19
ANG MANDAYA SA MONTEVISTA, DAVAO DEL NORTE

Ang Mandaya Sa Montevista

Embed Size (px)

DESCRIPTION

Para sa Poklor

Citation preview

ang mandaya

ang mandayaSA MONTEVISTA, DAVAO DEL NORTE

Isa ang Davao del Norte sa pinakamalaki at pinakamayamang probinsya sa Pilipinas. Dito ay may iba pang etnolinggwistikong grupo ang nakatira tulad ng Calaganes, Aetas, Samals, Bagobos, at Mandayas (Tagum Library, 1999).Ang katutubong komunidad ng mga Mandaya ay isa sa mga katutubong grupo na matatagpuan sa matataas na bahagi ng Mindanao. Hindi matibay ang samahan ng grupong ito kaya hindi nakakapagtakang watak-watak o makikita sila sa ibat ibang panig ng Mindanao. Sa Barangay Lebanon sa Montevista, Davao del Norte, isang grupo ng mga Mandaya ang natagpuan doon.Ang mga miyembro ng katutubong grupong ito ay nagmamay-ari ng malaking bahagi ng mga lupain sa dakong labas ng bayan ng Montevista. Gayunpaman, may mga taong hindi nila kapwa Mandaya ang nanirahan sa kanilang lugar at umangkin ng malaking bahagi ng kanilang mga lupain. Dahil doon, sinubukan nilang bawiin ang mga lupang ito na siyang pagmamay-ari noon ng kanilang mga ninuno. Ang interaksyon sa pagitan ng mga Mandaya at hindi nitibo ay naging daan sa akulturasyon na naging asimilasyon sa di katagalan. Ngunit, ang kultura ng Mandaya ay bahagyang nagbago.PinagmulanMaraming sulatin at sabi-sabi ang lumabas tungkol sa kung ano ang pinagmulan ng mga Mandaya. Narito ang ilan sa mga kwento: una, ang sinasabing may koneksyon ang mga Mandaya sa mga Burgis, Sumatran, at Minangcabao. May nagsasabi ring nagmula sila sa grupo ng mga manlalakbay galing Malaysia kung saan sa panahon ng emperyong Madjapahit ay nagdesisyon na maghanap ng magandang pastulan na naging dahilan upang makarating sila sa Pilipinas. Namuhay at napaunlad nila ang isang lugar sa sarili nilang kakayahan ngunit hindi ito nagtagal nang dumating ang mga Islam. Napilitan silang lumipat mula sa frontiers patungong hinterlands. Ang lugar bakasyunan naman noon ng mga Mandaya ay naging sentro ng kalakalan na pinangungunahan ng mga Muslim.May kwentong alamat naman tungkol sa pinagmulan ng mga Mandaya. Ito ay ang sinasabing may isang limukon na nooy isang ibon na kayang magsalita gaya ng tao ang nangitlog ng dalawa. Sa isang itlog ay babae ang lumabas at sa isa naman ay ahas. Ang ahas ay pumunta kung saan ang dagat at ilog ay nagtatagpo. Doon, ito ay sumabog at inilabas ang isang lalaking nanirahan ng mag-isa ng maraming taon. Habang tinatawid niya ang ilog, isang mahabang hibla ng buhok ang pumulupot sa kanyang binti kung saan ay kanyang kinapitan upang siyay hindi malunod. Matapos ang mahabang paghahanap, natagpuan niya ang nagmamay-ari ng buhok. Isang babae na kalaunan ay kanyang naging asawa. Naniniwala ang mga Mandaya na nagmula sila sa mag-asawang ito.Naniniwala naman ang mga ninuno ng Mandaya na ang walo sa unang mga Mandaya ang siyang binigyan ng kaligtasan ng Tagginiit ta Kalibutan [creator of the universe]. Ngayon, iniuugnay ang kwentong ito sa bibliya tungkol sa walong pamilya ni Noah na nakaligtas nang magkaroon ng malaking baha sa mundo.Ang mga Mandaya sa Lebanon, Montevista ay nahahati sa limang grupo. Nariyan ang dibabawon na nakatira sa patag na lugar. Hindi sila natatakot na makisalamuha sa mga hindi nila kauri kahit na sa mga Bisaya. Kaya, isa sa naging resulta nito ang pagpapakasal sa pagitan nila at ng mga lowlanders. Mangoangan o ang tinatawag na forest dwellers ay nabubuhay sa mga bagay na nakukuha nila sa kagubatan. Tagamawab, na naninirahan sa gilid ng New Corella. Agusanon, naninirahan sa Agusan. At ang Mansaka na mula sa salitang Visayan na saka na ang ibig sabihin ay gumalaw paitaas. Ang mga taong ito ay kasama sa mga tribong Mandaya na lumipat sa matataas na lugar nang dumating ang mga bisaya. Sinasabing ang Dibabawon, Mansaka, at Agusanon ay mga edukado samantalang ang Mangoangan ay hindi. Ang mga ninuno ng huling grupo ay masyadong sensitibo sapagkat madali silang mabastos kapag sila ay tinititigan ng isang estranghero. Kapag naman sila ay pinagtawanan o kayay tinitigan ng diretsyo sa mata, ang tao ay pagbabayarin o di kayay papatayin ng Mangoangan. Kahit na ang taong tumawa ng di sinasadya habang naglalakad sa daan ay babalikan ito ng Mangoangan at kanyang papatayin.Sa limang grupo ng mga Mandaya, ang Mandaya sa Barangay Lebanon ay sinasabing kabilang sa Mangoangan, samantala, may mga Dibabawon at Mansaka rin ang nakatira sa lugar na ito.Kultura

Noong unang panahon, hindi ugali ng komunidad mga Mandaya ang tapok o ang pagtira sa isang lugar na kaunting distansya lamang ang pagitan ng kanilang mga bahay dahil nasanay na silang gumawa ng tirahan kung saan maaari silang makapagsaka, ibig sabihin, isa o maraming bundok ang minsang pagitan ng bawat bahay.Gayunpaman, ang mga Mandaya noon ay walang permanenteng tirahan. Ang tagal ng kanilang pagtira sa isang lugar ay nakadepende sa panahong kanilang hihintayin upang maani ang kanilang mga pananim. Pagkatapos ng ani, sila ay aalis o lilipat na naman sa ibang lugar na maaari ring pagsakahan sapagkat ang lupang kanilang nagamit na ay hindi na nila gagamitin pang muli sa pangalawang beses.Karaniwan sa bahay ng mga Mandaya ay binubuo ng isang atip, may matibay na sahig ngunit walang dingding maging dibisiyon. Tinatawag nila itong komon buhat sa ang kaisa-isang bahagi ng bahay ay ginagamit bilang tulugan, sala, kainan, kusina at iba pa. Para naman sa atip, gumagamit sila ng dahon ng pasan, o mas kilala sa tawag na uway. Tinatali nila ito ng mahigpit hanggang sa ang sinag ng araw at tubig-ulan ay di na tumatagos. Sa sahig, balat ng punong lawaan at ilang-ilang ang kanilang ginagamit na siyang ginagamit rin nila sa paggawa ng dingding, kung kinakailangan, dahil sa tibay nito.Sinasabing ang hindi paglalagay ng dingding ay ginagawa para sa layuning pangkaligtasan lamang. Dahil upang madaling makatakas sa mga kalaban o makaligtas sa kapahamakan sakaling magkaroon man. Dagdag na rito ang dahilang kultura na nilang umalis at lumipat sa ibang lugar pagkatapos ng panahon ng anihan at kapag naman may namatay na miyembro ng pamilya, iniiwasan rin nilang gumawa ng magandang bahay para tirhan na siyang magiging dahilan lamang upang sila ay mahirapang umalis. Ngunit kahit na wala silang dingding ay may pagkakataong pinalalamutian nila ito. Gumagamit sila ng mga posteng pangsuporta sa kanilang mga bahay at pangsabit o lagayan na rin ng kanilang mga mahahalagang kagamitan na nagsisilbing simbolismo ng kanilang katayuan tulad ng agong, gintong galong lagayan ng tubig, at espada. Ang pagpili nila ng lugar na matitirahan ay madali lamang buhat sa walang nagmamay-ari ng mga lupa o di kayay walang umaangkin sa mga ito kayat ang lupa ay nagsisilbing gamit pangkonsumo lamang para sa lahat.Ang ibang mga Mandaya ay nagtatayo ng bahay sa itaas ng puno kung saan wala ring dingding. Sinisiguro lamang nila ang atip pambubong at upang may matawag na ring tirahan. Innovative na tao ang mga Mandaya sapagkat may kakayahan silang mabuhay sa pamamagitan ng paghanap at paggamit ng mga bagay sa kanilang paligid na maaaring pakinabangan. Tulad noong paggamit nila ng baubo, isang palumpong, na ginagamit nila bilang sabon at shampoo. Sa dahan-dahang pagpiga lamang ng baging nito ay makukuha mo na ang katas ng baubo na siyang panglinis nila sa maruming katawan. Nakagagawa sila ng apoy sa pamamagitan ng pagkiskis ng dalawang pulang bato. Isa ring paraan nila ng paggawa ng apoy ay ang pagkiskis ng dalawang marupok na sanga ng puno ng barobo. Di katagalan ay natutunan nila ang paggawa ng mga posporo mula sa prinusesong gutgutan o puno ng barobo. Kung dati ay ginagamit nila ang sinag ng araw sa umaga at ang buwan at mga bituin sa gabi bilang ilaw, sa pagkakadiskubre ng apoy, ay ginamit nila ang dugos sa putyokan panggawa ng kandila kung saan dinadala nila kapag sila ay aalis upang mangayan o mangaso. Isa pang gamit nila pang-ilaw ay mula sa salung o dagta ng danguog o lawaan. Para makuha ang salung ay kailangan muna nilang humiwa ng ilang balat ng kahoy upang makuha ito pagkatapos ay ibibilad nila ito ng tatlong araw. Kapag natuyo na ay babalutin nila ito ng dahon ng uway hanggang sa umabot ito ng isang metro pagkatapos ay tataliin sa pamamagitan ng uway. Nagtatagal naman ito ng matagal kapag ginamit.Ang mga sinaunang Mandaya ay naman ay gumagamit ng mata sa abo bilang sabon. Nakuha nila ito mula sa mga ginamit at sinunog na panggatong kung saan naging malinis na uling. Nilalagay nila ito sa bagol at kanilang binibitbit sa tuwing sila ay maliligo o maglalaba. Sinasabing nalilinis nito ang kanilang balat at nakapagpapaputi ng kanilang mga damit. Sinasabi rin na dahil sa walang banyo noon kaya pati babae ay naliligo rin sa ilog nang nakahubad. Tungkol naman sa kagawian sa pagkain, kumakain lamang sila kapag sila ay nagutom. Hindi sila kumakain kapag hindi pa sila gutom. Noon, hindi nila alam ang siestas at maging ang mga kilalang pagkain.Sosyo-Pulitikal

[Matikadong]Noong unang panahon, hindi nakasanayan ng mga Mandaya na magkaroon ng eleksyon o pagpili kung sino man ang magiging datu. Mayroon lamang silang Matikadong, isang nakatatanda na siyang ginagalang at sinusunod ng mga tao. Sila ang gumaganap bilang tagapayo ng mga tao na siyang nakadepende sa kanila sa mahihirap na desisyon lalong-lalo na sa mga problema sa komunidad. Gumaganap rin sila bilang taga-hukom. Kapag nagkakaroon ng mga hidwaan, sila ang nagsisilbing taga-ayos sa malinis na paraan at tagapagpanatili na rin ng kapayapaan sa kanilang lugar. Liban pa sa sila rin ang nag-aayos at naghahanda para sa mga gaganaping pagpupulong ay kailangan rin sila pagdating sa mga seremonya ng kasal upang magsilbing saksi at tagapayo.Nang nagkaroon na ng pagpili kung sino ang magiging datu, ginagawa ito sa paraang patakda. Hindi binibigyang halaga ang pagiging magkadugo rito kundi ang taglay na kuwalidad ng pagkatao mismo upang mahirang na datu. Kung noon, ang salita ng datu ang siyang batas sapagkat kahit anong sabihin ng datu ay siyang sinusunod at hindi kinukuwestiyon, ngayon ay minsan na lamang itong mangyari.Noon, ang Rajah-Mudah ang siyang pinakamataas na hukuman sa pulitikal na organisasyon ng mga Mandaya. Karamihan sa kanila ay hindi maharlika. Tulad nga ng nabanggit sa itaas,hindi namamana ang posisyon kundi pinaghihirapan.Maliban sa Matikadong, mayroon pang mga tao ang binibigyang respeto ng mga Mandaya. Sila ang tinatawag na bagani o mandirigma. Umaasa ang mga tao sa kanila sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan lalo na ang pagprotekta sa kanila laban sa mga mananakop at kaaway.Tungkol sa kanilang batas, gaya nga noong una ay Matikadong ang siyang nasa pinakamataas na posisyon at kabilang sa kanilang trabaho ang magbigay ng desisyon tungkol sa kung ano ang dapat na ipapataw na parusa para sa mga taong napatunayang nagkasala. Pinapatupad at ginagamit nila ang kasabihang mata sa mata at ngipin sa ngipin, halimbawa na lamang kapag ang isa sa miyembro ng isang angkan ay natrato ng masama, ang kamag-anak ng biktima ang siyang maghahanap kung sino ang may sala at kapag nakita ay gagawin naman sa may-sala kung ano ang kanyang ginawa sa biktima, o kung sa ikamamalas ay higit pa.Bagani

Kapag naman ang isang dalaga o babae na itinakda na ng kanyang magulang sa isang lalaki upang pakasalan at may ibang lalaki ang namagitan ay mayroon itong malaking karampatang parusa. Ang nakarelasyong ibang lalaki ay kailangang magbayad ng dowry o di kayay ang babae mismo ang magbabayad ng dowry na higit pa sa orihinal na halaga nito. Kailangan rin ng lalaki na bayaran ang pamilya ng lalaking mapapangasawa ng babae para sa mga gastusin nito sa paghahanda ng kasal. At panghuli, kailangan niyang bayaran ang magulang ng babae para sa ginastos nito sa pagpapalaki sa kanya. Ang paraan ng pagbabayad ay sa pamamagitan ng mahahalagang bagay gawa sa bronse tulad ng agong, mga jar, masiti o espada, patadyong, at mga hayop. Ang parusang ito ay siyang ibibigay rin sa mga taong ayaw sumunod sa orihinal na kasunduan sa kasal.May paraan naman ang sistema sa hustisya ng mga Mandaya sa pagresolba sa mga pangyayaring tulad ng pagkakaroon ng maraming suspek sa isang krimen o di kaya ay isa na pinapabulaanang hindi siya ang may sala, upang malaman kung sino mismo ang may kasalanan. Ang mga suspek ay kailangang sumailalim ng isang pisikal na pagsubok para malaman ang katotohanan. Una ay dinadala sila sa harap ng mga tao. Pagkatapos, tatawagin ng Matingkadong ang mga diwata at ang proteksyon ng Taginiit ta Kalibutan [Manlilikha ng buong kalawakan] upang basbasan ang bronze bracelet na pagmamay-ari ng matandang babae kung saan ay siyang ilalagay nila pagkatapos sa isang kumukulong tubig. Ao (rice husk) ang ginagamit sa paggawa ng apoy. Bawat suspek ay uutusang kunin ang bracelet sa kumulong tubig gamit ang kamay. Sinasabing kapag ang isang tao ay inosente, kusa mismo ang kumukulong tubig ay lalamig kaya magiging madali na para makuha ang bracelet nang walang pasong matatamo. Para sa may kasalanan naman, bago pa lamang niya mailulublob ang kanyang kamay ay parang may puwersa na mismong hahatak sa kanyang kamay sa kumukulong tubig kung saan hindi niya ito mismo basta-basta na lamang makukuha. Kaya ang kanyang balat sa kamay ay mapapaknit at masusunog rin pati ang laman nito. Ang may kasalanan ay obligado ring magbayad para sa krimeng kanyang ginawa. Ang inosente naman, sa kabilang panig, ay ang tatanggap ng bayad ng may sala. Kapag ang bilang ng inosente ay sumobra sa isa, hahatiin ng Matikadong ang bayad ng pantay-pantay sa bawat isa. Ang gagamiting pambayad ay mahahalagang bronze materials tulad ng agong, water jars, ginto, at stainless masiti na may nakaukit na disenyo. Isa pang paraan sa pagtukoy ng suspek ay ang paggamit ng daras [isang makating dahon]. Ang proseso ay aang pagpahid ng dahon sa kamay ng akusado. Kapag ang tao ay may kasalanan, ang kanyang balat ay magtatalup mismo na magiging dahilan para makita ang laman nito.EkonomiyaNoong una, ang karaniwang kinakain ng mga Mandaya ay nitib na bigas, tubo, at kamote. Hindi sila kumakain ng mais na siyang tinatanim lamang nila para pampakain sa kanilang mga alagang manok. Hanggang sa ngayon, gaya ng ginagawa ng kanilang mga ninuno, tanging pagkain lamang talaga ng mga baboy at manok ang pinaggagamitan nila ng mais. Sila ay nag-aalaga ng mga manok at nagtatanim rin ng tabako para sa personal na konsumo. Ang kanilang inumin, na gawa ng mga kalalakihan, ay gawa sa tuber na kanilang ginagamit para sa asukal at appetizers na hinahaluan ng langkuway at binababad kasama ng luya sa loob ng tatlong gabi. Inililipat naman ito pagkatapos sa tadyao [jar] at tinatabunan hanggang sa itoy maging masarap na alak. Sila rin mismo ang taga-gawa ng dawa na kung ilarawan ay pino at mabilog.Ang mga lalaking Mandaya ay karaniwang umaalis para sa pangayam [hunting] na may grupo na dalawa o tatlo. Mi-minsan lamang ang may nangangasong mag-isa sa kagubatan dahil sa panganib na nakaatang kapag nakatagpo ng mabangis na hayop. Kaya sila nangangaso nang nakagrupo upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Sa oras ng pangayam, nagdadala ang mga lalaki ng bangkaw, papana [arrow], masiti [sword] at asu [dog]. Nagtatagal naman ng dalawa o tatlong oras bago sila makahuli ng baboy ramo o kung ano pa mang mababangis na hayop sa kagubatan.Ilan pa sa kanilang inaalagaan ay mga baboy, unggoy, at daga para pampakain. Kapag sila ay nangangaso ay nagsasama sila ng mga sinanay na aso upang sila alertuhin at tulungan sa pagdakip ng hayop. Kapag tumahol ang aso, ibig sabihin ay malapit lamang ang kanilang huhulihin. Katunayan, hindi sila kumakain ng mga ahas at fox ngunit dahil sa impluwensya ng mga hindi nitibo, natutunan na rin nila kung paano ihanda, lutuin at kainin ito. Dagdag pa, na kapag nakahuli sila ng isang batang baboy ramo ay inaalagaan muna nila ito hanggang sa lumaki at sa gayon ay maaari nang ihawin pampakain sa maraming tao.Madali lamang para sa mga Mandaya ang magsaka sapagkat sagana ang kagubatan at ilog na maaaring mapagkunan at mapaggamitan at ang lupa rin ay sagana sa mineral. Hindi na kailangan pang magbungkal ng mga Mandaya para lamang makatanim. May paraan sila ng pagtatanim na tinatawag nilang sabwag. Sa paraang ito ay tinatapon kinakalat lamang nila ang buto ng halaman kahit saan nila gustuhin. Hindi na rin nilalagyan ng mga pataba buhat sa mataba na ang lupa kaya hihintayin na lamang ng magsasaka ang panahon ng anihan. Di tulad sa pagtatanim na madali lang, kabaligtaran naman sa anihan dahil sa noon ay wala pa silang kagamitan sa pagsasaka o pag-aani kaya kinukuha nila ang bunga ng palay sa tangkay nito isa-isa.Maaaring tumulong ang komunidad sa pag-aani kung saan sa unang araw ng ani ay maaaring dalhin ng tumulong ang lahat ng nakuha niyang ani sa pag-uwi bilang bayad sa kanyang tulong na gagawin ngunit kailangan niyang bumalik sa susunod na araw para tulungan ulit ang may-ari nang libre sapagkat ang lahat ng inani ninyo mula ikalawang araw ay mapupunta na sa may-ari.Bago umpisahan ang pag-aani ay maghahanap muna sila ng lugar sa bukid na iyon na maaari nilang lagyan ng sariwang itlog pang-alay sa diwata inang na pinaniniwalaan nilang nagmamay-ari at nagpoprotekta sa mga palay bilang pasasalamat narin sa proteksyong hatid nito sa kanilang mga pananim. Humihingi rin sila ng pahintulot rito bago umpisahan ang pag-ani. Pagkatapos ng ani, pinatutunog ng magsasaka ang kanyang agong at gimbal upang iparating na tagumpay ang kanilang pag-ani. Kapag naman pinatunog ang agong at gimbal nang walang tigil sa loob ng tatlong araw ay nangangahulugan itong iniimbitahan niya ang mga tao para sa isang salo-salo kaya kung sino man ang nakarinig nito na nasa malayo ay mag-uumpisa nang umalis kaagad upang makarating sa pagdarausan sa eksaktong araw. Sa araw ng salo-salo ay iihawin nila ang limang baboy at pagkatapos nitong maluto ay ilalagay pansamantala sa isang kubo kung saan naroon ang ginawa nilang altar. Napapalibutan ang altar ng mga dahon ng idyok at diyos-diyosang gawa sa kahoy ang siyang binibigyan nila ng panalangin at papuri. Lahat ng klase ng pagkain ay nakalagay sa harap ng altar kung saan pinalilibutan nito ang isang pinggang atay ng manok. Pagkatapos ng preparasyon, palilibutan nilang lahat ang altar at uumpisahan ang diwatahan. Sa pamamagitan ng kanilang panalangin, kanta at sayaw ay tinatawag nila ang presensya ng Kalinganan na siyang nagpoprotekta sa kanilang mga bukid at Mananaop na siyang nagtataboy sa dangan [mga insekto] na sumisira sa kanilang mga pananim. Makaraan ng ilang oras, isang indibidwal ang siyang sasapian ng espiritu ng diwata at magsasalita sa lenggwaheng iba sa kanilang ginagamit. Ang mga salitang ito ang siyang mensahe ng diwata sa kanila na siyang pinapaliwanag naman sa kanila ng Matikadong na di umanoy ginagabayan ng espiritu upang maipaliwanag niya ng maayos. Kapag nagkapira-piraso ang atay ng manok, ibig sabihin nito ay dininig ng diwata ang kanilang panalangin. Pagkatapos ng salo-salo, ang magsasaka ay lilipat na sa ibang lugar na maaaring masakahan.Nagkakaingin rin ang mga Mandaya. Ginagawa nila ito upang magkaroon ng lugar pansakahan. Isa sa problema nila sa pagsasaka ay ang hakut, isang uri ng peste, kaya humihingi sila ng tulong sa diwata upang protektahan ang kanilang mga pananim. Hahanap sila ng natumbang matandang punong kahoy kung saan lalagyan nila ng sariwang itlog ang ilalim nito habang nananalangin. Pagkatapos ay kakausapin nila ang mga insekto at sasabihang iwanan ang kanilang mga pananim.Isa ang pangingisda sa kanilang kinabubuhay. Gumagamit ang mga lalaking Mandaya ng bantak [fish trap] at isang kahoy o patpat panggabay sa mga isda papuntang bitag. Karaniwan sa kanilang inuuwi ay ang banak at bigok[isda sa bato]. Hindi naman nagdaraos ng special holiday ang mga Mandaya. Masisipag silang tao kaya mas gusto nilang magtrabaho maliban na lamang kapag inanyayahan silang dumalo sa isang pagtitipon.Sining at KagamitanNoong unang panahon, ang mga kalalakihan ng Mandaya ay saplot pang-itaas at suot lamang ang bahag para sa pang-ibaba. Ngunit sa paglipas ng panahon, ito ay nag-iba. Nagsusuot na sila ng chaleko o damit na walang manggas at inabo o maikling salawal. Gawa ang mga ito sa puno ng barobo. Gumagamit naman ang mga kababaihan ng patadyong bilang pang-ibaba at blusang may mahabang manggas para pang-itaas. Wala silang isinusuot na damit panloob. Gayunpaman ay mahilig sila sa mga alahas at palamuti. Ang mga kababaihan ng Mandaya noon ay nagsusuot din ng kulay itim at pulang blusa na may mahabang manggas at hati sa likod. Nakatali ang saya sa kanilang baywang habang may tuping patatsulok na panyo naman sa kaliwang bahagi ng kanilang saya bilang pananda. Ang sangkap na kanilang ginagamit sa paggawa ng damit ay hawig sa hibla ng abaca at pinya na pinaniniwalaang nagmula sa ibat ibang uri ng puno sa kagubatan na tinatawag na agaon na may pulang katawan dahilang para ang karamihan sa kanilang mga damit ay kulay pula rin.Gumagamit sila ng piyok, isang insekto, sa pagbutas ng tainga at saka nila nilalagyan ng hikaw na gawa sa shell ng niyog bilang palamuti. Tulad sa ibang mga grupo, ang mga Mandaya ay may sarili ring instrumentong pangmusika na nagpapasigla ng kanilang mga selebrasyon. Una na riyan ang agong na instrumentong hugis bilog na yari sa bronse. Mayroon itong maliit na umbok sa gitna na siyang gumagawa ng magandang tunog. Ang kulintang na eksaktong katulad ng agong sa yari at disenyo ngunit mas maliit lamang ng kaunti sa rito. Di tulad ng agong, ang kulintang ay binubuo ng maliliit pang agong na tinatali sa bawat isa at inaayos sa isang malaking parisukat na magsisilbing tagatangan nito. Kahawig ito ng piyano. Ang kudlong naman ay ginagamit na parang gitara ngunit may dalawang pisi lamang. Ang tangko na isang nitib na kawayang gitara na may limang pisi. At ang gimbal na gawa sa balat ng binaw o usa at ginagamit bilang tambol.GimbalKudlong

AgongSinasabing ang agong, gimba at kulintang ay sunod-sunod na ginawa lamang ng unang tao. Noong kapanahunan ng kanilang mga ninuno, ang blacksmith ang siyang nakadiskubre ng mga materyales panggawa ng mga instrumento at inukitan ng disenyo. Mula noon, mga Mandaya na ang nagmamay-ari ng mga replica ng kauna-unahang gimba, agong at kulintang. Sinasabi ring ang kanilang mga ninuno ay hindi makakakain nang wala ang mga instrumentong ito sa isang seremonya. Kaya patunay lamang sa mga Mandaya na ang Tagginiit ta Kalibutan ang siyang gumawa ng mga instrument kasabay nang paggawa niya ng tao.Kilala ang aya-aya o ayaw-ayaw o bua-bua na awit panghili. Habang ang magulang o ang nagbabantay ay hinanda na ang yubyuban o duyan ay inaawit nila ito. Hindi tulad ngayon na kapag nagduduyan ay pahanay, noon ay dinuduyan nila ito ng pataas-baba. Ang awit ay tungkol sa pagsasabi sa bata na siyay tumahimik at matulog na dahil ang kanyang inay umalis upang maghanap ng pagkain ngunit babalik rin naman kaagad. Walang eksaktong liriko at tono ang awit ng mga Mandaya. Gumagawa sila ng kanta nang impromptu habang nasa isang selebrasyon kung saan hango rin sa okasyon. Ang tono naman ay nakadepende sa taong gumagamit ng instrumento na siyang sinusundan naman ng mga umaawit. Kung sino ang siyang may magandang boses ang laging pinakikiusapang kumanta.Hindi pinahihintulutang magsayaw ang lalaki at babae sa mga Mandaya. Kapag sumayaw ang mga babae, hindi maaaring sumayaw ang mga lalaki. Kahit anong okasyon ang idinaraos, ang gimbal at agong ang siyang ginagamit sa pagpapatugtog. Ang kanilang sayaw ay depende sa klase ng musika kaya kung anuman musika ang pinatutugtog ay nakabatay roon kung anong galaw ang gagawin ng mga mananayaw. Ang kulintang ang siyang ginagamit para sa mga musikang malumanay. Tinatawag na Inang ang sayaw na nagpapakita ng pasasalamat sa diwata para sa masaganang ani buhat sa iniaalay ito sa diwata Inang. Ang iba pang mga nitibong sayaw ay ang Banuy at Nunduton na sinsayaw lamang kapag may espesyal na okasyon.

Relihiyon

Kinaugalian na ng mga Mandaya ang pagkakaroon ng Diwatahan sapagkat naniniwala silang ang mga mabubuting espiritu o diwata ay nasa paligid lamang nila na nagbabantay at pumoprotekta sa kanila. Kapag may nagkakasakit sa kanila, nag-aalay sila ng mga baboy, sayaw, at kanta upang humingi ng kapangyarihang pampagaling ng diwata. Sinasabi nilang makapangyarihan ang mga diwata. Kapag raw ang isang tao ay hindi naniwala sa kanila ay mamamatay ito kahit na walang dahilan.Kinokunsidera nila ang mga manok at baboy na banal at ginagamit ito bilang pang-alay sa mga diwata kabilang na ang puno ng balete, na pinaniniwalaang bahay ng mga abyans [spiritual guides] at ng mga diwata, at ang alimukon o kalapati dahil sinasabing pinipigilan nito ang mga pangyayaring hindi magandang darating. Ginagawa rin nila ang animism. Nag-aalay sila ng regalo at panalangin sa mga nililok na kahoy na binuhusan ng dugo sa ilang bahagi nito. Kapag naman nangangailangan sila ng tulong ng mga diwata ay pupunta sila sa lugar kung saan pinaniniwalaan nilang banal at kung saan naroon ang istatwang gawa ng tao. Doon, nagbibigay sila ng alay na may kasamang awit at sayaw.Pagbabagong SosyalAng pamilya ng Mandaya ay residentially nuclear ngunit fuctionally extended. Dahi ito sa matibay na pagpapakahulugan nila sa pagkakaisa kaya kahit ano pa ang agwat ng inyong relasyon bastat magkadugo kayo ay itinuturing nila ang isat isa bilang igsu-on [close-kin]. Mula noon hanggang ngayon, ang pagpapasuso ng bata ay isa pa rin sa kanilang ginagawa ngunit may pagkakaiba ang noon sa ngayon. Noon kasi, tanggap sa kanila ang magpasuso ng ibang bata kapag ang tunay na magulang ay umalis para magtrabaho sa bukid o kayay may ginagawang ibang trabaho. Kung noon ay mga hayop o ibang bata lamang sa labas ng kanilang bahay ang kalaro ng mga batang Mandaya, ngayon, ang iba sa kanila ay lumaki nang naglalaro ng mga plastic na laruan na binibili ng kanilang mga magulang sa malalaking tindahan. Karamihan rin naman ngayon sa mga magulang na Mandaya ay nagnanais na ang kanilang anak ay makapag-aral man lang kahit ng basic education upang hindi lumabas na mangmang kapag lumaki ito.Kasama sa kultura nila ang pagkakaroon ng polygamy. Ang mga kalalakihan ay pinapayagang magkapag-asawa ng dalawa o marami pa hanggat kaya niya itong buhayin. Kailangan ng lalaking Mandaya na patayuan bawat isa sa kanyang mga asawa ng bahay sapagkat nasa kultura nila na hindi dapat magsama ang lahat ng asawang babae sa iisang bubong. Hindi naman maaaring mag-asawa ang mga babae ng higit sa isa.Dahil sa impluwensya ng mga misyunaryo, ang mga Mandaya ngayon ay ikinakasal na sa loob ng simbahan. Noon, karamihan sa nagpapakasal ay pawang ipinagkasundo lamang ng kanilang mga magulang. Ang proseso ay nagsisimula sa magulang ng lalaki patungo sa magulang ng babae upang makipagkasundo. Kapag ang huli ay sumang-ayon, ang parehong panig ay magpaplano na para sa kasal. Pagkatapos mapag-usapan ang tungkol sa halaga ng babae at preparasyon ay kakatayin nila ang isang baboy bilang hudyat na ang kasunduan ay tapos nang pag-usapan. Sa pagbabayad naman para sa bugay[bride price] ay sa pamamagitan ng agong, mga baboy, damit at mamahaling bagay tulad ng masiti at mga bronze jar. Pagkatapos lamang ng mga preparasyon ipapaalam sa babae at lalaki na silay ikakasal. Ang pagsisilbi sa pamilya ng babae ay karaniwan nang kaugalian sa kanila. Isang paraan ito ng pagpapakita ng kababaang-loob. Halimbawa nito ang pagsibak ng kahoy at pag-igib ng tubig sa balon o ilog. Para naman makuha ang puso ng babaey nagdadala ang lalaki ng regalo para rito tulad ng bulaklak at ulam kapag siya ay bibisita. Minsan naman ay pinagagawa ng magulang ng babae ang lalaki ng galas, paghahanda sa lugar na sasakahan, bago sila pumayag sa pakikipagkasundo sa kasal.Sa araw ng kasal, ang dalawang ikakasal ay uupo sa isang inilatag na banig habang pinalilibutan ng mga Matikadong na siyang magiging saksi nila. Pagkatapos manalangin at humingi ng gabay sa mga diwata para sa mapayapa at maligayang pamumuhay bilang mag-asawa, sila ay sasabihang magsalo ng pagkain sa isang dahon na magiging kanilang plato o di kaya ay bagol [coconut husk]. Susubuan nila ang isat isa. Pagkatapos ay bibigyan ng Matikadong ang bagong kasal ng payo kung paano mamuhay ng mapayapa at magandang buhay may-asawa, kung paano nila mamahalin ang kanilang isat isa hanggang sa silay mamatay, at kung paano nila dapat palalakihin ang kanilang mga anak. Sunod naman ay pagdidikitin ng pakong ang noo ng bagong mag-asawa.May isa pang proseso ang mga Mandaya sa pagpapakasal. Ang ikakasal ay uupong magkatabi sa isat isa at magsasalo sa pagkain ng mga lamang-loob ng mabangis na hayop gaya ng atay, bituka, kidney, at iba pa na niluto ng masarap sa paraang Mandaya. Pagkatapos nilang maubos ang pagkain na inilagay sa malaking dahon, ang ikakasal ay opisyal nang tatawagin bilang mag-asawa. Sa kasalukuyan, ang paraang ito ay tinatawag na kasal sa banig [mat wedding] na magpahanggang ngayon ay ginagawa pa rin ng mga Mandaya. Pagkatapos madeklara na sila ay mag-asawa na, ang kamag-anak ng babae ay siyang mangunguna sa pagpili ng mga nitibong pagkain sa isang lamesa na susundan naman ng mga kamag-anak ng lalaki.Kapag naman nalaman ng lalaki na ang babae ay hindi na birhen pagkatapos ng kasal ay ibabalik sa pamilya ng babae at ang ginastos naman ng lalaki sa kasal ay ibabalik rin. Nakakagulat man ngunit ang pagkakaroon ng premarital sex sa kanilang komunidad ay ordinayong nangyayari na sa kanila. Kaya, sa pamumuhay nila bilang mag-asawa, kapag ang babae o lalaki ay trinato ng hindi tama ng kanyang asawa, ang babae o lalaki ay may pananagutan hindi lamang sa nasaktang asawa kundi pati na rin sa pamilya nito.Ang mga Mandaya ay matuparin sa kanilang mga sinasabi kahit na wala pang seremonya sa kasal na magaganap. Kamatayan lamang ang makapaghihiwalay sa dalawang nagmamahalan. Samantala, kung pag-uusapan ang paghihiwalay, sa kulturang Mandaya, kapag nagdesisyong maghiwalay ang mag-asawa, kailangan nilang bayaran pareho ang kanilang mga manugang sa mga ginastos nito sa pagpapakain at paghahanda sa kanilang kasal. Nakadepende naman ang kustodiya ng kanilang mga anak sa kanilang desisyon.Sa kulturang Mandaya naman, kapag may taong namatay, lahat ng kanyang mga gamit ay ibabaong kasama niya. Ginagawa ito sapagkat ang gamit namatay ay nagbibigay ng pighati sa miyembro ng pamilya nito. Naniniwala rin silang delikado ang pagtago ng mga gamit ng namatay. Sa patay, binabalot nila ito sa ilang-ilang o balat ng lawaan. Maaari ring gawing pambalot ang banig na pinaglagyan sa patay bago ito ilibing. May iba namang naglilibing ng patay na walang sapin sa katawan sapagkat naniniwala sila na kung anong gawa sa alikabok ay babalik sa alikabok. Naniniwala rin ang kanilang mga ninuno na kapag ang patay ay inilagay sa matigas na lalagyan, ang kaluluwa mismo nito ay makukulong sa loob at hindi na makakasali o makakapunta pa sa banal na lugar ng mga diwata. Kaya ito ang dahilan kaya hindi sila gumagamit ng mga kabaong dahil sa hindi direktang makakapunta ang kaluluwa ng namatay sa lugar kung saan siya dapat. Paghahanda ng PagkainMahilig ang mga Mandaya sa pagluluto at ang isa sa pinakagusto nilang lutuin ay ang kubong. Isa uri ng halamang ugat na nakukuha sa kagubatan, katulad ito ng ube ngunit may mas marami lang itong tinik. Sa pagkuha ng kahit anong bagay sa kagubatan, sila ay humihingi ng pahintulot sa mga diwata. Naniniwala kasi sila na kapag hindi sila humingi ng pahintulot sa mga diwata ay mabibigyan lamang sila ng mga maliliit na kubong. Sa pagluluto nito, nangangailangan ito ng mahabang paghahanda. Una na rito ang paghuhugas nito sa tubig ilog dahil sa ito ay nakalalason, pagpipirasuhin, ilalagay sa isang lambat, pakukuluan hanggang sa ito ay lumambot at ibababad ng tatlong araw. Pagkatapos ay ibabalot sa balat ng hanagdung at pagkatapos ay ilalagay sa kolon (clay pot) na may kasamang agutay hanggang sa itoy maluto. KalusuganMaraming nalalaman ang mga Mandaya tungkol sa ibatibang halamang gamot na matatagpuan sa kanilang komunidad. Noong unang panahon, marami sa kanila ang nagkakasakit at ang karaniwang sakit na kanilang nararanasan ay ang takud (rheumatism) at ubo naman sa mga matatanda. Nagpapakulo sila ng tinatawag na alikalang (gabon) para sa ubo. Ang mga bata ay nakararanas ng lutaan o pananakit ng katawan at lagnat na nagagamot sa pamamagitan lamang ng pagliligo at pagpapahid ng gita. Kung minsan hinahalo ang adgao sa tubig at pinapainom sa may sakit ng lagnat. Para naman sa panganganak ng babae, papainumin siya ng pinakuluang ugat ng cogon. Sa ngayon marami na rin ang mga pagbabago sa kanilang panggagamot. Nakakagamit na sila ng mga antibiotics at natututunan na rin nila kung papaano ang mag-family planning upang makaiwas sa lumulobong populasyon at pagkakaroon ng ibat ibang sakit. Binibigyan din sila ng pagkakataon na matututunan ang mga makabagong pamamaraan sa panggagamot. At dahil wala silang silid-pagamutan ginagamit na lamang nila ang mga silid-aralan para gawing clinic.

TALASANGGUNIANAklat:Allan, Mercedes. Amihan Cruz. Liezel Cua et al.2001. Minadanao Ethnic Communities. Internet:Velasquez, Joel. Mandaya. http://litera1no4.tripod.com/mandaya_frame.html.Ompang, Manuel B. The Mandaya Ethnic Group. http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?igm=4&i=239.Bigornia, Manny. The Mandaya People. http://www.ethnicgroupsphilippines.com/2012/04/22/the-mandaya-people/.http://www.usadojo.com/pdf-files/FMA%20Digests/2007/FMA-Digest-Special-Edition-Traditional-Musical-Instruments.pdfhttp://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?igm=1&i=155http://www.slideshare.net/jessamaejaco/savedfiles?s_title=region-11-davao region&user_login=avigailgabaleomaximohttp://www.slideshare.net/deiibeiineii/mandaya-ethnic-tribehttp://www.google.com.ph/search?q=the+mandaya+tribe&biw=1920&bih=942&tbm=isch&tbo=u&source=univ&sa=X&ei=7IO4VPbVG8GzuASR7YDADg&ved=0CCoQsAQ#imgdii=_