Upload
dangdieu
View
410
Download
13
Embed Size (px)
Citation preview
3 May 2017
Publications
EDUKASYON: SUSI SA TAGUMPAY by Joan M. Dueñas, Master Teacher I
Magsaysay Integrated School Dinalupihan, Bataan
Edukasyon, isa ito sa karapatan ng bawat tao. Bata pa lamang tayo ay alam na natin na ito
ay pinakamahalagang bahagi ng ating buhay. Bakit nga ba? Mula sa pang-araw-araw nating
gawain ay kaakibat na ang edukasyon na kung saan parte na ito ng ating pamumuhay. Habang tayo
ay lumalaki, nadaragdagan at lumalawak ang ating isipan at kaalaman. Mula dito, nag-uumpisa
tayong makihalubilo sa ibang tao o kapwa na ating makikilala sa paaaralan. Ang ating guro ang
nagsisilbing pangalawang magulang at mga kamag-aral ay intinutring din na ating pamilya.
Malaking kasiyahan para sa ating mga magulang ang makapagtapos. Kayamanan ito para
sa kanila dahil ito lang ang maipamamana nila sa atin. Ito ay mahalaga dahil dito nakasalalay ang
kinabukasan ng bawat tao at para magkaroon ng magandang hinaharap. Hindi hadlang ang
kahirapan para sa pagtatagumpay. Kung mahirap ka man, maraming paraan para makamit mo ang
iyong tagumpay. Kailangan mo lang ipakita ang iyong katatagan, pagiging maabilidad at
pagkakaroon ng lakas ng loob upang makaisip ng paraan upang ikaw ay makapagtapos ng pag-
aaral. Ipakita ang pagtitiyaga, pagsusumikap at pagtitiwala natin sa ating Panginoon para makamit
natin ang ating tagumpay.
Sa mundong ito, hindi ganoon kadaling mamuhay lalo na kung wala kang sapat na
kaalaman. Habang tumatagal, nagiging kumplikado ang lahat. Nagkakaroon ng problemang hindi
madaling solusyunan. Ngunit kung mayroon kang mabisang sandata, malalampasan mo ito.
Pangalawa sa Diyos, Edukasyon ang mabisang panlaban sa problema at pagsubok.
3 May 2017
Publications
Ayon kay Enriquez (2012), ang edukasyon ay hindi lamang susi sa tagumpay kundi sa
marami pang bagay. Ang kaalamang natututunan natin sa paaralan ang nagbubukas at nagmumulat
sa ating kaisipan tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating kapaligiran at nagbibigay sa
atin ng pagkatuto. Edukasyon din ang nagdadala sa atin sa mga lugar kung saan tayo nararapat na
magbanat ng buto. Edukasyon din ang magbubukas ng daan upang ating malaman ang ating mga
karapatan at ang kaakibat na mga pananagutan.
Ang pagkakaroon ng isang mataas at matibay na edukasyon ay isang saligan upang mabago
ang takbo ng ating buhay. Matibay ang edukasyon kung ito ay pinagsamang katalinuhan at pag-
unawa bunga ng mga pormal na pag-aaral tungkol sa iba’t ibang asignaturang tinuturo sa atin ng
mga guro at ng ating mga magulang.
Ang edukasyon ay katumbas ng isang imbisibol na susi, tulay, hagdan, at sandatang
panghabambuhay na bitbit ng bawat isang tao na magagamit nila sa kani-kanilang paglalakbay at
mga hakbang na dadaanan sa buhay. Kung wala ito, mahihirapan ang tao na abutin ang kanilang
mga pangarap at mithiin sa mundong ito.
Susi ang edukasyon sa bawat pinto ng oportunidad. Kung tayo ay mayroon nito, magagawa
nating buksan ang ating puso at isipan na pagsikapan ang tagumpay na gustong makamtan. Ito ay
tulay upang malalagpasan natin ang lahat ng bagay na humahadlang sa atin na maabot ang ating
kapalaran. Isa itong hagdan upang maakyat natin ang mga bundok na humaharang sa ating
pagkatagumpay. At ito ay isang sandata laban sa lahat ng kahirapan na mararanasan sa pagkamit
ng pangarap.
3 May 2017
Publications
Mahalaga ang edukasyon dahil ito ang ugat ng maginhawang buhay. Gaya ng lagi nating
naririnig sa ating mga magulang na edukasyon lamang ang kanilang maipamamana sa atin. Ito ang
dahilan kung bakit sila ay nagpapakahirap magtrabaho para mabigyan lamang tayo ng magandang
edukasyon o pag-aaral. Kaya naman, huwag natin sayangin ang kanilang paghihirap, mag-aral
nang mabuti at pagsikapang makamit ang minimithi.
Tunay ngang napakalaking papel ang ginagampanan ng edukasyon sa buhay ng tao. Subalit
ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat ay hindi sapat upang maituring na edukado ang isang tao
kaya’t nararapat na de kalidad ang edukasyon na natatanggap ng mga Pilipino.
Pinagkunan:
Enriquez, Myrna M. “Edukasyon, Susi sa Tagumpay” www.hermosa.gov.ph/index.php/.../662 Magtanong, Joan T. “Edukasyon, Susi sa Tagumpay” BPC Koop Vision,( June 13-19, 2009): 5
https://education643.wordpress.com/.../edukasyon-susi-tulay-hagdan
udyong.net/teachers-corner/969-edukasyon-susi-sa-tagumpay