Upload
manuel-hidalgo
View
73
Download
10
Embed Size (px)
Citation preview
Neoliberal Education in the Philippines
rebolusyonaryong hukbo ng republikang pinamunuan ni Emilio Aguinaldo
ang tumayong mga prayle sa pagpapatahimik sa mga nagtatanggol sa
malayang pamahalaan ng mga Filipino. Sa pamilya ng mga ilustrado
nanggaling ang mga elite na Filipino na naunang tumanggap sa wikang
panturo na itinakda ng administrasyong kolonyal ng mga Amerikano. Sinadya
ng mga bagong kolonyalista na ang elite ang una nilang kabigin sa kanilang
hanay. Ang programang ginamit upang bitagin ang mga anak-ilustrado ay
ang sistemang pensionado na nagpadala sa mga kabataang Filipino sa
Amerika upang mag-aral sa mga kolehiyo at unibersidad at makipanirahan
sa mga pamilyang Amerikano. Sa pamamagitan ng Ingles, samakatwid,
isinubo ang mga kabataan sa kultura ng lipunang Amerikano na, sa dahilang
may higit na maunlad na ekonomiya, ay nakapagdulot ng mga produkto,
kagamitan at luho ng katawan na hindi pa malaganap sa Filipinas. Sa pagbalik
ng mga pensionado sa Filipinas, may mga katutubong tagapamansag nang
naitanim sa ating lipunan ang kolonyalismong Amerikano, hindi lamang sa
larangan ng edukasyon kundi pati na sa ekonomiya at politika.
Noong 1901 pa lamang, tiniyak na ng Philippine Commission ang
tagumpay ng kolonisasyong Amerikano nang itakda ng Act No. 74 ang
pagtatayo ng sistemang pampublikong paaralan na magbibigay ng libreng
primaryang edukasyon. Itinayo rin ng nasabing batas ang isang paaralang
Normal kung saan sasanayin ang mga gurong Filipino na sasalo sa
pagtuturong ginagampanan ng mga Amerikanong militar at sibilyan. Dahil
Ingles ang wikang panturo, ang mga naunang teksbuk sa mga paaralang
primarya ay mga librong ginagamit ng mga kabataang Amerikano, na tila
baga walang pagkakaiba ang kulturang pinanggalingan ng mga mag-aaral
na magkaiba ang lahi. Ang ibinunga ng ganitong kaayusan ay mga Filipinong
nag-iisip, kumikilos, at nagpapasya batay sa mga pagpapahalagang hiram sa
mga Amerikano, at ito ang ugat ng pagkakahiwalay ng mga “edukadong”
Filipino sa mga kababayang, bunga ng kahirapan, ay bahagya na lamang
nabahiran “edukasyong kolonyal.”
Taong 1935 na nang bitawan ng mga Amerikano ang Departamento
ng Edukasyon at ipagkatiwala ito sa mga opisyal na Filipino, na nauna nang
hinubog nila ayon sa kanilang imperyalistang oryentasyon. Ipinagugunita
nito sa atin ang maigting na pagkapit ng mga prayle at kura sa oryentasyong
pansimbahan sa harap ng repormang ipinapasok ng Dekreto Real ng 1863.
Uulitin natin ang obserbasyon na ang mga kolonyalista ay may iisang layunin
sa pagbibigay ng edukasyon sa sambayanang kanilang sinakop, at iyon ay
ang pasipikasyon, pagpapatahimik sa anumang pagtutol sa pangungubkob
ng dayuhan.
Ang Mikrobyong Naging Katawan
Tinutukoy ng neoliberalismo ang ideolohiyang nagtataguyod ng
liberalisasyon ng ekonomiya. Mula sa kamay ng gobyerno, ipinipindeho
ang mga pambansang industriya—kasama lalo ang paggawa—para sa
globalisasyon. Ito ang blackhole na humihigop sa lahat ng ginagawa ng
gobyerno, upang manilbihan sa negosyo, partikular ang mga dayuhang
negosyo sa pamamagitan ng liberalisasyon (pagtanggal sa lahat ng
pambansang balakid para makalabas-masok ang dayuhang kapital),
pribatisasyon (pagpaubaya ng gobyerno sa mga industriya, kasama ang
pambansang industriya, sa kamay ng pribadong sektor), komersyalisasyon
(pagtanggal sa subsidyo at proteksyon, pagtapat sa serbisyo at produkto sa
tumbas na halaga ng pamilihan), at kontraktwalisasyon (walang permanente
dahil dagdag na balakid lamang ito sa puhunan, lahat ay pleksible na
kinokontrata, kabilang ang serbisyo at paggawa).
Ang layunin ng neoliberalismo ay paigtingin pa ang mga karapatan
at imperatibo ng pribadong pag-aari. Tinatanggal ang mga balaho para sa
mabilis na pagpapadaloy ng pribadong pag-aari na pagkamkam ng dagdag
na yaman. Walang tigil, 24/7 na ang kita sa stock markets at derivatives,
pagpasok sa mga kontrata, at iba pa. Free market capitalism ang inihahayag
nito. Hindi ito hiwalay sa kultural na epekto ng neoliberalismo—ang
pagbibigay-pribilehiyo sa pribadong indibidwal na magkamkam ng kita at
yaman. Sa ating bansa, ang pagsasalin nito ay sa nagpapalaganap ng
paniniwala sa kakayahan ng indibidwal na umigpaw sa uring kinasasadlakan
nang nakararami at mapabilang sa pribilehiyadong status ng gitnang uri na
nakakapagbukas sa mga pinto ng oportunidad sa ehersisyo ng politikal,
ekonomiko at kultural na kapangyarihan
Kung dati ay may safety net pa—ang gobyerno, halimbawa, ang
humahawak ng mga pangunahing industriya, tulad ng bigas, tubig, kuryente,
edukasyon, at gasolina—para matiyak ang kontrol sa presyong maaabot ng
nakararaming naghihirap, ang kasalukuyang diin ay pribatisasyon