View
27
Download
0
Category
Preview:
Citation preview
1
ANATOMIYA NG PANALANGIN
I. Vera
"Pag-isipan mo bago mo ito basahin. Baka hindi mo na maibalik sa dati ang
lahat."
Iyon ang babala ko kay Vera tungkol sa papel na pinagsulatan ng panalangin
nang malapit na naming marating ang mandarasal na si Semoga. Alam kong ibinabalik
ang papel sa nagpapadasal.
Kayang ibigay ni Semoga ang lahat ng hiling ng ibang tao. Pero may kapalit:
agad siyang kakabig matapos kang pahamigin; makukuha mo ang hiling mo pero may
mawawala sa iyo.
Sa simbahan ng Quiapo, isang anomalya si Semoga: isang Muslim na
mandarasal na kahanay ng mga padrinong namamagitan sa mga Katolikong
mananampalataya at sa kanilang diyos. Hindi na siya nagsusuot ng hijab. Nagdadasal
pa rin siya pero hindi na Salat.
Marunong na siyang magrosaryo. Kung pupunta ka sa Quiapo nang tanghaling
tapat, maririnig mo siyang sumasagot sa Angelus.
Isa raw sa mga nagtatag ng MNLF ang asawa niya. Naging wanted sila ng batas
matapos ang isa sa madudugong labanan noon sa Lanao. Nang dumating sila sa
Maynila, sa Quiapo sila napadpad.
2
Doon na rin namatay sa tuberculosis ang asawa niya ilang dekada na ang
nakararaan. Di na siya uli nag-asawa.
Iabot mo lang kay Semoga ang papel kung saan nakasulat ang hiling mo,
ipagdarasal ka niya.
Maraming naglalakip ng pera. Pero tinatanggap pa rin niya ang mga papel na
may hiling kahit na walang perang kasama.
Pagkaabot ng papel kay Semoga, bubuksan niya ito, babasahin. Tapos titingnan
ka niya, parang hahanapin sa mukha mo ang sagot kung dapat mo bang makuha ang
hiling mo. Para siyang nakatulala nang ilang minuto habang salitan na tinitingnan ang
nagpapadasal at ang imahen sa altar ng Quiapo.
Iaabot niya uli sa iyo ang papel. Naroon ang sagot sa panalangin mo.
Ang nakasulat sa papel ni Vera: "Sana bumalik sa amin si Pax."
Naglaho si Pax, 35 anyos na unyonista, halos isang taon na ang nakararaan. Isa
siya sa mga lalaking hinila ng mga pulis isang gabing nagkaroon ng Operation
Tokhang sa Humilidad, sa Pasay, kung saan sila nakatira ng kinakasama niyang si
Vera. Pag-oorganisa ng mga manggagawa ang trabaho ni Pax. Duda siya sa kabutihan
ng gobyerno at namumuno rito.
Gaya ng nakagawian, ang Tokhang – isang salitang hango sa mga salitang
‘toktok’ o katok at ‘hangyo’ o pakiusap sa Cebuano – ay isang ritwal ng kabaitan at
3
kawanggawa, paraan ng pagpapakita ng walang sawang pagtataguyod ng Poon sa mga
nagpasakop sa kanya.
Tila nananaog sa lupa ang mga unipormadong gaya ng pulis na alagad ng Poon
tuwing may Tokhang. Mag-iikot sila sa mga kabahayan, kakatok sa mga pinto,
makikiusap na pagbuksan, at bobombahan at papausukan ang paligid ng Droga – isang
gamot na libreng ipinamamahagi sa mga mamamayan para bumuti raw ang kalusugan
ng mga ito.
Mahiwaga ang Droga ng Poon: kapag nasinghot mo ito, hindi ka
makakaramdam ng gutom kahit na kumakalam ang sikmura mo mula sa maghapong
pagsala sa pagkain; mawawala ang pagkabalisa mo at makakaramdam ka ng
kapanatagan kahit na marami kang iniisip at pinoproblema.
Ang pangako ng Poon, ang lakas mula sa Droga ang magpapatibay sa bayan
para patuloy na mag-ayuno, magsakripisyo, tiisin ang gutom, hirap, maging ang
pagkabalisa at pagkaaburido – marating lamang ang langit.
Daan patungong kaligtasan ang pangako ng Droga. At sa bisa ng pangakong ito,
milyon-milyong mamamayan ang nagpasakop sa Poon - isang dating alkalde na
nagsabing alam niya ang siguradong daan tungo sa kaligtasan.
Iniluklok siya sa pinakamataas na posisyon ng bansa at ipinagpalagay na
karapatdapat sa pagsamba ng bayan.
4
Lahat ay tumatalima; nakasanayan na lamang ng lahat ang pagtawag sa kanya
ng "Poon."
Pero sumusulpot daw ang ahas sa kahit saang paraiso.
Rebelde ang turing sa mga kumokontra sa daan patungong kaligtasan. Traidor
ang tawag sa mga hindi naniniwala sa Droga. Nirereporma ang mga taong ito na
baluktot daw mag-isip. Kapag ilulunsad na ang Tokhang sa isang lugar, inihihiwalay
na ang mga rebelde mula sa mabuting lupon ng mga mananampalataya ng Poon.
Isa sa mga nawala noong gabi ng Tokhang sa Humilidad si Pax. Gaya ng iba
pang hinila ng mga unipormado, ipinagpalagay ng mga taga-Humilidad na si Pax ay
kinuha para idaan sa repormasyon.
Mabuti na iyang kinuha at hindi basta binaril, tapos ginawan ng kuwentong
nanlaban, sabi ng mga huling nakakita sa kanya.
Kung saan-saan na lumapit si Vera; inisa-isa na ang mga istasyon ng pulis na
nakapaligid sa Humilidad, dinayo na pati mga presintong mas malayo pa. Inikot na rin
niya ang mga ospital at morge.
Nagawa na rin niyang lumapit sa manghuhula. Nang magkaroon ng
pagkakataon, pati mga espiritista na laging bisita sa mga programa sa telebisyon,
hiningan na rin niya ng tulong. Pero walang makapagsabi kung nasaan si Pax.
5
Parang nilisan na ng buhay ang mga mata ni Vera sa kakaiyak at kakadasal na
sana mahanap si Pax. Parang kahit ang Droga, mahina na ang epekto sa kanya. Kahit
nakakasinghot si Vera nito, matapos ang ilang oras, balisa na naman siya.
Sabagay, paano ba siyang hindi matataranta?
Tatlong taon pa lang ang panganay nila nang mawala si Pax. Nakaratay naman
sa bahay ang noo'y tatlong buwang sanggol nila dahil tinubuan ito ng lumalaking
bukol sa ulo. Kailangang alagaan sila ni Vera. Nakaasa siya sa awa ng mga kapitbahay
na tumutulong sa kanilang mag-iina. Pero hindi gaya ng Droga ng Poon, mauubos din
ang awang iyon. At pagkatapos noon ay ano?
Natatakot si Vera na hindi na niya makita si Pax, pero nananatiling malakas ang
pananampalataya niya sa gobyerno ng Poon; ganoon din ang paniniwala maging ng
mga kapitbahay niyang may mahal sa buhay na nawala noong gabi ng Tokhang.
Iniisip nilang lahat na kung nasaan man ang mga kaanak nila, idinadaan lang sa
proseso ang mga ito. Babalik din, sabi nila.
Dahil ano ang posibleng maging dahilan para hindi na makabalik ang mga ito?
At iyon daw ang hindi kakayanin ni Vera: ang hindi na muling makita si Pax;
ang hindi malaman kung ano ang nangyari rito.
Nakipagsapalaran siya nang marinig ang tungkol kay Semoga.
Ang paghahanap ng totoo, parang lotto. Tatayaan mo, pero hindi mo alam kung
mananalo ka. Mamumuhunan ka ng paniniwala, susugal sa pag-asa. Pipila ka kahit
6
gaano kahaba, kahit nahihirapan ka sa paslit mong anak na kailangan mong karayin
dahil wala ka nang kapitbahay na mapag-iwanan sa kanya, minsan kahit hindi mo
nakikita ang dulo ng pila. Basta naniniwala ka lang na aabot ka rin sa dulo niyon.
Ganoon ang paliwanag niya sa akin habang ilang oras na kaming nakapila para
magpadasal kay Semoga.
Gusto kong sabihin, "Oo, alam ko ang ibig mong sabihin; naniniwala rin ako sa
panalangin." Pero baka humaba pa ang usapan. Baka masyado na kaming maingay.
Maraming ibang nananalangin. Tumango na lang ako.
Hiningan niya ako ng papel para roon isulat ang panalangin niyang iaabot kay
Semoga. Nahihiya si Vera nang maglabas ako ng P500 na mailalakip namin sa papel
kung saan nakasulat ang panalangin niya. Biniro niya pa ako na sana sa kanya ko na
lang ibigay ang P500.
Umabot kami sa dulo ng pila. Nagtama ang mga mata namin ni Semoga.
"Sinabi ko nang di na kita puwedeng ipagdasal," sabi niya nang makita ako.
Narinig iyon ni Vera at tiningnan niya ako. Pero hindi siya kumibo. Iniabot niya
ang panalangin niya kay Semoga.
Masyadong mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Hindi ko nakita kung
paano nawala ang P500 na nakaipit sa papel. Hindi ko alam kung gaano katagal
kaming nakatayo sa harap ni Semoga. Hindi ko maalala kung paanong naiabot ni
Semoga ang papel pabalik kay Vera.
7
Ang susunod kong narinig ay ang sigaw ni Vera: "Ang anak ko! Nasa'n ang anak
ko?!"
Nakatingin si Vera sa palad niya pero wala na ang papel. Hinila ko ang palad
niya at tiningnan. Maliliit ang letra pero parang tatak na mababasa: "Wala kang
kasamang bata nang pumunta ka rito."
II. Amor
Matapos ang Operation Tokhang ng gabing iyon, inusisa ng maraming tao si
Vera.
Isa ang operasyong iyon, isang taon na ang nakararaan, sa mga pinag-usapang
insidente ng Tokhang dahil sa dami ng dinampot na mga tinatawag na rebelde ng
gobyerno.
Maraming naging tanong kay Vera ang media, mga abogado, maging mga
politiko. Isa ako sa mga nagtatanong. Nautusan ako ng opisina na gawin iyon.
Maraming iniisip si Vera nang araw na iyon: Ang sanggol na anak niyang
inilapit sa PCSO dahil may bukol sa ulo, ang tatlong taon niyang anak na nagpapakarga
kapag kasama niya, ang susunod nilang kakainin na mag-iina.
Ang unang nasabi niya: "Ang dami nang problema ta's ang daratnan ko rito sa
Humilidad nawawala si Pax. 'Tang ina naman k'se sinabi ko nang tigilan ang putang-
inang aktibista-aktibista na 'yan."
8
"Eh nairaraos naman namin ang maghapon maski pa'no. Lalo na 'pag nagpausok
na, an'laking tulong kaya ng Droga ni Poon. Parang may suplay kami ng baytamins.
Ano pa ba'ng kaylangan?"
Sa sobrang pagod niya, nakiusap siya kung puwede bang sa susunod na
pagkakataon na lang sagutin ang ibang tanong. Pakiramdam niya raw umedad siya ng
singkuwenta kahit kalahati pa lang ang edad niya.
Inilapag niya ang anak niya sa bahay at nasilip ko ang isa niya pang anak na may
bukol sa ulo. Tagaktak ang pawis nilang mag-iina.
Tagaktak ang pawis ng lahat ng tao sa Humilidad. Sobrang alinsangan. Parang
sinisilaban ang buong lugar sa init, parang sumisingaw ang init mula sa lupa, parang
ito na ang impiyerno.
Nagpunta si Vera sa tindahan. Bumili siya ng Coke. Nakiusap sa tindahan na
utang muna. Umupo sa bangkô na katapat ko habang umiinom. Tinitingnan niya ako
habang naninigarilyo ako. Inalok ko siya ng sigarilyo. Kumuha siya ng isa. Inabot ko
ang lighter ko. Doon kami nagkakilala.
Maraming beses pa akong bumalik sa Humilidad, uminom ng Coke, nagyosi sa
tindahan. Sa pagtambay ko roon, nakakuwentuhan at nakagaanan ko ng loob si Vera.
Hindi siya nakatapos ng high school at nangangamuan dati sa bahay ng may-ari
ng pabrikang tinayuan ng unyon ni Pax. Sumama siya kay Pax dahil demonyo raw
9
iyong amo niyang lalaki; pakiramdam niya ano mang oras ay gagahasain na siya. Si Pax
daw ang nagsalba sa kanya.
Gusto raw siyang pagtapusin ng pag-aaral ni Pax noon. Pero nabuntis siya.
Tapos nasundan ng isa pa. Hindi na natuloy ang mga plano nila.
Ngayon para mabuhay tumatanggap siya ng labada, nagma-manicure ng
kapitbahay, nag-aalaga ng anak ng iba – kahit ano basta may maipambili ng pagkain ng
mga anak niya.
Nang lumaki ang bukol sa ulo ng sanggol niyang anak, naikot ni Vera ang mga
opisina sa city hall sa paghingi ng pampa-ospital, pampa-check up, maski pamasahe
pauwi. May kapitbahay siyang nakapagsabi na maaaaring ilapit sa PCSO ang kaso,
maaaring iendorso sa ospital ng gobyerno at maoperahan ang bata. Pumila siya nang
napakahaba roon para pabalikin lang uli dahil kulang ang mga dokumentong hawak
niya.
Pag-uwi niya sa Humilidad, wala na si Pax.
Ilang beses kong sinamahan si Vera sa pag-iikot sa mga presinto, ospital, morge
sa paghahanap. Parte iyon ng trabaho ko bilang researcher sa isang grupo ng mga
abogadong libreng tumatanggap ng mga kaso.
Ganoon noong una. Paglaon, gusto ko na lang talagang bisitahin ang pamilya ni
Vera kaya ako pumupunta sa Humilidad. Gusto ko siyang tulungan na makita si Pax.
10
Sabi ni Vera, pakiramdam niya raw minsan, naiintindihan ko ang mga ginagawa
ni Pax, "'yung mga aktibista-aktibista," sa paraan na hindi niya naiintindihan.
Pinapaliwanag ko kay Vera ang mga pinaniniwalaan ni Pax. Sabi niya, "ba't
ganu'n? Ano ba'ng hinahanap ni Pax? Ba't ayaw niya sa Poon?"
"'Yung pausok ni Poon, 'yung 'pag may Tokhang, pagkatapos nu'n, di ka
makakaramdam ng gutom. Saka nakaka-relax. Bakit sa tingin ni Pax masama 'yon?"
Bakit daw ba may mga tao na gaya ni Pax, o gaya ko, na umiiwas sa Droga,
umaalis at nagmamaskara, at pinipiling huwag singhutin ang benepisyong dala nito?
Laging naiiwan sa ganoon ang kuwentuhan namin ni Vera. Hihinto na roon
dahil maaalala niya si Pax, maiiyak na siya.
"An'tagal naman ng putang inang repormasyon. Ano ba'ng ginagawa nila
d'yan?" tanong niya sa akin. Hindi ako makasagot.
Habang tumatagal na wala si Pax, tumitindi ang pakiramdam ni Vera na
kinukulang ang pausok na Droga sa dalawang anak niya. Para raw kasing di sila
nabubusog, at kailangan pa ring kumain nang kumain.
Nadedesperado na si Vera. Susubok na siya ng kahit na ano.
Sa panahon ding iyon, napansin niya ang tatô ko sa pulso. Tinanong niya ako
kung tungkol saan iyon.
11
Naalala ko ang panahong kung saan-saang simbahan ako nagdadasal. Kung
sino-sinong santo na ang inalayan ko ng novena. Kung saan-saang lugar ko na hinanap
ang milagro.
Minsan, dinala sa isang simbahan sa Maynila ang maliit na labí mula sa puso ng
santong si Padre Pio ng Pietrelcina. Dinayo ko iyon. Apat na oras akong pumila. Inabot
ako ng madaling-araw. Inabot din ng gutom, uhaw, at antok.
Naisip ko noon, ganito rin ba kapag tapos na ang buhay mo at huhusgahan ka
na? Ganito ba ang daan tungo sa kaligtasan? May isang mahabang mahabang pila ng
mga mukhang pamilyar kahit hindi mo naman sila kilala?
Matatalisod mo ang sagot kapag nakapalitan mo sila ng tingin: makikita mo sa
mga mata nila ang sarili mong desperasyon.
Dahil lahat ng tao naghahanap ng kaligtasan, o ng pag-asa, o kahit man lang ng
makakapitan. Aminin man nila o hindi, sa pinakasulok at pinakatagong bahagi ng mga
damdamin nila, gusto nilang paniwalaan na may makikinig o iintindi nang walang
paghuhusga. Kaya sila nagdadasal.
Halos araw-araw kong dinadaanan ang imahen ni Padre Pio sa kapilya malapit
sa opisina namin. Hinahaplos ko ang imahen, niluluhuran, binubulungan.
Kaya alam kong pamilyar si Padre Pio sa mga sekreto ko. Maraming gabi na ang
aming pinagsaluhan. Hindi ko na kailangan ng mahabang paliwanag sa pagbisita ko sa
labí ng puso niya.
12
Dahil, hindi ba, kaya tayo nagdadasal? Dahil nilalasap natin ang isang
napakapersonal na sandali ng walang hanggang kalayaan at pagpapakatotoo. Hindi
kumikilala ng restriksiyon o paghihigpit ang panalangin. Walang hanggan ang mga
bagay na maaari mong hilingin. Puwede mong ilabas ang laman ng puso mo at ialay ito
sa altar ng paniniwala.
Si Padre Pio. May mga sugat siyang gaya ng kay Kristo. Ilang taon niya raw
iyong dinamdam.
Ako rin. May mga sugat akong hindi nawawala kahit natutuyo at tila
naghihilom. Pero hindi gaya ni Padre Pio, di ko alam kung magagawa kong humarap
sa Diyos, humingi ng tawad at awa. Baka nga napapagod na ang Diyos sa kakalapit ko,
baka ayaw niya na akong pakinggan. Sinubukan kong maghanap ng ibang makikinig.
Kioku ang pangalan niya. May puwesto siya sa España, malaki, pero walang
karatula.
Pilipina raw ang nanay niya at Hapon ang tatay, pero rito na raw siya isinilang.
Pagtatatô ang kabuhayan niya, pero wala siya ni isang tatô.
Kaya niyang bumura ng kahit anong dinadalangin mong mabura sa buhay mo –
nakaraan, alaala, damdamin. Pero may kapalit.
Kahit hindi ka magsalita kapag lumapit ka sa kanya. Titingnan ka lang niya.
Pero makukuha niya kung ano ang ipinagsadya mo.
13
Kailangan ka lang na malagyan ng tatô ni Kioku para mamarkahan ka, para may
tanda na napagbigyan ka na niya. Kasi hindi na puwedeng umulit. At hindi ka na rin
niya maaalala.
Ang huling alaala ni Kioku, laging nag-uumpisa lang doon sa sandali
pagkatapos niyang malagyan ng tatô ang taong humiling at pinagbigyan niya.
Kung tutuusin, si Kioku ang perpektong larawan ng bagong buhay, ng bagong
panimula. Matapos niyang burahin ang parte ng buhay mong ayaw mo nang balikan,
ibibigay niya sa iyo ang isang malinis at walang bahid na kinabukasan. Pero tanggapin
mo na ang kapalit ay ang pasanin ng bangungot na habambuhay mong dadalhin.
Pagkatapos ng kuwento ko, hinablot ni Vera ang kamay ko at tiningnan nang
mas malapit ang tatô. "Ano ba'ng pinabura mo?"
III. Pax
Hindi ko alam kung paanong patatahanin si Vera matapos tingnan ang mga
salitang tumatak sa palad niya.
May binabanggit na bata. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niyon. Pero
tila iyon ang dahilan ng matinding pag-iyak ni Vera.
Ang hiwaga sa pagkakaloob ni Semoga sa ipinagdarasal mo, lahat ng bagay
magbabago kapag natupad ito; susunod ang realidad sa dasal mong natupad. Pero
kung ano ang bagay na binawi niya sa iyo bilang kapalit ng natupad mong dalangin,
14
ikaw na lang ang makakaalala. Para sa mundo, sa simula pa lang ay hindi na
nagkaroon nito.
Parang tama lang. Dahil ang pagdarasal, kahit na ginagawa pa sa isang lugar
kung saan mayroon o marami kang kasama, ay laging isang oras ng pag-iisa. Kahit na
napapaligiran ka ng mga tao, ang ibinubulong mo sa Diyos ay isang bagay na para lang
sa inyong dalawa.
Kaya ang misteryo tungkol sa bata na nakatatak na ngayon sa palad niya, si Vera
na lang ang nakakaalam kung ano iyon.
Si Pax. Regular na bisita siya sa opisina namin. Kung magsalita siya, ang mga
prinsipyo niya, parang isa siya sa mga abogado namin.
Siya ang lider-manggagawang nakikita lagi sa telebisyon dahil maayos siyang
magsalita, matikas siyang tingnan.
Mahal niya ang bayan, mahal niya ang kapwa niya, mahal niya ang mga
prinsipyo ng demokrasya. Hindi siya mahirap mahalin.
Sumugal ako at bumuo sa isip ko ng pangarap tungkol sa aming dalawa.
Ipinagdasal ko na ako at ang noon ay ipinagbubuntis ko ang piliin niya kahit alam ko
ang tungkol kina Vera. Itinaya ko ang lahat kay Pax. Talo.
Nang ako na lang mag-isa, inisip kong isalba kung ano pa ang natitira sa buhay
ko; mas pinili ko ang sarili ko sa halip na buhayin ang magiging anak ko.
15
Gusto ko na lang na huminto ang sakit. Gusto kong hindi na maramdaman ang
nararamdaman ko. Si Pax ang sugat na hindi nawawala kahit natutuyo at tila
naghihilom. Lumapit ako kay Kioku.
Nang mawala si Pax at nakilala ko si Vera, pakiramdam ko, lumusong ako sa
ilog na punong puno ng dumi ng kasalanan ko. Ang hirap-hirap umahon. Gusto kong
magtika, humingi ng tawad. Gusto kong magbayad ng kasalanan at isalba sina Vera sa
kinasadlakan nila.
Nang gabing lagyan ako ni Kioku ng palatandaang tatô, nagsimula ang mga
bangungot. Nawala nga ang nararamdaman ko para kay Pax pero paulit-ulit kong
nakikita kung ano ang ginagawa sa mga taong binibitbit ng mga unipormado, mga
taong naglalaho, minsan hindi na nakakabalik.
Wala ako maliban sa mga pangitain sa utak ko. Paano ko ipapaliwanag ang mga
nakikita ko?
Ang hiwaga sa pagbubura ni Kioku sa nakaraan, alaala o damdamin na ayaw
mo, kahit sumunod ang realidad sa dasal mong natupad, kung ano ang masamang
alaala o bangungot na ipinabaon niya sa iyo, ikaw lang ang makakakita at makakaalam.
Kaya gising man ako o tulog, dumarating nang walang pasabi ang mga
pangitain ko tungkol sa repormasyon - isang impiyerno ng mga siksikan at maiinit na
kulungan, walang tigil na pagpapalabas ng mga talumpati at litanya ng kabutihan ng
Poon, at walang hintong pagpapausok ng Droga.
16
Sobrang payat na ng mga tao dahil hindi sila pinapakain; hilam na hilam na ang
mga mata nila.
Hindi ko na kinaya, nanikluhod ako kay Semoga. Pero nakita ni Semoga ang tatô
ko. Sinabi niyang hindi niya na ako puwedeng ipagdasal. Ilang beses ko pang
sinubukang makiusap, at ilang beses niya rin akong tinanggihan. Kaya alam kong hindi
na nababawi o naisasauli ang panalanging napagbigyan.
Iyon ang mismong ipinapakiusap sa akin ni Vera ngayon. Gusto niyang dalhin
ko siya kay Kioku para baligtarin ang kinalabasan ng dasal kay Semoga.
Ipinaliwanag ko kay Vera na hindi maaari, na sumubok na rin akong gawin iyon
noon. Kung paanong nakita ni Semoga noon ang tatô sa pulso ko, ganoon ding
makikita ni Kioku ang tatak sa palad ni Vera. Sa mundong ito, may isang pagkakataon
ka lang na pumili ng panalangin mong matutupad para mabago ang sitwasyon mo.
Ilalapit mo ang lahat sa Diyos at hindi Siya magtataas ng boses o magagalit sa
kahit anong sabihin mo. Hindi ka Niya titingnan nang masama. Hindi ka Niya
tatanungin ng kung ano-ano. Nag-uusap kayo at kumbinsido kang may kausap ka
kahit hindi ka Niya iniimik. Nag-uusap kayo at kumbinsido kang nakikinig Siya kahit
na ibinubulong mo sa kawalan ang mga gusto mong sabihin.
Maraming nangangako at naglalako ng sagot Niya. Minsan mapipilitan kang
pumili kung saan ka maniniwala. At doon ka tataya.
17
Pagbalik namin sa Humilidad, naroon na si Pax. Naabutan namin siyang
nakatalungko sa pinto ng bahay nila ni Vera.
Payat na payat, mahaba ang buhok, marumi ang kamiseta, nakatitig sa kawalan
si Pax.
Tumatakbong umiiyak si Vera sa direksiyon niya. Niyakap siya nang mahigpit
ni Vera, pero tumingin lang siya.
Napansin ako ni Pax. Magtatangka sana siyang tumayo at abutin ako, pero
masyado siyang mahina, napaupo siya. Tinawag niya ang pangalan ko nang ilang
beses.
Nagulat si Vera. Nagtatanong ang mga mata niya nang lingunin ako. Napako na
ako sa kinatatayuan ko.
Inalalayan ni Vera si Pax papasok sa loob ng bahay, sa direksiyon ng paslit
nilang anak na may lumalaking bukol sa ulo. Naririnig ko ang boses ni Pax.
"Saan ba nakikita? Saan ba nagtatago? Hinahanap niyo ba? Habulin niyo!
Sumuot sa eskinita! Nasa dulo raw ng kantong iyon ang kaligtasan! Habulin niyo ang
kaligtasan!" Sumisigaw siya. Paulit-ulit.
Sa hindi kalayuan, naririnig ko ang mga sirena ng mga sasakyan ng mga
unipormado. Alam ko na ang kasunod. Tokhang.
Hindi ko isinuot ang maskarang lagi kong ginagamit sa mga pagkakataong gaya
nito. Pumunta ako sa direksiyon kung saan sila magbobomba at magpapausok.
Recommended