Upload
buko-joe-perez
View
175
Download
56
Embed Size (px)
DESCRIPTION
A Filipino Philosophy of Art paper.
Citation preview
PEREZ, Ramon Florencio Jr. I.POSMODE A51 – 11038462
Estudio Rio: Likhang-Sining?
Nilalaman
I. Introduksyon
II. Ang Tradisyunal na Pananaw sa Likhang-Sining
a. Pangkumakatawang Katangian (Representational Property)
b. Katangiang Pagpapahayag (Expressive Property)
c. Katangiang Pormal (Formal Property)
III. Ang Estudio Rio ayon sa mga Tradisyunal na Pananaw
IV. Ang Avant-Gardes ayon kay Peter Burger
V. Ang Mga Likha ni Zobel bilang Avant-Garde
VI. Konklusyon
I
Introduksyon
Nakakita ka na ba ng mga bagay na tinatawag ng mga taong likhang-
sining ngunit hindi naman talaga mukhang likhang-sining dahil sa iba’t ibang mga
dahilan? Yung mga tipo ng likhang-sining na hindi naman kaayaaya gaya ng
isang kuwadro na iisa lang ang kulay na parang hindi man lang pinaghirapan
ngunit natawag agad itong likhang-sining na may napakalaking halaga, o kaya
naman isang binaliktad na ihian na ipinatong sa lamesa na may halagang lagpas
pa sa tatlong milyong dolyares? Kung iisipin mo, parang hindi naman talaga sila
mga likhang-sining. Maaaring maimpluwensiya lang talaga ang gumawa ng mga
ito. Ang sinabi kong binaliktad na ihian ay isa ngang likhang-sining, kung
matatawag nga natin talaga itong ganoon. Ito ay ang “Fountain” ni Marcel
Duchamp na inilabas sa isang eksibit noong 1917. Ang likhang-sining na ito ay
may halagang $3.6 million noong 2006.1 Isa na itong matinding kaso ng
problema ng mga bagay sa pagiging isang likhang-sining, ngunit ito ay tinawag
ng ibang mga taga-isip ng sining na isang “postmodern” na sining. Ito ay tinawag
ni Peter Burger na isang “avant-garde.”
Sa ating bansa, mayroon ding mga likhang-sining na mahirap tawaging
isang likhang-sining. Isa na dito ang “Estudio Rio” o “Study of a River” ni
Fernando Zobel. Si Fernando Zobel ay itinuturing isa sa mga pinakamagagaling
na Hispano-Pilipinong pintor sa mga panahon ngayon.2 Ang Estudio Rio ay isang
kuwadro na nilikha ni Zobel at ito ay nabili sa halagang 190,000 HKD sa isang
subastahan sa Hong Kong.3 Ang ginawa ni Zobel na ito ay isang kuwadro
lamang na may isang o kaunting bahid ng itim na pintura. Wala kang masyadong
makikita kundi ang bahid ng pinturang ito. Ito nga ba ay isang likhang-sining?
Ano nga ba ang pagkamarapat ng mga bagay upang maging isang likhang-
sining? Sa pananaliksik na ito, nais kong patunayang hindi matatawag na
likhang-sining ang Estudio Rio na nilikha ni Fernando Zobel sa pamamagitan ng
ng mga tradisyunal na pananaw sa mga likhang-sining ngunit ito ay susubukan
1 Dada artist accused of vandalizing Duchamp piece, USA Today (http://www.usatoday.com/news/offbeat/2006-01-06-duchampfountain_x.htm)2 Fernando Zobel Official Website, (http://www.fernandozobel.com/home.htm)3 Zobel, Fernando. Estudio Rio (2009). 23.5” x 23.5” Oil on canvas.
din nating litisin kung ito nga ba ay matatawag nating isang “avant-garde” ayon
sa pag-iisip ni Peter Burger.
II
Ang Tradisyunal na Pananaw sa Likhang-Sining
Sa larangan ng Sining, mayroong iba’t-ibang mga pananaw o
kwalipikasyong ginagamit upang masabing isang likhang-sining ang isang bagay.
Sa saliksik na ito, ang ating mga gagamitin ay ilan lamang sa mga tradisyunal na
pananaw sa likhang-sining. Ang mga ito ay ang pangkumakatawang katangian
(representational property), katangiang pagpapahayag (expressive property), at
katangiang pormal (formal property).
a. Pangkumakatawang Katangian (Representational Property)
Ang unang katangian o tradisyunal na pananaw na ating gagamitin upang
matasa ang pagka-likhang sining ng Estudio Rio ni Zobel ay ang
pangkumakatawang katangian o ang “representational property.” Ito ay ang
kwalipikasyon na nagsasabing ang likhang-sining ay imitasyon ng ibang bagay.
Upang ang kuwadro ay matawag na isang likhang-sining, nararapat na may
kinakatawan itong isang bagay o lugar o kung anumang maaaring gawan ng
imitasyon sa pamamagitan ng pagpipinta ng kuwadro, ganun din sa iba pang
mga klase ng likhang-sining.
Kung hindi masyadong malinaw, gamitin natin si Juan at ang kuwadro ni
Pedro bilang halimbawa. Ipininta ni Pedro ang haligi ng kanyang bahay sa isang
kuwadro at ipinakita nya it okay Juan. Tiningnan ni Juan ang kuwadro at kanyang
nasabi, “Kagaya ng itsura nito ang haligi ng bahay ninyo!” Dahil doon, masasabi
nating ang kuwadro na nilikha ni Pedro ay isang likhang-sining ayon sa
pangkumakatawang katangian dahil mayroon itong kinikatawan o ginagaya.
Gamitin rin nating halimbawa ang kuwadro ni Fernando Amorsolo na
“Antipolo.”4 Kapag tiningnan mo ang kuwadrong ito, iyong makikita ang mga
magsasaka, ang simbahan, at mga nagsasayaw ng tinikling. Batay sa mga
detalyeng ito, maaari mong masabi na ito ay kagaya ng isang lugar sa Antipolo
(batay sa pamagat ng kuwadro), o isang lugar sa Pilipinas. Dahil sa mga
nabanggit ko, masasabi nga nating isa itong likhang-sining kung ang
kwalipikasyon ng pagiging likhang-sining ay ang pangkumakatawang katangian.
Ang pangkumakatawang katangian ay maaari nating bakasin mula pa sa
panahon ng mga sinaunang Griyegong pilosopo. Ayon sa ika-sampung libro ng
“The Republic” ni Plato, sinabi nyang (sinabi ni Socrates kay Glaucon na) ang
mga likhang-sining ay dalawang beses tinanggal sa katotohanan. Ginamit ni
Socrates na halimbawa ang kama. Ayon sa kanya, mayroong tatlong klase ng
kama. Ang una ay ang nilikha ng “Diyos,” ang ideya o anyo ng kama na siyang
tinatawag nilang tunay na kama, ang kama mula sa Mundo ng mga Anyo (World
of Forms); ang ikalawa naman ay ang nilikha ng karpintero, ang aktwal na
kamang iyong matatagpuan sa paligid, ito ay isang kamang naririto sa Mundong
Kapuna-puna (World of Senses), ang mga nasa mundong kapuna-puna ay mga
gaya lamang o imitasyon sa mga ideya na matatagpuan sa mundo ng mga anyo;
at ang ikatlo ay ang nilikha ng pintor na sinasabi nyang ginaya lamang sa isa
4 Amorsolo, Fernando. Antipolo Fiesta (1947) 51” x 76” Oil on canvas.
pang gaya. Kung ang kama na ginawa ng karpintero ay ginaya lamang mula sa
anyo ng una at tunay na kama, at ang nilikha naman ng pintor ay ginaya naman
mula sa kamang ginawa ng karpintero na gumagaya sa tunay na kama, ang
nilikha ng pintor ay gaya lamang mula sa isang gaya.5 Nabanggit din sa librong
ito na ang mahusay na pintor ay makapagpapakita na marami siyang alam sa
pamamagitan ng kanyang likhang-sining kahit wala naman talaga siyang alam sa
kanyang ipinipinta. Ang ibinigay niyang halimbawa dito ay ang nilikhang
karpintero ng pintor. Kung ang pintor ay talagang mahusay, kaya nyang
paniwalain ang mga bata o ang mga simpleng tao na ang nasa kanyang kuwadro
ay silang mga tunay na karpintero.6
Itong ginagamit ni Plato sa ika-sampung libro ng “The Republic” ay isa sa
mga unang pananaw na kung saan tinatawag natin sa saliksik na ito na
pangkumakatawang katangian. Ayon dito, ang mga likhang-sining ay nararapat
na maging imitasyon ng mga aktwal na bagay, gaya ng halimbawa ng kama, ang
aking kuwadro ng isang pagkain ay imitasyon lamang ng pagkain na linuto ng
kusinero. Papaano naman kung ang ipininta sa kuwadro ay isang tanawin? Ito
parin ay isang likhang-sining dahil ito parin ay imitasyon ng actual na bagay o
lugar o ng bagay na matatagpuan sa mundong kapuna-puna.
Kaya’t kung ating tatanungin si Plato kung ang nilikhang “Antipolo Fiesta”
ni Fernando Amorsolo ay isang likhang-sining, sasabihin ni Plato, “Oo” dahil ito
ay kahawig o ginaya sa isang lugar na matatagpuan sa mundong kapuna-puna.
5 Plato, “The Republic X.” Aesthetic Theories: Studies in the Philosophy of Art. (New Jersey: Prentice-Hall Inc. 1965), 28-29.6 Ibid, 30.
Kung ito nga lang rin ang kwalipikasyon upang masabing isang likhang-sining
ang mga bagay, atin ring masasabing likhang-sining nga iyon.
b. Katangiang Pagpapahayag (Expressive Property)
Ang ikalawang tradisyunal na pananaw na ating gagamitin ay ang
katangiang pagpapahayag. Dahil maaari nating sabihin na pwedeng mula sa
damdamin ng lumikha nagmula ginaya ng lumikha ang kanyang likhang-sining,
ang katangiang pagpapahayag ay nagsasabing ang likhang-sining ay nararapat
na nagpapahayag ng damdamin. Hindi lamang ang damdamin sa gitna ng
likhang-sining at ng lumikha ang ating tinitingnan sa katangiang pagpapahayag,
pati narin ang damdamin sa gitna ng likhang-sining at ng mga tumitingin dito.
Ayon sa librong “Aesthetic: As science of expression and general
linguistic” ni Benedetto Croce, isang Italyanong pilosopo ng Estetiko, ang
pagpapahayag ng likhang-sining ay isang agad na kaalaman (intuitive
knowledge). Sinasabi nyang ang pagkakaroon ng agad na kaalaman ay
pagpapahayag, at wala nang iba, pagpapahayag lamang.7
Kung titingnan nga natin ang likhang-sining sa kanyang pananaw.
Mayroong agad na kaalaman ang pintor habang nagpipinta sa kanyang kuwadro.
Ang agad na kaalamang ito, sa pagiging damdamin, ang ipinapahayag nya sa
kanyang linilikha. Ang mga manonood rin ay magkakaroon ng agad na kaalaman
na ipinapahayag sa kanila ng likhang-sining na pinapanood nila.
7 Croce, Benedetto. Aesthetics: As science of expression and general linguistic. (Ebook translated by Douglas Ainslie from Italian to English.) p. 12, 16
Sa pananaw na ito, nararapat na ang mga likhang-sining ay magkaroon
ng mga ipinapapahayag na agad na kaalaman. Muli nating gamitin si Juan at si
Pedro bilang mga halimbawa para dito. Kung si Juan ay tumingin sa iskultura na
nilikha ni Pedro at agad nyang napag-alaman na nais ng iskulturang ipahayag
ang kapayapaan, dahil dito, masasabi nating isang likhang-sining ang iskultura ni
Pedro dahil agad itong nakapagpahayag ng kaalaman kay Juan, meron itong
katangiang pagpapahayag. Magbigay pa tayo ng isa pang halimbawa. Nakita ni
Juan na may maduming plato sa lamesa at si Pedro ang nasa harap nito,
nagkaroon ng agad na kaalaman si Juan ng makita nya ito. Kanyang agad na
nalaman na si Pedro ay kakatapos lang kumain dito. Nagkaroon ng agad na
kaalaman si Juan ngunit matatawag ba natin itong likhang-sining? Hindi, dahil
kahit sabihin nating lahat ng likhang-sining, sa pananaw na ito, ay nagbibigay ng
agad na kaalaman, hindi parin tama pag binaliktad natin at sabihing lahat ng
nagbibigay ng agad na kaalaman ay mga likhang-sining.
Muli nating ibalik ang “Antipolo Fiesta” ni Amorsolo bilang isang
halimbawa. Aking tiningnan ang kuwadrong ito at agad kong nalaman ang
kasiyahan ng mga tao sa Antipolo tuwing may pistahan. Ang kuwadro na ito ay
isang likhang-sining kung ang kwalipikasyon nga ng pagiging likhang-sining ay
ang katangiang pagpapahayag dahil nagkaroon ako ng agad na kaalaman sa
pagtingin ko sa kuwadrong ito.
c. Katangiang Pormal (Formal Property)
Ang ikatlong pananaw at katangian na nararapat para sa mga likhang-
sining ay ang katangiang pormal. Ang katangiang pormal at isang katangian na
bumabatay sa porma o anyo ng mga bagay o likhang-sining.
Ayon kay Anne Sheppard, sa kanyang libro na “Aesthetics: An
introduction to the philosophy of art,” madalas nyang napupuna na ang
paglalarawan ng mga tao sa mga likhang-sining sa musika, gaya ng mga opera,
ay parang ganito: “Nagsimula ang tugtog sa isang masayang simula, sa gitna ay
nagkaroon ng gulo, hanggang sa matapos siya ng malungkot.”
Mayroon siyang ipinahahayag na damdamin ngunit hindi ito ang
pinakapinakikita nya kundi ang porma o anyo ng tugtugin. Ayon kay Sheppard,
sa katangiang pormal, ang likhang-sining ay dapat handang mapakinig, makita, o
mapanood. Ang mga likhang-sining ay nararapat maging tumpak ang anyo at
maging mas nakakamanhik sa mga nakakaalam o may alam sa anyo ng likhang-
sining.
Sa bawat uri ng mga likhang-sining, nagbigay si Sheppard ng halimbawa
upang maipakita ang mga nararapat na anyo mayroon ang bawat uri ng likhang-
sining. Masyadong malawak ang mga anyo sa panitikan kaya atin nalang
bigyang pansin ang mga tula. Ang mga tula ay may mga bilang ginagamit sa
bawat taludtod, mga hanay o pagkakaayos ng mga salita, at iba pa. Sa iskultura,
nararapat na maging tama ang sukat ng bawat bahagi ng katawan na linilikha sa
iskultura. Sa arkitektura naman, kanyang sinabi na dapat tama ang simetriya,
ang sukat, at ang timbang ng pagkakagawa gaya ng mga nakikita sa mga
kuwadro sa mga panahon noon. Hindi lang simetriya at mga sukat ang dapat
tinitingnan sa mga ito, nararapat ding pagbatayan ang mga pananaw ng mga ito.
Sa mga kuwadro, may mga tamang guhit at hugis, pagkakahalo-halo ng mga
kulay, na kayang magpakita ng mga imahe.8
Muli nating gamitin si Juan at si Pedro bilang halimbawa. Si Pedro ay
lumikha ng isang kanta na pinakinggan ni Juan. Matapos ito pakinggan ni Juan,
siya ay nawili dito dahil napansin nya ang mga pagkakaayos ng nota na
nagpapakita ng husay ni Pedro sa paglikha ng musika. Kung katangiang pormal
ang ating pagbabatayan upang ang mga bagay ay maging likhang-sining, ang
kantang linikha ni Pedro ay isa ngang likhang-sining.
Isa pang halimbawa, si Pedro ay gumawa ng isang kuwadro. Ito ay
tiningnan ni Juan ngunit walang nakitang anyo si Juan. Mga sabog-sabog na
kulay lamang at walang nabubuong kahit isang imahe. Kung muli nating
pagbabatayan ang katangiang pormal, masasabing ang kuwadro ni Pedro ay
hindi isang likhang-sining.
Bilang isang tunay na halimbawa, nais kong gawing halimbawa ang
“Portrait of Enrique and Maria Yuchengco” ni Carlos “Botong Francisco na nakita
ko sa Yuchengco Museum. Ang kuwadrong ito ay nagpapakita ng anyo, mataas
siya, may mga halo ng kulay na at estilong di mo makikita sa iba kundi kay
Botong lamang. Bawat kulay ay may nais ipakita, may anyo na ang nais ipakita
ng kuwadro ay nasasa harap at may mga bagay ring may makikita sa likod.9
8 Sheppard, Anne. Aesthetics: an introduction to the philosophy of art. (Great Britain: Oxford University Press 1987) pp. 38-409 Carlos "Botong" Francisco. Portrait of Enrique and Maria Yuchengco (1953), Oil on canvas, 241.3 x 579.1 cm.
Kung pagbabatayan nga natin ang katangiang pormal sa pagiging likhang-sining,
ating masasabi na ang “Portrait of Enrique and Maria Yuchengco” ay isang tunay
na likhang-sining.
Ang tatlong katangiang mga nabanggit (pangkumakatawang katangian,
katangiang pagpapahayag, at katangiang pormal) ay ilan lamang sa mga
tradisyunal na mga pananaw sa likhang-sining. Ang mga ito ang gagamitin natin
upang malitis ang Estudio Rio ni Fernando Zobel.
III
Ang Estudio Rio ayon sa mga Tradisyunal na Pananaw
Atin munang gamitin sa paglilitis ang pangkumakatawang katangian sa
Estudio Rio upang malaman natin kung papasa ba ito bilang isang likhang-sining
sa nasabing pananaw. Ang Estudio Rio ba ay may kinakatawan? Sa atin bang
pag tingin dito ay may naisip tayong kahawig o kamukha nito na ating
maipapalagay na pinaggayahan nito? Sa aking palagay ay wala. Ayon sa
pangkumakatawang katangian (na ayon kay Plato), kung wala itong
pinagkakagayahan ng anyong nasa mundong kapuna-puna, hindi ito isang
likhang-sining.
Ang ikalawang pananaw naman ang ating gagamitin, ang katangiang
pagpapahayag. Ayon kay Croce, nararapat ang likhang-sining na magbigay ng
agad na kaalaman sa mga tumitingin dito. Sa aking unang pagtingin dito ay ang
unang pumasok sa aking isip ay isang tanong, isang tanong na nagpapahayag
na hindi ko alam ang isang bagay kaya nais kong tanungin. Ang aking tanong ay,
“Anong ibig sabihin nito?” Ako’y naghanap ng kaalaman mula sa kuwadrong iyon
ngunit di ako makakita, kahit damdamin ay wala. Ako ay nagtanong rin sa iba
tungkol sa kung anong naiisip nila kapag nakikita nila ang kuwadrong ito.
Madalas na sagot sakin ng mga tinanong ko ay “wala.” Kung ang katangiang
pagpapahayag naman ang pananaw na gagamitin natin upang litisin ito, ang
kuwadrong ito ay hindi isang likhang-sining.
Atin namang gamitin ang katangiang pormal sa ating paglilitis sa Estudio
Rio. Sa kuwadrong ito, ang maaari mo lamang makita ay ang itim na bahid ng
pintura sa kuwadro. Sinabi ni Sheppard ang pagkakaayos ng mga guhit, hugis, at
kulay ngunit kung isa lamang itong bahid ng pintura o isang guhit, maaari ba
natin itong masabing may kaayusan? May kaayusan ba ang isang bagay kung
nag-iisa lamang ito? Hindi natin masasabing may kaayusan o kaguluhan ang
isang bagay kung ang simuno ay walang mga bagay sa paligid na siya namang
paksa. Ang kaayusan ay nakikita lamang sa mga samahan. Kung ang iisang
bagay ay walang kasama, dahil nga iisa ito, wala itong kaayusan. Batay sa
katangiang pormal, dahil sa wala itong kaayusan o anyo, ang kuwadrong ito ay
hindi isang likhang-sining.
IV
Ang Avant-Garde ayon kay Peter Burger
Ating nasabing hindi natin matatawag na isang likhang-sining ay Estudio
Rio ni Zobel dahil hindi ito pumapasa sa tatlong tradisyunal na pananaw sa mga
likhang-sining. Maaari natin sabihing hindi ito isang tradisyunal na likhang-sining
dahil maaari ito maging isang sining na “avant-garde,” ngunit ito nga ba talaga ay
isang sining na “avant-garde?”
Sinabi sa The Other Room online journal na ayon kay Peter Burger, ang
sining na “avant-garde” ay paghiwalay sa mga naunang institusyon o sistema ng
sining. Nakakamit ito sa paggawa ng iba’t ibang mga pagsubok na wala sa
tradisyunal na sistema ng sining, gaya ng mga ginagawa sa Dadaism at
Surrealism.10 Sinabi naman ni Madan Sarup na ang Dadaism at Surrealism ayon
kay Burger ay hindi talaga estilo o sistema ng sining dahil ang “avant-garde” ay
hindi talaga nakagawa ng bagong estilo. Sa “avant-garde,” hindi na tinitingnan
ang sining bilang isang institusyon ngunit bilang kanya-kanya.11 Ito naman ay
taliwas sa tradisyunal na pananaw ng katangiang pormal na kung saan may
sistema o anyong sinusunod ang mga sining.
Para kay Burger, ang bawat manggagawa ng sining ay may kanya-
kanyang mga pamamaraan ng paggawa ng sining. Ito nga naman ay ating
matatagpuan sa mga likhang-sining na Dada. Ating muling gawing halimbawa si
10 Notes on Peter Burger’s Theory of Avant Garde, The Other Room (http://otherroom.org/2010/05/24/notes-on-peter-burgers-theory-of-the-avant-garde/)
11 Sarup, Madan, “The main features of the avant-garde” An Introducion Guide to Post Structuralism and Post Modernism. (Great Britain: Hartnolls Ltd, 1993) pp. 142-143
Pedro at ang kanyang sining. Ipagpalagay nating ang pamamaraan ni Pedro sa
paggawa ng kanyang kuwadro ay ang pag-ihi sa kuwadro habang may pintura
ang dulo ng kanyang ari upang magkakulay ang kanyang ihi at kapag tumama
ang ihi sa kuwadro ay ito nga’y nagkakaroon ng kulay. Kung may ganitong
pamamaraan si Pedro ng paggawa ng sining, maaari nating sabihin na ang
sining ni Pedro ay “avant-garde.”
Muli nating ibalik bilang halimbawa ang ating nabanggit sa introduksyon
ng saliksik na ito, ang Fountain ni Marcel Duchamp. Isa itong bahagi ng kanyang
“Readymade series.” Maaari nating sabihin na ang kanyang mga likhang-sining
gaya ng Fountain ay isang avant-garde (ito nga ay sinasabing isa sa mga
pinakakapansin-pansing sining na avant-garde). Ang kanyang paggawa ng
“Readymade” na sining ay ang kanyang sariling pamamaraan ng paggawa ng
likhang-sining. Ibigay narin nating halimbawa ang kanyang “Bicycle Wheel
(1913).” Ito ay isang gulong ng bisikleta na nakakabit pa sa kanyang kabitan at
ibinaliktad at ikinapit sa isang upuan. Ang ganitong Dada ay walang sistema na
sinusunod.12 Ang manggagawa ng sining ang bahala sa kanyang gagawin, kaya
nama’t si Duchamp, ganito ang pamamaraan ng paggawa ng kanyang sining.
Kung ayon kay Burger ay ang sining na “avant-garde” ay nililikha ng may kanya-
kanyang pamamaraan, ang mga linikha ni Duchamp ay mga sining na “avant-
garde.”
12 Avant-Garde Prankster Marcel Duchamp, Original Creators (http://thecreatorsproject.com/blog/original-creators-avant-garde-prankster-marcel-duchamp)
V
Ang Mga Likha ni Zobel bilang Avant-Garde
Kung ang mga sining na “avant-garde” ay mga likhang-sining na kung
saan ang gumawa ay may sariling pamamaraan ng paggawa ng likhang-sining,
masasabi ba nating ang Estudio Rio ni Zobel ay isang sining na “avant-garde?”
Kung may sariling pamamaraan si Zobel ng paggawa ng sining, maaari nga natin
sabihing ang mga likha nya ay mga “avant-garde” na sining.
Si Fernando Zobel ay may koleksyon ng mga likhang-sining na karamihan
ay mga itim na bahid lamang ng pintura sa kuwadro, hindi lamang ang Estudio
Rio ang ganito, marami pang iba. Dahil ba dito, matatawag na nating ang
paggawa ni Zobel ng kanyang sining ay isa na agad “avant-garde” dahil may
sarili siyang pamamaraan ng paggawa ng sining gaya ng mga paunti-unting
bahid ng itim na pintura lamang sa kuwadro? Mukhang maaari nga natin itong
tawaging isang “avant-garde” na sining ngunit kung sa tingin nyo ay
kinakailangan pa natin ng higit na mas kanya lamang na pamamaraan ng
paggawa ng sining upang masabing si Zobel nga ay isang manggagawa ng
“avant-garde” na sining, mayroon siyang likhang-sining na kung saan gumamit
siya ng panturok ng doktor sa pagpipinta.
Si Zobel ay mayroong koleksyon ng likhang-sining na tinatawag na
“Saetas.” Ang “Saetas” ay galing sa salitang Espanyol na “palaso” o “arrow” at
isa rin ito ay nanggaling sa isang uri ng sayaw na Flamenco. Lahat ng mga
likhang-sining sa ilalim ng koleksyon na “Saetas” ay mga kuwadrong ipininta
gamit ng panturok ng doktor.13 Masasabi nga nating isa itong pamamaraan na si
Fernando Zobel lamang ang gumawa o unang gumawa at ang pamamaraan na
ito ay kanyang estilo. Dahil dito, maaari din nating sabihin na ang sining ni
Fernando Zobel ay mga sining na “avant-garde.”
VI
Konklusyon
Ang Estudio Rio at ilan pa man sa mga sining ni Zobel ay hindi pumapasa
sa tatlong tradisyunal na pananaw sa likhang-sining, ito lamang ay di natin
matatawag na mga tradisyunal na sining. Hindi lamang naman mga tradisyunal
na pananaw sa sining ang ginagamit ng mga tao upang tukuyin kung alin sa mga
bagay ang mga likhang-sining. Isa pang pananaw ay ang sining na “avant-
garde.” Sa “avant-garde,” ang manggagawa ng sining ay may kanyang
pamamaaraan. Si Zobel, sa kanyang paggawa ng Estudio Rio, ay may sariling
pamamaraan na ginamit, kaya’t kahit hindi man matawag na likhang-sining ang
Estudio Rio ni Zobel ayon sa mga tradisyunal na pananaw sa sining, ito naman
ay isang likhang-sining na “avant-garde.”
13 Exhibitions, Ayala Museum Website (http://www.ayalamuseum.org/index.php?option=com_ayala_content&task=viewexhibitpage&id=4)
Reference List:
Books:
Plato, “The Republic X.” Aesthetic Theories: Studies in the Philosophy of
Art. (New Jersey: Prentice-Hall Inc. 1965).
Croce, Benedetto. Aesthetics: As science of expression and general
linguistic. (Ebook translated by Douglas Ainslie from Italian to English.)
Sheppard, Anne. Aesthetics: an introduction to the philosophy of art.
(Great Britain: Oxford University Press 1987)
Sarup, Madan, “The main features of the avant-garde” An Introducion
Guide to Post Structuralism and Post Modernism. (Great Britain: Hartnolls
Ltd, 1993)
News Article and Journals:
Dada artist accused of vandalizing Duchamp piece, USA Today
(http://www.usatoday.com/news/offbeat/2006-01-06-
duchampfountain_x.htm)
Notes on Peter Burger’s Theory of Avant Garde, The Other Room
(http://otherroom.org/2010/05/24/notes-on-peter-burgers-theory-of-the-
avant-garde/)
Avant-Garde Prankster Marcel Duchamp, Original Creators
(http://thecreatorsproject.com/blog/original-creators-avant-garde-
prankster-marcel-duchamp)
Artworks:
Zobel, Fernando. Estudio Rio (2009). 23.5” x 23.5” Oil on canvas. Hong
Kong
Amorsolo, Fernando. Antipolo Fiesta (1947) 51” x 76” Oil on canvas.
Evelyn S. Dy.
Carlos "Botong" Francisco. Portrait of Enrique and Maria Yuchengco
(1953), 241.3 x 579.1 cm, Oil on canvas. Yuchengco Museum.
Webpages:
Fernando Zobel Official Website,
(http://www.fernandozobel.com/home.htm)
Exhibitions, Ayala Museum Website
(http://www.ayalamuseum.org/index.php?
option=com_ayala_content&task=viewexhibitpage&id=4)