Upload
josephine-berces
View
65
Download
12
Embed Size (px)
Citation preview
Kaligirang Pangkasaysayan ng Balagtasan
400,000 to 670,000 PHP House and Lot General Trias, Cavite
Introducing BellaVita, a residential project developed by South Maya
Ventures, Inc., a wholly owned subsidiary of Ayala Land.
a simula, mawiwika natin na ang BALAGTASAN ay isang uri ng aliwang
sariling-sariling atin. Dapat mabatid na ang salitang Balagtasan ay hango
sa salitang Balagtas, sagisag na ginamit noong panahon ng mga Kastila ng
kinikilala nating Ama ng Tulang Tagalog, Unang Makatang Laureado ng
Pilipinas at Prinsipe ng mga Makatang Tagalog. Sa kaanyuang patula,
ang Balagtasan ay isang uri ng pagtatalo o debateng patula na karaniwang
ginaganap sa entablado ng mga mambibigkas kung nagkakaroon ng mga
pagdiriwang.
Batay sa kasaysayan, bago nauso sa ating bansa ang Balagtasan ay
nagkaroon muna tayo ng ibang uri ng mga pagtatalo, tulad ng Karagatan
at Duplo.
Ang Karagatan
Isang katangi-tanging pamamaraang pampanitikan,
ang karagatan ay isang dulang ipinalalabas bilang pang-aliw sa mga
nauulila. Ito’y ginaganap sa ikasiyam na gabi ng isang namatay, sa
ikatatlumpung araw ng pagkamatay at sa unang taon ng kamatayan
o pag-iibis ng luksa.
Ayon kay Julian C. Balmaseda, ang karagatan ay isang larong may
paligsahan sa tula. Galing daw ang pangalang ito sa alamat
ng singsing ng isang dalagang nahulog sa gitna ng dagat at ang
binatang makakuha ay siyang pagkakalooban ng gintong Granada o
pag-ibig ng dalagang nawalan. Kaya’t ang karaniwang simula ng
laro ay ganito:
Karagatang ito’y kahit na malalim
Pangangahasan kong aking lulusungin,
Hustong bait ninyo ang titimbulanin<
Na inaasahang sasagip sa akin.
o dili kaya’y:
Karagatang ito’y oo nga’t mababaw,
Mahirap lusungin nang hindi maalam,
Kaya kung sakaling ako’y masawi man,
Kamay mong sasagip yaong hinihintay.
Sa dakong Kabisayaan, ang karagatan ay di-gaanong pormal at
katulad ng ating Juego de Prenda sa kasalukuyan. Narito ang isang
halimbawa ng larong karagatan sa Kabisayaan:
Nag tanum ako limon,
Putus brillante ang dahon,
Ng tauo nga makapasilong,
Luas guid sa Kamatayon.
Sa wikang Tagalog, ito ang ibig sabihin:
Nagtanim ako ng limon,
Pulus brilyante ang dahon,
Ang taong mapasilong,
Ligtas sa Kamatayan.
Mahalagang malaman din na noong taong 1741 ay ipinagbawal ng
Arsobispo ng Maynila ang karagatan sa dahilang kung minsan daw
ay may mga pananalita ito na labag sa kautusan ng relihiyong
Katoliko. Ang sinumang nais magpalabas ngkaragatan ay
kailangang humingi ng permiso.
Ang Balagtasan
Sumilang ang Balagtasan noong Abril 2, 1925, kaugnay ng
pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas. Bago sumapit ang naturang
araw, ang Akademya ng Wikang Tagalog na kinasasapian ng mga
kilalang makata at mananagalog ay nagdaos ng isang pagpupulong
sa gusali ng Instituto de Mujeres na nasa Tayuman, Tundo, Maynila.
Kabilang sa mga dumalong makata at manunulat ay sina Lope K.
Santos, Iñigo Ed. Regalado, Patricio a. Dionisio, Teodoro E. Gener,
Jose N. Sevilla, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, at iba pa.
Pinag-usapan nila’t napagpasiyahan, sa mungkahi ni Atty. Patricio A.
Dionisio na ang larong ipapalit sa matandang duplo ay
ang Balagtasan. Bilang huwaran, si Dionisio na rin ang sumulat ng
kauna-unahang Balagtasan at ito’y nalathala sa lingguhang
pahayagang Telembang. Sa balagtasang ito ibinatay ang unang
Balagtasang itinanghal nina Corazon de Jesus at Florentino T.
Collantes, ang Bulaklak ng Kalinisan na ginanap sa Instituto de
Mujeres. Sinundan na ito ng marami pang uri ng
ganitong balagtasan.
Nagkaroon noon ng tatlong grupo ng mambabalagtas: sina De Jesus
at Collantes; sina Amado V. Hernandez at Guillermo A. Holandez; at
sina Rafael Olay at Tomas L. de Jesus.
Ang unang Balagtasan nina Collantes at Huseng Batute ay naging
matagumpay at kinagiliwan ng madla. Si Lope K. Santos ang naging
Lakandiwa; si Sofia Enriquez ang nag-Kampupot; si De Jesus ang
nag-Paruparo; at si Collantes naman ang nag-Bubuyog.
Hindi nagtagal, ang Balagtasan ay ginanap sa dating Olympic
Stadium na nasa Doroteo Jose, Sta. Cruz, Maynila. Dito
nagbalagtasan ang mga kilala’t pangunahing makata ng bansa, tulad
nina Benigno Ramos, Pedro Gatmaitan, Pedro Mendoza at iba pa na
nag-aagawan sa pagiging Hari ng Balagtasan.
Ang naging unang Hari ay si Jose Corazon de Jesus at pagkatapos ay
si Collantes. Ang isa sa mga naging huling hari ay si Emilio Mar
Antonio at si Domingo Raymundo ay naging prinsipe. Ang iba pang
naging Hari ng Balagtasan ay ang mga makatang sina Jose Gallardo,
Nemesio Caravana, Aurelio Angeles, Fernando Bautista Monleon at
Cresciano C. Marquez, Jr.
Sa kabilang dako, kung sa Katagalugan ay naging popular
ang Balagtasan, sa mga Ilokano naman ay naging tanyag ang
ganitong uri ng pagtatalo sa tawag na Bukanegan na hango sa
makatang Ilokanong si Pedro Bukaneg. Sa mga Kapampangan
naman ay mayroon din silang Crissotan na hango sa makatang
Kapampangan na si Juan Crisostomo na ang ginagamit na sagisag ay
Crissot.
Samantalang mayroon pa ring isang uri ng balagtasan sa
kasalukuyan - ang Batutian – na hango kay Huseng Batute na
sagisag ni Jose Corazon de Jesus. Ang ikinaiiba nito sa Balagtasan,
ito’y nagtataglay ng pagpapaigting ng tudyuhan at pagmamayabang
ng mga nagtatalong makata.
Mula sa entablado o tanghalan, ang Balagtasan ay narinig na rin sa
radio o himpapawid at maging sa tanghalan ng mga paaralan sa
kasalukuyan. Ang unang naging tagatangkilik sa radio ay ang
Elizalde & Company, isang makawikang bahay-kalakal.
Makabuluhan ding banggitin dito na unang nagkaroon tayo ng aklat
na katipunan ng mga balagtasan noong 1937. Ito’y inilathala ni
Jesus Balmori.
Mga Karagdagang Ulat
Noong 1950, medyo nagbagong-bihis ang Balagtasan nang lumitaw
ang grupo nina Antonio Raymundo, Ofelia Angeles at Ka Tino
Estanislao. Gaya rin nina De Jesus at Collantes, dinumog ng tao
ang Balagtasan nina Ofelia at Raymundo. Higit na uminit ang
pagtanggap sa kanila ng publiko nang palagian silang naririnig sa
radio. Para silang nagkakagalit na parati. May sigawan at may
tudyuhan. Sa kanilang panahon din nauso ang malayang taludturan.
May sukat, may tugma, ngunit kung minsan ay dalawa o isang
taludtod lang ang isinasagot ng kalaban sa kanyang katunggali.
Mga taong 1960 nang ihayag ang pagiging Hari ng Balagtasan ni
C.C. Marquez. Sa aming pagkatanda, miminsan lamang naming
nasaksihan si CC na lumaban ng Balagtasan – nang magkaroon
lamang sila ng eliminasyon. Magmula noon ay hindi na ito naulit,
pagkat hindi na nagdaos ng pambansang timpalak sa sining na ito
upang makilala at tanghalin ang sinumang magiging bagong Hari ng
Balagtasan.
Kaalinsabay ni CC Marquez, si Zenaida Flores naman ang
kinilalang Reyna ng Balagtasan. Ito’y naganap nang pagkaisahan ng
mga pangunahing makata’t mambabalagtas na si Bb. Flores ang
gawin nilang reyna. Hindi rin dapat itatwa ang taguring ito, pagkat
bukod sa husay sa pagbigkas ay talagang kinikilala rin ng publiko
ang panitik ni Zenaida Arcega Flores.
Sa kabilang dako ng pangyayaring ito, may mga mambabalagtas din
na gumawa ng kani-kanilang kaningningan sa pamamagitan ng
radio. Ang mga ito’y sina Maria Fe Aguinaldo, Epifanio Alcaraz, Marlo
Cabling, Gregorio Victorio, Diosdado Magadia, at iba pa. Subali’t sa
mga bagong sibol ng mga makata, kinilala at hinangaan naman sina
Pablo Reyna Libiran, Elena A. Sunpongco, Rodolfo A. Milan. Sa
pamamagitan ng kanilang lingguhang programang Bagong Oras ng
Balagtasan, magawa nilang higit na mapatingkad ang pagnanasa at
kasiyahan ng tao sa pakikinig sa sining na ito.
Bagama’t maikli lamang ang panahong nauukol para sa naturang
palatuntunan (kalahating oras lamang), nagawa rin nina Libiran na
mapaabot sa apat na sulok ng kapuluan ang tagisan ng talino sa
larangang balagtasan. Ang kanilang programa ay
isinasahimpapawid sa Himpilang DWWW, Lider Radio, sa
pamamatnugot ni Henry Jones Ragas.
Masasabing dahil na rin sa naturang programa, maraming pook sa
bansa ang narating na nina Libiran, Sunpongco at Milan upang
magputong lamang ng korona o dili kaya’y magpupuri sa mga
napiling reyna ng pagdiriwang. Basta’t nagkasama ang tatlong ito,
di maaaring hindi mahilingan silang magbalagtasan.
Sa kasalukuyan, bagama’t walang kinikilalang bagong Hari at Reyna
ng Balagtasan, sina Pablo at Elena naman ay gumagawa na rin ng
kanilang sariling bantayog sa larangang ito. Sabihin pa, sila ang mga
bagong dugo at sigla na bumubuhay at maaaring sumagip sa unti-
unti nang namamatay na pamana ng Lahing Kayumanggi –
ang BALAGTASAN.
Marahil, sa mga darating na panahon ay marami pang sisibol
o lilitaw na mambabalagtas na kikilalalanin at hahangaan.
Sa ibabaw ng lahat, ang mahalaga ay ang huwag mamatay
ang kulturang ito, pagkat tanging sa Pilipinas lamang
masasaksihan ang ganitong uri ng sining.