23
IPAGLABAN NATIONAL minimum wage! P16,000 KADA BUWAN - All Workers’ Unity PARA SA LAHAT NG MANGGAGAWA AT KAWANI PRAYMER NG KAMPANYA INILATHALA PARA SA ALL WORKERS’ UNITY

Praymer Sa NMW 16thou

Embed Size (px)

DESCRIPTION

Praymer Sa NMW 16thou

Citation preview

Page 1: Praymer Sa NMW 16thou

IPAGLABAN

NATIONALminimum wage! P16,000 KADA BUWAN - All Workers’ Unity

PARA SA LAHAT

NG MANGGAGAWA

AT KAWANI

PRAYMER NG KAMPANYA INILATHALA PARA SA ALL WORKERS’ UNITY

Page 2: Praymer Sa NMW 16thou

Praymer sa National Minimum Wage, P16,000 monthly

nilalaman1. Ano ang kalagayan ng minimum na sahod ng mga manggagawa at kawani?

2. Bakit National Minimum Wage P16,000 monthly ang ating panawagan?

3. Ano ang pagkakaisa at laban na kailangan (All Workers’ Unity)?

4. Kaya ba itong ibigay ng mga kapitalista sa mga manggagawa at kawani sa pribadong sektor?

5. Kaya ba itong ibigay ng gobyerno sa mga manggagawa at kawani sa pampublikong sektor?

6. Ano ang dapat nating gawin para makamit ang ating kahingian?

7. Bakit hindi sa pagkakamit ng National Minimum Wage P16,000 monthly magtatapos ang ating laban?

8. Anu-ano ang ating mga panawagan?

Introduksyon Isang bagong kampanya ang “National Minimum Wage, P16,000 monthly” o “Pambansang Minimum na Sahod, P16,000 monthly.” Resulta ito ng mga aral sa mga kampanya sa isyu ng sahod ng mga manggagawa at kawani kapwa sa pribado at publikong sektor sa buong bansa. Resulta ito ng pagsisiyasat sa epekto ng neoliberal na atake sa sahod na ipinatupad ng mga administrasyon hanggang sa panahon ni BSA sa papasagad at papatinding paraan. Inabot na ang sahol sa atake sa mga batayang karapatan sa sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawa at kawani upang ang hanay ay gumawa ng mahalagang pagpapahusay sa balangkas at paraan ng pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang masa. Pangunahin dito ang kampanyang: Ipaglaban! National Minimum Wage, 16,000 monthly! All Workers’ Unity! Pangunahing layunin nito ang isulong sa balangkas ng Social Justice ang National Minimum Wage, P16,000 monthly. Sa ganitong

pahina 2

Page 3: Praymer Sa NMW 16thou

pagdadala, maisusulong ang laban para sa pambansang minimum na sahod bilang mahalagang bahagi ng pagsalag at paglaban sa neoliberal na atake sa manggagawa’t mamamayan Layunin na palakasin ang kampanya sa sahod sa pamamagitan ng pagsusulong ng makauring pagkakaisa sa isyu. Bibigkisin nito ang mga manggagawa at kawani kapwa sa pribado at publiko sektor, at sasaklawin ang mala-manggagawang-lunsod at mangagagawa sa plantasyon. Layunin ng kampanya na labanan ang neoliberal na atake sa sahod at ang mga iskema at programa ng gobyerno na nagpapatupad nito sa papatinding paraan upang patindihin ang sistema ng murang paggawa at ang kakabit nitong malaganap na kawalann ng trabaho at kontraktwalisasyon ng labor force. Sa ganitong pagdadala layong kamtin ang malawak na suporta ng ibang sektor at buong mamamayan.

Kailangan ang gawaing edukasyon at propaganda hinggil sa kampanya – sa hanay ng mga unyonisado at organisadong manggagawa at kawani sa pribado at publikong sektor, sa masang manggagawa at kawani, at sa malawak na publiko mismo. Mahalagang malaman at maunawaan ng buong sambayanan ang mga batayan para sa kampanyang National Minimum Wage, P16,000 monthly. Ganoon din ang paglantad sa hungkag na mga pagtutol ng mga kapitalista at ng gobyerno sa panawagang sa minimum na sahod at dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani. Isang pagsisikap ang praymer na ito para tugunan ang naturang pangangailangan. Ibayo at tuluy-tuloy nating paramihin ang natatalakayan nito sa mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa at kawani sa pribado at publiko sektor, gayundin sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Magiging mas mabisa ang praymer na ito kung kagyat na susundan ng mga pag-aaral na tumatalakay sa ekonomiyang pampulitika, sa kalagayan ng mga manggagawa at kawani sa kasalukuyang sistemang panlipunan, sa mga atakeng neoliberal sa mga manggagawa at mamamayan, at iba pang katulad na paksa.

All Workers’ Unity Oktubre 2014

pahina 3

Page 4: Praymer Sa NMW 16thou

1. Ano ang kalagayan ng minimum na sahod ng mga manggagawa at kawani sa bansa?

Una sa lahat, ang mga manggagawa at kanilang pamilya ay ilang dekada nang dumaranaas ng papatinding kahirapan at kagutuman. Sa kabilang banda, tuloy-tuloy ang pagkamkam ng mga kapitalista at malalaking burukrata sa gobyerno. Ang mga manggagawa ay lumilikha ng yaman pero kasama sila sa mga pinaka-naghihirap sa ating lipunan. Nagtatrabaho sila para mabuhay pero kulang na kulang ang kanilang sahod sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang mga tumatanggap ng “tinuring na minimum na sahod” at mas mababa rito ang siyang malaking mayorya sa mga manggagawa at kawani sa bansa. Sila ang pinakamarami sa 22.2 milyong manggagawa (wage and salary workers) mula sa kabuuang 38.1 milyong may trabaho sa bansa, ayon sa estadistika ng gobyerno noong 2013.

(a) Higit pang sinistimatisa ang kawalan ng National Minimum Wage ng rehiyunalisasyon, SSL, at iba pang iskema. Dati nang walang pambansang minimum na sahod. Mula sa simula ay magkaiba na ang mga itinuring na minimum na sahod ng mga manggagawa at kawani sa pribado at publikong sektor. Pinasahol pa ito ng iskema ng rehiyunalisasyon ng sahod. Sa pribadong sektor, ito ay sa bisa ng Wage Rationalization Law na pinatupad noong 1989. Ginawang kada rehiyon ang pagtatakda ng sahod kaya itinayo ang mga Regional Wage Boards. Pinag-iba-iba ang sahod ng mga manggagawa at kawani sa mga empresa na nakabatay sa maling konsepto na mas mababa ang “cost of living” sa mga Rehiyon sa labas ng Metro Manila, naging instrumento ang mga Regional Wage Boards ng ibayong pagbarat sa sahod ng mga manggagawa. Lumilikha ito ng ilusyong “tripartite” na binubuo ng kapitalista, gobyerno at mga manggagawa. Pero dahil ang gobyerno ay maka-kapitalista at ang kinatawan ng manggagawa ay dilawan, ang tatlong pwesto rito ay pawang hawak ng mga kapitalista. Sa publiko sektor naman ay ipinasa noon din 1989 ang Salary Standardization Law 1 (SSL) na nagtakda ng iskemang ang Salary

pahina 4

Page 5: Praymer Sa NMW 16thou

Grade 1 sa mga Local Government Units ay nasa 65% lamang ng nasa Metro Manila. Mula SSL 1 hanggang SSL 3 at sa mga dagdag na iskema kasama ang pribatisasyon, reorganisasyon at papalawak na kontraktwalisasyon ay dumami pa ang pagiiba-iba ng tinuturing na minimum na sahod. Ibayong nababarat ang sahod ng mga manggagawa at kawani sa mga Rehiyon sa labas ng Metro Manila. Ibig sabihin, ibayong nalulubog sa kagutuman at kahirapan ang kanilang mga pamilya at ibayot silang napagsasamantalahan at inaapi. Ang resulta, ngayon ay may mahigit 1,000 antas ng pasahod (wage levels) sa buong bansa ayon mismo sa Department of Labor and Employment. Sa ganitong kalagayan, masasabing walang umiiral na minimum na sahod sa bansa.

Rehiyon “Minimum Wage Rates”

NCR 429.00 – 466.00 CAR 247.00 – 280.00 I 213.00 – 253.00 II 219.00 – 255.00 III 215.00 – 336.00 IV-A 219.00 – 362.50 IV-B 205.00 – 275.00 V 236.00 – 260.00 VI 245.00 – 287.00 VII 275.00 – 340.00 VIII 220.50 – 262.00 IX 235.00 – 280.00 X 279.00 – 306.00 XI 286.00 – 317.00 XII 255.00 – 275.00 XIII 238.00 – 268.00 ARMM 250

*Mula sa website ng National Wages and Productivity Commission, Oktubre 2014

pahina 5

Page 6: Praymer Sa NMW 16thou

KATEGORYA Provinces/Cities Municipalities

NCR P9,000 monthly Special P9,000 monthly 1st Class P9,000 monthly P8,100 monthly2nd Class P8,550 P7,6503rd Class P8,100 P7,2004th Class P7,650 P6,7505th Class P7,200 P6,3006th Class P6,750 P5,850

* batay sa Joint Resolution No. 4 o Salary Standardization Law (SSL) 3

(b) inilihis at inilayo ng iskema ng Rehiyunalisasyon ng mini-mum na sahod sa direksyong kamtin ang nakabubuhay na sa-hod.

Sa nakaraang mga taon, maraming pamantayan ang ginagamit ng mga kapitalista at ng gobyerno sa pagtatakda ng iba-ibang minimum na sahod: implasyon sa kaso ng Regional Wage Boards, pondo ng gobyerno, natipid o savings sa kaso ng mga lokal na pamahalaan sa mga Rehiyon labas sa Metro Manila, “floor wage” batay sa “poverty threshold” sa kaso ng Two-Tiered Wage System sa mga manggagawa at kawani sa pribadong sektor at ng katulad sa publiko sektor, at iba pa. Pagkatapos, pinapangakuan na lang ang mga manggagawa at kawani ng “mumong umento”na maaring dagdag-sahod o alawans batay umano sa kanilang “performance” na itatakda sa antas ng empresa o ahensya o sa sangay pa nga ng mga ito. Kadalasan, nakadepende pa rin ito sa tubo ng kapitalista o natipid ng ahensya ng gobyerno sa isang takdang panahon. Pilit inililibing sa lahat ng ito ang direksyong kamtin ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa at kanilang pamilya. Pilit itong pinapalitan ng ibang konsiderasyon. Ang nakabubuhay na sahod ang dapat na kakambal na konsepto at

pahina 6

Page 7: Praymer Sa NMW 16thou

tunguhin ng minimum na sahod, pero dahil maging ang minimum na sahod ay binabasag sa iba’t ibang paraan, inaalis na rin ang konsepto ng pag-abante nito patungong nakabubuhay na antas. Ang mga batayang ito mismo ang nagsistimatisa ng hindi nakabubuhay na sahod at nagpapalabo sa lala ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa pribadong sektor at pang-aapi sa mga kawani sa publikong sektor.

Isang matinding atake ang Two-Tiered Wage System sa minimum na sahod. Ipinatupad ito ng gobyerno simula noong 2012 sa mga manggagawa at kawani sa pribadong sektor at may mga kahalintulad nito sa publiko sektor:

(i) Ang minimum na sahod ay papalitan ng floor wage na mas mababa sa nauna.(ii) Ang floor wage ay nakabatay sa napakababang “poverty threshold” na itinatakda ng gobyerno. Ang layunin ay huwag lang maibilang ang mga manggagawa at kawani sa pinaliit na hanay ng mahihirap sa estadistika ng gobyerno, hindi ang kamtin ang nakabubuhay na sahod. (iii) Ang dagdag-sahod ay ibabatay lang sa performance ng bawat manggagawa at kawani at sa tubo ng kapitalista. Itatakda ito sa antas ng bawat empresa sa pangunguna ng kapitalista. Lalong magiging mailap ang umentong matatanggap ng mga manggagawa.

(k) Kulang na kulang sa pangangailangan ng pamilya ng mga manggagawa at kawani ang iba-ibang minimum na sahod na itinatakda ng batas.

Upang mas maipaliwanag ang malaking kakulangan ng sahod ay gagamitin ang tinuring na minimum na sahod sa Metro Manila.

Minimum, pribadong sektor Minimum, publiko sektor P466 kada araw, P9,000 kada buwan Metro Manila (Salary Grade 1)

Kailangang idagdag agad na ang P466 ay minimum na sahod sa pribadong sektor sa Metro Manila, na siyang pinakamataas na minimum na sahod sa buong bansa. Kahalintulad nito, ang

pahina 7

Page 8: Praymer Sa NMW 16thou

P9,000 kada buwan ay minimum na sahod sa publiko sektor sa mga pambansang ahensya na maituturing na nasa Metro Manila. Ang mga manggagawa at kawani sa mga lokal na pamahalaan sa labas ng Metro Manila ay pinapasahod ng hanggang 65 porsyento ng P9,000 sa pinakamababa. Isang pansukat sa minimum na sahod ang kwenta ng Family Living Wage o FLW. Pansukat ito sa halagang kailangan ng isang karaniwang pamilyang Pilipinong binubuo ng lima (5) hanggang anim (6) na miyembro – ang mag-asawa at ang kanilang mga anak – para matustusan ang mga pinakabatayang pangangailangan sa isang araw, o para mabuhay nang disente sa isang araw. Gobyerno ang nag-umpisa ng pananaliksik na kumukwenta sa FLW, partikular ang ahensya nitong National Wages and Productivity Commission noong 1997. Gayunpaman, ipinatigil nito ang pananaliksik noong Setyembre 2008 dahil inilalantad ng FLW na kulang na kulang ang minimum na sahod sa bansa para mabuhay nang disente ang pamilya ng mga manggagawa at kawani. Ipinagpatuloy ang pananaliksik ng independyenteng institusyong Ibon Foundation. Ang totoo, kahit para rito, kulang na kulang ang FLW sa pananaliksik ng gobyerno kumpara sa tunay na nakabubuhay na sahod. Pero ipinagpatuloy nito ang pananaliksik at pagkwenta dahil ipinapakita nitong kahit sa konserbatibong pamantayan ng gobyerno, kulang na kulang ang minimum na sahod para maging sapat ang mga batayang pangangailangan ng pamilya ng manggagawa at kawani. Sa pinakahuling pananaliksik ng Ibon Foundation, nasa P1,086 bawat araw ang FLW nitong Agosto 2014. Ibig sabihin, kahit doblehin ang minimum na sahod, kulang na kulang pa rin ito para matustusan ang disenteng pamumuhay ng mga manggagawa at kawani at kanilang pamilya. Ang kinukwenta sa FLW ay ang (i) pinakabatayang gastos sa pagkain at (ii) iba pang gastusin, gayundin ang (iii) natipid o savings. Sa “iba pang gastusin,” nariyan ang renta sa bahay, transportasyon, kuryente, LPG, tubig, toiletries at komunikasyon. Wala pa riyan ang gastusin para sa edukasyon at kalusugan – lalo na sa pagpapaospital. Ang inilaan naman sa savings ay 10 porsyento lamang. Ayon pa sa Ibon Foundation, lumalaki ang agwat sa pagitan ng FLW at ng minimum na sahod. Noong 2001 ay 50 porsyento ang minimum na sahod ng FLW subalit sa ngayon, nasa 43 porsyento ng FLW ang minimum na sahod sa pribadong sektor sa Metro Manila,

pahina 8

Page 9: Praymer Sa NMW 16thou

habang nasa 32 porsyento lamang ng FLW ang minimum na sahod sa publiko sektor sa Metro Manila.

Inilalarawan ng lumalaking agwat sa pagitan ng FLW at minimum na sahod ang tumitinding kagutuman at kahirapan ng mga manggagawa at kanilang pamilya. Pagpapakita ito ng nararamdaman nilang paglubog sa kahirapan.

Barya-baryang dagdag-sahod. Sa mga nagdaang taon, barya-barya ang inaprubahang umento sa minimum na sahod ng mga manggagawa. Sa 25 taon ng Wage Rationalization Law, ang kasalukuyang batas tungkol sa pagtatakda ng sahod, P36.00 na sa isang taon ang pinakamataas na ipinatupad na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila. Barya-baryang dagdag-sahod din ang ibinigay sa mga manggagawa sa sektor publiko sa ilalim ng Salary Standardization Law na una ring ipinatupad noong 1989. Sa loob ng 25 taon mula nang ipasa ang SSL1 ay nasundan pa ito ng SSL2 at SSL3 na lahat ay may napakababa at pautay-utay (staggered) na pagbibigay ng umento. Napakalaki naman ng dagdag-sahod na ibinibigay sa matataas na opisyales ng gobyerno, maliban pa sa kanilang marami at malalaking perks. Kaya naman sa nakaraang mga taon, nagtaasan ang presyo ng mga bilihin at singil sa mga serbisyo nang mas mabilis sa pagtaas ng sahod. Malalaki ang pagtaas ng presyo at singilin habang barya-barya ang pagtaas ng sahod, bagay na nagresulta ng pagkaiwan ng

pahina 9

Page 10: Praymer Sa NMW 16thou

sahod. Hindi nailapit ang sahod sa tumataas na pangangailangan sa disenteng pamumuhay. Gayun din, papaliit ang tunay na halaga ng sahod kumpara sa nominal na halaga nito.

(d) Malaganap ang paglabag maging sa mababa at iba-ibang minimum na sahod.

Kulang na kulang na nga ang itinuring na iba-ibang minimum na sahod sa pangangailangan ng pamilya ng mga manggagawa at kawani, malawakang nilalabag pa ito ng mga kapitalista at ng gobyerno. Ayon mismo sa Labor Force Survey noong Oktubre 2011 ng National Statistics Office, sa mga manggagawa sa bansa, 29 porsyento (o 6.1 milyon) lang ang tumatanggap ng mas mataas sa minimum na sahod, 25 porsyento (5.3 milyon) ang tumatanggap ng minimum na sahod, habang 46 porsyento (9.8 milyon) ang tumatanggap ng mas mababa sa minimum na sahod. Ipinakita ng datos na ito na “walang minimum na sahod” sa buong bansa. Marami sa mga tinatamaan ng paglabag sa minimum na sahod ang mga kontraktwal. Iligal ito sa kaso ng mga manggagawa sa pribadong sektor, at pinagmumukhang ligal sa mga manggagawa sa publikong sektor ng mga patakarang nagbabatay ng minimum na sahod sa natipid ng ahensya o lokal na pamahalaan. Anu’t anuman, ipinapatupad ang naturang paglabag sa napakalaki at ibayong lumalaki pang hanay ng mga kontraktwal sa bansa. Hinikayat ang ganitong kalagayan ng kawalan ng pambansang minimum na sahod. Sa umiiral na kalagayan, mas naitatago ng mga kapitalista at ng gobyerno ang kanilang paglabag sa minimum na sahod. Ginawa at ginagawa pa itong batayan para lalong labagin ang minimum na sahod:>> Ginawang ligal ang mga paglabag sa minimum na sahod ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) Law na ipinasa noong 2002. Dito, kapag ang isang negosyo ay may kapital na mas mababa sa P3 milyon, ituturing itong BMBE at sa gayon ay ligal nang magbigay ng sahod na mas mababa sa minimum. Dahil dito, naging modus operandi ng ilang malalaking kapitalista na hati-hatiin ang negosyo sa mas maliit para hindi magbigay ng minimum at makatamasa ng iba pang ayuda ng gobyerno. >> Sa “pananaliksik” na inilabas nito ngayong 2014, panukala naman ng Philippine Institute forDevelopment Studies, isang “think-tank”

pahina 10

Page 11: Praymer Sa NMW 16thou

ng gobyerno, na gawing ligal ang mga paglabag sa minimum na sahod. Noong una, sinabi nitong ang pagkakaroon ng minimum na sahod ang humahadlang sa mga walang trabaho na magkaroon ng trabaho, kaya dapat bigyan ang mga manggagawa ng “opsyon” na tumanggap ng mas mababa sa minimum na sahod. Matapos umani ng mga tuligsa, bahagyang binago nito ang tono at sinabing dapat payagan ang maliliit na negosyanteng Pilipino na magbigay ng sahod na mas mababa sa minimum. >> Sa kaso naman ng mga manggagawa at kawani sa mga Local Government Units, mayroong itinatakdang “personnel service cap” sa badyet ng lokal na pamahalaan. Ito ang hangganan ng badyet na maaaring ilaan sa sahod ng mga manggagawa at kawani. Dito, maaaring magpasahod nang mas mababa sa minimum kapag naabot na ang naturang “cap” o hangganan sa pagbabadyet.

Ang rehiyunalisasyon at iba pang porma ng pagbasag sa minimum na sahod ay bahagi ng atakeng neoliberal sa mga manggagawang Pilipino at sa kilusang paggawa sa bansa. Katulad ng iba pang patakarang neoliberal, layunin nitong baratin ang sahod ng mga manggagawa at ibayong palakihin ang tubo ng mga kapitalista sa gitna ng muling pagputok ng krisis ng labis na produksyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista noong dekada ’70. Bago ang 1989, diumano ay may tinawag na pambansang minimum na sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Isinabatas noong 1951 ang Minimum Wage Law, sa ilalim ng gobyerno ni Elpidio Quirino. Resulta ito ng masiglang protesta ng mga manggagawa sa ilalim ng Congress of Labor Organizations. Bahagi ito ng pagtatangka ng mga kapitalista at ng gobyerno na pahupain at supilin ang tumitinding radikalisasyon ng mga manggagawa. Subalit hindi tunay na may pambansang minimum sa Ilalim ng 1951 Minimum Wage Law dahil hindi nito isinama ang hanay ng publiko sektor at iba pa kasama na ang mangagawa sa plantasyon. Kung kaya hindi natin layunin na ibalik sa nasabing balangkas ng batas noong 1951 o ng lumang Minimum Wage Law. Ang laban para sa National Minimum Wage, P16,000 monthly ay para sa lahat ng manggagawa at kawani sa buong bansa.

pahina 11

Page 12: Praymer Sa NMW 16thou

2. Bakit National Minimum Wage P16,000 monthly ang ating panawagan? Pagpapahusay sa balangkas at pamamaraan ang panawagang National Minimum Wage P16,000 monthly kung kaya hindi ito tulad ng dating pagdadala ng kampanya sa dagdag sa sahod. Isang buong konsepto ang nilalaman at pagkakahanay ng ating panawagan kung kaya hindi din lang ito basta pinagdikit-dikit na mga panawagan. Mula sa paglalahad ng kalagayan ay sikapin na unawain natin ang pagkakabuo ng panawagan.

(a) Tagumpay para sa pambansang minimum na sahod ang tatapos sa rehiyunalisasyon at iba pang porma ng pagbasag sa minimum na sahod. Ang kawalan ng pambansang minimum ay isang mayor na armas sa pagbarat sa sahod ng mga manggagawa at kawani at pagpapatindi ng kagutuman at kahirapan ng kanilang pamilya. Mayor na armas din ang halos 1,000 itinakdang minimum na sahod ng gobyerno para mapigilan ang malakas na pagsulong ng laban para sa dagdag na sahod na may katangian ng mahigpit na pagkakaisa ng manggagawa at kawani sa buong bansa. Ginawa nitong sistematiko, institusyunalisado, ligal, at komprehensibo ang pagpapanatili ng sistema para sa pagbabarat ng sahod. Sa kabilang banda, tungkulin ng isang lipunan na ibigay ang minimum na sahod sa kanyang mga manggagawa at kawani. Karapatan ito ng mga manggagawa at kawani na dapat ay kilalanin ng mga kapitalista at ng gobyerno. Kailangang mawakasan ang rehiyunalisasyon at iba pang porma ng pagbasag sa minimum na sahod kung kaya pangunahing aspeto ng kampanya ngayon ang panawagan para sa pambansang minimum na sahod. Babanggain nito ang napakaraming atake sa minimum na sahod, aktwal mang ipinapatupad o pinaplano pa lang. Papalutangin nito ang mga paglabag sa minimum na sahod, lalo na sa hanay ng mga kontraktwal, na hinihikayat ng rehiyunalisasyon at iba pang porma ng pagbasag sa minimum na sahod. Dagdag pa, ang tagumpay sa pambansang minimum na sahod ang magdudugtong sa nakabubuhay na sahod. Ang pagkakaroon

pahina 12

Page 13: Praymer Sa NMW 16thou

ng minimum na sahod at ng konsepto ng nakabubuhay na sahod ay resulta ng pakikibaka ng uring manggagawa para magkaroon ng disenteng pamumuhay. Pagkilala ito na hindi kusang ibibigay ng mga kapitalista at ng umiiral na gobyerno ang disenteng pamumuhay sa mga manggagawa.

(b.) Ang pigurang P16,000 monthly ang makapaglalapit ng pambansang minimum na sahod sa antas ng disenteng pamumuhay ng pamilya. Dagdag-sahod na makakapagbigay ng kagyat na ginhawa sa mga manggagawa at kawani mula sa kahirapan at kagutuman. Dahil sa pagtindi ng kagutuman at kahirapan ng mga manggagawa at kawani at kanilang pamilya, kailangang-kailangan nila ang dagdag-sahod na may sumusunod na katangian. Itinuturo ng katarungang panlipunan (social justice) na makatarungan ang anumang pagtaas sa sahod ng nakakaraming manggagawa at kawani sa harap ng napakalaking tubo at kita ng iilan sa lipunan na nagpapasahod sa kanila. Kailangang mailapit ang minimum na sahod sa ilang

pahina 13

Page 14: Praymer Sa NMW 16thou

dekada nang pagtataasan ng presyo ng mga bilihin at ng singilin sa serbisyo. Kailangang mailapit ang minimum na sahod sa antas na nakabubuhay, kahit sa FLW ng gobyerno. Hindi sasapat ang naging kalakaran na barya-baryang dagdag-sahod, kahit pa taun-taon.

Family Living Wage (kada araw) P1,086 (Agosto’14)Magkano sa isang buwan? (x 30 araw) P32,580Ang ating panawagan: P16,000

Ang P16,000 monthly panawagan sa pinakasimpleng paliwanag ay sa layuning kamtin ang kalahati ng FLW na magbibigay ng kagyat na ginhawa sa mga manggagawa at kawani sa bansa. Sa ngayon ay nais nating makamit ang minimum na sahod kahit sa gayong bahagdan man lamang ng FLW. Sa kasaysayan, naabot na ang ganitong bahagdan ng FLW ng minimum na sahod ng mga manggagawa kapwa sa pribado at publiko sektor – lalo na noong maagang bahagi ng dekada ’90. Pero ngayon, malinaw na nasa 40 porsyento o mas mababa pa ang minimum na sahod kumpara sa FLW. Ang mahalaga sa panawagan at kampanya ay isang pambansang minimum at mailapit, kahit bahagya, sa antas na nakabubuhay ang sahod. Mabigyan ng kagyat na ginhawa ang mga manggagawa sa harap ng ilang dekadang pagkabansot ng sahod at ibayong pagsirit ng presyo ng mga bilihin at singilin sa serbisyo. Bakit P16,000 monthly? Sa 30 araw kinalkula ang FLW kada buwan bilang paggigiit na hindi sa 26 na araw lamang nabubuhay ang mga manggagawa at kawani at kanilang pamilya, kundi sa 30 araw. Kung hahatiin ang P16,000 sa 26 na araw, na siyang pamantayan ng gobyerno sa pagkwenta ng sahod, ay magiging P616 bawat araw ang pambansang minimum na sahod. Magbibigay ito ng armas sa mga manggagawa na ilantad at labanan ang mga paglabag sa minimum na sahod, lalo na sa hanay ng mga kontraktwal.

SA TAgUMPAy Ng NATioNAL MiNiMUM WAge P16,000 MoNTHLy, DAPAT MAgKARooN DiN Ng KARAMPATANg PAgTAAS ANg MgA UMiiRAL NA SAHoD NA MAS MATAAS SA MiNiMUM NA SAHoD. i-UUDyoK Ng NATURANg PAMBANSANg MiNiMUM NA SAHoD ANg PANgKALAHATANg PAgTAAS Ng SAHoD.

pahina 14

Page 15: Praymer Sa NMW 16thou

3. Ano ang pagkakaisa at paglaban

na kailangan (All Workers Unity)? Kailangan ang pagkakaisa at paglaban ng buong uring manggagawa o hanay ng manggagawa at kawani – nasa pribado at publikong sektor, sa buong bansa. Ito ang All Workers Unity - paramasiglang maibwelo, mabilis na lumawak, dumagundong ang panawagan, at iluwal ang kinakailangang lakas na may katangiang malalaking aksyon sa buong bansa. Isang antas ng lakas na magsusulong ng kampanya para sa pambansang minimum na sahod, dagdag-sahod hanggang sa pagkamit ng nakabubuhay na sahod. Kakatawanin ang ganitong pagkakaisa at paglaban upang labanan ang rehiyunalisasyon at iba pang iskema at porma ng pagbasag sa pambansang minimum na sahod. Isusulong ang iisang pigura o numero ng panawagan sa isyu ng sahod na P16,000 monthly. Dito pagsasanibin ang lakas na nakamit ng panawagang P125 across-the-board na dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani sa pribadong sektor, at ng panawagang P6,000 dagdag sa minimum na sahod ng mga manggagawa at kawani sa publiko sektor. Sa harap ng matinding pag-atake ng mga kapitalista at ng gobyerno sa pag-uunyon at pagkilos ng mga manggagawa at kawani para sa kanilang mga karapatan, napakahalaga ng pagkakaisa ng mga unyon at iba pang pormasyon ng mga manggagawa at kawani para mapalakas at maipagtagumpay ang makatarungang panawagan sa isyu ng sahod, trabaho at at iba pang karapatan. Magsisilbi ang naturang pagkakaisa bilang gulugod ng laban na magtitiyak na magtutuluy-tuloy ang laban at ito rin ang hahamig sa masang manggagawa at kawani, maralitang lunsod at manggagawa sa plantasyon patungo sa tuluy-tuloy na paglawak ng laban. Magsisilbi ang naturang pagkakaisa, ang ating panawagan, at ang pagpapalakas ng laban na inspirasyon sa napakaraming manggagawa at kawani para magkaisa at kumilos at magbuo ng unyon. Sa pagbubuo ng mas maraming manggagawa at kawani ng unyon at iba pang pormasyon, lalong mapapalakas ang paglaban. Makakamit ang ganitong pagkakaisa sa pagpapahusay

pahina 15

Page 16: Praymer Sa NMW 16thou

ng balangkas, pamamaraan at panawagan na kinatawan ng National Minimum wage P16,000 monthly kung malulubos sa malawak ang pag-unawa sa neoliberal na atake sa manggagawa at kawani, at mamamayan. Ang paglaban sa mga patakarang deregulasyon, liberalisasyon, pribatisasyon, ganun din ng flexible labor o kaswalisasyon at kontraktwalisasyon. Ang pagsusulong ng mga kampanya laban sa iskema, programa at batas sa pagpapatupad ng mga patakarang ito ng gobyerno ay mayor na salik upang kamtin ang All Workers Unity na may mahigpit na pakikiisa at malakas na suporta ng buong mamamayan.

Liberalisasyon – ibayong pagbubukas at pagluwag ng mga patakaran o regulasyon sa kalakalan, pamumuhunan at pinansya. Inaalis ang taripa, quantitative restrictions at iba pang hadlang sa halos lahat ng produktong inaangkat habang pinahigpit ang pagsandig ng exports sa mga kagamitan sa produksyon na inaangkat. Nagdudulot ng kronikong depisito sa kalakalan ng bansa. Tinitipid ang gastusin sa lakas-paggawa sa pamamagitan ng pagbarat sa sahod at kontraktwalisasyon.

Pribatisasyon – malakihan at maramihang pagsubasta sa mga ari-ariang publiko kabilang ang mga korporasyon at yutilidad na pinapatakbo ng estado. Nitong huli, ay isinama maging ang mga pension funds, tinangkang isapribado na rin upang bigyang puwang ang labis na kapital ng mga monopolyo. Malaking bilang ng mga kawani ng pamahalaan ang nawawalan ng trabaho, papaliit ang bilang ng regular na manggagawa habang mas naging laganap ang kontraktwalisasyon at ibayong mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Deregulasyon - patakaran sa ekonomiya na nagbabawas ng mga restriksyon, kontrol at iba pang papel ng gobyerno sa kalakalan, edukasyon, presyo ng mga bilihin atbp. Walang minimum na sahod, pagbabawas hanggang pag-alis ng subsidyo sa mga panlipunang serbisyo at pagtanggal ng kontrol sa presyo at singilin sa mga pangunahing bilihin at serbisyo. Mura at siil na lakas paggawa, overpricing sa mga bilihin at serbisyo, paglakas ng mga monopolyo.

pahina 16

Page 17: Praymer Sa NMW 16thou

4. Kaya ba itong ibigay ng mga kapitalista sa mga manggagawa at kawani sa pribadong sektor? Oo. Tumatanggi lamang ang mga kapitalista sa dagdag-sahod na kaakibat ng pagpapatupad ng P16,000 National Minimum Wage dahil ayaw nila ng ni katiting na kabawasan sa kanilang tubo – na higanteng tubo para sa pinakamalalaking kapitalista sa bansa. Hindi totoo ang sinasabi ng mga kapitalista at ng gobyerno na hindi kakayanin ng mga kapitalista ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa at kawani. Hindi dapat magdulot ang naturang umento ng (a) pagsasarahan ng mga negosyo, (b) pagtatanggalan sa trabaho, o (c) pagtataasan ng presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo. Panakot lang ang mga nabanggit para ipatanggap sa mga manggagawa at kawani ang napakababang minimum na sahod. Ang totoo, mula nang ipatupad ang Wage Rationalization Law, Salary Standardization Law, at iba pang kasabayang kontra-manggagawang batas at patakaran, lumiit nang lumiit ang gastos sa sahod kumpara sa kabuuang gastos sa produksyon at pambansang badyet.

(a) Sa tuwing kumokontra sa kahingian para sa dagdag-sahod, isinasangkalan ng malalaking kapitalista at ng gobyerno ang maliliit na negosyanteng Pilipino.

pahina 17

Page 18: Praymer Sa NMW 16thou

Pero sa mga panayam sa maliliit na negosyanteng Pilipino, sinasabi nilang hindi umaabot sa 10 porsyento ng kabuuang gastos sa produksyon ang gastos nila sa sahod. ikumpara ito halimbawa sa gastusin sa kuryente na umaabot sa 20-30 porsyento. Malinaw rin na hindi sahod ng mga manggagawa at kawani ang nagpapahirap sa pagnenegosyo ng maliliit na negosyante, kundi: (i) mahal na singil sa kuryente at tubig – na ilan sa pinakamataas sa buong mundo, (ii) ang liberalisasyon ng kalakalan at kaakibat nitong ismagling, (iii) buwis at kotong ng gobyerno, (iv) bulok na imprastruktura na nagpapataas ng gastos sa mga suplay at delivery. Idagdag pa diyan ang mahahabang transaksyon at hindi konsistent na mga patakaran sa pagnenegosyo. Kailangang resolbahin ang mga salik na nagpapahirap sa pagnenegosyo ng maliliit na negosyanteng Pilipino. Hindi pwedeng hindi resolbahin ang mga ito at pagkatapos ay ipapasan ang lahat ng pagpapahirap sa mga manggagawa at kawani. Hindi pwedeng hayaan ang gobyerno at malalaking kapitalista na pahirapan ang pagnenegosyo ng maliliit na negosyanteng Pilipino at kaya-kayanin ang mga manggagawa at kawani sa patuloy na pagbarat sa sahod ng huli. Katunayan, dapat tulungan ng gobyerno ang maliliit na negosyanteng Pilipino. Pero hindi sila ang tinutulungan ng gobyerno, kundi ang mga dayuhang at lokal na monopolyo at malalaking mamumuhunan na tumatanggap ng samu’t saring pakinabang mula sa gobyerno. Sa usapin ng buwis, halimbawa, ayon sa Department of Finance noong 2003, ang mga “tax and duty-free import incentives” na ibinigay sa malalaking kapitalistang namuhunan sa mga engklabong saklaw ng Philippine Economic Zone Authority, ay umabot sa P152.1 bilyon.

(b) Ang totoo, lumolobo ang tubo ng malalaking kapitalista sa bansa, at lalong kayang-kaya nilang ibigay ang panawagang National Minimum Wage P16,000 monthly sa mga manggagawa at kawani. Ayon sa pagsusuri ng Ibon Foundation sa listahang Top 1,000 Korporasyon ng pahayagang Business World, lumalabas na nadagdagan ng 34 porsyento o US$ 26 bilyon ang tubo ng pinakamalalaking korporasyon sa bansa sa panahong 2010-2013. Lumalabas naman na nadagdagan ng 137 porsyento o US$ 66

pahina 18

Page 19: Praymer Sa NMW 16thou

bilyon ang yaman ng 40 pinakamayamang Pilipino sa naturang mga taon. Samantala, sa pagsusuri nito sa datos ng gobyerno, lumaki lang nang tatlong porsyento ang tunay na karaniwang basic pay, at nang dalawang porsyento ang tunay na minimum na sahod sa Metro Manila sa parehong panahon. Napakalayo rin ng inilaki ng Gross Domestic Product at ng produktibidad ng mga manggagawa at kawani sa paglaki ng minimum na sahod ng mga manggagawa. Sa Metro Manila noong 2013, halimbawa, lumaki ang Regional GDP nang 204 porsyento at ang produktibidad ng paggawa nang 158 porsyento. Pero 10 porsyento lamang ang tunay na paglaki ng minimum na sahod.

5.Kaya ba itong ibigay ng gobyerno sa mga manggagawa at kawani sa publiko sektor?Oo.Taliwas sa mga pahayag ng gobyerno, may sapat itong pondo para sa National Minimum Wage P16,000 monthly sa lahat ng manggagawa at kawani sa publikong sektor. Ang totoo ay taun-taong tumataas ang koleksyon ng gobyerno. Sa kabilang banda ay ang taun-taong pagbaba ng porsyento ng pambansang badyet na napupunta sa pasahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno o personnel services. Napakalayo rin ng porsyento ng paglaki ng pondo ng gobyerno kumpara sa porsyento ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa at kawani. Idagdag pa sa pagbaba ng porsyento o sa anti-kawaning iskema ang pagbawi ng mga benepisyo, pagpapalaki ng buwis, tanggalan at kontraktwalisasyon. Mabilis na tatanggi lamang ang gobyerno sa National Minimum Wage P16,000 monthly dahil may ibang pinaglalaanan at pinagsisilbihan ang pambansang badyet – ito ay sa pagpapatatag sa hawak sa poder ng pangulo, sa korupsyon ng malalaking burukrata, at pagpapatupad ng mga dikta ng malalaking dayuhang bangko at kapitalista sa balangkas ng mga neoliberal na mga patakaran. Sa kabuuan ang bawat badyet ng gobyerno ay sumasangayon sa pagpapatupad ng mga neoliberal na mga patakarang deregulasyon, liberalisasyon. pribatisasyon, at flexible labor o kontraktwalisasyon. Syempre, kasama dito ang premyo sa pagsunod sa mga diktang patakaran ng nasa poder sa malakanyang at malalaking burukrata,

pahina 19

Page 20: Praymer Sa NMW 16thou

maliban pa sa sarili nitong sistema ng Patronage Politics. Ang tawag sa huli ay ang pandarambong at korupsyon o mas nakilalang tawag na pork barrel. Itinutulak ang parehong sistema sa papalalang pamamaraan at iniibang mga iskema ng bawat administrasyon.

(a) Taun-taong may misalokasyon sa pambansang badyet. Pinakamalaking bahagi ng pondo ng bayan ang awtomatikong inilalaan sa pambayad-utang. Para sa taong 2015 halimbawa, P399.36 bilyon o 15 porsyento ng kabuuang P2.61 trilyong badyet ang inilaan para sa pambayad sa interes pa lang ng utang panlabas. Hindi pa kasama dito ang inilaang pondo para sa mga utang na binabayaran ng mga ahensya sa ilalim ng mga maanomalya at makaisang-panig na kasunduan. Pangalawang malaking pinaglaanan ay ang mga proyektong pang-imprastruktura na sa aktwal ay pantustos sa mga kontrata ng pribatisasyon, partikular sa iskemang Build-Operate-Transfer, na pinasok ng gobyerno sa ilalim ng Public-Private Partnership Program. Malaking bahagi rin nito ang napupunta sa korupsyon. Malaking bahagi rin ng pambansang badyet ang napupunta sa pagpapalakas sa militar at maging sa mga pakitang-taong programa tulad ng programang Conditional Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development. Pero ang totoo, malaking bahagi ng pondo para sa mga ito ang kinukurakot ng malalaking pulitiko at burukrata. Laging huling priyoridad sa paglalaan ng badyet ang mga pampublikong serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan, at iba pang panlipunang serbisyo na kalakhan ay nasa patakaran na ng pribatisasyon at deregulasyon. Wala ring pondo para sa serbisyong pabahay, bagkus ay ibinibigay ito sa mga kapitalista bilang negosyo.

(b) Malaking pondo rin ang napupunta sa pork barrel ng mga pulitiko at talamak na korupsyon sa pamahalaan. Bilyun-bilyong halaga na pwede sanang laan bilang dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani ang ibinubulsa ng mga tiwaling opisyal. Sa isang bantog na pagtaya, nasa 40 porsyento ng pondo para sa mga programa ng gobyerno ang ibinubulsa ng malalaking pulitiko. Ang naglalakihang halaga na lumulutang sa mga eskandalo ng korupsyon ay ilang ulit nang makakapagbigay ng kahilingang dagdag-sahod sa mga manggagawa at kawani sa sektor publiko.

pahina 20

Page 21: Praymer Sa NMW 16thou

Ang lala at umaalingasaw na baho ng pagkamkam sa pamamagitan ng pork barrel ay nalantad sa pasya ng Korte Supremang laban sa DAP (Disbursement Acceleration Program) na itinawag sa Presidential Pork na tinatayang umabot mula P144 B – P177 B sa loob lamang ng ilang taon ni Aquino bilang Pangulo. Ang PDAF naman ay nasa poder din ng pangulo subalit pinagpaparte-parte sa mga Senador at Kongresista.

(c) Maraming pang dagdag na mapagkukunan ng pondo ang gobyerno para ilaan sa dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani nito, gayundin sa pagpapahusay sa mga serbisyong panlipunan, na hindi nito kinukuhanan. Kasama na rito ang (i) pagpapaliban ng buwis at iba pang ayuda sa mga dayuhang kapitalista, (ii) kaparusahan sa malalaking kapitalista na umiiwas sa pagbabayad ng buwis at sa mga smugglers, at (iii) kita sa mga serbisyong panlipunan na isinapribado nito.

6. Ano ang dapat nating gawin para makamit ang ating kahingian?

Hindi kusang ibibigay ng mga kapitalista at ng gobyerno ang National Minimum Wage P16,000 monthly. Kailangan natin itong ipaglaban. Kailangan natin silang pwersahing ibigay ang ating kahingian. Kailangan natin silang pwersahing ibigay ito sa pamamagitan ng malalaking protestang lansangan na pangunahin ang mga manggagawa at kawani kasama ang maralitang lunsod at manggagawa sa plantasyon at sumusuportang malawak na sambayanan. Kaakibat nito ang masisiglang lokal na kampanya at pakikibakang masa ng mga manggagawa at kawani sa mga empresa at ahensya, at ang masisiglang pakikibakang pampulitika. Puno tayo ng kapasyahang isulong at kamtin ang ating panawagan. Lubos na kinakailangan ito ng mga manggagawa at kawani at kaya itong ibigay ng mga kapitalista at ng gobyerno. Sa gayon, puno rin tayo ng kapasyahang palawakin ang ating pagkakaisa at pagkilos para sa layuning ito. Kailangang tanawin at pagsikapan nating kamtin ang daang libong manggagawa at kawaningnagmamartsa sa lansangan sa

pahina 21

Page 22: Praymer Sa NMW 16thou

buong bansa, na umaani ng malawak na suporta ng mga manggagawa at kawani, at mamamayan na naipapahayag sa iba’t ibang porma.

Ang mga sumusunod ang ating mga tungkulin:

(a) Pagkaisahin ang ating hanay. Talakayin ang praymer na ito sa ating mga unyon at organisasyon. Tiyaking idugtong ang plano kung paanong mula sa pagkakaisa ay aabot sa mas malawak ang ating hanay.

(b) Maglunsad ng malaganap na gawaing edukasyon at propaganda tungkol sa ating panawagan at kung bakit ito makatarungan.

(c) Maglunsad ng mga aksyong masa na tinatanaw nating lalahukan ng paparaming manggagawa, kawani, maralitang lunsod, mangagawa sa plantassyon at mamamayan sa buong bansa. Ilabas ang ating inisyatiba, pagkamalikhain at alab sa pagpaplano at paglulunsad ng naturang mga aktibidad.

(d) Makipagkaisa sa pinakamalawak na hanay – mula kapwa-manggagawa at kapwa-kawani at mga organisasyon ng mamamayan, hanggang mga taong-simbahan at academicians – para sa ating panawagan.

(e) Tuluy-tuloy na himukin ang mga senador, kongresista at mga pang probinsya, syudad at munipyong konseho lalu na ang mga progresibo at mapagkaibigan para suportahan at ating panawagan.

(f) Tuluy-tuloy na mag-organisa at magpalawak. Hihimok ang ating panawagan, pagkakaisa at pagkilos sa nakakaraming manggagawa at kawani na mag-unyon at mag-organisa – na magpapalakas pa sa ating kampanya.

7. Bakit hindi sa pagkakamit ng National Minimum Wage P16,000 magtatapos ang ating laban?

Panimulang hakbangin pa lang ito para ilapit ang minimum na sahod sa antas na nakabubuhay. Hindi pa pinag-uusapan ang buong

pahina 22

Page 23: Praymer Sa NMW 16thou

yaman na nililikha ng mga manggagawa at kawani na kinakamkam ng iilan at hindi pinapakinabangan ng lipunan. Ang tagumpay ng mga manggagawa, kawani at mamamayan sa lipunang ito ay pansamantala at madaling bawiin, kaya kailangang laging bantayan. Kailangang isulong ang iba’t ibang kaakibat na laban na magtataas ng sahod ng mga manggagawa at kawani – laban sa mataas na buwis, para sa mas mataas na benepisyo, para sa mas mainam na Collective Bargaining Agreement at Collective Negotiation Agreement, at iba pa. Hangga’t umiiral ang Regional Wage Boards at nananatiling batas ang Wage Rationalization Law at Salary Standardization Law, naririyan ang mga armas ng mga kapitalista at ng gobyerno para baratin ang sahod ng mga manggagawa at kawani. Hangga’t nagaganap ang pagsasamantala sa mga manggagawa at kawani, dahil ang iilan ang naghahari sa lipunan, patuloy na nanakawin sa mga manggagawa at kawani ang yamang nililikha nila. Kahit tumaas ang sahod ng alipin, nananatili siyang alipin. Ang kailangan ay wakasan ang pagkaalipin ng mga manggagawa at kawani na katangian ng namamayaning sistemang panlipunan.

8. Anu-ano ang ating mga panawagan? Manggagawa, magkaisa! National Minimum Wage, 16,000 monthly, ipaglaban!National Minimum Wage, P16,000 monthly, ipatupad!Pambansang Minimum Wage, ipatupad!Sahod, itaas! Presyo, ibaba!Regional Wage Boards, buwagin!Wage Rationalization Law, ibasura!Salary Standardization Law ibasura!Kontraktwalisasyon: atake sa sahod, trabaho at karapatan – ipagbawal!

pahina 23