46
MACARTHUR BOB ONG ---------- MACARTHUR Philippine Copyright (c) 2007 by Bob Ong Published by Visual Print Enterprises 2810 Alcaver Street Barangay San Roque, Pasay City 1303 www.visprint.net ALL RIGHTS RESERVED. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by any information storage and retrieval system, without the written permission of the Author, except where permitted by law. For information address: 2810 Alcaver Street, Barangay San Roque, Pasay City 1303. e-mail: [email protected]

Macarthur

Embed Size (px)

Citation preview

Page 1: Macarthur

MACARTHUR

BOB ONG

----------

MACARTHUR

Philippine Copyright (c) 2007 by Bob Ong

Published by Visual Print Enterprises

2810 Alcaver Street

Barangay San Roque, Pasay City 1303

www.visprint.net

ALL RIGHTS RESERVED. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by any information storage and retrieval system, without the written permission of the Author, except where permitted by law.

For information address:

2810 Alcaver Street, Barangay San Roque, Pasay City 1303.

e-mail: [email protected]

ISBN 971-92342-4-1

Manufactured in the Philippines

First printed April 2007

Page 2: Macarthur

----------

para kina

chief, flor,

daps, tots, patac, at eggs

----------

"MAGNANAKAW! Magnanakaw!" sigaw ng isang ale.

Mabilis ang takbo ng binatang may dalang kwintas sa saradong kamao, palundag-lundag lang sa mga nakakalat na bila-bilaong gulay at prutas sa palengke. Anino lang nya ang kayang habulin ng tingin ng mga tinderang gulantang sa pangyayari. Ang mga kalalakihan namang nagtangkang makialam e madaling napag-iiwanan sa takbuhan. May mga taong nagmumura at namamato ng mga bulok na gulay sa pag-aakalang mapapahinto nito ang binata, at meron din namang mga istambay na masayang pumapalakpak at pumipito. Napangiti sya at nakuha pang kumaway. Noon nya nakita na meron pa ring mga pursigidong humahabol sa kanya sa likuran. Biglang syang lumiko pakanan para mag-short cut sa suking eskinita kung saan nya madalas natatakasan ang mga humahabol. Pero sarado ang makipot na daan sa araw na yon dahil sa abalang truck ng Malabanan. Lumingon sya ulit, nakabuntot pa rin ang tatlong lalake. Dumiretso sya ng takbo sa susunod na eskinita kung saan sya tatalon ng pader sa tulong ng mga bundok ng basura. Pero noong umagang yon, milagrong nakolekta ang basura sa dead end na pader. Alam nya nang di magiging maganda ang araw nya. Isinubo nya ang kwintas bago lumiko sa malaking kalye. Sa isa pang lingon, nakita nyang ilang hakbang na lang ang layo sa kanya ng isa sa mga humahabol. Pagtingin sa harap, di nya na naiwasan ang pagkabunggo sa tindero ng taho na noo'y nakayuko at sumasandok. Naligo sila ng mama sa tumapon na paninda, pero mabilis pa rin syang nakatayo, kasunod ang magtataho na isa na rin sa mga humahabol sa kanya. Iniwan nya na ang basang tsinelas at binilisan lalo ang pagtakbo. Pwersadong pinagtrabaho ang mga pagod at nangangalit nang binti. Ang di nya nakuha sa lusutan, dinaan nya sa diretso at mabilis na takbuhan. Nasa kapaguran na lang ng mga humahabol ang kaligtasan nya. Hindi na sya lumilingon, wala na syang naririnig. Takbo. Takbo. Takbo. Nang mapansing sumuko na ang mga nakikipaghabulan, sumuko na rin sya. Napayuko sa aspalto, nakapatong ang dalawang kamay sa mga hita, tagaktak ang pawis, naghahabol ng hininga. Noon nya biglang naramdaman ang bigat ng kamay ni Topak sa pangunguwelyo sa kanya, kasabay ng mala-sawang paghigpit ng bisig nito paikot sa kanyang leeg.

"Putang ina mo talagang ebak ka!"

Page 3: Macarthur

Bahagyang maga ang mukha, mapula ang leeg, at maraming galos, paulit-ulit na sinabi ni Cyrus sa presinto na talagang wala sa kanya ang ninakaw na kwintas.

"Kunin mo na yan," utos kay Topak ng hepeng panot at malaki ang tiyan. Agad namang sumunod ang may sayad na pulis at ikinulong si Cyrus sa loob ng maliit at mainit na selda. Kinausap ulit ng hepe ang 200-pounds na complainant. "Narinig nyo naman ho, misis, wala naman daw ho sa bata ang kwintas. At nakita naman ho natin na wala nga talaga. Kung gusto nyo ho, tutal naka-blotter na naman ang kaso, tatawagan na lang ho namin kayo pag nahuli ang mga kasamahan nito. Kasi hawak ho ng sindikato ang mga ito eh, hindi lang iisa yan. Baka nga hindi na rin ho natin ma-recover yung nakuha sa inyo."

Dahil nakapaglabas na ng galit ang matabang ale at tapos nang magsisigaw, wala na rin itong gaanong nagawa pa sa huling sinabi ng hepe. Umalis ito kaagad matapos sumimangot at magbigay ng karagdagang cellphone number.

Dumiretso ang hepe sa selda ni Cyrus at kinausap ito sa pagitan ng mga rehas. "Wala kaming ipalalamon sa'yo dito. Alam mo na gagawin mo. Ilabas mo yan kung gusto mong makalabas."

Makalipas ang apat na oras, inilabas din ni Cyrus ang kwintas galing sa tiyan. Iniabot sa kanya ni Topak ang maliit na pakete ng Ariel, panglinis. "Gamitin mo yung lumang sepilyo dyan, kuskusin mo maigi. Tangina mo pag may tira pang tae dyan papakain ko yan sa'yo!"

Sunud-sunuran lang ang batang kawatan. Isinuko ang 18K na kwintas matapos banlawan, at saka umuwi ng bahay na parang walang nangyari.

"Silver?" tanong ng hepe nang makita ang alahas na kinikilatis ni Topak.

"White gold pa yata 'to, sir. Marunong pumili ng biktima ang putangina. Kaya pala ganun na lang kung magmura yung baboy."

"Dalhin mo na yan sa kanto para maging grasya. Baka bumalik pa yun dito."

"HAIR dryer...oven...plantsa...electric fan-- yung mga hindi napapansin, yun ang tirahin mo!" suggestion ni Voltron na may kasama pang mga talsik ng laway.

"Tanginamo...oven--hindi ba mapapansin yung oven?! Tangina talaga nito," tutol ni Jim.

"Bogaloids ka pala e! Kukunin ni Noel yung TV nila e laging nakaharap doon tatay nya!"

Page 4: Macarthur

"Yung lighter ko.... Tangna pati lighter ko tataluhin nyo pa, limang piso lang yan," tamad na awat ni Noel sa dalawa habang nangangapa sa sementong sinasalampakan. "Sira yung oven. Inila-lock na ng daddy ko yung TV sa kwarto nila."

"Pakamatay ka na...abnormalites!" hinagis ni Voltron kay Noel ang lighter at sinabayan ang tawa ni Jim.

"Wala na ba yung Gameboy mo? Di ba may pinapasa ka sa kin dati?"

Kinuha ni Noel ang maliit na pakete ng mga bato kay Jim bago sinagot ang tanong nito. "iPod yon. Wala na."

"HOY, HOY, HOY...umalis kayo dyan! Gusto nyong tuliin ko kayo?" sigaw ni Cyrus sa mga bata sa pintuan na nanonood sa kanila. Inutusan nito si Voltron pagkatapos magtakbuhan ng mga paslit. "Sara mo nga yung pinto, huy! Tobats kayo kaagad kahit nanonood buong barangay!"

"Mahiyain ka pala," hirit ni Voltron habang sumusunod sa utos.

Apat na magkakaibigan, sa gitna ng paborito nilang libangan. Siksikan sa loob ng isang dipang kubo sa gitna ng isang mataong squatters area. Si Voltron, nakatalikod sa plywood na pintuan, payat na lalaking may maumbok na dibdib, maliit na ulo, at malalaking kamay at paa; hindi proportional ang katawan, mukhang robot na kapag nagsalita ay nagpapa-ulan ng laway. Nasa harap nya si Cyrus, ang pinakabatang miyembro; may pinakamabilis na mga kamay, pinakamatuling mga paa, pinaka-wais na mga diskarte, at pinakamaraming record sa pulisya... pero pinakamagaling din magdala. Nasa kanan nya si Jim, beinte-tres anyos, pinakamatanda sa grupo; may malaking katawan na sapat para bumuhat ng isang sakong bigas, at maliit na utak na sapat lang para humawak ng foil sa ibabaw ng apoy na tumutunaw sa mga bato na kasalukuyan nyang pinagkakaabalahan.

"Hinahanap na nga ni Lyla yung stethoscope nya e." Sa harap ni Jim, si Noel. Pangkaraniwang college boy na naka-faded jeans at kulay puting t-shirt. Problemado sa tuition fee na pambayad sana sa finals pero napunta sa bisyo.

"Sabi mo di mo ibebenta yon?" sita ng buy-and-sell officer ng grupo, si Jim.

"Hahaha! Naibenta mo yon?" masaya si Voltron. "Hindi na makakapag-duktor kapatid mo!"

"Nursing lang yon."

"Kahit na! Ilang libo ang halaga ng mga gamit ng nars?"

Tinignan lang sya ni Noel. Alam nitong di alam ng kausap kung ano ang stethoscope.

"Benta mo aircon nyo," sabi ni Jim.

"Kung pwede nga lang."

Page 5: Macarthur

"Yung component?"

Umiling lang si Noel.

"Refrigerator?"

Iling.

"Washing machine?"

Iling.

"Computer?"

Iling.

"DVD player."

Iling.

"Component?"

"Nasabi mo na," pinulot ni Noel ang nalaglag na butil at maingat na ibinalik sa foil. "Lahat ng sinabi mo kung hindi sira, luma... naibenta na..."

Nakisawsaw na rin si Cyrus sa init ng maliit na kandila. "Kelan ba bayaran nyo?"

"Sa Lunes. Hapon ang exam."

"May tatlong araw ka pa. Ba't kasi sa loob ka ng bahay naghahanap, anlaki-laki ng mundo?"

Kung gamit sa loob ng bahay ang karaniwang mga ibinibenta ni Noel, si Cyrus, nabubuhay sa mga gamit ng ibang tao na nabibiktima nya sa kalye o sa mismong mga bahay nito.

"Hindi rin," humirit si Voltron. "Ba't ka magnanakaw kung meron ka naman sa inyo?"

"E wala na nga sya sa kanila e!"

Umiling si Voltron, pero nakangiti. Umiling pa ulit. At ulit. Sabay sumandal sa pinto, tumitig sa maliit na apoy ng kandila, humigop ng konting laway, at patuloy na ngumiti.

Nagpatuloy si Cyrus. "Maka-isang Nokia ka lang sa labas, yung latest model, boundary ka na." Tinignan nya si Jim para makakuha ng pagsang-ayon, pero wala itong natanggap. "Isa lang--di naman kailangan ng mga estudyante ang cell phone e...tangina, kayabangan lang yon! Ba't kailangan nila ng latest model? O, di ba para magyabang? Kung importante sa buhay ng tao ang teleponong may camera, dapat dati pa tayo lahat namatay!"

Page 6: Macarthur

"E...kung malespu ako?"

"Ba't ka matatakot sa mga pulis? Mga kawatan din yon! Kung mahuli ka e di takbo! Kung mahabol ka e di patay! Ano problema do'n?"

Hindi na sumagot si Noel, abala sa paglapa ng usok na sinusundan ng pagtirik ng mga mata. Si Jim ang sumalo, "Sabagay, naalala ko dati nung kinuha ko singsing ng ermats ko, pare, tangina naawa din ako dahil pamana pa pala yon ng nanay ng lola nya sa lola nya, tapos pinasa hanggang sa ermats nya...tangna pare yung sentimental value, sayang...yoko na ngang naiisip yon e!"

"E yung kwento mo dati sa VHS player?" paalala ni Cyrus.

"Oo, pare, yun pang VHS, tangna, yun lang yung nauwi ng erpats ko dati galing Saudi dahil di natapos kontrata nya...tangna talagang dila ko lang walang latay no'n...bad trip...."

"Tarugo kasi kayo, ayaw nyo tigilan mga bisyo nyo e," humirit si Voltron. Nagtawanan ang tatlo. Si Noel, malayong kalawakan na ang nararating.

BIYERNES, gising si Noel. Sabado, gising si Noel. Linggo, tulog si Noel. Lunes, tulog si Noel. Lunes ng tanghali, kinatok na ni Aling Sally ang kwarto nya.

"Anak...anak..." sobrang lumanay ng tawag ng nanay nya. "Bangon na anak...mag-aabot na naman ang almusal at tanghalian mo. Anak...."

Katapat ng pintuan ng kwarto ni Noel, pintuan ni Lyla. Lumabas ang naka-nursing uniform na dalaga at tumitig sa kumakatok na ina.

"Anak...bangon na anak...kumain ka na muna. Noel, anak..."

"Kinuha nyan ang stethoscope ko," matigas ang mga salita ni Lyla.

Pinandilatan ni Aling Sally ang panganay nya. Halong emosyon na naninisi at nakikiusap na wag na nitong kumprontahin ang kapatid.

"Kinuha mo yung stethoscope ko?" Di pinansin ang ina, kinalampag pa ni Lyla ang pinto ni Noel. "Kinuha mo yung stethoscope ko? Lumabas ka nga dyan! Noel! Noel!"

Alam na ni Aling Sally na umpisa na naman ng gulo. Napapakamot na naman ito ng ulo sa konsumisyon.

Page 7: Macarthur

Bag! Bag! Bag! Malakas na ang mga kalampag ni Lyla. "Saan mo dinala yung gamit ko? Huh? Hindi mawawala yon kung walang kukuha e. Ha?! Saan?!"

"Ikaw naman kasi kung saan-saan mo dinadala e..." mangiyak-ngiyak na si Aling Sally. Pilit pinaniniwala ang sarili na naiwala lang ni Lyla ang stethoscope. "Marilen! Marileeen!" Madalas nitong pagdiskitahan ang papalapit na katulong. "Di ba nakita mo yung gamit ni Lyla sa may istante noong isang linggo? Sabi ko itabi mo, di ba? Hindi kasi kayo nagliligpit e!" Nagtataas na ng boses si Aling Sally, masabi lang na kaya nya ring gawin ito.

"Ibalik mo yon! Ibalik mo yon!" Patuloy si Lyla sa pag-aamok. "Ibalik mo pati yung camera ni Jackie! Hiniram ko lang yon! Hindi ka na nga maasahang tumulong dito sa bahay, inuubos mo pa lahat ng gamit! Alam ko ikaw lang din ang kumuha ng 500 sa wallet--"

Biglang bumukas ang pinto ni Noel at tumambad sa mukha ni Lyla ang mga kamao ng kapatid. "ANO, HA? ANO?!"

"SIGE, SIGE, SUNTUKIN MO 'KO! SUNTUKIN MO 'KO!" handa namang lumaban ang dalaga. "Yan lang naman ang alam mong gawin e!"

"TUMIGIIIIIL NA KAYO!" sigaw ni Aling Sally. "Ano ba naman kayo?! Diyos ko! Kung ganito tayo nang ganito, papatayin nyo 'ko!" Tumakbo na si Marilen para kumuha ng isang basong tubig. Padabog namang bumalik ng kwarto si Lyla at doon iniiyak ang lahat ng sama ng loob. Alam n'yang sa bawat kaguluhan, laging siya ang may kasalanan. Sisisihin ni Aling Sally ang lahat, pero hindi ang anak nitong si Noel.

DAHIL wala naman ang tropa at mataas na ang buwan, nagsaing na si Cyrus ng panghapunan. Gawain nya 'to gabi-gabi dahil mas maaga naman syang bumabalik ng bahay kay Mang Justo--na tinatawag nyang "Tatay", pero lolo nya. Gamit ang nakakalbong walis tambo, nilinisan nya rin ang sahig na wala namang dumi. Hinila ang papag...ibinalik...hinila...ibinalik...hinila...at ibinalik...nang saktong-sakto sa pinagmulan nito. Sinisiguradong malinis ang ilalim. Minsan sinasadya nyang gawin ang mga bagay-bagay para lang malibang at makalimutan ang mga di magandang nararamdaman sa sariling tirahan.

"Bwakananginamo!" Binato ni Cyrus ng mga tsinelas ang itim na pusa ng kapitbahay na madalas tumambay sa pintuan nila. Kinatatakutan nya ang mga mata nito, pinagdududahan kung pusa pa nga ba ang nakikita nya sa dilim o kung ano nang nilalang. "Ama namin sumasalangit ka sambahin ang ngalan mo mapasa amin ang kaharian mo sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit amen!" Sinambit

Page 8: Macarthur

ni Cyrus ang kaisa-isa nyang dasal na automatic nyang binibigkas tuwing natatakot. Nakiramdam sya pagkatapos. Nagpakalalake at pilit tinanggal sa isip ang karuwagan. Ilang sandali pa, dumating din si Mang Justo.

"O, ba't namumutla ka, nakakita ka ba ng multo?"

Nagmano si Cyrus. "Wala. Yung pusa kasi nila Aling Remy...susunugin ko na yun e!" Natawa lang ang lolo nya. "E kayo, ba't masaya yata kayo?"

Hinila ng setenta anyos ang mesa at dalawang upuan na ipinag-uurong ni Cyrus. "Marami'ng nagpagupit ngayon, nakataya akong dalawang ticket ng lotto."

Napangiti ang binata.

"Alam mo, may awa ang Poon, pag sinuwerte tayo bibili tayo ng telebisyon...yung colored."

"Tatay, puro colored na ang TV ngayon."

"Yung may control, yung pinipindot lang!" giit ng matanda.

"Lahat ngayon may remote control na."

"Basta yung maganda...makapanood ng basketball."

"Diba lagi naman kayong nakakanood sa barberya?" sumandok na ng kanin si Cyrus.

"Hindi! Pinapatay din ni Lydia pag wala namang nagpapagupit. Sayang daw kuryente." Bagama't may kabagalan na ang pagsasalita at tunog hikain ang boses ni Mang Justo, madaldal pa rin ito para sa edad nya.

"Sus! Bayaan nyo, magkapuhunan lang tayo, magnenegosyo ako at wala nang pipigil sa pag-asenso natin. Ibibili ko kayo ng bahay na lahat ng dingding telebisyon, yung plasma TV, malaki yon! Iba't-ibang channel, cable pa!"

"Hahahahaha!!!" Malusog ang tawa ng matanda.

"Wag kayong tumawa, Tatay, seryosong pangako yan."

"Kikitain mo ba yan dyan sa...ano nga yung pabrika mo?"

Natigilan sandali si Cyrus.

"Baterya nga ng transistor, wala tayo e. Ahahahahaha! Umpisahan muna natin ang pangarap sa mababa...tapos magsumikap ka at patikimin mo man lang ako ng tinola. Hahahahaha!"

Binuksan ni Cyrus ang nakatakip na mangkok na kinalalagyan ng tinolang manok sa mesa.

Page 9: Macarthur

Nanlaki mga mata ni Mang Justo. "Saan galing yan?"

"Di ko alam kung anong meron, pero namigay sila Aling Baby kanina."

"Ahahahaha!"

Instant ang katuparan ng wish. Masayang naghapunan ang mag-lolo.

----

Maagang nambulahaw si Voltron kinabukasan para mangutang ng panggatas ng bunso nyang kapatid. Tumatayong panganay sa anim na anak ng balo nyang ina, kinagisnan nya na ang dumiskarte ng ipangraraos nila sa araw-araw.

"Noel!" Sumipol si Voltron sa tapat ng bahay nila Aling Sally. Walang lumabas. Inulit nya pa 'to dalawang beses hanggang sa nakita nyang sumulyap sa bintana si Lyla nang nakasimangot. Umalis na lang sya at dumiretso kila Jim.

"Jim!" Sumipol sya at tumingin sa magkabilang dulo ng kalye habang naghihintay ng sagot. "Jimmy boy!" Wala pa ring sagot galing sa maliit na paupahang bahay. "Bogaloooooids!"

"Wala, lumabas," may sumagot sa likuran ni Voltron. Si Edwin, ang sikat na hoodlum ng Barangay Sikap, goons na goons ang dating habang humihithit ng yosi. "Umalis sila kanina ni Olive, nakita ko." Tinignan sya nito mula ulo hanggang paa na parang gustong mang-interrogate.

"Hihiram kasi sana--"

"Kailangan mong pera?"

Halos nagkasabay pa silang magsalita. Inakbayan ni Edwin si Voltron sa balikat at simpleng niyayang umupo sa gutter. "Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?"

Hindi makatingin si Voltron nang diretso kay Edwin. Alam nya ang reputasyon ng kausap. Alam nyang nakakatulong ito sa mga handang magpatulong. At yun ang tanging katarantaduhan sa buhay na kinatatakutan nya at hangga't maaari ay gusto sanang iwasan.

Page 10: Macarthur

SARADO ang pinto, madilim ang bahay, pawisan ang apat paikot sa harap ng mumunting apoy. Muling nagsama-sama para bumatak ng basura. Masaya si Voltron. Blowout nya ang handaan na pinagsasalu-saluhan ng lahat. Ngumiti si Jim at nakipag-high five sa kanya bilang pasasalamat.

"Bakit may apir?" tanong ni Cyrus sa kawalan.

"Huh...?"

"Bakit may apir?" inulit nya. "Sino umimbento ng apir?"

"Busog na si Cy," biro ni Jim. "Tama na yan, bata, sabogaloids ka na!" Nagtawanan ang lahat.

"Pero alam nyo, sabi ng teacher ko dati, yung mga palatanong daw talaga ang matatalinong tao."

Tinignan ni Voltron si Noel. "Talaga? Yung mga palatanong? Sigurado ka? May tatlong butiki, pumalakpak yung isa, ilan ang baboy?" Tawanan na naman.

"E di wag kayo maniwala," bad trip si Noel.

"Naniniwala ako," bumawi si Voltron. "Narinig ko na yon dati. Ganon nga daw talaga mga sayantis, palatanong kaya maraming natututunan." Ipinakita nya ang tattoo sa braso. Binasa ni Noel, "Amadeos?"

"Sayantis 'to, pare!" pagmamalaki ni Voltron.

Lumukot mukha ni Noel. "Hindi scientist si Amadeus. Saka wrong spelling yan."

"Abnormalites!" sagot ni Voltron. "Si Amadeos? Yung tayu-tayo yung buhok...? Seksyon ko yon dati, ogag, may litrato kami n'on sa klasrum!"

"Gago, yung parang nakuryente buhok, ibang tao yon!" hirit ni Cyrus.

"Einstein," sabi ni Noel.

"Uh! Mga Ulul! Amstayn--patay na yun e!"

"Gago, lahat yun patay na," balik ni Cyrus.

"E sino umimbento ng computer?" di pa rin matahimik si Voltron.

"Pakialam ko."

"Si Amadeos."

"Tangnamo, sinabi na ngang hindi scientist yon."

"Yung kulot yung buhok, bogaloids!"

Page 11: Macarthur

"Gago, si Einstein nga daw yung kulot."

"Eh patay na nga yon e, nagmamarunong ka lang!"

"Tangina mo, maghanap kang kausap. Sa susunod na magpa-tattoo ka, yung kakilala mo--Si Voltes V!"

"Wala ka lang tatu, gago!"

"Talsik mo, lumalaway!"

"Ulul."

"Pakyu."

Laugh trip. Malakas ang tawanan ng magkakaibigang puti ang dila. Umiling na lang si Noel.

----

Malakas na ungol at mga pagngingitngit ng ngipin. Paulit-ulit ang tunog na ginagawa ni Noel sa kwarto nya habang natutulog sa saliw ng mga tugtog sa radyo. Alas-dos ng madaling araw, naabutan ni Aling Sally ang bunso nitong si Apple na nakatitig sa pintuan ng kuya nya.

"Anong ginagawa mo dyan?! Ba't gising ka pa?"

"Nawiwee-wee ako...."

"O, e di dumiretso ka sa CR...wag ka dyan, lasing ang kuya mo."

"Sabog, hindi lasing!" humirit si Lyla sa kwarto, gising pa pala. "Pang-mumog lang nya ng shabu yung beer. Bilisan mo na nga, Apple, sasarhan na kita ng pinto!"

Di na nagsalita si Aling Sally.

Lumabas din ng kwarto si Noel kinabukasan, alas-tres ng hapon. Humawak sa riles ng hagdan pababa at sandaling tumigil habang hindi pa lubusang gising. Wala si Aling Sally. May pasok si Mang Fred. Nasa eskwelahan si Lyla. Alas-singko pa susunduin si Apple. Tahimik ang buong bahay bukod sa tunog ng pagkukusot ng damit ni Marilen sa may garahe. Gaya ng nakagawian sa mga ganitong pagkakataon, nagbabakasakali muna sya sa kwarto ni Lyla. Naka-padlock. Bad trip. Ilang beses na ring nagpalit ng door knob ang kapatid dahil sa sapilitan nyang pagpasok sa kwarto nito tuwing walang tao. Nakita nyang nakakalat ang Hello Kitty na pitaka ni Apple sa sahig. Binuksan nya. May laman, swerte. Pinagtiyagan ang

Page 12: Macarthur

beinte pesos, ibinulsa kasama ng ilang piraso ng barya. Dumiretso sya pababa sa kusina. Sinubukan halughugin ang mga cabinet, pero naka-lock lahat. Nagbukas na lang sya ng kaldero. Itinaob sa plato ang tirang bahaw. Kakain sana para lang manatiling buhay, pero walang nakitang ulam. Sumilip sa refrigerator. Pinatulan ang Toblerone kahit na may sulat na "Wag galawin, akin 'to! --Lyla". Pumunta ng garahe. Abala pa rin si Marilen sa paglalaba ng mga maong. Nagbukas ng telebisyon, walang palabas kundi mga home TV shopping na nagbebenta ng pampalaki ng suso. Pasimple syang pumunta sa kwarto ni Aling Sally. Bukas ang pintuan. Pero naka-lock ang aparador sa loob.

"Anak...kumain ka na? Magluluto ba 'ko?" nasa banyo lang pala si Aling Sally, tapos na ngayong maligo. "Sira yung gripo natin, gasket lang naman yata yon. Pakipalitan mo nga, anak...."

Alam ni Noel na alam ng ina ang pakay nya sa loob ng kwarto, pero alam nya rin na di naman ito pumapalag. "May makakain ba?"

"Andyan sa mesa yung almusal kanina, ipinagtabi kita ng longganisa."

"Walang laman yung mesa!"

"Huh? Baka pinantanghalian ni Lyla bago umalis kanina...."

"Putangna."

MADILIM ang gabi. May biktima si Cyrus sa kalye. Kung anuman ang nadale nya, di nya alam. Basta may hawak-hawak sya na di nya pwede lunukin para maitago. Buong lakas ang ibinibigay nya sa mga binting matuling tumatakbo, pero halos di naman nakakaalis ng lugar. Maliit lang ang distansya sa kanya ng mga humahabol. Mabilis sila, mga asong ulul na gutom na gutom sa kanyang laman. Tumatakbo sila sa dalawang paa, pero balot ng balahibo ang buong katawan at may nagtatalimang pangil sa bibig. Habang binibilisan nya ang takbo, lalo syang di nakakaalis sa kinaroroonan. Hingal. Madilim na lugar. Hingal. Mga aso. Hingal. Mga anino. Kawalan. Lumingon sya ulit sa likuran. Palapit nang palapit ang mga di-maipintang halimaw. Binilisan nya pa lalo ang

pagtakbo, pero nauubos na ang lupa. At sa harap nya, isang walang hanggang bangin.

Nagising si Cyrus sa sariling ungol. Naghahabol ng hininga. Babad sa butil-butil na pawis ang buong mukha. Tumayo sya at dahan-dahang binuksan ang gasera bago kumuha ng tubig sa nakatungangang

Page 13: Macarthur

pitsel sa mesa. Uminom sya na parang may pinapatay na sunog sa lalamunan. Namatay ang sunog pero buhay pa rin ang mga aso.

----

"Kuya, may naghahanap sa'yo!" malakas na sigaw ni Apple sa kapatid. Maya-maya pa bumaba na si Noel galing sa kwarto at sumilip sa gate.

"Pare, gusto mong sapatos?" pinapasok na ni Jim ang sarili sa loob ng bakuran at inilabas ang laman ng backpack.

"Ano na naman ba 'to?"

"Nike, pare, 500 lang."

Tinignan ni Noel ang sapatos. "Nikee" ang nakasulat. Si Jim na mismo ang nag-alinlangan. "iPod. iPod. Meron din ako. Diba gusto mo yung sa mga computer, pare?"

"Nenok yan, syempre," paniniguro ni Noel. "Magkano?"

"Pare, gagaguhin ba naman kita?"

"Magkano nga?"

"Sanlibo lang."

Tinignan ni Noel ang iPod. "1 Gig, 1 thousand?! Hehehe!"

"Kung ayaw mo nyan meron akong cellphone."

Kinuha ni Noel ang iniabot ni Jim na Nokia. "May sticker pa 'to ng Power Puff, ah! Ilang taon ba dinale mo?"

Napatingin si Jim sa likod ni Noel. Nakikiusyuso pala si Apple.

"Pumasok ka nga doon!" utos ni Noel. "Nakabukas yung TV, walang nanonood!" Sumunod naman ang kapatid.

"Ano, bibili ka ba?"

"Nakisosyo ka na ba kay Cyrus? Ba't andami mong tinda?" Sinilip ni Noel ang iba pang gamit sa bag ni Jim. "Pati mga vitamins tinitinda mo? Bakit may 'Not For Sale'? Expired yata 'tong mga 'to e!"

"Gago!" lang ang naisagot ni Jim.

"Etong mga libro mo, magkano 'to? Bat may mga tatak ng University of the Philippines Library?"

"Wag ka nang maano, bilhin mo na kung meron ka dyan!"

Page 14: Macarthur

"E wala nga ako e..." dumahak si Noel at dumura sa lupa. "Ba't si Voltron, di mo bentahan?"

"Tangina, daga na nga lang kinakain no'n e!"

"Hahaha! Mapera yon ngayon, gago!"

"Wala ka ba dyan?" ipinasok na ulit ni Jim ang lahat sa bag nya. "Pahiram na lang kahit magkano!"

"Wala, pare. Wala talaga."

"Tangina, pakamatay ka na!" umalis na si Jim.

"Pagkatapos mo."

Bumalik si Jim ng bahay kung saan naabutan nya ang asawa nang nakabihis pang-alis habang nagpapakain ng anak nila. Dali-dali nyang hinubad ang tsinelas at hinakbangan ang harang sa pinto na nagsisilbing bakod ng bata para di makalabas. "Anong ginagawa mo?!" tanong nya sa di namamansin na kabiyak. "Saan ka pupunta?"

Sinubuan pa ulit ni Olive ang bunso nila bago pinainom ng tubig.

"Saan ka ba pupunta?" nagtitimpi nang tanong ni Jim, umiiwas sa away na paparating.

Sumagot, pero di sya nilingon ni Olive. "Doon muna kami sa amin."

"Tangina, ang layu-layo ng Bicol! Bakit na naman?!"

Kinarga ng asawa ang anak at ipinakita sa kanya ang malapot na sipon na gumuguhit ng "11" sa nguso nito. "Ayaw kumain. May ubo, may sipon, may lagnat. May pang-gamot ka?"

Napahagod ng ulo si Jim sa kunsume bago dumukot ng pera. Iniabot nya ang tatlong daan kay Olive pero di ito kinuha ng asawa. "Bakit? Kulang?"

"Yan na ba ang sagot mo sa lahat ng gastusin?"

"Nakaw lang ang cable natin, jumper ang kuryente, ilegal ang tubig...anong gastusin ang sinasabi mo? Nag-aaral na ba yang anak mo? Namamasahe ka ba papunta sa kanto? Humihingi ba 'ko sa'yo ng fried chicken para iulam?" Inihagis ni Jim sa mesa ang mga natitira pang barya sa bulsa nya. "Eto, sa'yo na 'to lahat!"

Page 15: Macarthur

Umiyak na ang bata sa takot. Humirit pa rin si Olive, "Kumakain tayo, Jim! Nagdadamit tayo. Nagkakasakit tayo. Kailangan natin ng ligal na tubig at kuryente. Kailangan mo ng matinong trabaho. Kailangan ni Jon-Jon ng tatay. Kailangan ko ng asawa. Kailangan nating mabuhay! Ito na ba yung rurok ng mga

pangarap mo, Jim? Hanggang dito ka na lang ba? Eto na ba yon lahat?!"

"Putangna, may pangarap ako! Wag mo 'ko mamadaliin!" Napalakas ang sipa ni Jim sa batyang nakasandal sa paa ng mesa. Nagkahulan ang mga aso ng kapitbahay at nakiusyoso ang mga tsismosa. Umagos na ang luha sa mga mata ni Olive habang pinapatahan ang karga-kargang anak. Nilapitan nya ang nakatalikod na asawa at hinawakan sa balikat. Humarap si Jim at sinuklian sya ng yakap. Ibinulong ni Olive ang alam nyang alam na rin ng asawa. "Jim, buntis ako--"

Napapikit at humigpit ang yakap ni Jim. "Wag kang matakot... wag kang matakot...."

"O, Tatay, anong ginagawa nyo dito?" tanong ni Cyrus kay Mang Justo.

"Ikaw, anong ginagawa mo dito?"

Hindi pangkaraniwang nagkikita ang mag-lolo sa loob ng bahay nang may araw pa. Kaya ganon na lang ang gulat ni Cyrus na noon ay may dalang pitaka ng babae na pilit na ikinukubli sa matanda.

"Wala ka bang pasok ngayon sa pabrika?"

"Meron, umuwi lang ako para mananghalian."

"Nang alas-tres?" tumayo na si Mang Justo para ipaubaya kay Cyrus ang maliit na kakainang mesa.

"May ano...may dinaanan pa kasi ako, naghalf-day lang ako," hinihingal pa si Cyrus sa pagsagot. "E kayo, bat kayo umuwi, masama ba pakiramdam nyo?"

"Hindi, umuwi ako gawa nang wala namang gaanong nagpapagupit at saka nandoon naman pareho sila Ponce...ano pa kikitain ko?" Parang nahihiya magpaliwanag ang matanda. Nagmadali itong sumampa sa papag para humiga, pero kapansin-pansin ang bagal ng kilos.

Page 16: Macarthur

"Tatay, ayos lang kayo?" naalarma si Cyrus.

"Oo, kumain ka na dyan. Bagong saing yung kanin...masarap yung kalabasa."

Nakatingin lang si Cyrus sa matanda na unti-unting tumitiklop sa maliit na papag. Pansin nya agad na may mali sa ginagawa nitong paghiga nang nakaharap sa pader at nakayakap sa tiyan.

"Tatay..." tinawag ni Cyrus ang amain. "Tatay!" Hindi ito sumagot. Lumapit sya para alamin ang problema, pero nakita nyang wala nang malay ang matanda. "Tatay! Tatay!"

"May ano?" naaalangang tanong ni Voltron sa naabutang mga nakapangalumbabang barkada na nakatambay sa labas ng bahay nila Cyrus. Wala kaagad pumansin sa kanya. "Puta, may ano? Ayaw nyo ba?"

"Wala daw muna," seryosong pagtanggi ni Jim sa inaasahang session ng kaibigan. Nagusot ang noo ni Voltron.

"Andyan sa loob si Mang Justo, may sakit," si Noel na ang nagpaliwanag. Napaupo na lang si Voltron sa maliit na bangkitong gamit ng kapitbahay nila Cyrus sa paglalaba. Napansin ni Noel si Cyrus na mahinang humihikbi. "Pare, ayos ka lang?" Nakatakip ang mukha ng kabarkadang dyahe sa pag-iyak.

"Taena...sino umagaw ng jolens mo, ha, pare, sino?" pabirong pagdamay ni Voltron. "Upakan natin!" Walang tumawa. Wala ring nakapagsalita nang ilang minuto. Pumatak ang oras nang nakatunganga lang sila lahat sa mga taong paroo't parito sa kalyeng hitik sa mga balat ng candy at pinitik na upos ng sigarilyo. Parang sanlibong taon muna ang lumipas nang basagin ni Cyrus ang napapanis nang katahimikan. "Bukas pa ba yung perya?"

"WAHOOOOO---waw-waw-waw-waw-wooow!!!"

Page 17: Macarthur

Nakataas ang kamay ng magkakaibigan habang humaharurot pababa ang sinasakyang roller coaster. Sa gitna ng kasarapan, isang boses ang nangingibabaw sa lahat: kay Voltron. "Tama na! Taena, tama naaah! Humihiwalay na kaluluwa kooooh!!!" Ilang minuto pa ang naging kalbaryo nya. Pagtigil ng makina, siya kaagad ang tumalon ng upuan palabas at tumakbo sa may damuhan para sumuka. Sa pagmamadali, napatid pa ang tsinelas nya. Laugh trip lang ang tatlo.

"Ay, tarantado talaga!" Napatingin sila Noel sa tinitignan ni Jim. May isinukang maliit na bayabas si Voltron--buo!

"Kumain kang bayabas, di mo nginuya?"

"Nginuya ko yan!"

"Ulul! Buong-buo e. Di ka ngumunguya ng pagkain? Para kang langaw!" Tawanan.

"Abnormalites! E di tunaw kaagad. Kung magutom ulit ako?"

"Nakakadiri ka."

"Ba't si Cyrus?"

"Ulul, pamperya talaga tiyan n'yan e. Saka pag pagkain, nginunguya nya rin. Ikaw lang ang lumalamon nang buo."

"Siguro tae ni Voltron malalaking tubol," nakisali si Noel. "Tubulosaurus!" Tawanan.

"Pakyu. Kesa naman sa inyo, maliliit, lightweight. Kahit ilang beses buhusan ng tubig sa inidoro, bumabalik. I shall return!" pumuputok-putok pa ang mga plema ni Voltron sa pagtawa.

"Gago, mayaman yan si Noel. Ginagawang kape tae nyan, pang-export!" Walang katapusang tawanan ang lahat sa hirit ni Jim, bukod kay Cyrus na noon ay balik na naman sa bagsak na mukha at malalim na pag-iisip.

"Tae...." Napalingon ang tatlo sa kaibi

sa inyo?"

"Walang problema."

Alam ni Noel na may pag-aalangan si Cyrus sa kabila ng maayos nitong pagtanggap. Iniabot nya dito ang isang Glock 19. "Upa ko."

Tinignan ni Cyrus ang baril. Kargado. Mabilis nya 'tong itinago sa ilalim ng unan. "Ito yung pinasa ko sa'yo dati, diba?"

Page 18: Macarthur

"Walang buyer, ako ang bumili. Pera ko ibinigay ko sa'yo dati." Pumwesto na si Noel sa isang sulok para matulog. "Bahala ka na dyan. Itinda mo, pangkain natin."

NAKAAKBAY si Edwin kay Voltron habang pinapasok ang dulo ng mahaba at makipot na eskinita. Medyo madulas ang sementadong daan na dinadaluyan ng tubig na halatang ginamit panligo o panlaba ng mga residente. Sa magkabilang gilid ng basang eskinita, magkakaharap ang paupahang mga kwarto na meron lang isang dipa sa pagitan para lakaran ng tao. Sa itaas, mga sinampay na tumatabing sa liwanag ng araw, at kable ng mga nagnanakaw ng kuryente. Nasa dulo ng eskinita ang compound ng maliit na warehouse na sumusustento kay Voltron.

"Denver, kamusta!" Malugod ang bati ng mga tambay na nadadaanan nila. Sumasagot naman si Voltron ng ngiti bilang paggalang sa mga tao at pagmamalaki sa magandang trabaho.

"'Dyan na si Jules?" tanong ni Edwin sa isang lalakeng walang t-shirt na naka-tambay sa labas ng pintuan. Bahagya lang gumalaw ang ulo nito para isenyas na tumuloy sila sa loob. Pumasok sila at nakita kaagad si Jules sa dulo ng warehouse. Mabilis na nag-alisan ang mga kausap nito para magbigay importansya sa paparating na bisita.

"Si Denver?" ngiting-ngiting bati ni Jules habang kinakamayan si Voltron at tinatapik ang balikat.

"Oo," pagmamalaki ni Edwin habang nakatingin sa kasama.

"Denver Kantuyan, ser!" kinumpleto pa ni Voltron ang pagpapakilala. "Dyan lang kami sa Sampaguita, kapitbahay nila Edwin. Bali bandang dulo pero isang kalye lang kami. Tapat ng Barangay--"

"Ah, oo...." pangiting pinutol ni Jules ang kwento nya at dumiretso agad sa trabaho. "Alam mo yung 34, diba? Mga apat na gate lang tapos no'n...yung pang-apat...42...rehas-rehas ang bakod noon...itim--"

"Yung may loro?"

"Myna. Oo, may myna..."

"Oo, yung nagsasalita?" May tuwa sa boses ni Voltron, parang bata na malapit nang makasagot ng bugtong. "Kila Samonte? Kila

Page 19: Macarthur

Samonte yon, diba? Earl Samonte, yung bayaw ni Mayor?"

Napatingin si Jules kay Edwin na napayuko naman nung sandaling yon.

"Nagpintura kami doon dati e," pagmamalaki ni Voltron. "Oo, tama. Tsk... mayaman yon!"

"Ganon ba?" napangiti nang alanganin si Jules pagkatapos matigilan. "Ayos naman pala talaga 'tong si Denver e!" Kinuha nya ang isang maliit na paper bag na kasinlaki ng pinagpatung-patong na apat na CD. "Eto. Ikaw na bahala."

Tinanggap ni Voltron ang pakete at lumakad na palayo. "Ayos!"

"Sandali," pahabol ni Jules. "May mga naging kaibigan ka ba doon dati...o mga kakilala kaya?" Maganda ang mga ngiti nya, maingat na iniiwasang matakot si Voltron.

"Wala, ser!" mariin ang sagot ng delivery boy. "Wala...wala talaga." Nagsasabi man ng totoo, tatlong beses nya pa ring sinagot ang tanong para magkaroon ng kumpiyansa ang amo.

"Talaga?" tanong ni Jules na parang nakikipag-usap sa bata. Problemado at malayo ang tingin ni Edwin.

"Wala...wala talaga."

"O," kumuha ng higit limang libong piso si Jules sa mga perang pinapatungan ng telephone directory sa mesa. "Pamasahe!"

"Hehe!" abot tenga ang ngiti ni Voltron. "Pasko na!"

MULA sa galaan, dahan-dahang binuksan nina Cyrus at Noel ang pinto ng maliit nilang dampa. Sa loob nito magkasama nilang papapakin ang kaluwalhatian na galing sa mga butil ng langit na biyaya ni Voltron. Pasado alas-dose ng gabi. Maingat ang bawat galaw ni Cyrus para di magising ang amain. Kinapa nya sa dilim ang gasera na kukunan nila ng konting liwanag; sabay tapik kay Noel para hiramin ang lighter. Lumiwanag konti ang paligid nang masindihan ang ilawan. Noon nila napansin na gising si Mang Justo at nakatingin sa kanila mula sa papag na hinihigaan nito.

Page 20: Macarthur

"Tatay, gising pa pala kayo!" may gulat na bati ni Cyrus, pero hindi sumagot ang matanda. Nagkatinginan ang magkaibigan. "Tumambay lang kami sa basketbolan, may liga e!" Kusa nang nagpaliwanag si Cyrus, kahit

kasinungalingan. Di pa rin sumagot si Mang Justo.

"Pare," tinawag ni Noel ang kaibigan at itinuro ang mga paa ng matanda. Nakita ni Cyrus ang pamamaga nito. Inilapat nya agad ang palad sa noo ni Mang Justo para alamin kung may lagnat.

"Tatay...pahinga ka lang ha, tatawagin ko si Mang Berto," may takot na ang boses ni Cyrus habang kinukumutan ang giniginaw na matanda. "Pare, paabot ngang tubig!" Pasigaw at may pag-aalala na ang utos nya sa kasama. "Ay, putang--!" Natapakan nya pa ang suka sa sahig. "Shit!"

"O, bakit?!" natataranta na rin si Noel dahil sa kanya.

"Akala ko gawa ng pusa," sinindihan nya ang lighter at itinapat sa ilalim ng tsinelas para ipakita sa kaibigan ang sariwang suka.

"E, ano ba yan?"

"Kay Tatay...sanlinggo na syang nagsusuka," natigilan si Cyrus. Kita sa mga mata nito na di na alam ang susunod na gagawin.

si Noel na ang kumilos. "Takbo na tayong hospital, pare. Tatawag na 'ko ng pedicab!"

----

Lumipas ang ilang araw, naka-dextrose pa rin si Mang Justo. Nakaratay ang nanghihinang katawan sa lumang kama na malapit sa bintana ng pampamayanang ospital. Walang nurse sa paligid, pero may pasyente ang anim na kama sa kwarto at kumpleto ang mga kamag-anak na nagbabantay. Sa paanan ni Mang Justo, si Cyrus, nanonood sa habulan ng dalawang bata paikot sa kama ng pasyenteng malapit sa pintuan. Tangina, kakatayin ko kayo e! Naisip nya. Noon dumating si Jim na may dalang litro ng Wilkins at isang plastic na pandekoko.

"O, asan si Noel?" tanong ni Cyrus.

"Umuwi sa inyo. Magtitikol."

"Ano?"

Page 21: Macarthur

"Maliligo daw muna sya."

"Puta, kaya pala ang tagal nyo e," kinuha ni Cyrus ang sukling barya sa kamay ni Jim. "Dinaanan nyo si Voltron?"

Puno na ng tinapay ang bibig ni Jim nang sumagot. "Umiiwas si Abnormalites. Takot na takot mautangan." Kinuha nya ang bote ng tubig para buksan, pero di 'to ibinigay ni Cyrus. "Konti lang! Tangna, sakim." Tinignan nya ang katabing kama na may natutulog na pasyente. Ininom nya ang Zesto ng natutulog rin nitong bantay.

"Hepa kaso nyan," paalala ni Cyrus.

"Ulul." Dumighay at nagpagpag lang ng bibig si Jim. "Ano na ba balita?"

Napayuko si Cyrus. "Kidney, sabi ng duktor."

"Ano, bato?"

"Ewan, di ko naman naintindihan. Ida-dialysis daw." Tumingin si Cyrus sa kaibigan, "Pare, alam ko mahal yon e!"

Halos di pa tapos magsalita si Cyrus nang marinig nila ang palakpak sa labas ng ospital. Si Noel, nagtatawag at nakatingala sa maling bintana. "Cy! Cy! Jim!" Bumaba naman kaagad ang magkaibigan. Muntik pa nilang di maabutan si Noel dahil tumakbo rin ito kaagad papalayo. "Bilisan nyooo!" Walang nagawa ang dalawa kundi sumunod. Tumigil ang habulan sa tulay kung saan santambak ang taong nakadungaw sa creek. Malapit sa ibaba, ang humahagulgol na si Aling Seding.

"Letse ka! Letse ka talagang bata ka kahit kelan! Wala kang pakinabang, puro katarantaduhan ang alam mong gawin, letse ka talaga!"

Di makapaniwala si Jim sa tinitignang pugot na bangkay na kinukuha ng mga pulis sa sapa. "Pare, hindi...." pero malungkot na itinuro sa kanya ng mga mata ni Noel ang AMADEOS na naka-tattoo sa braso ng biktima.

"Wala kang kwentang hayop ka! Wala kang alam--wala! Sayang lang ang mga ipinalamon ko sa'yo! Sayang lang ipinasok mo noon sa eskwela! Sayang lang ang pagbubuntis ko sa'yo!" Lumapit na si Cyrus para akayin si Aling Seding; mabilis naman syang niyakap nito. Halos wala nang lakas sa pagtangis ang naulilang ina at bumubulong na lang nang ilayo pa sya lalo ni Cyrus sa malamig na katawan ng kanyang panganay. "Mahal kita... Denver... anak. Alam ng Diyos... mahal kita. Mahal na mahal kita... anak ko!"

Papalubog na ang araw, pero malinaw ang pagkakatanaw ni Noel sa lima pang magkakapatid na inulila ni Voltron. Nakatingin ang bunso sa langit, pero walang sinasabi.

Page 22: Macarthur

MAY lamig pa ang umaga nang pasyalan ng magbabarkada ang nitso ni Voltron kinabukasan ng libing. Naka-squat si Noel sa paanan ng nitso, harap ng lapida kung saan nakasulat ang pangalan na AMADEUS B. KANTUYAN. D ang middle initial ni Voltron, pero pumayag na rin si Aling Seding dahil discounted ang lapida at napaliguan nya na rin naman ng mura ang gumawa nito. Nasa likod ni Noel ang dalawa pang kaibigan, nakaupo sa magkatabing nitso na kaharap ng kay Voltron. Pagkatapos maglaro ng itinirik na kandila at pumisa ng mga itim na langgam sa sementeryo, napagdiskitahan nya naman ang namayapang kabarkada.

"Sa tingin nyo ba bogaloids din ang mga insektong kakagat kay Voltron?"

Sumagot si Cyrus. "Malulunod sila sa laway."

Nagbibiruan pa rin ang magkakaibigan, pero di tulad dati, wala ngayong may gana tumawa.

"Tarantado talaga sila Edwin, 'no?" sumeryoso si Jim. Wala kaagad nakasagot.

"Putang ina nila," nakatalikod si Noel kina Cyrus, pero kita ng dalawa ang dahan-dahang pagpahid nito ng t-shirt sa mata.

"Tama na yan," pagpapakalma ni Cyrus. "Elepante yung mga yon, tae lang tayo."

Suminghot muna si Noel at umubo para maginhawaan ang lalamunan bago humarap sa mga kasama at iniba ang usapan. "Paanong gagawin natin kay Mang Justo?"

Umasim ang mukha ni Cyrus. "Tangina, pang-milyonaryo pala yung dialysis."

"Bakit? Magkano?"

"Basta. Mahal!" Asiwang sagot.

Si Jim ang nagpaliwanag. "Tatlong libo daw isang session, tatlong beses isang linggo, sa loob ng isang taon."

Walang nasabi si Noel.

"Kaya nga imposible na yon!" kontra ni Cyrus. "Transplant na nga lang daw, sabi ni Dr. Chua."

Page 23: Macarthur

"Bakit, tingin mo ba wala ka nang babayaran kung ililipat lang ang kidney mo kay Mang Justo?"

"May plano ako... bahala na!" Halatang ayaw pag-usapan ni Cyrus ang pasaning krus. "Lika na nga, alis na tayo. Baka gising na si Tatay. Walang bantay."

Tumayo si Noel habang nagpapagpag "Shit! Daming langgam, pumasok na yata sa brief ko!"

"Yan ang mga alagad ni Voltron, Defender of the Universe." sabi ni Jim habang bumubuntot sa mga kasama. Lumingon sya ulit sa nitso para magpaalam.

"Alis na kami, Abnormalite!"

Umalingawngaw sa sementeryo ang konting tawanan. Noon lang ulit napangiti ang magbabarkada.

"MAGNANAKAW! Magnanakaw!" sigaw ng isang ale.

Mabilis ang takbo ng binatang may dalang kwintas sa saradong kamao, palundag-lundag sa mga nakakalat na bila-bilaong gulay at prutas sa palengke. Anino lang nya ang kayang habulin ng tingin ng mga tinderong gulantang sa pangyayari. Ang mga kalalakihan namang nagtangkang makialam e madaling napag-iiwanan sa takbuhan. Pero hindi sya nauubusan ng tagahabol, salamat sa patuloy na pagsigaw ng taumbayan ng "Magnanakaw!" Metro Aide, traffic police, estudyante, kartero, kutsero, tindero ng dyaryo, bata, matanda--lahat nakihabol na sa kanya. Nag-traffic sa daan, nagbuhul-buhol ang mga sasakyan, maraming kababaihan ang nagsigawan. Akala ng iba may shooting ng pelikula. Akala naman ng iba may

Page 24: Macarthur

banggaan ng sasakyan. Nakababa ang bintana ng mga kotse. Nakalabas ang ulo ng mga tao sa bus. Naghahabaan ang leeg ng mga nasa jeep. Sandaling tumigil ang ikot ng mundo; lahat ng tao abala sa kwentuhan.

"Magnanakaw ba hinahabol nila?" tanong ng isang lola sa driver ng sinasakyang taxi.

"Oho," sagot ng tsuper. "Pero walang makahuli dahil mabilis tumakbo yung Congressman."

Nakatatlong kilometro rin yata si Cyrus bago tuluyang naubos ang mga humahabol. Buti na lang, dahil sa mga sandaling yon, suko na rin ang namimitig nyang mga binti at wala na syang kakayanan pang tumakbo. Doon nya nakitang nakangiti sa kanya mula sa di kalayuan ang isang hagad na nakilala nya lang pagkatanggal nito ng shades. Si Topak. Na naman. May halong takot at pag-aalala, kinaladkad nya na lang ang pinupulikat na kanang paa papunta sa CR ng kalapit na lumang gasolinahan para makapagtago. Pero huli na ang lahat, dahil pormang papalapit na sa kanya ang abusadong pulis para kubrahin ang anumang nakulimbat nya nung araw na yon. Mabilis syang pumasok sa stall ng palikuran at nag-lock ng pinto. Nanginginig pa sa pagod ang sariling mga kamay nang buksan nya ang bulsa ng suot na cargo pants para kunin ang

dalawang kwintas. Tinignan nya ito pareho para pagpilian, tapos nilunok ang isa at ibinalik sa bulsa ang isa. May bilis din ng kidlat ang kabila nyang kamay sa pagbukas ng isa pang bulsa ng pantalon. Dinukot nya dito ang limang maliliit na pakete ng shabu at isa-isang isinubo para maisalba sa malaking buwaya. Isang pakete, lunok. Isa pang pakete, lunok ulit. Ikatlong pakete, lunok. Tubigan na ang mga mata ni Cyrus dahil sa parusang ipinapagawa sa sarili. Huminga sya nang malalim. Ikaapat na pakete, lunok ulit. Alam nyang di nya na kaya ang kasunod. Bumwelo muna sya sandali at nag-ipon ng laway panulak bago ulit nagsubo. Ikalimang pakete, lunok. Ubo. Luwa! Suko na sikmura nya. Tinakpan nya kaagad ang bibig para di magtuloy-tuloy ang pagsuka sa mga nilunok na kayamanan, pero may isa pa pala syang problema liban doon. Ang ikalimang pakete na nilaglag nya ay nasa loob ngayon ng inodorong naglalaman ng mga bagay na galing sa tiyan ng tao.

"Putang--!"

Sinubukan nyang tapakan ang flush kahit na pinagdududahan nyang sira para anurin ang pakete. Sira nga. Lumabas sya ng stall para kumuha ng tubig, di alintana ang paa na kanina lang ay baldado. Sa kabutihang palad, may tabo at isang drum na punung-puno ng tubig sa gilid

lang ng stall na handang sumaklolo sa kanya. Dali-dali nyang isinalok ang tabo at binuhusan ang inidoro. Pero nabulabog lang ang mga nakalutang ditong itim na champorado, na para nya na ring nalalasahan pag nalalanghap. Dumura sya sa inidoro. Itinakip ang kalahati ng t-shirt sa ilong. Sumalok ulit ng tubig, mas pinuno ang tabo, at saka ulit ibinuhos nang biglaan sa inidoro. Inanod ang mga dumi. Tumunog ang

Page 25: Macarthur

"plok...plok...plok..." na nangangahulugang lumubog na ang mga dapat lumubog. Nakahinga si Cyrus. Pero maya-maya lang, nakita nyang nakalutang na naman ang maliit na pakete kasama ng mga nag-iitimang marshmallow na gawa ng bituka ng tao. Inulit nya ang proseso. Salok sa drum, buhos sa inidoro, lutang. Isa pang ulit. Salok sa drum, buhos sa inidoro, lutang. At isa pa. Salok sa drum, buhos sa inidoro, lutang.

"Bakit ayaw nyong lumubog, mga tangna kayooo?!"

Ihinampas ni Cyrus ang tabo sa pader. Nagkapira-piraso ang plastic na panalok. Noong mga sandaling yon pumasok si Topak si CR. Mabilis na ikinandado ulit ni Cyrus ang pinto ng stall. Wala syang kasama sa loob kundi ang inidoro na naglalaman ng paimportanteng pakete ng bisyo at mga dumi ng tao na ayaw pang mamayapa sa kabilang mundo. Tagaktak

ang pawis na pinakiramdaman ni Cyrus ang pag-ikot ni Topak sa palikuran. Alam nyang tulad ng lagi, inuusisa na naman nito ang bawat sulok na posibleng pagtaguan ninuman ng kung anuman. Walang lumulusot kay Topak. Maya-maya pa narinig nya na ang pagsipol nito ng "Old McDonald Had a Farm," pang-asar ng naka-unipormeng demonyo na nangangahulugang alam nyang naririnig mo sya. Tinignan ulit ni Cyrus ang pakete sa inidoro. Alam nyang pag nakita yon ni Topak, siguradong hahanapin no'n ang iba pa at ipapaluwa ang lahat ng nasa tiyan nya. Pumikit sya at huminga nang malalim. Pagdilat, isinawsaw ang dalawang daliri sa loob ng inidoro, hinawi ang mga lumulutang na durog na tae, at dinampot ang maliit na plastic ng sinasamba nyang bato. Dahil tapos na sa pagdadalawang-isip, mabilisan nya na lang ipinunas ang pakete sa laylayan ng pantalon at saka nilunok.

"Asa'n na?" relaks na relaks ang bati ni Topak pagbukas nya ng pinto. Kinuha nya ang kwintas sa bulsa para isuko. Agad naman 'tong tinanggap ng matandang kawatan. "Binalak mo pa 'tong isubo, ano?" kasabay noon ang malakas na suntok sa tiyan na ipinamilipit ni Cyrus sa sakit. "Magtatago ka pa..." isang suntok na nagpaputok sa labi nya, at isa pa na nagpadugo malapit sa mata. "Matigas na ba buto mo?"

tadyak hanggang sa bumagsak sya sa sahig. Nailuwa ni Cyrus ang huling plastic na isinubo, kasabay ng malaway na dugo. Pero agad nya 'tong dinapaan para di makita ni Topak. "Wag mo 'kong tatarantaduhin, pulis ako, tangina mo!" nakadalawang sipa pa sa tagiliran ang tarantadong pulis, bago tumingin sa salamin para ayusin ang nagusot na uniporme, at saka umalis.

Page 26: Macarthur

MEDYO bad trip si Noel kinahapunan nang maabutan si Cyrus na nakatambay lang sa bahay. Padabog nyang binuksan ang pinto at pahagis na inilagay ang plastic bag na puno ng labahan ni Mang Justo sa papag kung saan patalikod na nakaupo ang kaibigan.

"Tuloy ang operasyon," nagsalita si Cyrus.

Hindi sumagot si Noel. Inabala ang sarili sa paulit-ulit na pag-inom ng tubig na isinalin sa plastic na baso mula sa plastic na pitsel.

"Kailangan lang ng tagabantay," patuloy si Cyrus sa boses na matamlay at walang pakialam sa mundo.

Di na nakapagpigil si Noel. "Pare, yon na nga e. Sino ba apo ni Mang Justo? Ayos lang naman sana sa akin tumambay sa ospital, pero wag naman buong araw...tapos nandito ka lang. Nakakagago ka naman e!"

Noon lang nakapagsalita ng ganoon si Noel sa kaibigan, pero parang walang narinig si Cyrus. Sa halip na pumatol, tumayo lang 'to at ipinatong sa mesa ang dalawang kwintas, isang relo, at tatlong mamahaling cell phone. "May isa pang kwintas sa akin."

Saka lang napansin ni Noel na bugbog sarado ang kaibigan. "O, ano'ng nangyari sa'yo?"

"Nagtrabaho."

Nabawasan ang galit ni Noel nang maintindihan ang kinahinatnan ni Cyrus. "Hindi kasya yan."

"Pandagdag lang yan. Pumunta akong PCSO nung isang linggo, nirekomenda ako ni Aling Baby. Saka alam ko may PhilHealth naman si Tatay." Kumunot lang ang noo ni Noel, kaya nilinaw ni Cyrus, "Wala nang problema sa pambayad. Ako na rin ang kidney donor, pasado ko ang mga test. Nakausap ko yung duktor. Ayos na lahat. Pakibantayan nyo na lang si Tatay pagkatapos ng operasyon. Kaya ko na sarili ko."

Kinalimutan na lang ni Noel ang galit at ipinatong ang palad sa balikat ng kaibigan nang mapansing mangiyak-ngiyak na 'to. Natuluyan ang pagbagsak ng tahimik na luha ni Cyrus. "Pasensya na, pare. Ayoko lang talaga nang

nahihirapan si Tatay. Tangna, lahat gagawin ko para lang mabuhay sya."

----

Page 27: Macarthur

Naging matagumpay ang operasyon nang sumunod na linggo. Wala pang kalahating buwan ang nakalipas, nasa bahay na si Mang Justo, nagpapagaling. Ikinagulat ng maraming duktor sa ospital ang mabilis na pagbalik ng kalusugan ng matanda. "Gustong magka-girlfriend," ang biro pa ng mga nurse na nagpapalakas ng loob. Dahil na rin siguro sa pagmamadaling makabalik sa normal at aktibong buhay--bukod pa sa hiya sa apo at sa pag-iwas na maging pabigat--kaya naging liyamado si Mang Justo sa pakikipaglaban sa sakit.

Parang kalabaw na rin ulit ang lakas ni Cyrus noong mga panahon na yon. Akala mo walang nangyari. Kung may naging pagkakaiba man, yun ay ang napapadalas na pagbatak nito nang solo--bagay na hindi nakaligtas sa pansin ni Noel kahit pa abalang suma-sideline sa barberyang pinapasukan ni Mang Justo bilang tagawalis.

Naging madalas ang pagkukwentuhan ni Noel at ng matanda, lalo na nang malaman ng

huli na siya rin pala ang naging bantay nito sa ospital noong mga panahong wala itong malay. Sa ilang pagkakataon, nagawa pang turuan ni Mang Justo ng paggugupit ang binata.

"Sinasabi ko sa'yo makakarating kang Saudi sa paggugupit lang. Naku, maniwala ka, dalawang kumpare ko na nakalipad sa ibang bansa!" kadalasang pangungumbinsi ng matanda na sinasabayan ng mga palatak ng dila.

DI iba sa mga nakalipas na hapunan, ginawa na namang panghimagas nina Noel at Mang Justo ang kwentuhan sa gilid ng bahay isang gabi ng Nobyembre. Hawak ang patpat na ipinampipisa sa mga naliligaw na pulang langgam sa lupa, biglang naisipang itanong ni Noel kay Mang Justo kung bakit hindi nito subukang sulatan ang mga anak sa ibang bansa.

"Para ano?"

"Para...wala ho, para mangamusta," pero para humingi ng suportang pinansyal sana ang gusto talagang sabihin ni Noel.

"May sarili na silang mga buhay doon... masaya ako para sa kanila."

"Hindi rin," magalang na kantiyaw ni Noel. "Mangangamusta lang naman ho kayo. Aalamin nyo kalagayan nila, ipapaalam nyo

Page 28: Macarthur

kalagayan nyo...ganon. Kung gusto nyo di rin naman masama magpadala ng litraro--kukuhaan ko kayo!"

Ngumiti lang si Mang Justo, kaya humirit pa si Noel. "Gusto nyo?"

Umiling ang matanda at napatanaw sa malayo. "Nag-aaral pa ang mga anak ko nang mag-'Merika. Kinuha ng dati kong asawa dahil pinakasalan sya doon ng puti. Mas mapapabuti daw ang buhay ng mga bata doon. Como di naman kami kasal at tanggap naman daw ng 'Kano ang nakaraan nya, wala na 'kong nagawa. May sampung taon na yata yung huling sulat ng bunso ko. Yung ate nya naman hindi ko natandaang nag-abala para mangamusta. Sadyang maganda nga yata ang buhay sa 'Merika. Hindi ko sila masisisi." Tumingin si Mang Justo sa kausap. "Ikaw, wala ka bang gustong kamustahin?"

Hindi nakaimik si Noel.

"Ano yon?" tanong ni Mang Justo sa bata sa kalsada na napansin nyang sumisilip-silip sa loob ng barung-barong nila. "Sino hinahanap mo?" Hindi sumagot ang bata. "Si Cyrus?" Tango. "Nasa labas, hindi pa umuuwi. Ano ba yan--ending?" Tumango ulit ang bata at iniabot kay Mang Justo ang hawak-hawak na listahang papel. "Tumaya ba sya? Hanapin mo na lang

dyan sa tabi-tabi, baka sa bilyaran, andyan lang yan."

"Andito ho, Mang Justo, tulog," sabi ni Noel matapos sumilip sa loob ng bahay.

"Ah, tulog pala, sa susunod na lang yan, wala naman akong pang-abono e," umalis kaagad ang bata matapos magsalita ni Mang Justo. "Akala ko lumabas yan?" tanong nya kay Noel. "Nakakaligtaan ko na lang. Kanina pa nga pala yang hapon tulog. Katagalang matulog, ano?"

Hindi kaagad nakasagot si Noel. "Pagod ho yata e."

Ngumiti lang si Mang Justo. "Madalas syang wala. Napapansin mo ba?"

"Baka abala ho sa trabaho," mabilis sumalo si Noel.

Napabuntong hininga ang matanda at saka sumandal sa upuan. "Mga apat o limang taon lang sya nang dinala dito ng tiyahin nya. Suko na yata dahil wala namang ama yang batang yan, at ang ina naman e maaga ring nawala dahil sa sunog. Maraming magkakapatid yan sila Cyrus. Hindi ko alam kung pang-ilan sya, pero maraming naging apo kay Violy si Diosdado, yung pinsan ko...sumalangit nawa. Tanda ko e kung kani-kanino ipinamigay ang mga magkakapatid. Kaawa-awa. Kaya sabi ko noon sa Panginoon e bahala na lang syang

umalalay sa mga kukupkop sa mga bata. Tulad ko na walang natapos at paekstra-ekstra lang din naman sa barberya." Gusto sanang ibahin ni Noel ang usapan, pero di tumitigil si Mang Justo. "Mabait na bata

Page 29: Macarthur

yang si Cyrus. Tahimik. Mahiyain. Di pala-kibo. Maalaga yan sa akin, kahit nang malaman nyang di naman ako ang ama nya. Kanya nga lamang habang lumalaki e nagkakaroon ng mga iba't-ibang problema sa eskwelahan...kapilyuhan baga. Pinatigil ko na rin kalaunan dahil wala naman akong magawa. Sabi nya mas gusto nyang magtrabaho para raw kumita at mahanap ang mga kapatid--" biglang tumigil si Mang Justo at hinawakan ang parte ng tiyan na inoperahan.

"Sumasakit ho ba?" tumayo si Noel para alalayan ang matanda, pero sumenyas ito na walang problema, at saka nagpatuloy sa kwento.

"Mabait, napakabait na bata ni Cyrus. Pero nakakapanghinayang," napailing si Mang Justo, "minsan gusto kong tanungin ang Panginoong Diyos kung bakit kailangan pang magdusa ng isang inosenteng bata matapos iwanan ng ama at mawalan ng ina. Sayang ang lakas nya. Hindi naman mabuti ang kapupuntahan ng mga ganoong gawain."

Sa buong paniniwala ni Noel, walang alam si Mang Justo sa bisyo ng apo, ayon na rin

mismo kay Cyrus na minsang nagkwento sa gitna ng pagsasalu-salo nila ng bato. Pero sa mga oras na yon, malinaw na walang ginagawa si Cyrus na hindi alam ng matanda; bagay na lalo pang nilinaw ni Mang Justo kay Noel.

"Malaki lang nang bahagya ang silungan namin sa kulungan ng aso. Mahirap na hindi malaman ang mga nangyayari sa loob...kahit pa madalas akong nasa labas."

Parang permanente nang nagdikit ang mga labi ni Noel, di na makapagsalita.

"Mga bata pa kayo. Pag pinaniwalaan namin kayong hindi kayo naglaro ng tubig kahit na basang-basa ang mga damit ninyo, kayo ang niloloko namin. Hindi kayo ang nakakapanloko."

Napangisi si Noel, kahit na hindi nya alam kung paano tatanggapin ang sinabi ng matanda.

"Kwentuhan mo nga ako, ano ba ang pangarap mo sa buhay?" patuloy ni Mang Justo.

Tulad ng isang batang nakuha ang loob, nagsalita na rin si Noel. "Noong isang buwan, wala ho, hindi ko alam. Pero nang umalis ako ng bahay, naisip kong gusto ko talaga maging piloto. Gusto ko makapagpalipad ng mga eroplano. Commerce ang pilit na ipinapatapos sa akin ng daddy ko simula't sapul, pero naisip

ko ayaw nya rin namang mag-nurse ang kapatid ko noon--pero ngayon wala naman syang reklamo."

Nakangiti si Mang Justo, pero hindi nagsasalita; paraan para lalo pang magkwento ang binata.

"Pero hindi ko ho alam kung paano mag-uumpisa," binitiwan ni Noel ang patpat at pinaghawak ang dalawang kamay habang ipinagpahinga ang mga siko sa magkabilang hita. "Gustuhin ko mang bumalik sa

Page 30: Macarthur

eskwela, wala na 'kong babalikan. Dropped na ako. Maghihintay na naman ako hanggang sa susunod na sem. Malamang di na 'ko pag-aralin ng daddy ko. Di ko nga ho alam kung tatanggapin pa 'ko ulit sa bahay e. Baka ideretso na 'ko sa... sa pagamutan."

"Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung di mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. Sobrang lugi. Kung alam lang yan ng mga kabataan, sa pananaw ko e walang gugustuhing umiwas sa eskwela," nakangisi si Mang Justo. "Takot ka bang makarinig ng mga payo sa magulang mo?"

"Buti kung payo lang!" sagot ni Noel.

"Sa pananaw ko, hindi maiiwasan na makatanggap ka ng mga di kagandahang salita, pero ano ang inaasahan mo matapos kamo yung nangyari sa inyo?"

"Ayoko nga ho sanang isipin. Uuwi rin siguro ako, pero hindi ko pa alam kung kelan. Siguro kung magkalakas ng loob...pag itinulak ng pagkakataon...sa isang buwan...o kahit bukas...."

Umaliwalas ang mukha ng matanda. "Hari nawa. May awa ang Panginoong Diyos, kung hahaba pa ang buhay ko, gusto ko ring makasakay ng eroplano mo!"

Tumawa si Noel. "Kahit ikutin pa natin buong mundo!"

"Bata pa 'ko pangarap ko nang makakita ng ulap nang malapitan," sa pagkukwento pa lang, parang bumabata na si Mang Justo nang kalahati sa edad nya. "Hindi man ako makapangibang bansa dahil sa kahinaan ng katawan, maniwala ka, lagi pa rin akong may lakas para sumakay ng eroplano. Totoo yan, kaya wag mo 'kong paaasahin dahil talagang lalakas pa 'ko!" Malakas ang mga tawa ng matanda na sinabayan ng halak at konting hirap sa pag-ubo.

"Ayos lang ho ba kayo?" tanong ni Noel. Pero bago pa makasagot ang matanda ay narinig nila ang mga ungol ni Cyrus sa loob ng bahay.

"Gising na yata," sabi ni Mang Justo. "Mabuti nga dahil di pa yata naghapunan yang batang yan."

"Tatay..." tawag ni Cyrus mula sa higaan. Sumagot si Mang Justo at pinatayo si Cyrus para maghapunan, pero lalo lang lumakas ang pagtawag ng binata. "Tatay...!"

Sumilip si Noel sa loob ng bahay: malalim ang tulog ng kaibigan. "Nanaginip na naman ho yata."

"Hayaan mo na lang siguro, baka mahirapan lang yan ulit matulog pag nagising ng ganitong oras," sabi ni Mang Justo. "Pakikuha mo na nga lang, anak, yung gamot ko sa may ulunan ng papag, di pa yata ako nakainom ngayong pagkakain."

Hinubad ni Noel ang tsinelas at itinuloy ang pagpasok sa maliit na bahay. Nakita nyang gising na si Cyrus pero nakahiga pa rin. "Kain ka na, huy!" mabilisang bati nya bago kinuha ang gamot at muling kinausap

Page 31: Macarthur

ang matanda. "Dito ho ba sa dilaw na plastic? Wala na hong laman e, mga resibo lang saka...pangkuha ho yata 'to ng blood pressure...."

"Naku, tinamaan ng magaling! Ubos na nga pala, wala akong mautusan kanina para bumili. Pakidala mo na lang dito yan," sigaw ng matanda.

Iniabot ni Noel ang plastic bag kay Mang Justo. Agad naman itong binuksan ng huli para kunin ang nakabalumbon na blood pressure apparatus sa loob.

"Bigay 'to sa anim nung katabi naming pasyente sa ospital," sabi ni Mang Justo. "Si Cyrus ang tumanggap dahil tulog ako noon. Sabi nya mayayaman daw yata yung bisita at kamag-anakan nung katabi namin dahil may mga dala pang bulaklak at regalo. Mantakin mong dalawa pa daw ang nagdala ng ganito! Kaya bago lumipat ng pribadong kwarto yung pasyente, ibinigay na lang nila sa anim itong isa," ipinahawak ng matanda kay Noel ang apparatus. "Tamang-tama daw pag lumabas na ng hospital ang may sakit at wala nang duktor na mag-aasikaso. Marunong ka ba gumamit nyan? Pantingin daw yan ng dugo e."

"Ah, para nga ho yata sa blood pressure 'to. May ganito kami sa bahay...dati..."

"Alam mo gamitin? Di rin naman kasi alam yan ni Cyrus."

"Hindi ho, pero yung kapatid ko marunong."

"Ah, oo nga pala, yung nagna-nars kamo na ikinuwento mo dati?"

"Oho, si Lyla."

"Tamang-tama, ibigay mo na lang yan sa kanya para mapakinabangan. Wala namang makakagamit nyan dito. Sayang lang."

"Pwede ho," laking tuwa ni Noel. "Eksakto kasing nawala yung ganyan nya na ginagamit sa eskwelahan. Siguro padadalawin ko na lang

din sya dito para matignan yung blood pressure nyo paminsan-minsan."

Buong ngiting tumango si Mang Justo. Di man sinasadya, nadadagdagan ang mga dahilan na nagtutulak kay Noel para bumalik sa sariling pamilya.

"Pero unahin na ho muna natin yung mga gamot nyo," paalaala ni Noel sa problema ng matanda. "Twenty four hours yata yung Merced dyan sa kanto, makakabili pa 'ko ngayon. Higit isandaan pa yata yung sukli nyo kaninang umaga."

"O sige, kung ilan na lang ang magkasya dyan. Dalhin mo yung reseta."

Page 32: Macarthur

"Nasa akin na ho," inilapag ni Noel ang blood pressure apparatus sa inuupuan. "Wala na ho ba kayong ipapabili? Balut?"

"Hindi ba bawal sa akin? Pwede na ba ako noon?"

"Pwedeng-pwede. Wala namang bawal sa inyo e. Basta ganyan na kalakas, walang bawal-bawal! Bibili akong balut, kahit tig-isa lang ho tayo. Saka isang penoy para kay Cyrus...takot sa sisiw yun e!"

Tumatawa pa ang matanda nang lumakad palayo si Noel, walang kaalam-alam sa kalbaryong pinagdaraanan ng mahal na apo.

- - - -

Sa pintuan ng bahay, nakatitig kay Cyrus ang pusang may balahibong maitim pa sa gabi at mga matangmay liwanag ng buwan. Mistulang anino ng isa pang anino. Nakaupo. Nagbabantay. Naghihintay. Bisitang inimbitahan ng sistema niyang gutom na naman sa bisyo at uhaw sa gamot. Gumapang sa buong katawan ni Cyrus ang maliliit na paa ng takot. Pusa, alamid, musang, anino, diyablo. Ano ang nasa pinto? Binalot ng panginginig si Cyrus, di alam kung paano itatago ang sarili sa sugo ni Kamatayan. Nagsimulang kumilos ang pusa. Dahan-dahan. Unti-unti. Nagbukas ng bunganga na nagpapakita ng dalawang malalaki at matatalas na pangil, bago mabilis na tumayo sa dalawang paa. Nag-unahang bumagsak ang mga butil ng pawis ni Cyrus. Ibinuka nya ang bibig at isinigaw ang pangalan ng amain, pero walang boses na lumabas. Nagalit ang halimaw. Ang dating nakatayong pusa, ngayo'y isa nang mabangis na aso. Naglalaway. Umuungol. Nakatayo lahat ang balahibo. Mabilis na inikot ng mga hilong mata ni Cyrus ang paligid: walang matatakbuhan, walang mapagtataguan. Tumawa ang aso, ang mabalahibong halimaw na nakaharang sa pinto. Sa bawat tawa,

isinisigaw nito ang pangalan nya. Sa bawat sigaw, umaalon ang kapaligiran. Nayuyupi ang mundo. Nababanat ang lupa. Tawa, halakhak, mga panlilibak. Tatay! Sumigaw si Cyrus, pero sa isip lang. Walang nakakarinig sa kanya nung mga oras na yon, at walang makakatulong. Ibinuka pa lalo ng halimaw ang mapangil na bibig para ipakita kay Cyrus ang nasa lalamunan nito. Si Mang Justo. Humihingi ng saklolo.

"Tatay!" naisigaw nya sa wakas.

Page 33: Macarthur

"Cyrus!" pagmamakaawa ng matanda.

"TATAY!"

Tuluyan nang nilunok ng mabangis na hayop ang lolo ni Cyrus. At sya na ang isusunod nito. Isang nakakalunod na alulong kasunod ng madagundong na mga yabag, lumapit ang asong ulul sa kinaroroonan ni Cyrus. Tinawag nito ang pangalan nya sa boses na parang galing sa kulog, at saka iniunat ang mga kamay na gagapos sa kanya.

"TANGINA MO!!!" buong lakas na nagpumiglas ni Cyrus. Sa isang iglap, nabunot nya sa ilalim ng unan ang baril na galing kay Noel at ipinutok ito sa halimaw. "TANGINA MO! TANGINA MO! TANGINA MO! TANGINA MO! TANGINA MOOOOO!!!!!" Di mabilang na mura. At sa bawat mura, isang bala sa katawan ng umuungol na halimaw.

Bumagsak sa sahig si Mang Justo. Sabog ang bungo, butas ang katawan, walang buhay. Baha sa dugo ang maliit na bahay. Sa paligid, ang mga taong nagising, nakikiusyuso, at di alam ang gagawin. Sa banig, si Cyrus, nanginginig, hawak pa rin ang baril. Sa pintuan, si Noel, hawak ang supot ng mga gamot; tulala sa inabutang bangkay ng matandang kaibigan. Sa kalangitan, ang mga nagliparang pangako ng hinaharap, dahan-dahang hinahangin, kasama ng mga nasayang na pangarap, papunta sa walang hanggang kawalan.

MAMULA-MULA pa ang papasikat na araw. Kagagaling lang ni Noel sa presinto ng pulisya nang abutan sya ni Jim na nakaupo sa gilid ng bahay nila Cyrus. Nakasapatos si Jim at may dalang travelling bag, pero di nakuhang magtanong ni Noel o bumati man lang. Nakayuko lang 'to sa lupa, hawak ang patpat na hawak-hawak nya rin nung gabing lumipas.

"Aalis na muna 'ko, pare," bungad ni Jim matapos ang ilang segundo ng katahimikan. "Umuwi na naman ng Bicol si Olive e...dala si Jon-Jon."

Page 34: Macarthur

Patuloy lang sa pagbungkal ng lupa si Noel gamit ang patpat.

"Nabalitaan ko yung nangyari," huminga ng malalim si Jim. "Wala, pare, ganon talaga e."

Tumango lang si Noel.

"Baka di na kami bumalik, naubos na pera namin sa pamasahe e," garalgal at lalong lumungkot ang boses ni Jim. "Alagaan mo na lang sarili mo. Saka kung may pag-asa pa, alalayan mo na lang si Cyrus."

Tumango ulit si Noel. Umubo at tinapik sya ni Jim sa balikat bago ito umalis. "Sige, pare." Wala sa kanilang dalawa ang may kakayanang magpaalam nang mas maayos.

Ilang minuto lang nang makaalis si Jim, tumayo na rin si Noel. Pinunasan ang nangingilid na luha na ayaw tumulo, pero ayaw ding mawala. Bitbit ang blood pressure aparatus na bigay ni Mang Justo, tinahak nya ang daan pauwi sa kanila. Nilakad nya ang malubak at maalikabok na kalye na daanan ng mga tricycle, papunta sa kalyeng dinagsa ng mga squatter noong nagdaang dekada. Ito ang mga taong nakisilip sa madugong palabas kagabi, pero walang ginawang pagtulong. Patuloy nyang binaybay ang mahabang kalye, hanggang sa lumiko ito sa isa pa papunta sa inuupahan nila Jim, at sa isa pa na dugtungan naman ng kalye nila ni Voltron.

Mabisyo, gago, suwail. Akala nya matagal nya nang kilala ang sarili. Pero sa pagkakataong yon, habang naglalakad sya sa kalsada, nakilala

nya ang totoong Noel na inilibing ng lipunan sa ilalim ng imaheng ibinibintang nito sa kanya. Batang takot, mahina, nangangailangan ng kalinga.

Ilang hakbang pa papunta sa kanila, ramdam nya na ang nakakapasong tingin ng mga kapitbahay. Ang mga nakakasugat na dila. Ang mga nakakasakit na panghuhusga. Mga totoong halimaw na hindi mapapatay ng bala. Gusto nyang umiyak sa galit, sa lungkot, at sa takot, pero wala syang karapatan. Dahil sa mundong yon, isa lang syang nilalang na walang silbi, walang kwenta, at pabigat sa pamilya.

Sa harap ng bahay kung saan sya napatigil, eksaktong nagmamaniobra ng kotse si Jake, ang kababata nya, papasok sa eskwela. Tinanong nito kung aabot ang gulong sa gutter, pero hindi sya tinawag sa pangalan. Sumagot sya ng hindi. Umatras konti ang kotse, at saka dire-diretsong umandar.

Naiwang nakatingin si Noel sa harap ng bahay nila. Inabot nya nang dahan-dahan ang lock ng gate para buksan. Pagpasok, agad syang sinalubong ng aso at dinamba para halikan. Dumiretso sya sa loob ng bahay kung saan sama-sama ang pamilya sa almusal. Nagtama ang mga mata nila ng magulang nya, pero hindi nagsalita ang mag-asawa.

Page 35: Macarthur

Walang mga kaibigan, walang pamilya. Hindi alam ni Noel kung nasaan ang mundo nya. Wala sa kanyang nagpalabas ng bahay, pero wala ring nagpapasok.

"Alis na po ako," tumayo si Lyla para magpaalam sa mga magulang, at agad lumabas ng bahay matapos syang batiin ng "O!" kasabay ng matipid na ngiti.

"Kuya?" biglang napalingon si Apple na noon ay nakatalikod sa kanya. "Saan ka galing, Kuya?"

Ngumiti si Noel at yumuko para yakapin ang tuwang-tuwang bunsong kapatid. Noon lang ngumiti si Aling Sally. At bagama't may ilang, narinig nya rin ang boses ng ama na muling tumatanggap sa kanya. "Kumain ka na."