Transcript
Page 1: Pananatili sa Poder ng Magulang

“PANANATILI SA PODER NG MGA MAGULANG: Mabuti o Masama?”

BILANG TUGON SA HULING KAHILINGAN PARA SA KURSONG FIL 40

Salvacion, Mae Ann Rose P2011-30442

BS Civil Engineering

JIMMUEL C. NAVAL, Ph.D.Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

Kolehiyo ng Arte at LiteraturaUP Diliman, Diliman, Lungsod Quezon

1

Page 2: Pananatili sa Poder ng Magulang

ABSTRAKTBilang mga Pilipino, naniniwala tayong dapat unahin ang pamilya bago ang ibang

bagay. Mataas ang pagpapahalaga natin sa pamilya kaya naman tunay na malapit ang

bawat miyembro sa isa’t isa. Hangga’t kaya at posible, ang mag-anak ay dapat laging

magkakasama. Ngunit, may mga punto sa ating buhay na kailangang lisanin ang tahanan.

Maraming iba’t ibang kadahilanan kung bakit may mga taong pinipiling iwanan ang

kanilang mga tahanan pagdating ng panahon. Ang iba sa kanila ay nagnanais na

matutunang mamuhay sa sarili samantalang ang iba naman ay lumilisan sapagkat ito ang

pinakapraktikal na pagpipilian sa lahat. Maaaring mas malayo ang tahanan ng magulang

sa trabaho o kolehiyo kaya kinakailangang lumipat at umalis. May mga tao rin namang

pinipiling lumisan sapagkat hindi nila makasundo ang kanilang mga magulang. Ano pa

man ito, tama nga bang piliing umalis? Ang pagbukod sa pamilya ay nakabubuti nga ba o

nakakasama sa isang tao? Ang saliksik na ito ay makakatulong sa paggawa ng desisyon

ukol sa pagiging positibo o negatibo ng pagbabalik sa poder ng mga magulang.

2

Page 3: Pananatili sa Poder ng Magulang

MGA NILALAMANABSTRAKT........................................................................................................................2

I. INTRODUKSYON..........................................................................................................4

A. LAYUNIN NG PAG-AARAL...................................................................................5

B. METODOLOHIYA....................................................................................................5

C. SAKLAW AT LIMITASYON...................................................................................5

D. KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL......................................................................5

E. REBYU NG MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL..................................................6

II. DISKUSYON (Unang Bahagi).......................................................................................7

III. DISKUSYON (Ikalawang Bahagi)..............................................................................13

IV. KONGKLUSYON......................................................................................................17

BIBLIYOGRAPIYA.........................................................................................................19

3

Page 4: Pananatili sa Poder ng Magulang

I. INTRODUKSYON

Sa paglipas ng panahon, sa kabila ng napakalaking pagbabagong naganap sa ating

lipunan dulot ng pagsusumikap na makasabay sa modernisasyon, may mga bagay parin

namang nananatiling tulad ng dati. May mga tradisyon at kaugaliang Pilipinong hindi

naano at hindi nagbago. Isang halimbawa ay ang malapit na relasyon ng mga magulang

sa anak at sa kabaligtaran, ng anak sa magulang. Mula noon, hanggang ngayon, gaano

man katagal ang lumipas na panahon, wari ko’y hindi na ito mawawala sa kulturang

Pilipino.

Bago ang lahat, balikan natin ang kahulugan ng pamilya. Ano nga ba ang

pamilyang Pilipino? Ano ang mga kaugalian, paniniwala at balyu na katangi-tangi rito?

Mainam na mapagbalik-tanawan ang mga bagay na ito upang mas maging malawak ang

pagintindi sa mga paksa o isyu na tatalakayin at bibigyang pansin.

Matapos ang pagsusuri sa kultura natin, ito ay ihahambing sa kultura na may

kaugnayan sa pamilya ng ilang bansa sa Asya, Europa at Amerika. Paunti-unting

rerepasuhin ang mga pagkakaiba at pagkakapareho ng mga kultura ng mga bansang

nabanggit. Sa pagtatapos ng bahaging ito, masusukat ang pagpapahalaga sa pamilya ng

mga mamamayan sa mga lugar na iyon.

Kasunod nito ang pagpasok ng pangunahing paksa ng saliksik na ito, ang

pagbabalik sa poder ng mga magulang. Susuriin ang mga kadahilanan sa likod ng

mentalidad na ito, titimbangin ang mga positibo at negatibong dulot nito sa pagkatao ng

isang indibidwal at mula rito’y maaaring magdesisyon kung nakabubuti nga ba ang

pagtira muli sa tahanan ng mga magulang o masama.

4

Page 5: Pananatili sa Poder ng Magulang

A. LAYUNIN NG PAG-AARAL

Ang papel na ito ay naglalaman ng saliksik at mapanuring pag-aaral ukol sa isa sa

mga kaugaliang natatangi sa ating mga Pilipino, ang pananatili sa piling ng mga

magulang sa kabila ng pagkakaroon ng kakayahang suportahan ang sarili. Layon nitong

buksan ang kamalayan ng mga tao ukol sa paksang, “PAGBALIK SA PODER NG

MAGULANG: Mabuti o Masama?” at bigyang linaw ang isyung moral na nakapaloob

dito.

B. METODOLOHIYA

Ang mga datos at impormasyong mababasa sa saliksik na ito ay naangkat mula sa sariling

obserbasyon at pagsusuri ng mananaliksik. Ang ilan ay mula sa aklatan at internet.

Samakatwid, ang pamamaraan sa pananaliksik na ginamit dito ay library and web

research at pagmamasid at pakikiramdam.

C. SAKLAW AT LIMITASYON

Ang saliksik na ito ay limitado sa mga taong nasa edad 18 pataas na nasa

kolehiyo, tapos na sa kolehiyo o nagtatrabaho. Samantala, wala namang limitasyon sa

kasarian. Mapababae, lalaki o LGBT, lahat ay nasasaklaw ng saliksik na ito.

D. KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL

Mataas ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa pamilya kaya naman normal

lamang para sa atin ang makitang nasa piling parin ng mga magulang ang anak bagamat

ito ay nasa tamang edad na. Sa kasamaang palad, hindi ito katanggap-tanggap para sa

ibang tao kaya naman mapipilitan tayong magdesisyon kung aayon ba tayo sa nakagisnan

nating kaugalian o lilihis mula rito. Tunay na may kahirapan ang pagpapasyang ito. Ang

5

Page 6: Pananatili sa Poder ng Magulang

pag-aaral na ito ay makatutulong sa mga indibidwal na may hindi malinaw na

disposisyon ukol sa isyung ito upang sa kalaunan ay mapagdesiyunan niya kung anong

dapat niyang gawin.

E. REBYU NG MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL

Sa aklat na “The Filipino Family” ni Belen Medina, masusing tinalakay lahat ng

bagay kalakip ng pamilyang Pilipino. Mula sa depinisyon at istruktura hanggang sa

kaugalian at responsibilidad ng mga miyembro nito.i Ayon sa kanya, bahagi ng ating

kultura ang pagtira sa magulang lalo na kung hindi pa kasal o wala pang sariling pamilya

ang isang indibidwal. Bilang ang pamilyang Pilipino ay “residentially nuclear but

functionally extended”, ibig sabihin ay kahit na hindi magkasama sa isang tahanan ang

magkakamag-anak, parang isang pamilya o isang sambahayan lang sila kung

magturingan. ii Magandang panimula ito sa pagsagot sa isyung binibigyang pansin sa

puntong ito.

6

Page 7: Pananatili sa Poder ng Magulang

II. DISKUSYON (Unang Bahagi)

Ang pamilya bilang isang konsepto ay mahirap bigyan ng isang payak at simpleng

pakahulugan. Ito ay isang salitang may malawak na saklaw at kinapapalooban ng

komplikadong serye ng mga ideya.

Bawat bansa ay may sariling depinisyon ng pamilya na batay sa kanilang

kaugalian at kultura. Alam nating lahat na ang mga kulturang ito ay walang katulad at

natatangi mula sa iba. Samaktwid, iba-iba rin ang pagtanggap at persepyon natin sa bawat

paksa. Sa kabila nito, may ilang mga bagay parin naman kung saan maaaring magtugma

ang iba’t ibang paniniwalang ito. Isa na rito ang pamilya bilang pangunahing yunit na

kinabibilangan ng bawat isa sa lipunan. Lahat tayo ay nagmula sa isang pamilya.

Sa kaso natin bilang mga Pilipino, ang pamilya ay laging nasa unahan ng talaan

ng mga prayoridad sa buhay. Ito ay nagpapatunay na talaga ngang malaki ang bahagi ng

pamilya sa pagbuo ng katauhan ng isang tao kung kaya nararapat lamang na bigyan ito ng

sapat na oras at importansya.

Ngayon, tayo ay magbalik tanaw sa mga kaugalian, paniniwala at moral ng mga

pamilyang Pilipino.

Ang pamilyang Pilipino o mag-anak ay karaniwang binubuo ng ama, ina at mga

anak. Ang bawat miyembro ay handang sumuporta sa isa’t isa at may pagkakaisa.

Isinasaalang-alang ang opinyon ng lahat bago gumawa ng desisyon. Bawat isa’y may

karapatan at pagkakataong ipaglaban ang kanyang paniniwala basta ito’y gagawin sa

tamang paraan. Sa pinalawig na anyo nito, ang mag-anak ay binubuo rin ng lolo at lola,

7

Page 8: Pananatili sa Poder ng Magulang

kung minsan ay tito at tita, mula sa panig ng ina at ng ama. Bunga ito ng mataas na

pagpapahalaga ng mga Pilipino sa sariling “dugo’t laman”. iii

Sa ating mga Pilipino, napakalakas at napakatibay ng samahan ng magulang at

anak. Likas na mapagmahal ang mga magulang sa anak kaya naman ginagawa nila ang

lahat upang matustusan ang pangangailangan ng mga ito pinansiyal man, emosyonal o

moral. iv Sa kabila ng pagiging abala sa pagpapanatili ng kaayusan ng pamilya, hindi

pinalalampas ng mga magulang ang mga pagkakataong maaaring magpatibay ng relasyon

nila sa kanilang mga anak. Halimbawa nito ang family day o family outing. Pwede rin

naman ang simpleng pagdalo sa mga programa sa paaralan upang ipakita ang suporta sa

anak magtatanghal.

Dahil sa mataas na pagpapahalaga sa pamilya, karaniwan sa mga Pilipino ang

manatili sa poder ng mga magulang kahit na nasa tamang edad na ang isang tao. Hindi

naman ito minamasama ng mga magulang dahil para sa kanila, maganda at positibong

bagay ito sa pagpapalagay na hindi magiging pabigat ang anak. Minsan, bagamat

nagiging pabigat at palaasa na ang anak ay handa paring tumulong ang mga magulang.

Isang patunay kung gaano kadalisay ang pagmamahal ng ama’t ina sa kanilang mga anak.

Sa puntong ito, nais kong ikumpara ang kultura nating mga Pilipino sa kultura ng

ilang bansa sa Asya, Europa at Amerika.

Sinasabing ang pag-alis sa poder ng mga magulang ay nagmula sa kanluranging

kulura. Ang kaisipang ito ay laganap lamang sa Amerika at sa kalapit bansa nitong

Canada.

8

Page 9: Pananatili sa Poder ng Magulang

Ang pamumuhay sa Amerika ay hindi madaling gawain.Tulad sa Pilipinas,

nagmamahal din ang mga presyo ng bilihin, gasolina, upa sa bahay at iba pa sa Amerika.

Ang pinagkaiba lamang ay natutumbasan ng sapat na sweldo ang hirap ng trabaho. Per-

oras ang basehan ng sweldo sa pagtratrabaho, kaya naman kayod kalabaw ang mga tao

roon. Hangga’t kaya ng katawan ang gawain, tuloy ang paghahanapbuhay. Sa ganitong

kadahilanan, kadalasan ay nauubos ang buong maghapon sa pagtatrabaho lamang at

nawawalan na ng panahon sa pamilya ang parehong ama at ina. Mas madalas sa hindi ay

hindi na napagtutuunan ng pansin ang pagaalaga sa mga anak dahil mas inuuna ang

pagtratrabaho upang mapagkalooban ng magandang buhay ang mga anak. Bunga nito,

napapalayo ang loob ng mga anak sa mga magulang hanggang sa dumating ang panahong

mas pipiliin nila ang mamuhay mag-isa kaysa ang kasama ang kanilang ama’t ina.

Paghantong ng ikalabing walong taon (18), ang edad kung saan itinuturing na

isang adulto o matanda ang isang tao, karaniwang ibinibigay na ng magulang ang buong

pahintulot sa anak na mamuhay magisa at makapagdesisyon ng magisa. Marami sa mga

kabataan sa Amerika na sa edad na 18 ay humihiwalay na ng tirahan sa mga magulang.

Ang iba ay humihiwalay upang magtrabaho sa ibang lugar samantalang ang iba naman ay

humihiwalay upang magaral.v

Minsanan nalang kung umuwi ang mga anak sa bahay ng kanilang mga magulang

kagaya ng kapag mayroong importanteng okasyon o di kaya naman ay may maikling

bakasyon. Kapag nasimulan na ng anak na humiwalay ng tirahan sa magulang, mas

madalas sa hindi ay hindi na ito bumabalik at ipinagpapatuloy na ang pagsasarili

hanggang sa makatapos ng kolehiyo, makapagtrabaho, makapagasawa at bumuo ng

sariling pamilya.

9

Page 10: Pananatili sa Poder ng Magulang

Sa kultura ng mga Amerikano ang pagbalik sa poder ng magulang ay maituturing

na isang kahinaan at kahihiyan. Sa mata ng ibang tao, kapag ikaw ay nagpasyang bumalik

sa tahanan ng iyong ama’t ina, ipinahihiwatig nitong ikaw ay isang malaking kabiguan sa

buhay. Ito ay sa kadahilanang maging ang iyong sarili ay hindi mo kayang tustusan

kaya’t para kang isang lintang walang pakundangang humihigop sa dugo ng walang

malay na biktima. Sa kasong ito, ang biktimang tinutukoy ay ang sarili mong mga

magulang.

Samantala, hati naman ang pananaw ng ibang mga Europeyong bansa ukol sa

paksang pagtira kasama ang mga magulang. Sa Italya, ang pagtira sa magulang ng anak

hanggang sa edad na 30s ay maituturing paring normal. "Bamboccioni" ang tawag sa mga

anak na nasa wastong edad na ngunit nakatira parin sa poder ng mga magulang. vi

Sinasabing ang puso ng kultura ng mga Italyano ay ang pamilya.vii Binibigyang

atensiyon at sapat na oras ang pamilya sapagkat ito ay isang kaparaanan upang maging

matibay ang kanilang samahan. Ang pangunahing prayoridad ng mga kababaihan ay ang

kanilang asawa at mga anak kaya naman ramdam na ramdam ng mga anak ang pagaaruga

at pagaasikaso sa kanila ng kanilang mga magulang. Dahil dito nagkakaroon ng matatag

na relasyon ang mga magulang sa kanilang mga anak.

Prayoridad din ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na magkaroon

ng magandang relasyon sa iba pa nilang mga kapamilya. Ang lingguhang salu-salo sa

bahay ng nakakatanda ay madalas na ginagawa ng mga Italyano. Dito ay sama-sama ang

mga magkakapamilyang sa paghahanda at pagluluto. Binibigyan nila ng importansya ang

10

Page 11: Pananatili sa Poder ng Magulang

sabay-sabay at sama-samang pagkain kung saan sila ay nagkakaroon ng oras upang

nakakapagusap at nakakapag-kwentuhan.

Karaniwang ang mga lalaki ang madalas na naiiwan kasama ang kanilang mga

magulang. Umaabot pa ito sa edad na siya ay magaasawa na. Ang edad ng mga lalaking

nasabi ay nasa 26 pataas. Sa kanilang kultura, kailangang sapat na ang kakayahan ng

isang lalaking bumuo at sumuporta ng kanyang magiging pamilya bago ito magpakasal.

Hindi madaling magkaroon ng matatag na hanapbuhay sa Italya dahil masyadong

malakas ang kompetisyon. Bukod dito, ayon sa pamantayan, hindi garantiya ang

pagtatapos sa unibersidad upang magkaroon ng pirmihang trabaho. Kaya naman,

karaniwang ipinagpapaliban muna ang paga-asawa at sa halip ay inuuna ang paghahanap

ng matatag na mapagkukunan ng pangkabuhayan.

Ayon sa datos na nakalahad sa isang artikulo, humigit-kumulang 60% ng mga

Italyanong nasa edad 18-34 ay nakatira parin sa kanilang mga magulang. 20% sa mga ito

ay nasa edad 30 pababa. viii

Pumunta naman tayo sa Asya kung saan iba't-iba din ang pananaw tungkol sa

patuloy na pagtira ng anak sa tahanang kanilang kinalakhan. Sa bansang Hapon,

mahalaga ang pagpapanatili ng linyahe ng isang pamilya. Kasama na rito ang

pagpapanatili at pagpepreserba ng kanya-kanyang tradisyon, kaugalian at klase ng

pamumuhay. Karaniwang ipinapasa-pasa mula sa ama at sa panganay na anak na lalaki

ang responsibilidad sa pagpapanatili ng mga kaugaliang ito pati narin ang estado ng

pamumuhay ng kanilang pamilya.

11

Page 12: Pananatili sa Poder ng Magulang

Dahil importante ang pagpapanatili ng linyahe ng bawat pamilya, maituturing na

isang malaking pasanin sa magulang kapag ang anak nito na nasa wastong edad na ay

hindi pa nakakapagasawa. Karaniwang nasasabihan na tamad ang mga ito kaya naman

walang kakayahan na humiwalay sa pamilya at suportahan ang sarili. Dahil sa kaugaliang

ito, ang mga magulang na mismo ang gumagawa ng paraan upang maghanap ng

mapapangasawa para sa kanilang mga anak. Nariyan ang mga institusyon o kumpanyang

nakalaan lamang mismo sa paghahanap ng mga mapapangasawa. Sinasabing maswerte

na sa mga Hapon kapag ang pagaasawa ay base sa pagmamahal at hindi lamang sa

pagpapanatili ng tradisyon ng pamilya. ix

12

Page 13: Pananatili sa Poder ng Magulang

III. DISKUSYON (Ikalawang Bahagi)

Kung susuriin ang ating lipunan sa panahon ngayon, hindi maipagkakailang tunay

ngang matibay ang pagkabuo ng ideyang close family ties sa ating mga Pilipino.

Kapansin-pansin ang dami ng mga taong magpasahanggang ngayon, bagamat sila ay may

trabaho na at may sarili nang pamumuhay, ay nananatili parin sa isang bubong kapiling

ang kanilang mga magulang. Ano ang ideya sa likod ng kasanayang ito? Bakit

nagpapasya ang ilang mga tao na mamuhay kasama ang kanilang mga magulang sa iisang

bahay kahit na nasa tamag edad na ang mga ito? Kung tutuusin, may kakayahan na silang

suportahan at buhayin ang kanilang mga sarili sa sandaling makapagtapos sila sa

kolehiyo at makahanap ng magandang trabaho. Gayun pa man, humahantong parin ang

ilan sa desisyong manatili sa saya ng mga magulang. Anu-ano ang mga kadahilanang

nagtutulak sa kanilang gawin ito?

Napagpasyahan kong hatiin ang kasagutan sa tanong na ito sa tatlo. Ang una ay

may kinalaman sa ekonomiya o sa usaping pera. Ang ikawala naman ay may kaugnayan

sa sikolohiya. Sa kahuli-hulihan, ang ikatlo ay konektado sa sosyo-kultural na aspeto ng

ating pagkaPilipino. Sa puntong ito, nais kong isa-isahin ang bawat kategorya upang

suriin ang mga bagay na nakapaloob dito.

EKONOMIKAL

Narito ang ilan sa mga karaniwang kadahilanang may kinalaman sa ekonomiya at

usaping pera. Una, ayon sa kanila, mahal ang mabuhay mag-isa. Maraming gastusin at

kailangang asikasuhin. Kaya naman, imposible ang masaya at masaganang pamumuhay

kung pipiliin mong manirahan mag-isa, malayo sa mga magulang.x Hindi mo

13

Page 14: Pananatili sa Poder ng Magulang

gugustuhing lumayo sa mga maaari mong pagkunan sa panahon ng kagipitan, hindi ba?

Ikalawa, mas makakatipid kung sila’y nasa poder ng kanilang ama’t ina lalo na kung may

kakayahan pa ang mga itong magtrabaho at kumita ng pera. Sa ganitong kalagayan, mas

may pagkakataong mag-ipon ang anak para sa kanyang sarili kung ipagpapalagay nating

may pinag-iipunan nga ito. May sarili na siyang kita, may tulong mula sa magulang pa.

Kung titimbangin ay mas magiging magaan nga naman ang pasanin ng mga anak na

nakatira sa poder ng magulang dahil hindi lahat ng kanyang kinikita ay mapupunta

lamang sa pagbabayad ng iba't-ibang bayaring kalakip ng pagsasarili.

SIKOLOHIKAL.

May mga taong hindi kayang mahiwalay sa kanilang mga magulang dahil takot

sila. Karaniwan ay dalawang bagay ang nagbibigay sa kanila ng takot. Una, takot silang

iwan ang kanilang mga magulang dahil alam nilang matanda na mga ito at kailangan ng

mag-aalaga. Ang pangalawa naman ay sa kadahilanang takot sila na itapak ang kanilang

dalawang paa sa mundo ng pagsasarili. May mga taong nasanay na nakadepende sa mga

magulang buong buhay nila kaya naman sa kanilang pagtanda, pagdating ng panahong

kailangan na nilang humiwalay sa kanilang mga magulang, marami silang alinlangan at

pangamba sa buhay.xi Dahil ang mundo ay puno ng kawalang-katiyakan, ang mga

indibidwal na ito ay natatakot makipagsapalaran. Mayroong silang pangamba na baka

hindi pa sila handa o kaya naman ay hindi nila kaya ang pamumuhay ng magisa. Sa

tingin nila ay hindi pa sapat ang kanilang kakayahan o ang kanilang kinikita. May mga

tao din namang ayaw lamang maranasan ang hirap ng buhay kaya mas pinipili nalamang

nilang makisama sa kanilang mga magulang na ang hangad ang mabigyan ng

maginhawang buhay ang kanilang mga anak.

14

Page 15: Pananatili sa Poder ng Magulang

SOSYO-KULTURAL

Tulad ng aking nabanggit sa mga naunang pahina, naging kaugalian na ng mga

Pilipino ang pananatili sa tahanan ng ama’t ina bagamat nasa tamang edad na. Bunga ito

ng close family ties o pagiging malapit ng bawat miyembro ng pamilya sa isa’t isa.

Sa lahat ng mga dahilang nasambit, may isang bagay na hindi mabilang sa kahit

anong kategorya ngunit hindi maitatangging may katotohanan. Ito ay ang pagdami ng

mga taong talaga lamang tamad at mas pinipiling iasa ang buhay sa mga magulang kaysa

sa pagbabanat ng buto upang mamuhay ng sarili kaya nagpapasyang bumalik sa poder ng

ama’t ina.

Matapos pagsusuri sa mga kadahilanan sa likod ng pagpapasyang manirahan muli

kasama ng mga magulang, ipagpatuloy natin ang diskusyon sa pagiisa-isa ng mga

kapakinabangan o benepisyo:

1. May karamay sa oras ng problema.

Ang ating mga magulang kadalasan ang ating pinakapinagkakatiwalaan.

Kadalasan, sa kanila tumatakbo ang anak na nangangailangan ng gabay at

suporta. Kaya naman, kung ang isang tao ay mananatili sa poder ng kanyang mga

magulang, maswerte ito sapagkat abot kamay lamang niya ang mga taong

nakapagpapagaan ng problema.

2. Mas praktikal.

Nabanggit ko sa nakaraang pahina na ang pagsasarili ay mahal. Sa poder

ng mga magulang, hindi na kailangang iintindihin ang pambayad sa upa ng bahay,

pagkain, pagbabayad ng mga utilities gaya ng kuryente at tubig. Sa ganitong

15

Page 16: Pananatili sa Poder ng Magulang

kaparaanan, mas makakatipid at makakaipon. Sa kontekstong ito, ipinagpalagay

na may sapat na kontribusyon ang anak sa mga gastusin at gawaing bahay.

Samantala, narito naman ang tala ng mga hindi kagandahang dulot ng pananatili sa

poder ng mga magulang

1. Tingin ng ibang tao.

Para sa ibang tao, ang pagbalik sa poder ng magulang ay maituturing na

isang kahinaan at kahihiyan. Kapag ikaw ay nagpasyang bumalik sa tahanan ng

iyong ama’t ina, ipinahihiwatig nitong ikaw ay isang malaking kabiguan sa

buhay. Ito ay sa kadahilanang maging ang iyong sarili ay hindi mo kayang

tustusan kaya’t para kang isang lintang walang pakundangang humihigop sa dugo

ng walang malay na biktima. Sa kasong ito, ang biktimang tinutukoy ay ang sarili

mong mga magulang.

2. Kawalan ng kalayaan.

Ang pananatili sa poder ng mga magulang ay tulad ng pagtira sa isang

palasyo. Maaari kang mabuhay ng marangya. Maaari mong matamasa lahat ng

sarap sa buhay na iyong nanaisin. Ngunit, kalakip nito ang responsibilidad na

makinig sa lahat ng sasabihin ng hari at reyna. Bagamat nasa tamang edad na, ang

bawat pagpapasyang gagawin ay dapat ikonsulta parin sa mga magulang.

Kapag ang isang tao ay nakatira sa sarili nitong bahay, magagawa niya

ang lahat ng kanyang gugustuhin ng walang ibang iniisip at walang pipigil. Sa

kabilang banda, kapag nariyan ang mga magulang, mayroong restriksyon at

limitado ang kanyang kilos kaya't nawawala ng paunti-paunti ang kalayaan sa

mga nais na gawin.

16

Page 17: Pananatili sa Poder ng Magulang

IV. KONGKLUSYON

Para sa ating mga Pilipino, ang pamilya ang nagsisilbing unang institusyon ng

pamayanan na ating kinabibilangan. Magkakapit-bisig na nagtutulungan ang ama at ina

sa pagbibigay ng magandang buhay sa kanilang mga anak. Minsan pa nga ay katulong pa

ang extended family o lolo’t lola at tiyo’t tiya sa pagaalaga sa mga anak kung sakaling

parehong abala ang mga magulang sa pagtatrabaho. Base sa tradisyunal na hatian ng

responsibilidad, ang ama ang nagsisilbing haligi ng tahanan na siyang responsable sa

paghahanapbuhay upang matustusan ang mga pangangailangan ng pamilya samantalang

ang ina naman ang nagsisilbing ilaw ng tahanan na siya namang nagpapanatili ng

kaayusan sa bahay. Bukod dito, siya rin ang responsable sa pagaaruga at pagtuturo ng

moral sa kanilang mga anak. Siya ang nagsisilbing unang guro ng kanyang mga anak at

ang kanilang tahanan naman ang nagsisilbing una nitong paaralan. Sa murang edad ng

mga bata ay iminumulat na sila sa ideya iisa ang tahanan at ang pamilya, na sa kabila ng

kung anu man ay nariyan at hindi mawawala ang suporta ng magulang sa kanilang anak.

Dahil dito, ang mga anak ay lumalaking may malaking pasasalamat sa kanyang mga

magulang at natututo itong tumanaw ng utang na loob na balang araw ay sila naman ang

magaaruga sa kanilang mga magulang.

Ngunit, hanggang saan nga ba dapat ang sukatan ng mga pagtulong ng magulang

para sa kanilang anak? Makabubuti ba na habangbuhay na hayaang nakadepende ang

anak sa kanyang magulang? Para sa akin, hindi kailanman natatapos ang responsibilidad

at ang pagtulong ng isang magulang sa kanya anak ngunit hindi din naman ibig sabihin

nito na habang buhay na tayo dedepende sa kung ano man ang maibibigay ng ating mga

magulang. Hindi lang naman sa materyal na aspeto nasusukat ang pagiging mabuting

17

Page 18: Pananatili sa Poder ng Magulang

magulang. Nariyan sila upang siguraduhing maging responsable ang kanilang mga anak

at magkaroon ng kakayahang manindigan at tumayo sa sariling paa. Kahit ang isang agila

na pagkataas taas lumipad ay iniiwan ang kaniyang mga inakay pagdating ng tamang

panahon upang matutunan nitong lumipad magisa at magkaroon ng pagkakataong

lumipad ng mas mataas pa sa naaabot ng kanyang ina. Kagaya ng ating mga magulang,

hangad nila na mas maging mabuti ang buhay ng kanilang mga anak kaysa sa naging

buhay nila kaya naman ginagawa nila ang lahat ng paraan upang maisakatuparan ang

mga ito. Hindi naman masama ang pagtira sa ating mga magulang kahit na mayroon na

tayong kakayanang buhayin ang ating mga sarili. Kung magkagayon mas mabuting tayo

naman ang magbabalik ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagtulong at pagaaruga sa

ating mga magulang kaysa sa tayong mga anak ang patuloy na dumidepende at umaasa sa

kanila. Hindi naman habang buhay ay kaya tayong tustusan ng ating mga magulang.

Dadating ang panahon na sila ay mapapagod din at nararapat lamang naman na suklian

natin ang kanilang paghihirap ng maganda at komportableng buhay. Kung patuloy na

tikom ang ating mga pakpak hindi tayo matututong lumipad upang sabayan ang daloy ng

hangin ng ating buhay.

18

Page 19: Pananatili sa Poder ng Magulang

BIBLIYOGRAPIYABestor, Theodore C. and Helen Hardacre. Columbia University. 2002. 2012 9 October <http://afe.easia.columbia.edu/at_japan_soc/common/all.htm#family>.

Chen, Adrian. Gawker. 28 April 2010. 2012 October 11 2012 <http://gawker.com/5526812/why-so-many-twentysomethings-live-with-their-parents>.

Chiari, Patti. 11 June 2010. 10 October 2012 <http://www.italymag.co.uk/italy-featured/patti-chiari/they-call-us-bamboccioni>.

Ellis-Christensen, Tricia. Conjecture Corporation. 22 September 2012. 10 October 2012 <http://www.wisegeek.com/at-what-age-is-someone-considered-a-legal-adult-in-the-us.htm>.

Flores, Dr. Pura M. "Achieving Emotional Maturity." Family Life Workshop of the Philippines, Inc. The Filipino Family. Quezon City: Alemar-Phoenix Publishing House, 1966. 6-10.

Mandile, Kath and Rita Mandile. The Italian Legacy. 9 October 2012 <http://www.italianlegacy.com/italian-culture.html>.

Medina, Belen T.G. "Family and Kinship Structure." Medina, Belen T.G. The Filipino Family. 2nd Edition. Quezon City: University of the Philippines Press, 2001. 12-28.

MrAirsoft. Yahoo! 6 August 2007. 10 October 2012 <http://voices.yahoo.com/the-benefits-disadvantages-living-your-449600.html>.

Service, Mail Foreign. Daily Mail, The Mail on Sunday & Metro Media Group. 24 June 2010. 10 October 2012 <http://www.dailymail.co.uk/home/index.html>.

19

Page 20: Pananatili sa Poder ng Magulang

i (Medina)ii (Medina 19)iii (Medina 22)iv (Medina 17-18) (Medina 236)v (Ellis-Christensen)vi (Chiari)vii (Mandile and Mandile)viii (Service)ix (Bestor and Hardacre)x (Chen)xi (Flores)


Recommended