pagsasalarawan ay mayroong pagkakaiba sa antas

ng kahirapang kanilang dinadanas, ngunit sa huli ay babagsak pa rin silang lahat sa isang

kategorya—mahirap.

Page 25: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 25

Maliban sa isang katugon na isang single mom o natatanging walang asawa nang

mangibang-bansa, ang ibang mga katugon ay nagsabing ang pangunahing kumikita para sa

kanilang mga pamilya ay ang kanilang mga asawa. Sa kabila ng pagkakaroon ng iba ng

pagkakataon na makapagtrabaho at kumita rin ng pera para sa kanilang pamilya, ang kanilang

mga asawa pa rin ang itinuturing nila bilang pangunahing kumikita at sumusuporta sa kanilang

mga pamilya. Batay sa mga naging panayam, sila ay inaasahan lamang na tumugon sa mga

pangangailangan ng kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa asawa’t mga

anak at paggawa ng mga gawaing pambahay habang ang kanilang mga asawa ay nagtatrabaho at

kumikita ng pera upang ipangtustos sa kanila. Kung sila man ay kumikita, ito lamang ay

itinuturing na kaunting tulong sa kanilang mga asawa. Ang karanasan nila ay sumasalamin sa

tradisyunal na kaayusan ng tungkulin sa loob ng isang pamilyang Pilipino, ang ina ang ilaw na

nasa loob ng tahanan, habang ang ama naman ay ang haligi na nasa labas ng tahanan upang

suportahan ito.

Sa usapin naman ng paggawa ng mga desisyon sa loob ng tahanan, ang tatlong katugon

(maliban sa katugon na single mom at kasama ang kaniyang mga kapatid sa tahanan) ay

itinuturing ang kanilang mga sarili bilang pangunahing gumagawa ng desisyon sa loob ng

tahanan. Ito ay dahil na rin ikinukunsidera ang responsibilidad na ito bilang isa sa mga

inaasahang tungkulin ng isang ina ng tahanan. Ngunit sa kabila nito, nabanggit nila na

kinakailangan pa rin daw nilang kumonsulta sa kanilang mga asawa bago tuluyang gumawa ng

isang desisyon. Nang tanungin kung bakit kailangan pang kumonsulta sa asawa bago gumawa ng

desisyon, ang naging sagot ng isang katugon ay: “Inaano ko muna sa kanya bago ako kikilos

kasi siyempre kapag ikaw ang babae na magsarili ng desisyon talagang may ano talaga diyan,

Page 26: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 26

may konting... hindi pagkakaunawaan.” (RT) Kahit na sinasabing ang kapangyarihan na

magdesisyon sa loob ng tahanan ay hawak nila, inaasahan pa rin silang humingi ng opinyon at

kung minsan pa nga ay ng pagsang-ayon mula sa kanilang mga asawa sa bawat desisyon o

hakbang na kanilang gagawin.

Kaugnay ng mga nabanggit na responsibilidad na inaasahan sa kanila, ang mga desisyong

kadalasan ay mayroon silang mataas na kapangyarihan ay iyong mga desisyong umiikot lamang

sa pagbabadyet ng kita ng asawa, at pag-aalaga o pagpapalaki sa mga anak. Samakatuwid, lagi’t

lagi lamang naka-sentro sa loob ng tahanan ang mga responsibilidad na inaasahan sa kanila. Sa

apat na kinapanayam sa pananaliksik, isa lamang ang naiba at ito pa ay dahil siya ay isang single

mom. Dahil wala siyang asawa, siya ang nagtrabaho at kumilos upang buhayin ang kaniyang

mga anak. Dagdag pa rito, siya rin ang sumusuporta sa kaniyang mga kapatid na kasama niya sa

tahanan. Sa naging panayam, isinalarawan niya ang kaniyang tungkulin bilang pagiging isang

“superwoman” ng kaniyang pamilya.

Mahalaga ring alamin ang pananaw at damdamin ng mga kababaihang katugon patungkol

sa umiiral na kaayusan ng mga tungkulin sa kanilang pamilya upang malalim na maanalisa kung

paano nila binibigyang kahulugan ang mga dulot na pagbabago ng kanilang pangingibang-bansa.

Sa kadahilanang ito, tinanong ng mananaliksik kung sila ba ay pabor sa kaayusan na umiiral sa

loob ng kanilang pamilya. Kagaya ng mga naunang resulta, ang katugon na single mom lamang

ang tanging naiba ng sagot at nagsabing siya ay hindi pabor sa kaayusan kung saan siya lamang

ang sumusuporta sa buong pamilya habang ang mga kapatid niya ay umaasa lamang sa kaniya.

Ang ibang mga katugon na mayroong mga asawa bago mangibang-bansa ay nagsabing pabor o

Page 27: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 27

kuntento na lamang sila sa kung ano ang kaayusang umiral sa kanilang mga pamilya. Nang

tanungin kung bakit, ang naging sagot ng isa sa kanila:

“Parang mas kuntento na lang din ako kasi responsibilidad niya yun eh. Mas malaki ang

responsibilidad ng lalaki kesa sa babae. Yung pagtulong mo bilang pagtrabaho, ambag mo na lang yun sa pamumuhay ng pamilya. Pero yung talagang yung siya yung nangungunang

kumikita, talagang para sa kanya yun.” (KS)

Para sa kanila, nararapat lamang raw na ang babae ang gumagawa ng responsibilidad na

alagaan at asikasuhin ang pamilya dahil ito na ang kalagayan na kinagisnan sa lipunang ating

ginagalawan. Sa kanilang pananaw, ang mga ina ng tahanan ay nararapat na lamang makuntento

sa kung ano ang mga tungkuling inaasahan mula sa kanila.

Proseso ng Paggawa ng Desisyong Mangibang-bansa

Sa proseso pa lamang ng paggawa ng desisyon na mangibang-bansa ay maaari nang

malaman kung ang isang kababaihang OFW ay mayroong sariling kalayaan na gumawa ng

desisyon na maaaring makapagpabuti o makapagpasama sa kaniyang buhay. Sa pamamagitan ng

panayam, minabuting tuklasin ng mananaliksik ang naging proseso sa pagdedesisyon ng mga

kababaihang umalis ng bansa, pansamantalang iniwanan ang kanilang mga tungkulin sa loob ng

tahanan, at nagtrabaho para sa pamilya. Batay sa naging mga panayam, ang mga pangunahing

dahilan ng pangingibang-bansa ng bawat babaeng OFW ay hindi nalalayo sa isa’t isa sapagkat

umiikot lamang ang mga ito sa ideya na kinailangan nilang umalis dahil sa kahirapan ng buhay

sa Pilipinas, at sa kagustuhan nilang maayos na buhayin ang kanilang mga anak. Bukod dito,

nagkaroon rin ng papel ang kaayusan ng pamilya (kung kasama ba ang mga kapatid, magulang, o

asawa) sa kanilang desisyon na mangibang-bansa. Ang makakapagpatunay rito ay ang isang

katugon na single mom na ninais ring makatulong sa kaniyang mga kapatid kaya nagpasya siya

na ituloy ang kaniyang pangingibang-bansa.

Page 28: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 28

Ang estado ng relasyon nila sa kanilang mga asawa (o tatay ng mga anak) ay naka-apekto

rin sa kalikasan ng kanilang desisyon na umalis ng bansa upang magtrabaho. Ang dalawang

katugon na hanggang sa kasalukuyan ay kapiling pa rin ang kanilang mga asawa ay nagsabing

ginawa nila ang desisyon na iyon dahil na rin sa payo o udyok ng kanilang mga asawa. Nang

tanungin ang isa sa kanila kung kaninong kagustuhan ang mas nanaig sa bandang huli, sinabi

nito na: “The more sa asawa ko kasi siya ang padre de pamilya.” (MC) Sa apat na katugon, isa

lamang ang gumawa ng desisyon ayon sa kaniyang sariling kagustuhan dahil na rin nabanggit

niya na medyo lumalabo na ang relasyon niya sa kaniyang asawa ng mga panahong iyon.

Ang sinasabing pagpapalit ng tungkulin ng ama at ina sa oras na mangibang-bansa ang

babae ay hindi nangyayari sa lahat ng pagkakataon. Batay sa karanasan ng mga kababaihang

kinapanayam, makikita na nang magawa na nila ang desisyon na mangibang-bansa, ang iiwan

nilang mga tungkulin sa loob ng tahanan ay ipinasa lamang nila sa ibang babae ring miyembro

ng kanilang pamilya. Dagdag pa, nang tanungin sila kung sino ang unang pumasok sa isipan nila

na papalit sa kanilang responsibilidad sa loob ng tahanan, ang lahat ng naging sagot nila ay mga

kababaihang miyembro ng kanilang extended family katulad ng nanay, biyenan, at kapatid na

babae.

Pagbabagong Hatid ng Pangingibang-bansa

Upang lubusang maunawaan at maanalisa ang mga epekto ng pangingibang-bansa ng

mga kababaihan sa kaayusan sa loob ng kanilang pamilya, ang mananaliksik ay gumamit ng

tatlong salik sa pagsusuri. Una ay ang naging pagtanggap ng mga miyembro ng kanilang pamilya

sa kanilang pangingibang-bansa, ikalawa ay ang paglawak ng tungkulin na inaasahan sa kanila sa

Page 29: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 29

pamilya nang sila ay makapangibang-bansa, at ang pang-huli ay ang pagkakamit nila ng kahit na

anong porma ng pansariling kalayaan at maging ng dagdag na kumpiyansa sa sarili.

Pagtanggap ng Pamilya

Sa kabila ng pagkakapareho ng mga kababaihang kinapanayam pagdating sa pinagmulan

na sosyo-ekonomikong kalagayan, hindi lubusang naging magkakatulad ang pagtanggap ng mga

miyembro ng kanilang mga pamilya sa kanilang pangingibang-bansa. Ayon sa isang katugon na

single mom, nanatili lamang daw pareho ang pagtingin at pagtanggap ng kaniyang mga

kapamilya sa naiambag niya nang makapangibang-bansa na siya. Dagdag pa niya ay hindi raw

niya naramdaman ang pagpapahalaga ng kaniyang mga kapatid sa nagawa niya para sa pamilya.

Ang naging sagot naman ng isang katugon na iniwanan ang kaniyang asawa sa Pilipinas nang

siya ay mangibang-bansa ay wala naman raw nagbago dahil maayos pa rin ang naging

pakikitungo sa kaniya ng kaniyang asawa. Habang ang isang katugon naman na mayroon ng

malabong relasyon sa asawa nang mangibang-bansa ay sinabi na nagsimula raw mag-iba ang

tingin ng kaniyang asawa sa mga naiambag niya nang siya ay mangibang-bansa. Nang

ipapaliwanag ng mananaliksik ang kaniyang sagot, ang kaniyang sinabi ay: “Ang dami na niyang

napapansin.” (KS) Ngunit sa kabila ng mga ito, isa naman sa mga katugon ang nakaramdam ng

maayos o positibong pagtanggap mula sa kaniyang pamilya. Magmula raw nang siya ay

makapangibang-bansa at makapag-trabaho ay mas tumatag ang samahan nila ng kaniyang asawa.

Dagdag pa niya, dahil naging nagkasama sila ng kaniyang asawa sa ibang bansa nang siya ay

umalis ng Pilipinas: “Mas tumibay yung samahan namin kasi doon ah... lahat ng pagsubok doon

namin naranasan sa ibang bansa.” (MC)

Page 30: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 30

Subalit hindi sapat ang naging magandang pagtanggap ng pamilya ng isang katugon

upang isiping mapayapa na ang proseso ng paglisan sa lumang kaayusan patungo sa panibagong

kaayusan kung saan ang ina ay iniiwanan ang tahanan kung saan siya ay inaasahang manatili.

Nang tanungin ang mga katugon kung ano pang mga pagbabago ang naranasan nila nang sila ay

makapangibang-bansa, marami sa mga pagbabagong kanilang nilahad ay maituturing na

negatibo. Ang mga negatibong epekto ay kadalasang patungkol sa kanilang relasyon sa pamilya.

Lahat sa mga katugon ay nagsabi na ang relasyon nila sa kanilang mga anak ay nagkaroon ng

problema magmula nang sila ay mangibang-bansa. Sa naging mga panayam, sinabi ng bawat isa

na lumayo raw ang loob ng kanilang mga anak nang sila ay umalis at pansamantalang iniwanan

ang mga ito. Bukod pa rito, isa sa mga katugon ang nakaranas ng pagkasira ng relasyon sa

kaniyang asawa nang siya ay mangibang-bansa. Ayon sa kaniya, naging mapagmataas siya dahil

sa pag-iisip na kaya rin naman niyang tumustos o sumuporta sa kaniyang pamilya. Bilang

dagdag, isa rin sa mga katugon ang nagsabing walang maituturing na magandang naidulot ang

kaniyang pangingibang-bansa para sa kanya at para sa kaniyang relasyon sa pamilya, sapagkat

sinira nito ang pagtitiwala na mayroon siya sa mga kapatid niya dahil sa mga dinanas ng

kaniyang mga anak sa ilalim ng pangangalaga ng mga ito. Ang dalawang katugon na ito ay

parehong sinisisi ang kanilang mga sarili dahil sa mga nangyari sa kanilang mga pamilya. Ayon

pa nga mismo sa isa sa kanila: “Kung meron man akong dapat sisihin minsan yung sarili ko

kase... kung tutuusin pwede pa sanang ayusin eh. Ako lang yung naging matigas.” (KS)

Paglawak ng Tungkulin sa Pamilya

Ang pangingibang-bansa ng mga ina ng tahanan ay nangangahulugan na sila ay hindi na

lamang ilaw na nasa loob ng tahanan kundi maaari na rin silang magsilbi bilang isang haligi na

Page 31: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 31

sumusuporta sa tahanan. Isa sa mga aspetong tinignan ng mananaliksik upang unawain ang mga

pagbabagong hatid ng pangingibang-bansa ay ang paglawak ng tungkulin na inaasahan sa kanila

ng kanilang pamilya. Sa naging mga panayam, lumabas na bukod sa katugon na single mom, ang

mga katugon ay nakaranas ng paglawak sa kanilang mga tungkulin sa pamilya. Ang katugon na

na single mom ay hindi nakaranas ng paglawak sa tungkulin sapagkat bago pa man siya

mangibang-bansa ay siya na ang pangunahing sumusuporta sa kaniyang pamilya. Sa kabilang

banda, iba naman ang naging karanasan ng iba pang katugon. Ayon sa kanila, kung noon raw ay

itinuring lamang silang taga-asikaso ng mga gawain sa tahanan at taga-pangalaga ng kanilang

mga asawa’t anak, nang makapangibang-bansa na sila ay inasahan na rin silang magbigay ng

pinansiyal na suporta sa kanilang pamilya. Kumbaga, sila ay parte na rin sa mga sumusuporta sa

pamilya at hindi na lamang basta ina na taga-pangalaga. Dagdag pa, dalawa sa katugon ang

nagsabing nang sila ay mangibang-bansa, pati ang kanilang mga magulang ay nasuportahan na

rin nila. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, lumabas pa rin sa mga panayam na dahil ang kanilang

mga asawa ay nagtrabaho pa rin kahit sila ay nasa ibang bansa, hindi pa rin sila itinuring bilang

pangunahing sumusuporta at bumubuhay sa pamilya. Katulad noong hindi pa sila nangingibang-

bansa, sila ay itinuring lamang na tumulong sa pagsuporta sa pamilya na responsibilidad ng

kanilang mga asawa.

Pansariling Kalayaan at Kumpiyansa sa Sarili

Magkakaiba rin ang naging karanasan ng mga katugon sa pagkamit ng isang porma ng

pansariling kalayaan at dagdag na kumpiyansa sa sarili nang sila ay nakalabas ng bansa at kumita

ng pera para sa pamilya. Ang tatlong kinapanayam, na mayroon pang mga asawa nang sila ay

mangibang-bansa, ay nagsabing nakaramdam sila ng kalayaan para sa kanilang mga sarili

Page 32: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 32

magmula nang sila ay umalis ng bansa. Ngunit makikita na magkaka-iba pa rin ang antas ng

kalayaan na kanilang naramdaman. Dalawa sa kanila ang nagsabing nakaramdam sila ng mataas

na antas ng kalayaan para sa kanilang mga sarili sa porma ng pagkakaroon ng kalayaang

gumawa ng mga desisyon na hindi na lamang naka-sentro sa kanilang mga pamilya. Nang

tanungin ang isa sa kanila kung paano niya isasalarawan ang kalayaang kaniyang naramdaman,

ang naging sagot nito:

“…natuto na akong kailangan magdesisyon. Dito ako, dito ako, dito ako, dito ako...

hindi yung ito lang ipapadala mo ha. Hinde. Hinde ako nagpa—kung ano lang gusto kong ipadala sa parents ko, pag sinabi kong lahat ipapadala ko, hindi ako pinipigilan.”(KS)

Habang ang isang katugon naman ay isinalarawan ang kalayaang kaniyang naramdaman

sa pamamagitan ng pagsabi na:

“…kumbaga dati-rati nung nandito ako para sa pamilya lang ang desisyon. Ngayon nung mangibang-bansa ako hindi lang sa pamilya kumbaga para sa sarili ko gusto ko yung

ganito, gusto ko yung ganito ang gagawin ko, hindi lang gagawin ko iyon para sa pamilya ko,

hindi na. Nakakapagdesisyon na ko sa sarili ko na ayokong magtrabaho ng ganito, gusto ko doon sa kabila, iyung ganun yung mga type na ganun.” (MC)

Dagdag pa niya, dahil raw sa pangingibang-bansa ay nasabi niya sa kaniyang sarili na: “Kaya ko

rin pala.”(MC) Sa kabilang banda, isa sa mga katugon naman ang nagsabing hindi raw siya

nakaramdam ng kalayaan sapagkat nanatili pa rin siyang nakatali sa responsibilidad na siya ang

dapat magtrabaho para sa mga anak at maging sa mga kapatid niya at ang mga pamilya nito. Sa

madaling salita, para sa kaniyang buong pamilya. At ang isang katugon naman ay hindi

nakaranas ng mataas na pansariling kalayaan sapagkat itinuring pa rin niyang para lamang sa

kaniyang pamilya ang lahat ng desisyong ginagawa niya kahit noong siya ay nasa ibang bansa

pa.

Pangingibang-bansa: Pagsasakapangyarihan o Kapinsalaan?

Bilang huling bahagi, ang mananaliksik ay sinadyang alamin ang pananaw at

pagpapakahulugan ng mga katugon na kababaihang OFW sa mga pagbabagong naidulot ng

Page 33: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 33

kanilang pangingibang-bansa. Tinanong ng mananaliksik ang mga katugon na kung sila ba ay

papipiliin, ano ang mas nais nilang kalagayan o kaayusan: ang bago sila mangibang-bansa, o ang

tapos na sila mangibang-bansa. Sa apat na kinapanayam, tanging isa lamang ang nagsabi na ang

pipiliin niyang kaayusan ay ang matapos siyang mangibang-bansa. Ang katugon na ito ay ang

katugon na tanging nagkaroon ng positibong pagtanggap mula sa kaniyang pamilya nang siya ay

makapangibang-bansa at makapag-trabaho. Nang tanungin kung bakit ito ang kaniyang napili,

ang sagot niya ay:

“Kumbaga ako nasa dalawang ano eh, sa sitwasyon ngayon, siyempre pipiliin ko yung

nakapangibang-bansa kasi nandun yung ah... gaganda yung, makakapag-aral yung mga anak ko. Tapos makakatulong ako sa pamilya ko. Saka makaka... kumbaga naging open-minded ako,

naging bukas ang isipan ko sa ibang bansa. Saka marami kang experience doon na makukuha.”

(MC)

Samantalang ang naging sagot ng ibang mga katugon ay mas nanaisin raw nila ang dati nilang

buhay noong hindi pa sila nakakapangibang-bansa. Dahilan nila, sa kanilang pangingibang-bansa

raw ay nagkaroon sila ng masasamang karanasan hindi lamang sa pansarili kundi pati na rin sa

kanilang mga pamilya. Nang tanungin ng mananaliksik ang isang katugon kung bakit mas nais

niya ang buhay nila noong hindi pa siya nangingibang-bansa, kaniyang sinabi na:

“Sa akin kung meron akong dapat... isipin, mas maganda yung pamumuhay namin noon.

Kasi tahimik, ah... uuwi papasok lang yung asawa ko pagdating nonood lang ng tv. Bonding

bonding kami. Parang iba eh... kahit na hindi kayo nakakapag-shopping, di kayo nakakapag-labas, punta sa circle o bonding bonding, kakain ng Jollibee, hindi namin nararanasan iyon kasi

talagang hirap. Pero mas masarap pa rin yung araw ng Linggo, na lagi naming naaalala noon

talagang wala siyang trabaho, maglalaro sila ng mga bata sa loob ng bahay.”(KS)

Dagdag pa niya: “Yung pamumuhay niyo dito sa Pilipinas kasi kahit gutom kayo... mas masarap

magsama-sama ng kumpleto.”(KS) Dahil sa naranasan niyang pagkasira ng relasyon sa asawa

bunga ng pangingibang-bansa, walang pag-aalinlangan na pinili niya ang dating kaayusan. Ang

isa namang katugon na single mom ay idinahilan na pinili niya ang dating kalagayan dahil sa

naging epekto ng kaniyang pangingibang-bansa sa relasyon niya sa mga kapamilya. Ayon sa

kaniya:

Page 34: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 34

“Yung dating bago ako mangibang-bansa… kasi doon maayos pa ang relasyon namin ng

mga kapatid ko. Kasama ko ang mga anak ko sa bahay, malapit sila sa akin, naaalagaan ko sila.

Mas gusto ko yung ganun kahit mahirap din kesa yung nakaalis nga ako ng bansa, nasira

naman ang relasyon ko sa mga anak ko at sa mga kapatid ko.” (KG)

Habang ang isa pang kinapanayam ay pinili rin ang kaayusan bago mangibang-bansa sa

kadahilanang napilitan lamang talaga siyang mangibang-bansa dahil sa hirap ng kanilang buhay.

Sagot niya:

“Para sa akin, hanggat maaari ayaw ko talagang mag-ibang bansa dahil maliliit pa ang

mga anak namin noon, eh kaso napilitan talaga ako dahil sa hirap ng buhay tapos dumating asawa ko wala man lang naiuwi na ano ganon ganon.”(RT)

Upang mas malalim pang masuri ang kanilang pagpapakahulugan sa mga epekto ng

pangingibang-bansa sa kanilang kapangyarihan at kalayaan, minabuti ng mananaliksik na alamin

kung tinatanaw ba ng mga kababaihang kinapanayam ang pangingibang-bansa nila bilang isang

porma ng pagsasakapangyarihan. Katulad ng naunang resulta, ang isang katugon lamang ang

sumagot na maituturing niya bilang isang porma ng pagsasakapangyarihan ang pangingibang-

bansa upang magtrabaho. Ito ay dahil sa pamamagitan ng pangingibang-bansa, siya ay nakaranas

na magkaroon ng kalayaan para sa kaniyang sarili at nagkaroon rin siya ng kumpiyansa sa

kaniyang sarili dahil nabatid niya na may kakayahan din siya. Ayon mismo sa kaniya:

“So parang naging proud ako sa sarili ko na parang ah dati-rati natatakot akong lumabas ng bahay, magtrabaho, baka walang tumanggap sa akin, tapos pagdating ko doon

siyempre proud ka kasi ah... ibang bansa iyon, tapos nakita mo may kakayahan ka pala, doon mo

naipakita na may kakayahan ka na hindi mo nagagamit dito sa Pilipinas, saka yung lakas ng

loob tumibay. Kaya doon parang nagkaroon ka ng kapangyarihan na ah... ito pala ako, ganito

pala ako.” (MC)

Sa kabila nito, hindi pa rin maaaring mahinuha na ganito rin ang nararamdaman ng lahat

ng kababaihang nangingibang-bansa upang magtrabaho. Batay sa naging karanasan ng ibang

mga katugon, hindi nila maituturing na tunay na pagsasakapangyarihan ang nakamit nila dahil sa

pangingibang-bansa. Upang mas lalong maipakita, magandang tignan ang naging sagot ng

dalawang katugon:

Page 35: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 35

“Hindi naman ibig sabihin naka-alis ka ng bansa at nakapagtrabaho ay magkakaroon ka

na ng kapangyarihan bilang isang babae. Nandoon pa rin iyong pagtingin sa iyo na umalis ka

ng bansa para lang magsilbi sa ibang lugar. Kumbaga parang nagsisilbi ka pa rin. Lumipat ka

lang ng bansa pero iyong mga gawain mo sa Pilipinas halos ganoon pa rin.” (KG)

“Hinde mangyayare yon kahit pa siguro habang buhay kang maging OFW, hindi

mangyayare yon. Kasi... sabe nga nila, ano eh, kapag pumunta ka sa ibang bansa, kahit

nakatapos ka, alipin pa rin ang tingin sa iyo ng ibang bansa eh, diba. So ano yung pwede mong maipagmalaki pag-uwi mo dito? Wala. Ganun parin yon.” (KS)

Habang ang isa pang katugon ay nagsabing hindi siya nakaramdaman ng

pagsasakapangyarihan bilang babae dahil pamilya pa rin niya ang pinagtuunan niya ng pansin

nang siya ay mangibang-bansa. Ayon mismo sa kaniya:

“Hindi naman gaano kasi pamilya ko pa rin ang inuuna ko noong nandoon ako sa

ibang bansa. Wala naman akong naging gaanong ano… parang para sa sarili ko rin ganon. Pamilya kasi talaga number one.” (RT)

Diskusyon

Desisyong Hindi Tunay na Makapangyarihan

Ang nakaraang karanasan ng mga kababaihang nagdesisyong mangibang-bansa ay isang

mahalagang salik sa kung paano nila binibigyan ng pakahulugan ang mga pagbabagong naidulot

ng kanilang pangingibang-bansa. Para sa isang babaeng namulat sa isang patriyarkal na kaayusan

kung saan mula’t sapul ang mga responsibilidad na inaatas sa kaniya ay naka-depende sa

kaniyang kasarian, maaaring magiging mahirap at magulo ang proseso ng paglisan sa

kinagisnang kaayusan. Bago pa man mangibang-bansa, karamihan sa mga kababaihan ay may

malaking parte na sa paggawa ng desisyon sa loob ng tahanan dahil na rin sa pagtingin na ang

tungkulin na ito ay nakapaloob sa inaasahang responsibilidad ng isang ina. Kung kaya’t hindi

tamang tignan ang pagkakaroon nila ng malaking parte sa paggawa ng mga desisyon sa loob ng

tahanan bilang isang antas ng mataas na kapangyarihan. Sa pananaliksik, natagpuan na kadalasan

Page 36: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 36

ay kinakailangan pa rin ng isang babaeng kumonsulta o humingi ng payo sa kaniyang lalaking

asawa bago gumawa ng isang hakbang. Kumbaga, kapag siya lamang mag-isa ang gumawa ng

isang desisyon, may mga hindi pagkakaunawaang maaaring maganap. At kung minsan, kapag

siya naman ang hinayaang magdesisyon nang mag-isa, nangangahulugan ito na dumadagdag ang

kaniyang pasanin kung sakali mang may madulot na negatibo ang desisyong kaniyang ginawa

nang mag-isa. Ito ay maaaring i-ugnay sa ideya ng “adden burden” sa mga kababaihan.

Dito rin mas malalim na makikita ang kontradiksyon sa pagitan ng ilang literatura at sa

aktwal na natagpuan sa pananaliksik. Ang mga babaeng namulat sa isang patriyarkal na lipunan

ay hindi madaling nakakaranas ng pagbabago sa kamalayan. Dahil nasanay silang itinuturing

lamang sila bilang “ina” ng tahanan, hindi madaling alisin sa kanila ang paniniwala patungkol sa

mga dapat nilang tungkulin para sa pamilya. Sa pananaliksik na isinagawa, halos lahat ng

kababaihang kinapanayam ay naglahad na pabor sila o kuntento sa mga tungkulin na inaasahan

sa kanila ng kanilang pamilya. Kahit na sila ay nakapangibang-bansa na at nakapag-trabaho na

para sa pamilya, hindi pa rin nawala sa kanila ang tradisyunal na pagtanaw sa mga tungkulin

batay sa kasarian. Ang kanilang mga karanasan pa nga sa ibang bansa ay nakapagdulot sa kanila

ng pagsisisi na sila ay nangibang-bansa pa dahil pakiramdam nila ay hindi nila nagampanan ng

tama ang pagiging ina nila.

Panandaliang Pakiramdam ng Pagsasakapangyarihan

Ang pangingibang-bansa para sa mga kababaihan ay maaaring magdulot ng dalawang

klase ng pagbabago: positibo at negatibo. Positibo sa pagtingin na nagkakaroon sila ng kita, kung

kaya’t nakakapag-ambag sila sa rekurso ng pamilya, at nagkakaroon sila ng dagdag na

Page 37: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 37

kumpiyansa sa kanilang mga sarili. Katulad ng nakasaad sa ibang literatura, ang pangingibang-

bansa ay nagbibigay sa isang babae ng dagdag na tiwala sa sarili sapagkat naipapakita niya na

mayroon siyang kakayahang kumita ng pera na kapantay o kung minsan pa nga ay mas mataas

pa sa kaniyang asawa. Bukod dito, kadalasan ay nagkakaroon rin ang mga kababaihan ng dagdag

na kalayaan para gumawa ng mga desisyon na hindi na lamang naka-sentro sa kanilang pamilya.

Mga desisyon na ginawa nila sa sarili nilang mga paa dahil sa sarili nilang kagustuhan.

Samakatuwid, mga desisyong hindi kailangang ikonsulta pa sa kanilang mga asawa. Sa

pamamagitan ng pananaliksik, natagpuan na kahit papaano, maituturing rin ang paglabas ng

tahanan, pagtungo sa ibang bansa, at pagkita ng pera para sa pamilya na isang dahilan para

maintindihan ng mga kababaihan na mayroon rin silang kakayahan upang tumayong haligi ng

tahanan. At ang pinakamahalaga sa lahat, na ang kanilang kasarian ay hindi dapat limitahan ang

mga bagay na kaya nilang gawin para sa kanilang pamilya.

Subalit kagaya ng nilalaman ng ibang mga literatura, hindi sapat ang ganito upang

tuluyang magkamit ang isang babae ng pagsasakapangyarihan. Sa pananaliksik na ito natagpuan

na naka-depende sa kundisyon at karanasan ng isang babae kung paano niya binibigyan ng

kahulugan ang mga karanasang naidulot ng kaniyang pangingibang-bansa. Ang mga

kababaihang nakaranas ng mga negatibong pagbabago nang sila ay mangibang-bansa ay

kadalasang tinitignan ang kanilang pangingibang-bansa bilang isang maling hakbang at isang

desisyong hindi kailanman magdudulot ng tunay na pagsasakapangyarihan. Mayroong tinatawag

na social costs of migration, o mga bagay na naisasakripisyo ng isang tao sa oras na siya ay

mangibang-bansa. Para sa karamihan ng mga inang nangibang-bansa upang magtrabaho, hindi

maiiwasan ang paglayo ng loob ng mga anak na naiiwan. Sapagkat namulat na ang karamihan sa

Page 38: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 38

mga kabataan sa kaayusan kung saan ang kanilang ina ang nag-aalaga sa kanila, ang pag-alis ng

mga ito ay mahirap tanggapin para sa kanila. Kung kaya’t sa oras na lumayo ang kanilang mga

ina, nakakaramdam sila ng labis na kalungkutan. Bukod pa dito, isa pang social cost of migration

ay ang pagkasira ng relasyon ng babae sa kaniyang asawa. Kadalasan, dahil nga ang kinagisnan

ay nasa tahanan ang babae, sa oras na siya ay magdesisyong lumisan ay nagkakaroon ng hindi

pagkakaunawaan. O kung minsan pa nga ay nagkakaroon ng pagbabago sa pagtingin ng

kaniyang asawa. Dahil hindi sanay ang ibang mga kalalakihan na nagtatrabaho ang kanilang mga

asawa at kumikita para sa pamilya katulad nila, iba ang kanilang nagiging pagtanggap dito. Sa

katunayan nga, ang mananaliksik ay nahirapang maghanap ng mga katugon na hindi pa hiwalay

sa asawa. Dito maipapakita na laganap rin ang ganitong klase ng epekto sa maraming

kababaihang OFW. Para sa maraming mga kababaihan, ang pangingibang-bansa man ay

nakapagbigay sa kanila ng isang porma ng kapangyarihan, ito ay kadalasang panandalian lamang

dahil sa huli ito ay nagiging isang masamang karanasan. Kung kaya’t nararapat nga lamang na

tignan ang pagsasakapangyarihan ng isang tao bilang isang proseso na maaaring huminto sa

isang yugto o kung hindi man ay bumalik sa dati at tuluyang maglaho. Maaaring ang

pangingibang-bansa ay nakakapagbigay ng panandaliang pakiramdam ng pagkakaroon ng

kalayaan at mataas na tiwala sa sarili, ngunit kung susumahin, hindi naman talaga ito

nakakapagdulot ng tunay na pagsasakapangyarihan bilang isang babae.

Iba’t Ibang Karanasan Sa Pagsasakapangyarihan

Ang pagbibigay halaga sa mga isyu ng kababaihan katulad na lamang ng

pagsasakapangyarihan ay nangangailangan ng isang pagkilala na ang mga kababaihan at ang

kanilang mga karanasan ay hindi magkakapareho sa lahat ng antas. Bago pa man umpisahan ang

Page 39: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 39

pananaliksik, ang pangunahing ideya na gumabay sa mananaliksik ay ang ideya na ang

karanasan ng mga kababaihan patungkol sa pagsasakapangyarihang dulot ng pangingibang-bansa

ay magkakaiba. Katulad ng natagpuan sa pananaliksik na ito, hindi sa lahat ng pagkakataon

nagtatamasa ng isang porma ng pagsasakapangyarihan ang isang babaeng umalis ng bansa,

pansamantalang iniwanan ang kaniyang mga tungkulin sa tahanan, at nagsimulang kumita para

sa kaniyang pamilya. Hindi na bago sa atin na patuloy ang pagdami ng mga kababaihang umaalis

ng bansa upang magtrabaho, at hindi na rin bago ang usapin na ang pangingibang-bansa raw ng

mga kababaihan ay nagbubunga sa pagkakaroon nila ng pagsasakapangyarihan.

Pagsasakapangyarihan sa pamamagitan ng pagkakamit nila ng pinansyal na kapangyarihan,

kalayaan na magdesisyon para sa kanilang mga sarili, at kumpiyansa o mas mataas na tiwala sa

sarili. Subalit sa pananaliksik na isinagawa, pinapatunayan lamang na hindi tamang isipin na ang

pangingibang-bansa para sa isang babae ay parating nangangahulugan na siya ay nagkakamit ng

pagsasakapangyarihan sa pamilya man o sa lipunang kaniyang kinapapalooban.

Konklusyon at Kahalagahan ng Pag-aaral

Sa paglipas ng panahon, marami ng kaayusan ang nabago hindi lang sa Pilipinas kundi

maging sa iba’t ibang sulok ng mundo. Ang pangingibang-bansa na dati ay itinuturing lamang na

isang pang-lalaking aktibidad ay unti-unting nagkaroon ng pambabaeng dimensyon. Subalit

katulad ng ibang mga pagbabago, hindi parating maayos ang proseso ng pag-alis sa isang

kaayusan patungo sa panibago. Katulad na lamang ng pangingibang-bansa ng mga kababaihan

na kadalasan ay nagdudulot ng mga negatibong pagbabago, hindi lamang sa kanilang mga sarili

kundi lalo sa kanilang relasyon sa pamilya. Sa paghanap ng mga kasagutan at pagsubok na

Page 40: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 40

palalimin ang kaalaman at pag-unawa sa nailahad na mga katanungan, tinuklas ng mananaliksik

ang mga pagbabagong hatid ng pangingibang-bansa sa pagsasakapangyarihan ng mga

kababaihan sa loob ng pamilya. Partikular sa mga pagbabagong pinag-aralan ay ang mga

pagbabago sa kanilang mga karanasan pagdating sa relasyon sa pamilya, kaayusan ng tungkulin

sa loob ng tahanan, at pansariling kalayaan at kumpiyansa. Kinilala ng mananaliksik na

mayroong iba’t ibang karanasan ang mga kababaihang kinapanayam batay na rin sa kundisyong

kanilang pinanggalingan. Sa pag-aaral na isinagawa, hindi naman sinasabing walang hatid na

pagsasakapangyarihan ang pandarayuhan. Subalit kung susuriing mabuti, ang dulot na

kapangyarihan at kalayaan ng kaganapang ito ay hindi angkop sa lahat ng mga babaeng

nagtutungo sa ibang bansa upang magtrabaho.

Naging epektibong batayan sa pag-aanalisa ng mga datos na nakuha ang teorya ni

Dorothy Smith na tinatawag na standpoint feminism. Sa mga lumabas sa pananaliksik

napatunayan na ang kaalaman at kamalayan ng isang tao ay tunay na nakabatay sa kung ano ang

katayuan niya sa isang lipunan. Dagdag pa, sa pananaliksik natuklasan na ang kasarian ay

sadyang may malaking epekto sa karanasan ng isang tao. Bilang paglalagom, nakita natin na ang

karanasan sa pangingibang-bansa ng mga kababaihang kinapanayam ay naapektuhan ng malaki

ng katotohanan na sila ay mga babae na tumaliwas sa kung ano ang kaugalian—na sila ay dapat

nasa tahanan habang ang lalaki ang nasa labas at nagtatrabaho para sa pamilya. Bukod dito,

naging mabisang batayan rin ang ideya ng critical social sciences na ang mga pagbabago sa

panlipunang kaayusan ay maaaring magdulot ng tensyon dahil na rin sa mga kontradiksyong

nagaganap. Sa pamamagitan ng pananaliksik, naipakita na maaaring magkaroon ng tensyon sa

oras na ang isang ina ay umalis sa tahanan at nagtrabaho sa ibang bansa. Kung minsan ang

Page 41: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 41

tensyon na ito nga ay nakakapagdulot pa ng pagkasira sa relasyon ng isang babae sa kaniyang

pamilya. Bukod dito, napatunayan rin sa pananaliksik na tama ang ideya ng critical social

sciences na ang mga pagbabago ay hindi maaaring maging pantay-pantay sa bawat taong

nakakaranas nito. Naipalabas ang ideyang ito sa resulta ng pananaliksik na ang bawat

kababaihang kinapanayam ay nakaranas ng iba’t ibang porma at antas ng pagbabago sa kanilang

kapangyarihan at pansariling kalayaan sa loob ng pamilya.

Muli, bakit nga ba mahalaga na pag-aralan ang karanasan ng mga kababaihang OFW,

partikular ang mga epektong dulot ng kanilang pangingibang-bansa sa kanilang

pagsasakapangyarihan? Dahil hindi lang naman ito para sa mga kababaihan, kundi para sa lahat

ng tao anuman ang kanilang kasarian. Ito ay maaaring magsilbing salamin na magpapakita ng

tunay na nangyayari sa ating bansa. Pinili ng mananaliksik na pag-aralan ang pangingibang-

bansa ng mga Pilipina dahil ito ay isang kaganapan na kalimitan ay hindi pinapahalagahan ng

lipunan at maging ng gobyerno. Ang sinasabing pagkalat ng feminization of migration sa

Pilipinas ay pinakikinabangan ng gobyerno ngunit hindi naman ito nagbibigay ng sapat na

pagpapahalaga sa tunay na nangyayari. Ang tuluyang pagdami sa bilang ng mga kababaihang

umaalis ng bansa upang magtrabaho ay hindi tunay na nangangahulugan na nababago na ang

pagtingin sa mga Pilipina. Ang paglobo ng numero ay tinatakpan lamang ang tunay na papel na

ginagampanan ng pangingibang-bansa ng mga kababaihan sa kultura ng Pilipino at maging sa

pampublikong polisiya. Kasabay ng pagdami ng mga Pilipinang nangingibang-bansa upang

magtrabaho ay ang pagdami rin ng mga kababaihang nakakaranas ng mga negatibong pagbabago

gaya ng pagkasira ng pamilya at maging ng pagbaba ng katayuan sa pamilya. Ang Pilipinas ay

itinuturing na pangunahing bansa sa Asya na nage-eksport ng mga manggagawa, lalo na ng mga

Page 42: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 42

kababaihang manggagawa. Subalit karamihan sa mga kababaihang manggagawang pinapadala sa

ibang bansa ay nagkakaroon ng mga trabaho kung saan sila ay minamaliit o kadalasan pa nga ay

minamaltrato ng kanilang mga amo, kung kaya’t nalalagay sa peligro ang kanilang mga buhay.

Hindi dapat parating tignan lamang sa ekonomikong pagtanaw ang epekto ng migrasyon ng

kababaihan o kahit pa man ng mga kalalakihan. Kailangan ring isaalang-alang ng gobyerno na

karamihan sa mga nangingibang-bansa ay napipilitan lamang umalis dahil sa hirap ng buhay na

dinadanas nila sa sarili nilang bansa. Ang gobyernong Pilipino ay hindi dapat gawing solusyon

ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa sa lumalalang krisis ng unemployment at

underemployment. Isa pa, hindi rin sagot ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa

sa pagsugpo sa kahirapan ng Pilipinas, ito ay isa lamang panandaliang pantakip sa lumalaking

butas na dapat ay matagal nang nagawa ng gobyerno.

Bilang panghuli, isa sa mga mahahalagang mithiin ng pananaliksik na ito ay ang

patunayan na hindi parating nakakapagbigay ng tunay na pagsasakapangyarihan sa kababaihan

ang pangingibang-bansa ng mga Pilipina. Bagkus, sila pa nga ay kadalasang nakakaranas ng

isang kapinsalaan dahil hindi naman tunay na nababago ang pyudal-patriyarkal na sistemang

kanilang kinalalagyan.

Page 43: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 43

Batis

Alcid, M.L. (n.d.). Migrant Labour in Southeast Asia: Country Study: The Philippines.

Nakuha noong June 26, 2012, mula sa

http://www.fes.de/aktuell/focus_interkulturelles/focus_1/documents/7_000.pdf

Baxter, P., & Jack, S. (2008). Qualitative Case Study Methodology: Study Design and

Implementation for Novice Researchers. The Qualitative Report,13(4), 544-559.

Caritas Internationalis. (n.d.). The Female Face of Migration. Nakuha noong June 26,

2012, mula sa http://www.caritas.org/resources/index.html

Carling, J. (2005). Gender Dimensions of International Migration. Global Migration

Perspectives, No. 35.Nakuha noong June 26, 2012, mula sa

http://www.migrationdevelopment.org/fileadmin/data/resources/gender/research_papers/

GMP_No_01.pdf

Chammartin, G. (2008). Migration, Gender Equality and Development. Nakuha noong

Setyembre 6, 2012, mula sa www.icgmd.info/docs/paper_ilo.pdf

Devasahayam, T. (2008). Implications of Migration on Family Structures in Southeast

Asia. Nakuha noong Setyembre 6, 2012, mula sa http://www.bertelsmann-

stiftung.de/cps/rde/xbcr/SID-

454572243002179D/bst/Devashayam%20Implications%20of%20Migration.pdf

Edles, L., & Appelrouth, S. (2010). Chapter 7: Feminist and Gender Theories.

Sociological Theory in the Contemporary Era: Text and Readings. United States of

America: Sage Publications, Inc.

Engle, L. (2004). The World in Motion: Short Essays on Migration and Gender. Geneva:

International Organization for Migration. Nakuha noong June 27, 2012.

Jolly, S., & Reeves, H. (2005). Gender and Migration. United Kingdom: Institute of

Development Studies. Nakuha noong June 26, 2012, mula sa http://www.bridge.ids.ac.uk

Kohut, V. (2007). The Feminization of Migration in the Philippines and the

Consequences on the Family and the Children. Nova Scotia: Dalhousie University.

Nakuha noong June 28, 2012.

Lopez-Ekrah, S., Aghazarm C., Kötter, H., & Mollard, B. (2011). The Impact of

Page 44: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 44

Remittances on Gender Roles and Opportunities for Children in Recipient Families:

Research from the International Organization for Migration, Gender & Development.

London: Routledge. Nakuha noong Setyembre 24, 2012.

Mahler, S., & Pessar, P. (2006). Gender Matters: Ethnographers Bring Gender from the

Periphery toward the Core of Migration Studies. New York: The Center for Migration

Studies of New York, Inc.. Nakuha noong June 26, 2012.

Mahoney, J. & Rueschemeyer D. (2003). Comparative Historical Analysis in the Social

Sciences. Cambridge: Cambridge University Press. Nakuha noong Oktubre 13, 2012.

Malhorta, A., Schuler, S., & Boender, C. (2002). Measuring Women’s Empowerment as

a Variable in International Development. Nakuha noong Oktubre 13, 2012, mula sa

http://siteresources.worldbank.org

Martin, S. (2007). Women, Migration and Development. Nakuha noong Setyembre 6,

2012, mula sa isim.georgetown.edu/publications/20070601_Martin.pdf

Marx, K. (1977). A Contribution to the Critique of Political Economy. Moscow: Progress

Publishers with some notes by R. Rojas. Nakuha noong Setyembre 24, 2012,

mula sa http://www.marxists.org/archive/marx/works/1859/critique-pol-

economy/preface.htm

Mosedale, S. (2005). Assessing Women’s Empowerment Towards a Conceptual

Framework. Manchester: Manchester University. Nakuha noong Oktubre 13, 2012.

Neuman, W.L. (2006). Social Research Methods: Qualitative and Quantitative

Approaches. Toronto: Pearson

Omelaniuk, I. (n.d.). Gender, Poverty Reduction and Migration. Nakuha noong

Setyembre 6, 2012, mula sa

http://siteresources.worldbank.org/EXTABOUTUS/Resources/Gender.pdf

Skocpol, T. & Somers, M. (1980). The Uses of Comparative History in Macrosocial

Inquiry. Cambridge: Cambridge University Press. Nakuha noong Oktubre 13, 2012

United Nations International Research and Training Institute for the Advancement of

Women. (2008). Gender, Remittances and Development: The Case of Filipino Migration

to Italy. Nakuha noong Setyembre 6, 2012, mula sa http://www.un-

instraw.org/download-document/650-gender-remittances-and-development.-the-case-of-

filipino-migratin-to-italy.html

Page 45: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 45

Apendiks

Apendiks 1. Liham Para sa Organisasyon

Magandang araw po!

Ako po si Mary Anne Yu Pinlac, isang magtatapos na mag-aaral sa kurso ng Agham

Pampulitika mula sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila. Bilang parte po ng mga rekisito para

kami ay makapagtapos, kinakailangan po naming magsagawa ng isang pananaliksik ukol sa kahit

anong panlipunan o pambansang isyu. Sa isyung mapipili ay kinakailangang gamitin ang mga

napag-aralang teorya sa apat na taon ng aming pag-aaral sa unibersidad. Sapagkat hindi na

nalalayo sa akin ang isyu ng mga kababaihan dahil na rin ako ay nakagawa na ng iIang mga

kaugnay na pananaliksik sa ibang mga asignatura, ang napili kong saliksikin ay ang panlabas na

pandarayuhan ng mga kababaihan at ang epekto nito sa kaayusan ng kapangyarihan sa loob ng

tahanan. Marami na rin ang naging pananaliksik ukol sa nasabing paksa, ngunit ang isasagawa

ko pong pananaliksik ay naglalayong tignan ang relasyon ng panlabas na pandarayuhan ng mga

kababaihan sa pagbabago ng kaayusan ng kapangyarihan sa loob ng tahanan at kung paanong

ang kanilang sosyo-ekonomikong kundisyon ay nakakaapekto sa pagbabagong ito. Sa aking

pananaw, napakahalaga po ng opinyon ng mga kababaihang OFW ukol sa isyung ito sapagkat

sila mismo ang nakakaranas ng pagbabago. Itinuturing ko ring mahalaga ang opinyon ng mga

asawa at mga anak sapagkat sila rin ay nakakaranas ng mga pagbabago sa loob ng tahanan.

Bilang mga pangunahing stakeholders, sila lamang ang makakapagbigay ng lalim at kahulugan

sa aking isinasagawang pananaliksik.

Kaugnay nito, nais ko pong hingin ang tulong ninyo sa paghahanap ng maaaring maging

mga katugon para sa aking pananaliksik. Ang mga katugon po na hinahanap ko ay isang pamilya

(ina, asawang lalaki, anak na panganay) kung saan ang ina ay nangibang-bansa upang

magtrabaho. Bilang isang institusyon na tumutulong sa pagpapaunlad ng kalagayan ng Overseas

Filipino Workers, napakalaki po ng maiaambag ninyo sa aking pananaliksik at sinisigurado ko

po na ang lahat ng impormasyong makukuha ko ay ibabahagi ko sa inyong organisasyon kung

inyong nanaisin. Sa kasunod na pahina po ay isinama ko ang talahanayan ng mga katangian ng

mga katugon na kinakailangan kong kapanayamin para sa pananaliksik. Kung kayo po ay

mayroong mairerekomendang pamilya para sa aking pananaliksik, tatanawin ko pong isang

malaking utang na loob ang inyong pagtulong.

Kung kayo po ay may mga katanungan, maaari niyo po akong kontakin sa 09154413395, o sa

[email protected]. Maraming salamat po at ako po ay umaasa na mapagbibigyan ninyo

sa aking kahilingan.

Lubos na gumagalang,

Mary Anne Yu Pinlac

Mag-aaral ng Agham Pampulitika

Unibersidad ng Pilipinas Maynila

Page 46: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 46

Apendiks 2. Liham Para sa Katugon

Magandang araw po!

Ako po si Mary Anne Yu Pinlac, isang magtatapos na mag-aaral sa kurso ng Agham

Pampulitika mula sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila. Bilang parte po ng mga rekisito para

kami ay makapagtapos, kinakailangan po naming magsagawa ng isang pananaliksik ukol sa kahit

anong panlipunan o pambansang isyu. Sa isyung mapipili ay kinakailangang gamitin ang mga

napag-aralang mga teorya sa apat na taon ng aming pag-aaral sa unibersidad.

Sapagkat hindi na nalalayo sa akin ang isyu ng mga kababaihan dahil na rin ako ay

nakagawa na ng iIang mga kaugnay na pananaliksik sa ibang mga asignatura, ang napili kong

saliksikin ay ang pandarayuhang panlabas ng mga kababaihan at ang epekto nito sa kaayusan ng

kapangyarihan sa loob ng tahanan. Marami na rin ang naging pananaliksik ukol sa nasabing

paksa, ngunit ang isinasagawa ko pong pananaliksik ay naglalayong tignan ang relasyon ng

panlabas na pandarayuhan ng mga kababaihan sa pagbabago ng kaayusan ng kapangyarihan sa

loob ng tahanan at kung paanong ang kanilang sosyo-ekonomikong kundisyon ay nakakaapekto

sa pagbabagong ito. Sa aking pananaw, napakahalaga po ng opinyon ng mga kababaihang OFW

ukol sa isyung ito sapagkat sila mismo ang nakakaranas ng pagbabago. Bilang mga pangunahing

stakeholders, sila lamang ang makakapagbigay ng lalim at kahulugan sa aking pananaliksik.

Kaugnay nito, nais ko pong hingin ang permiso ninyo upang aking makapanayam para sa

nasabing pananaliksik. Napakalaki po ng maitutulong ninyo sa aking pananaliksik at sinisigurado

ko po na ang lahat ng impormasyong makukuha ko sa ating panayam ay mananatiling pribado at

eksklusibo lamang para sa pananaliksik. Tatanawin ko pong isang malaking utang na loob ang

inyong pagpapaunlak sa akin at asahan ninyong hindi ko kayo ilalagay sa kapahamakan. Akin rin

pong rerespetuhin ang inyong desisyon kung sakaling hindi ninyo nais na makipag-panayam sa

akin at maging parte ng pananaliksik. Kung inyo naman pong pauunlakan ang aking kahilingan,

nais ko pong i-record ang magiging panayam upang aking maisulat at mas mapag-aralan ang

mga impormasyong makukuha mula dito.

Kalakip po ng liham na ito ang mga katanungang nais kong alamin ang kasagutan sa

pamamagitan ng ating magiging panayam. Maaari niyo rin po akong kontakin ng pauna kung

may iba pa kayong nais na malaman bago tumuloy sa panayam. Ang akin pong kontak number

ay 09154413395.

Maraming salamat po at ako po ay umaasa na mapagbibigyan ninyo sa aking kahilingan.

Lubos na gumagalang,

Mary Anne Yu Pinlac

BA Political Science – UP Manila

Page 47: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 47

Gabay na mga Katanungan sa Panayam

Unang Parte: Desisyon na Mangibang Bansa

1. Ano po ang nagtulak sa inyo upang naisin na magtungo sa ibang bansa para doon ay magtrabaho? 2. Sarili niyo po bang desisyon ang pagtungo sa ibang bansa?

3. Nagkaroon po ba ng papel ang kahit na sinong miyembro ng inyong pamilya (asawa, anak,

maging ang inyong mga magulang o kapatid) sa desisyon ninyong mangibang-bansa? 4. Sa inyo pong pananaw, kaninong opinyon ang mas sinunod ninyo sa pagdedesisyon, ang inyong

sariling desisyon o ang desisyon ng inyong pamilya (kung mayroon man)?

5. Sino po ang una ninyong inisip at inasahan na papalit sa mga tungkulin ninyo noong magdesisyon

na kayong mangibang-bansa? Sino po ang aktwal na pumalit nang kayo ay umalis na?

Ikalawang Parte: Bago Mangibang Bansa

1. Ano po ang partikular na pang-ekonomikong kundisyon ng inyong pamilya bago ninyo naisin na magtungo sa ibang bansa?

2. Kayo po ba ay nagkaroon na ng pagkakataon na magtrabaho bago pa magtungo sa ibang bansa?

a. Kung oo, ano po ang naging trabaho ninyo? Natatandaan niyo pa po ba kung magkano ang kinita niyo rito (buwan buwan o taon taon)?

b. Kinailangan niyo po ba ang permiso ng inyong asawa o kahit na sinong miyembro ng

pamilya bago makapagtrabaho?

3. Ano naman po ang partikular na kaayusan ninyo sa tahanan bago kayo magtungo sa ibang bansa? a. Kayo po ba ay may parte sa mga pangunahing pagdedesisyon bago magtungo sa ibang

bansa? Kung meron, maaari niyo po bang isalarawan ang papel ninyo sa pagdedesisyon

at kung anong mga klaseng desisyon ang mga ito? b. Sa palagay niyo po ba, pantay ang bigat ng desisyon ninyo at desisyon ng inyong asawa

noon? Bakit po ganito ang inyong pananaw?

c. Sino po ang pangunahing kumikita sa pamilya bago kayo magtungo sa ibang bansa? Ano po ang naramdaman niyo ukol sa ganoong klase ng kaayusan?

d. Kayo po ba ay humawak ng badyet sa pamilya? Kung oo, kayo rin po ba ang nagdesisyon

sa paggastos nito? Kung hindi, sino po ang humawak at nagdesisyon sa mga gastusin?

e. Ano po ang mga gastusin sa bahay na kayo ay nagkaroon ng kakayahang pagdesisyunan? Pakibigay po ang mga detalye.

f. Ano po ang mga inasahang tungkulin ninyo sa loob ng tahanan noon? Ganito rin po ba

ang inaasahan ninyong tungkulin para sa inyong sarili? g. Pabor po ba kayo sa inasahang tungkulin ninyo sa loob ng tahanan? Bakit po?

4. Noong kayo po ay hindi pa nangingibang-bansa, ninais niyo po bang maging breadwinner o

makapag-ambag sa badyet para sa inyong pamilya?

a. Ang pangingibang bansa ninyo po ba ay tumupad sa pagnanais ninyong ito? b. Naging maganda po ba ang resulta ng pangingibang-bansa ninyo sa aspeto ng pag-

aambag ninyo sa rekurso ng pamilya?

5. Bago po kayo magtungo sa ibang bansa at maging isang OFW, ano pa po ang ibang karanasan ninyo ukol sa katayuan o kalagayan (sa konteksto ng kapangyarihan) sa loob ng tahanan? Kung

maaari po sana ay isalarawan ninyo ito.

Ikatlong Parte: Pangingibang-bansa

1. Gaano po kayo katagal na nanatili sa ibang bansa? Kung kayo po ay pansamantala lamang na

umuwi sa Pilipinas, gaano po katagal ninyo balak na manatili sa ibang bansa?

2. Magkano po ang kinita ninyo sa pagtatrabaho sa ibang bansa? 3. Ano po ang mga naipundar ninyo para sa inyong pamilya habang o matapos kayong

makapangibang-bansa?

Page 48: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 48

Ika-apat na Parte: Matapos Mangibang Bansa

1. Sa inyo pong tingin, naging maganda po ba ang pagtanggap ng inyong pamilya sa mga naiambag

ninyo noong kayo ay nagtatrabaho pa sa ibang bansa?

2. Sa inyo po bang pananaw, ang pagkakaroon ninyo ng pagkakataon na mag-ambag sa badyet at rekurso ng inyong pamilya ay nagbigay ba sa inyo ng mas mataas na kalayaan sa loob ng

tahanan?

a. Mas malaya na ba kayong nakapagdesisyon para sa inyong sarili? b. Nagkaroon ba kayo ng papel sa pagdedesisyon para sa inyong mga anak?

c. Pinakinggan na po ba ng inyong asawa ang inyong mga payo, halimbawa tungkol sa mga

desisyon niyang ginagawa? d. Kayo na ba ang pangunahing namahala ng mga gastusin at ang naghawak ng badyet ng

pamilya?

e. Lumawak po ba ang papel ninyo sa pagpapasya kung anu-ano ang paggagamitan ng pera

ng inyong pamilya at kung magkano ang ilalaang badyet sa mga ito? Maaari po sanang magbigay ng halimbawa.

f. Ano pa pong mga desisyon ang mas nagkaroon kayo ng kalayaan na lahukan matapos

ninyong makapangibang-bansa? 3. Nang kayo po ay magsimulang magtrabaho sa ibang bansa at makapagpadala ng pera para sa

inyong pamilya, ano po ang mga naging pagbabago sa kaayusan sa inyong pamilya? Paki-

kwento po pareho ang mga positibo at negatibong pagbabago. 4. Mayroon po bang sinisi (o patuloy na sinisisi) ang mga miyembro ng inyong pamilya (partikular

ang asawa at anak) sa mga naging negatibong pagbabago na dulot ng inyong pangingibang-

bansa? Bakit po sila ang sinisisi sa mga naging pagbabago?

5. Sa mga naganap matapos kayo ay mangibang bansa, maituturing po ba ninyo ito bilang isang porma ng pagkakaroon (o pagdagdag man) ng kapangyarihan?

a. Sa pananaw niyo ba, tumaas ang respeto ng mga miyembro ng inyong pamilya para

sa inyo? b. Pantay na ba ang pagtingin at pagrespeto sa inyong mga opinyon at desisyon para sa

pamilya katulad sa inyong asawa?

c. Ang lahat ba ng mga pananaw ninyo sa kahit na anong bagay ay binigyang-pansin (o

mas lalong binigyang pansin) matapos kayong mangibang-bansa? d. Ang mga kamag-anak niyo ba ay nag-iba ang pagtingin sa inyo matapos kayong

mangibang-bansa? Sa paanong paraan po nag-iba?

e. Nang kayo ay makapangibang-bansa na, ano na po ang inasahan sa inyong tungkulin sa pamilya? Ganito rin po ba ang inasahan ninyo sa inyong sarili?

6. Kung kayo ay papipiliin, ano ang mas gusto ninyong kaayusan? Ang dating kaayusan noong kayo

ay hindi pa nangingibang-bansa o ang bagong kaayusan kung saan nakapagtrabaho na kayo sa ibang bansa at nakapag-ambag sa ekonomikong rekurso ng inyong pamilya? Bakit po ito ang

inyong napili?

Page 49: Pagsasakapangyarihan o Isang Kapinsalaan?

P i n l a c | 49

Apendiks 3. Free, Prior, Informed Consent Form

Magandang araw po!

Ako po ay isang magtatapos na mag-aaral ng kursong Agham Pampulitika mula sa

Unibersidad ng Pilipinas Maynila. Hinihiling ko po na kayo ay lumahok sa aking pananaliksik

tungkol sa migrasyon ng mga kababaihan at ang epekto nito sa kaayusan ng kapangyarihan sa

loob ng tahanan. Kung maaari po sanang basahin ninyo ang sumusunod upang makapagdesisyon

kayo kung nanaisin ninyong lumahok o hindi sa aking pananaliksik.

Ang layunin po ng pananaliksik na ito ay alamin kung paano nakakaapekto ang

pandarayuhang panlabas ng mga kababaihan sa kanilang kapangyarihan sa loob ng tahanan. Nais

rin po ng pananaliksik na iugnay ang epekto ng pagkakaiba ng sosyo-ekonomikong kundisyon sa

hinahatid na pagbabago sa kaayusan ng kapangyarihan sa pamilya. Sa pamamagitan ng

pananaliksik, malalaman kung ang lahat ba ng inang nangingibang-bansa upang magtrabaho ay

nakakaranas ng pagbabago sa antas ng kapangyarihan sa loob ng kanilang tahanan at kung ang

proseso ba ng pagkakaroon ng pagbabago sa kaayusan sa loob ng tahanan ay nagdudulot ng

magandang epekto sa kanilang pamilya. Ang pag-aaral ay makakapag-ambag ng malaki sa

pagpapayaman at pagpapalalim ng kaalaman ukol sa mga pagbabagong hatid ng pangingibang-

bansa ng mga kababaihan.

Ang pamamaraang isasagawa para makapagkalap ng impormasyon ay ang pagkakaroon

ng pribado o one-on-one na panayam sa bawat katugon at ang pagkakaroon rin ng isang

kumportableng pagkukuwento ukol sa mga karanasan ng mga katugon. Ang kabuuang panayam

kasama na ang dalawang pamamaraan ay tatagal ng isa hanggang isa’t kalahating oras depende

na rin sa kagustuhan ng mga kalahok sa pagsagot ng mga katanungan. Mayroon ring kalayaan

ang mga kalahok na ihinto ang panayam kung hindi na sila kumportable sa nagiging takbo nito.

Sa pamamagitan po ng paglagda sa ilalim, pinapatibay na ang panayam ay isinagawa ng

walang kahit na anong porma ng panliligalig, pananakot, o pamumuwersa, at ito ay isinagawa ng

may ganap na pahintulot mula sa mga katugon. Lahat ng impormasyon na matitipon sa paglahok

sa pananaliksik na ito ay sinisiguradong pananatilihing pribado at eksklusibo, at gagamitin

lamang para sa ikayayaman ng pananaliksik. Sinisigurado rin na istriktong akademiko lamang

ang hangarin sa pagkalap ng mga impormasyon.

Pangalan ng Katugon:

Lagda ng Katugon:

Petsa: