Upload
allan-patulot
View
502
Download
14
Embed Size (px)
DESCRIPTION
rizal
Citation preview
EBOLUSYON NG PAMPULITIKANG KAISIPAN NI RIZAL
Nakamtan ng ating inang bayan ang kalayaan at kasarinlan sa pamamagitan ng
mga nagsakripisyo nating mga kababayan. Malaki ang ginampanan ng ating mga bayani
sa kalayaang ating tinatamasa sa panahon ngayon. Sila ang nakipaglaban para sa ating
bayan at hindi natakot na makipaglaban sa kalupitan ng mga dayuhang sumakop sa atin.
Kung hindi dahil sa kanila ay malamang lugmok pa rin ang ating inang bayan. Kung
magbabalik tanaw tayo sa kasaysayan ng ating pagiging isang malayang lahi, may isang
pangalan na nangingibabaw at iyon ay ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose P.
Rizal. Marahil isang malaking tanong pa rin sa bawat isa kung bakit nga ba ang isang
tulad niya ang nahirang maging pambansang bayani at hindi ang mga tulad ni Bonifacio
na nanguna sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikipaglaban sa mga Kastila. Ano ba
ang pinagkaiba niya sa ibang bayani? Ano ba ang nailimbag niya sa pagkamit ng
pambansang kalayaan.
Simula sa aking pagkabata pinakilala sa akin si Rizal bilang ang pambansang
bayani ng ating bayan. Namulat ako na ang kanyang imahe ay nakalagay sa piso at
parating sinasabi sa amin na pinili niyang mamatay para sa bayan gamit ang kanyang
pluma. Bilang isang bata, isang malaking palaisipan ang mga katagang “paglaban ni
Rizal gamit ang kanyang pluma”. Sa murang edad, napaisip ako na paano ba na ang isang
panulat na tulad ng kanya ang nagbigay daan sa pagkamit ng kalayaan. Imposible para sa
aking edad na maintidihan ngunit sa aking paglaki ay natutunan ko na ang kanyang
kahusayan sa pagsulat. Pinagaralan naming ang kanyang buhay at dalawang natatanging
nobela noong ako’y nasa hayskul at doon ko lubos napagtanto ang mga bagay-bagay.
Kung ating susuriin ang naging buhay ni Dr. Jose P. Rizal, siya ay kabilang sa isang
mabuting pamilya lumaki na busog sa pagmamahal at mulat sa pagmamalupit ng mga
Kastilang mapang-api. Nangibang bansa siya at doon, ipinagpatuloy niya ang kanyang
pag-aaral kasama ang isang lihim na misyon. Isang misyon na kinakailangan niyang
gampanan para sa bayan. Ito ay ang misyon niya obserbahan at pag-aralan mabuti ang
pamumuhay, pulitika at gawain sa Espanya. Matagal din ang nilagi niya sa ibang bansa at
hindi maiiwasan na ang kanyang kaisipan ay maimpluwensiyahan ng lipunan na kanyang
ginagalawan. Si Rizal ay naging isang mason na malayang ipinaparating sa lipunan ang
katotohanan. Tunay nga na ang pananaw ni Rizal ay hiram sa idealismo ng
“Kaliwanagan” na ayon na din sa mananaysay na si San Juan.
Ang kaisipang pampulitika ni Rizal ay pawang hiram sa idealismo na umiiral sa
panahon ng kanyang pananatili sa Espanya. Naging miyembro siya ng Acacia Lodge at
Nilad Lodge noong siya ay kasalukuyang nagaaral sa Unibersidad Central de Madrid. Isa
pang patunay na ang kanyang idealismo ay hango sa kaisipan ng “Kaliwanagan” ay ang
pagiging kasapi mismo ng kanyang nakatatandang kapatid na si Paciano sa Free Masonry
na siyang kanyang tagapayo. Hiram man o hindi ang balangkas na kaisipang pampulitika
ni Rizal, ang mahalaga dito ay kung paano ito ginamit at sa paanong paraan. Hayaan
ninyo akong ipakita sa inyo ang ebolusyon ng kaisipang pampulitika ni Rizal sa
pamamagitan ng kanyang mga katha. Isang naging malaking bahagi ng ating pambansang
bayani, ang kanyang pagiging isang manunulat at alagad ng sining. Sa pamamagitan ng
kanyang talento sa sining ay naiparating niya sa bawat tao ang totoong kalagayan ng
ating lahi at ang kanyang pananaw ukol sa mga dayuhang sumakop sa ating Lupang
Tinubuan. Sa talumput limang taon na pinamalagi ni Rizal noong siya ay nabubuhay pa
ay marami siyang nagawang mga katha na nagbigay linaw sa kanyang pagkakakilanlan.
Naniniwala ako na ito lamang ang daan para masagot ang mga tanong sa ating mga isipan
kaya naman ay pumili ako ng limang katha na sa aking palagay na malaki ang
ginampanan upang mailarawan ang pagyabong ng kaisipang pampulitika ni Rizal at ang
mga ito ay ang mga sumusunod: “Ang Pagsaludo ni Rizal kay Luna at Hidalgo”, “Noli
Me Tangere”, “Ang Katamaran ng mga Pilipino”, “El Filibusterismo” at “Ang
Konstitusyon ng La Liga Filipina”.
Noong ika-25 ng Hunyo, taong 1884 sa isang pagtitipon sa Madrid ay inihandog
ni Rizal ang isang talumpati na hindi malilimutan ni ninuman. Nagtalumpati si Rizal sa
pagsaludo niya sa kagalingang pinamalas ni Luna at Hidalgo. Marami ang humanga sa
nilalaman ng talumpating iyon na kahit ako ay namangha sa kahusayan niya na gumawa
ng isang makabuluhang talumpati na hindi lamang nagbibigay pugay sa kagalingan ng
dalawang alagad ng sining na sina Luna at Hidalgo pati na rin ay nabigyang buhay niya
ang nais niya na maging isang nasyon ang Pilipinas at ang Espanya. Noong mabasa ko
ang talumpating ito tumatak sa aking isip ang linyang “ang pagiging henyo ay walang
kinikilalang bansa, sumisibol ang pagiging henyo kahit saan, ang pagiging henyo ay tulad
ng liwanag, hangin, ang patrimonya ng lahat, cosmopolitan gaya ng kalawakan, gaya ng
buhay, gaya ng Diyos.” Mahihinuha natin sa linyang ito ang nais iparating sa atin ni
Rizal, ito ang ang pantay na pagtingin sa mga Espanyol at mga Pilipino. Si Luna at
Hidalgo na mga Pilipino ay isang kagalingan din sa Espanya. Sa panahon ni Rizal,
matindi ang diskriminasyon sa ating lahi. Tayo ay tinatawag na Indio at mangmang
ngunit sa kagalingan ni Luna at Hidalgo naipakita na tayo ay hindi tulad ng paratang nila
sa atin. Mariin ding sinabi ni Rizal sa kanyang talumpati na ito na ang simula ng
pagbabago na hinihiling ng ating lahi. Ito ay isang patunay na hindi nasasayang ang
kagalingan nating mga Pilipino at ang pakikibaka natin sa pagbabagong inaasam ng
bawat isa. Sinipi ko ang ilang bahagi sa kathang iyon na dapat nating pagtuunang pansin.
“Ang kinabukasan ng isang mahabang araw para sa mga rehiyong iyon ay
ipinapahayag ng makikinang na kulay at kulay-rosas na bukang liwayway, at ang lahing
iyon, na namamlay ng mga gabing makasaysayan, habang ang araw ay naghahasik ng
liwanag sa ibang kontinente, ay muling gumising, pinakilos ng malakas ng tama na
nilikha g pakikipag-ugnayan sa mga Kanluranin, at siya’y humingi ng liwanag, buhay,
ang sibilisasyong minsa’y ipinamana sa kanya.”
“Ano nga ba ang halaga ng ng kapirasong telang pula at dilaw, ano ang halaga ng
riple at kanyon, magkakaroon pa ba ng pagsasapi ng mga ideya, kaisahan ng mga
prinsipyo, at pagkakasundo ng mga opinion?”
“Ipinagdarasal ko ang kalusugan ng mga kabataang Pilipino, sagradong pag-asa
ng aking Lupang Tinubuan, nang sa gayo’y matularan nila ang mahalagang halimbawa
ng Inang Bayan, mapagbigay at mapagmalasakit sa kapakanan ng kanyang lalawigan, na
magpapatupad di kalaunan ng mga pagbabagong matagal na niyang pinag-iisi.
Ang ilang bahagi na aking sinipi sa talumpating iyon ay nagbigay diin sa
pagiging isang reformista ni Rizal. Ano nga ba ang pagging isang reformista? Ayon sa
aking nakalap na tala, ang reformista ay isang tao na naghahangad ng pagbabago.
Binigyang pansin ni Rizal sa ilang bahagi nito ang panimula sa pagusad ng ating
kahilingan sa pagbabago. Para sa akin, ang tagumpay na nakamit ni Luna at Hidalgo ay
isang munting daan na nakapagbukas ng pinto ng pag-asa sa ating lahi na maaring ibigay
ng Espanya ang ating ninanais na pagbabago. Ipinakita rin ni Rizal sa talumpating iyon
ang pagtutol niya sa isang madugong pakikipaglaban kung pagkatapos naman nito ay
maguumpisang lugmok muli ang bayan. Nilinaw din ni Rizal sa kathang ito na hindi niya
nais na magsarili ng Pilipinas at humiwalay sa Espanya. Inilahad niyang mabuti na
pagbabago ang nais niya para sa ating lahi na mabigyan tayo ng karampatang karapatan
at maging isang probinsya ng Espanya, sa ganung paraan ay makakamit natin ang pantay
na pagtingin at karapatan na tinatamasa din naman ng mga kapwang Kastila
Sa unang bahagi ng sanaysay na ito, nabanggit ko na ang kaisipang pampulitika ni
Rizal ay naimpluwensiyahan nang idealismo ng mga dayuhan na sadyang lubos na
maiipakita sa susunod na katha na ating hihimayin, ang Noli Me Tangere. Unumpisahan
itong sulatin ni Rizal noong 1884 noong siya ay nag-aaral pa lamang sa Madrid at
natapos niya ito sa Berlin. Ito ay ang naging bunga ng pagbabasa ni Rizal sa nobelang
Uncle Tom’s Cabin na isinulat naman ni Harriet Beecher Stowe na nailathala noong
1852. Naniniwala si Rizal na ang kinahantungan ng mga mga Negro ay tulad din ng
naging kapalaran nating mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhang Kastila. Pinatunayan
ng nobelang ito na anumang uri ng literatura ay makakapagbigay daan sa pagbabago sa
lipunan kaya hindi na ako nagtataka kung bakit naging salik ito upang maisulat ni Rizal
ang Noli Me Tangere. Inialay ni Dr. Jose P. Rizal ang nobelang ito na para sa bayan.
Malinaw na inilahad ni Rizal sa kanyang dedikasyon ang kanyang hangarin sa pagsulat
ng nobelang ito na mailahad ng mabuti ang sakit ng ating lipunan at humanap ng lunas
dito. Ang pagkalimbag ng nobela ito ang naging tampulan ng atensyon ng mga panahong
iyon. Isa itong kontrobersyal na katha ni Rizal dahil sa bawat kabanata nito ay
sumasalamin sa isang makatotohanang pangyayari sa kanyang panahon. Kung ating
hihimayin ang bawat sulok ng magiting na kathang ito ay mapagtatanto na mula pa
lamang sa kanyang mga tauhan ay hinango din sa tunay na buhay. Katulad ng inilahad ni
Rizal sa dedikasyon ng nobelang ito, binigyang buhay niya ang kanser ng ating lipunan
sa bawat tagpong kanyang nilikha. Sa unang tagpo lamang ng nobelang ito ay pinakita na
ni Rizal ang kasakiman ng mga prayle at ng nasa pamahalaan sa kapangyarihan.
Pinagalaw niya ang bawat tauhan sa nobelang ito na naayon sa kagustuhan niya.
Isiniwalat niya ang iba’t ibang kanser ng ating lipunan na siyang sumisira sa ating
kamalayan bilang isang Pilipino. Ipinakita niya ang hindi pantay na pananaw ng mga
Kastila sa uri ng ating balat kumpara sa iba, ang pang-aabuso sa ating kabutihang loob,
ang maling pamamalakad ng mga prayle at ang mga maling paniniwala. Tumakbo ang
nobelang ito sa tauhang si Crisostomo Ibarra at ang kanyang pagkakatuklas ng tunay na
pangyayari sa nangyari sa kanyang si ama na si Don Rafael Ibarra. Ang bawat agos ng
tagpo ay nagsilbing mitsa sa naghihimagsik na damdamin ni Ibarra sa hindi
makatarungang pagkamatay ng kanyang ama ngunit sa kabila nito ay pinili pa rin ni
Ibarra na ang asal ng pagiging isang edukadong mamayanan na malaki ang tiwala na
magandang idudulot ng edukasyon sa ating lipunan. Ipinakita ni Rizal sa katauhan ni
Ibarra ang malaking pagbibigay ng importansya nito sa edukasyon na mababanaag sa
pagpapatayo niya ng paaralan sa kabanatang ito. Sa kabilang dako naman ng nobelang ito
ay ang karakter ni Elias na siyang naging palaboy at patuloy na naghahanap ng kasagutan
sa nangyari sa kanilang pamilya lalo na ng kanyang kambal na kapatid, Batid niya na
magkaroon ng isang rebolusyonaryong tagisan laban sa mga Kastila ngunit ito’y hindi
sinang-ayonan ni Ibarra. Sinalamin din sa kathang ito ang pagiging isang matatag ng mga
kababaihan sa katauhan ni Maria Clara.
Ang karakter ni Crisostomo Ibarra at Elias na sinasabing sumasalamin sa
pagkatao mismo ni Rizal ay nagbigay ng kaguluhan sa aking isipan dahil sa magkaibang
pananaw ng dalawang tauhang ito. Sa aking palagay si Rizal ay bunga ng isang pagkatao
na may kasalungat na pananaw sa pagkamit ng kalayaan. Maaring nangingibabaw ang
paniniwala ni Rizal na hindi kailangan ng riple, kanyon at mga bala upang makamit ang
kalayaan na tulad nang binanggit niya sa kanyang talumpati para kay Luna at Hidalgo
ngunit sa isang banda ay nawawalan siya ng pag-asa na makamit ang pagbabago sa isang
maayos na paraan. Kung susuriing maigi ang kathang ito, ito’y ginawa ni Rizal hindi
para tuligsahin ang Espanya o ang Simbahan kung hindi ito ay ginawa niya bilang isang
panggising sa natutulog nating diwa sa pagmamahal natin sa ating Inang Sinilangan, ang
pangangailangan natin ng edukasyon at pagkilala sa ating lahi na kapantay ng iba.
Batid nating lahat na si Rizal ay isang manggagamot kaya naman hindi
nakapagtataka kung ang mga isinisulat niya ay nakahalintulad sa kanyang mga
pasyenteng may karamdaman. Tulad ng pagkakagawa niya sa nobelang Noli Me Tangere
na nagsiwalat ng mga kanser ng ating lipunan ay may isang mahusay siyang sanaysay na
nagtatanggol naman sa isa ring kanser kung ituring at ito ang “Katamaran ng mga
Pilipino”. Ito ay nailathala sa La Solidaridad na may limang bahagi noong Hulyo 15,
Hulyo 31, Agosto 1, Agosto 31 and Setyembre 1, 1890. Sa pamamagitan ng sanaysay na
ito ay hinimay himay ni Rizal ang mga sanhi sa katamaran nating mga Pilipino. Inamin
niya na tamad ang mga Pilipino ngunit ito’y hindi likas lalo na kung ating gugunitain ang
sinaunang panahon. Sinimulan niya ang sanaysay na ito sa paglalahad na ang mismong
kalikasan na ating kinagagalawan ang nagdulot ng kanser na ito. Tayo ay nakatira sa
isang mainit na pulo kung kaya naman ay pagtatrabaho ng labis ay katumbas ng
kamatayan. Sinundan naman ito pangungusap na ito: “Ang tao’y hindi isang hayop na
walang pag-iisip, hindi isang makina; ang layon niya’y hindi lamang yumari o gumawa,
kahit na ito’y isama ng loob ang Kristiyanong puti ang balat, na ang ibig ay gawin ang
Kristiyanong may kulay ang balat na isang lakas na tulad ng makina, isang bagay na
lalong matalino at di gasinong magugol tulad ng bapor, ang layon ng tao’y hindi ang
magbigay ng simbuyo o naglalatang na damdamin ng ibang taon; ang layon niya’y
humanap ng kaligayahan ng sarili at ng kapuwa, sa pamamagitan ng paglalakad sa
landas ng pagkakasulong at ng ganap na kabutihan.” Ipinaliwanag ng maigi sa
pangungusap na yaon na ang kaloob ng isang tao ay nagbabago din dahil sa kanyang
likas na pangangailan at daloy ng kaisipan. Nawala ang pagmamahal ng bawat Pilipino sa
kanilang hanapbuhay sa panahon ng mga Kastila dahil sa kabila ng kanilang pagtatrabaho
ay wala silang napala. Inilahad niya sa sanysay na ito, “Ang tao’y gumagawa dahil sa
isang layon; alisin nninyo ang layon at ang kahihinatnan niya’y hindi pagkilos.” Ang
pamunuan ng Kastila ay nagkaroon ng malaking partisipasyin sa pagiging tamad ng mga
Pilipino, ang kanilang maling pamamalakad sa mga buwis at sapilitang paggawa na
naging sanhi na rin nang pagkalimot ng mga Pilipino na maging masikap. Dinagdagan pa
ito ng maling pagtuturo ng mga prayle na ang mahihirap lamang ang makakapasok sa
kalangitan. Sa ganitong paraan ipinalaki at ipinaikot ng mga prayle ang mga Pilipino na
nagdulot na rin ng pagmamahal sa bayan. Inihalintulad ni Rizal sa akdang ito ang mga
tao sa Pilipinas ay isa lamang katauhang hiwalay at hindi kakatnig ng isang bayan.
Kasabay ng paglala ng kanser na katamaran ay nawala na rin ang pagmamahal natin sa
ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Mahusay ang pagkakalahad ng mga sanhi at komplikasyon ng kanser na ito ngunit
hindi doon natatapos iyon, inilapit pa rin ni Rizal sa mga mambabasa ang pagpapahalaga
niya sa edukasyon na makikita sa bahaging ito na sinipi ko: “kung walang edukasyon at
kalayaan na siyang lupa at araw ng isang tao, walang repormang posibleng maganap,
walang hakbang na magbubunga ng ninanasang resulta”. Pagkatapos ilahad ang mga
makatotohanang pangyayari ay alam niyang maaring sumidhi ang damdamin ng mga
Pilipino kaya naman ay inilahad niya ang kanyang pananaw ukol sa edukasyon at
kalayaan. Itong dalawang bagay na dapat na magkaugnay. Ang sanaysay na ito ay hindi
lamang isang makatarungang pagtatanggol sa ating lahi kundi nagsisilbi itong panawagan
na gumising ang bawat isa at huwag nang hintayin pa na mas lalong lumala ang sakit na
ito hanggang sa maging lugmok ating bansa.
Sa unang tatlong kathang aking hinimay, nanatili ang pananaw ni Rizal sa
hinahangad niyang pagbabago sa pamamagitan ng pagpapaunlad mismo sa ating mga
sarili ngunit sa ika apat na kathang aking hihimayin na siyang inihandog niya sa tatlong
paring martir ay ganoon pa rin kaya ang kanyang paniniwala. Nagbago kaya ang
kanyang pananaw dahil kung ating babalik tanawin ang kahalagahan ng tatlong paring ito
sa kanyang buhay masasabi natin na kung hindi nangyari ang pagbitay sa tatlong pari ay
malamang wala tayong Rizal na kinikilalang bilang pambansang bayani. Sa aking
pananaw malaki ang idinulot na pagbabago ng susunod na kathang ating tatalakayin sa
kaisipang pampulitika ni Rizal at ito ay kanyang pangalawang nobela na “El
Filibusterismo”. Sinimulan niya itong sulatin sa Calamba noong Oktubre ng taong 1887
at natapos niya ito sa Biarritz noong ika-29 ng Marso, 1891 at inilimbag sa Ghent ng
taong din iyon. Inialay niya ito sa tatlong pari na martir na sina Padre Gomez, Padre
Burgos at Padre Zamora. Nabanggit ko na malaki ang ginampanan sa pagyabong ng
kaisipang pampulitika ni Rizal ang nobelang ito dahil sa dagliang pagiiba ng kanyang
pangunahing tauhan na mula pagiging isang Crisostomo Ibarra ay naging si Simoun na
puno ng galit, pagkamuhi at paghihiganti. Binigyang buhay ni Rizal ang iba’t ibang
tauhan sa nobelang ito na mga nagsisipaghanda sa isang malawakang himagsikan.
Minsang winika ni Simoun sa nobelang ito “Ang kasumpa-sumpang lunsod na punong-
puno ng pagmamataas at pagsasamantala sa mga mangmang at kapuspalad ay magliliyab
na… At kung magkagayon ay gigibain ko ang pader ng iyong kulungan; kukunin kita sa
gapos ng kapanatikuhan, at ikaw, mahal na kalapati, ikaw magiging phoenix na
makalilipad mula sa nagliliyab na lunsod…” Pinapakita ni Rizal ang kanyang nagaalab
na kagustuhan na mapalaya ang lahi ngunit noong paparating na ang hudyat sa paggamit
ng lamparang sasabog sa piging ay ito’y hindi natuloy. Nagkaroon na ng pagkakataon na
magawa ng kanyang pangunahing tauhan ang kanyang nais ngunit sinayang niya ito na
naglagos sa pagkapahamak ni Simoun nang malaman ng mga nasa kapangyarihan ang
kanyang balak. Sa huli ay hindi natuloy ang himagsikan na kanyang ninais at
nangumpisal si Simoun kay Padre Florentino.
Kung susuriin ng mabuti ang mga tagpo sa nobelang ito, ang malaking pagbabago
ay nagdulot ng kaguluhan at pagkalito. Binuksan nito ang kaisipan na sakaibuturan ng
puso ni Rizal ay may lugar ang himagsikan at kung hihingiin ng pagkakataon na siya’y
wala ng magagawa kung ang mismong mga Kastila ang nagtulak sa ganitong klase ng
pamamaraan. Tuluyan na nga bang natabunan ng pagkagalit ang kanyang puso? Nawalan
na ba siya ng pag-asa na may magagawa pa ang kanyang pinaglalabang pagbabago kaya’t
binuksan niya ang himagsikan sa talang ito?
Habang sinusulat ko ang sanaysay na ito, maraming tanong ang sumibol sa aking
isipan. Matapos mailathala ang “El Filibusterismo” na siyang nagdulot ng malaking
pagbabago sa kanyang pagkakakilanlan ay hindi pa rin siya tumigil sa kanyang layunun.
Noong nanatili si Rizal sa Hong Kong taong 1892 kahit na batid na niyang nalalapit na
ang kanyang paghuhukom, isinulat niya ang Konstitusyon ng La LIga Filipina sa tulong
ng kanyang kaibigan na si Jose Ma. Basa. Itinatag niya ang La Liga Filipina noong
bumalik siya sa Pilipinas noong 1892 at makaraan ng apat na araw ay siya’y dinakip at
ipinatapon na sa Dapitan. Ginamit ng mga Kastila ang konstitusyong ito laban kay Rizal
dahil ayon sa kanila ito’y isang panimula sa paglulunsad ng rebolusyonaryong
oaghihimagsik dahil sa kahina-hinala nitong nilalaman. Upang mas lalong maunawaan
ang kaugnayan ng konstitusyong ito sa pampulitikang kaisipan ni Rizal ay aking sinipi
ito:
Layunin ng La Liga Filipina
1. Mapag-isa ang buong kapuluan sa isang katawang buo, malakas at
magkakauri.
2. Proteksiyon ng bawat isa para sa pangangailan ng bawat isa.
3. Pagtatanggol laban sa lahat ng karahasan at kawalang katarungan
4. Pagpapaunlad sa edukasyon, agrikultura, at pangangalakal.
5. Pag-aaral at pagpapairal ng mga pagbabago.
Tungkulin ng mga miyembro ng Liga
1. Sundin ang mga utos ng Kataas-taasang Konseho
2. Tumulong sa pangangalap ngmga bagong miyembro
3. Mahigpit na panatilihing lihim ang mga desisyon ng mga awtoridad ng Liga
4. Magkaroon ng ngalang-sagisag na di maaring palitan hanggang di nagiging
pangulo ng konseho
5. Iulat sa piskal ang anumang maririnig na makaapekto sa Liga
6. Kumilos na matwid na siyang dapat dahil siya’y mabuting Pilipino
7. Tumulong sa kapwa kasapi sa anumang oras.
Motto ng La Liga Filipina ay: Bawat isa’y Katulad ng Lahat.
Ang bawat laman ng konstitusyong ito’y nakaugnay sa isa’t isa. Ayon sa sinabi
ni Rizal, ang Ligang ito ay pangsibika at wala ng iba ngunit bakit kailangan itago ng
miyembro nito ang kanyang katauhan. Ano ba ang dapat ilihim ng samahang ito? Kung
ating pagsasamahin ang kabuuang ideya ng Liga ay napagtanto ko na ito ay isang klase
ng paghahanda. Ang layunin nitong mapagisa ang bawat Pilipino at mapayabong ang
edukasyon, agrikultura at pangangalakal ay sumusuporta lamang na kung ito’y
maisasagawa ay mas magiging madali ang pagkamit sa kalayaan. Hinahanda ni Rizal ang
taong bayan na maging karapat dapat sa kalayaang makakamit. Matapos itatag ang
samahang ito ay dinakip si Rizal at hindi nagtagal ito’y nabuwag ngunit may dalawang
samahan naman ang umusbong sunod nito. Nung malaman ni Rizal ang tungkol sa
pagusbong ng Katipunan ay batid kong natuwa siya dahil naitala noon na winika niya na
“nagbunga na pala ang binhi” at nung siya ay dalawin ni Dr. Pio Valenzuela tungkol sa
napipintong himagsikan ito’y kanyang tinutulan dahil sa pananaw niya ay hindi pa ito
ang tamang panahon.
Ang sanaysay na ito ay nagsimula sa dalawang tanong at naglaon ay nadagdagan
pa. Bilang pagtatapos ay hayaan niyo akong sagutin ang ilang mga katanungang
napapaloob sa naging ebolusyon ng kaisipang pampulitika ni Rizal. Kilala si Rizal bilang
isang repormista dahil ang hangad niya ay pagbabago at hindi pagaaklas sa pamumuno
ng Espanya. Habang unti-unti kong binabalikan ang parte ng diskursong ito’y
napatanuyan ko na tunay na siya ay isang tao na may paninindigan sa katotohan. Ang
bawat katha niya ay nakabase sa katotohan at iisa lamang ang naging layunin ng mga ito.
Nilayon ng mga kathang ito na maging daan sa pagbabago na ninanais niya. Hindi kaila
na tunay ang pagmamahal niya sa ating lahi dahil sa pinili niyang pamamaraan na
hahantong sa mga katawang nakahandusay na wala ng buhay. Hindi lamang katotohanan
ang binigyang halaga niya kasama na dito ang pagkapantay pantay at ang kalayaan.
Tunay na hanggang sa huli ay dala niya ang idealismo ng Kaliwanagan. Pinanindigan
niya na ang kalayaan ay binibigay lamang sa mga karapatdapat tulad nang nabanggit sa
unang tatlong kathang ating tinalakay. Naging kahinhinala man ang huling dalawang
katha sa pagiging repormista ni Rizal, sa aking pananaw ay nahinuha niya na sobra na
ang pagbubusabos sa atin ng mga dayuhan na ang isang rebolusyonaryong pagaaklas ay
maari dahil tayo ay tao rin. Ang mga tulad nating inalila ng ilang dantaon ay may
hangganan din ang pagtitimpi. Binuksan man niya ang kaisipang pagrerebolusyon ay
batid niya na dapat pagkatapos nito ay madali ang pagiging pagbangon na magaganap at
ito’y magagawa lamang sa tulong ng pagpapayabong ng edukasyon, agrikultura at
pangangalakal na isang layunin ng La Liga Filipina. Sa makatuwid, si Rizal ay namatay
bilang isang repormista na bukas ang kaisipan sa rebolusyonaryong pagaaklas.