“Sa pangangalaga ng Wika at Kalikasan, Wagas na
Pagmamahal Talagang Kailangan”
ROJETT C. SARAZA
Tunay na nababakas sa bawat silakbo ng ating isipan at
damdamin, nababanaag ang munting pagsibol ng karunungan
mula sa ibaba patungong paitaas. Na sa bawat yugtong
dumaraan at lumilipas, unti-unting umiigting ang
pagkakabuklod-buklod at pagkakaisa mula sa ating mga sarili’t
isipan.
“Wika ko, wika mo, wika nila, wika nating lahat”!
Pagmasdan mo’t ating pagyamaning kusa. Kailanman wika’y
maihahalintulad sa pangangalaga ng ating kalikasan. Sapagkat
ang wikang buhay ay dinamiko, nahuhubog sa paglipas ng
panahon para makaagapay sa pag-usbong ng kaunlaran. Ang
wika rin kung mapapansin ay may sariling angkin at kakayahan
sa pagpapaunlad nito. Halimbawa’y mabisa ang wika kung ito’y
mapapaunlad sa pagsulong ng kaunlaran ng bayan, kultura,
komunikasyon at iba pang larangan. Ngunit sa positibong
pagpapakahulugang ito, marami pa rin ang nahihiwagaan at
gustong maunawaan kung ano nga ba ang tunay na
pagpapakahulugan sa “Wika” sa pangangalaga nito. Kung ang
wika ay behikulo ng paghahatid ng damdamin sa kinauukulan,
masasabing ito’y may pinagmulan noong unang panahon na
kung saan ay hindi maipaliwanag ng mga dalubhasa sa pag-
aaral ng wika o kung tawagin ay “Dalubwika”. Ito ay ang teorya
ng mga Wika o pinagmulan nito. Sa “Teoryang Ding-dong”, lahat
ng bagay sa paligid ay lumilikha ng sariling tunog nito; sa
“Teoryang Yum-yum”, ang bawat kilos ng tao o anumang bagay
na tumutugon sa kumpas o galaw ng kamay ng tao ay may
kahulugan; sa Teoryang Pooh-pooh”, ang mga tao ay natutong
magsalita dahil sa silakbo ng damdamin; sa “Teoryang Bow-
wow”, ang tao naman ay nanggagaya sa tunog ng hayop at sa
“Teoryang Yo-he-ho”, ang pagsasalita ng tao ay bunga ng
puwersang pangkatawan. Patunay lamang na sa mga paliwanag
na ito ay naipapakita ang kabihasnan ng wika. Batay na rin sa
maraming pagpapaliwanag, hindi sapat ang ganitong
kaliwanagan para mapatunayan na ang “Wika” ay may
pagpapahalaga at pangangalaga. Napapaloob din sa Wikang
Filipino ang mga antas nito kabilang ang “Balbal” kung saan,
naipapakita ang pakikipagkomunikasyon sa pamamagitan ng
pagsasalita ng impormal na usapin o mababang uri ng
pagsasalita kung saan ay makikita sa mga lansangan o kanto.
Ang “Lalawiganin” na kung saan, ang mga tao ay
nagkakaintindihan ng kanilang pakikipagkomunikasyon sa
pamamagitan ng sariling pagkakaintindihan batay sa kanilang
nakagawian o tumatak na sa kanilang kultura at tradisyon.
“Kolokyalismo” ay tumutukoy naman sa mga usaping impormal
o di-pangkaraniwan lamang na kalimitang matatagpuan sa
usaping pambahay o simpleng kaibigan na kung tawagin ay
“Kolokyalismong pangkaraniwan” at usaping pampaaralan
naman o mapormal na paglalahad ng usapin ay tinatawag na
“kolokyalismong may talino”. At ang “Pampanitikan” na
sumasaklaw sa pinakamataas na uri ng antas na kalimitang
nagagamitan sa usaping pormal na pagkakalahad tulad ng
Tayutay,Sanaysay, Maikling kwento at marami pang iba. Tulad
ng mga nabanggit na ito, masasabi ngang ito’y may
pagpapahalaga sa ating wika kung maipapasok rin dito ang mga
batas sa “Wikang Filipino”. Sa layunin ng batas na ito, ninanais
ang pagkakaroon at pagpapalawig ng wikang ito nang dahil na
rin sa mga batas na naitatag. Mayroong batas na nagsasaad na
kailangang awitin ang Pambansang Awit na “Lupang Hinirang”
sa salitang tagalog, kung saan ito’y pinagtibay noong mga
panahon na tayo’y nasa kamay pa ng mga banyaga. Maisasama
rin dito ang pagtuturo ng “Wikang Flipino” mula sa mataas at
pampublikong pampaaralan. Ito ay napalawig rin nang itatag
ang pagtutro sa Asignatura ng Filipino sa mga kolehiyo.
Gayundin ang mga pagtatatag ng batas na nagsasaad na
gagawin ng salitang “Filipino” ang mga gusali at pangalan ng
mga kompanya na kung saan ay maipapakita ang pangalan ng
isang Pilipino. At sa patuloy na pag-igting ng batas sa “Wikang
Filipino”, maging ang mga sertipiko, sedula, katibayan at
kaukulang papeles ay isasalin sa salitang Tagalog para nang sa
ganun ay mapabilis ang pagkaunawa ng bawat mamamayang
Pilipino.
Sa paglaganap ng mga adhikain at layuning ito,
pinangalagaan at pinangunahan pa rin ng ating “Ama ng
Wikang Pambansa”, sa katauhan ni Manuel Luis Quezon ang
sangkap sa pagpapaunlad ng wika. Una na rito ang pagdiriwang
ng “Linggo ng Wika” kung saan sakop ang kapanganakan ni
Francisco “Balagtas” Baltazar mula Marso hanggang Abril at
ito’y napalitan naman ng “Buwan ng Wika” sa buong buwan ng
Agosto. Pinapatunayan dito ang saklaw sa pagkatuto at
pagpapalawig ng kaalaman sa pagiging malikhain sa pagsulat
ng Sanaysay, Maikling kwento, Tula, Talumpati at
pakikipagtalastasan sa Balagtasan. Pangalawa ay ang paghalal
nya sa mga kinatawan na mangangalaga ng batas ng wika sa
bawat lalawiganin ng bansa kung saan ay napapaloob ang mga
alituntunin at layunin sa pag-usbong sa pakikipagkomunikasyon.
At ang pangatlo ay ang pagtatatag ng iisang Wikang Pambansa
na “Wikang Filipino”. Ito ay para sa ikabibilis at ikauunlad ng
pakikipagkomunikasyon ng mga Pilipino sa buong bansa at
mapabilis ang pag-usad ng pagkakaintindihan sa mga lugar na
malalayo at magkakaiba.
Ayon na rin mismo kay Manuel Quezon, hindi kailangang
maging isang sagabal ang ibang wika sa sariling wika.
Nababakas rito ang pagtangkilik o pagpapanatili ng pagkahilig
sa salitang banyaga kung saan ay kalimitang ginagamit ito sa
pakikipagkomunikasyon sa bawat sulok ng Daigdig. Ito ay ang
paggamit ng salitang “Ingles”. Popular na gamitin sa mabilis na
pagkakaunawaan ng iba’t-ibang tao. Kung ating babalikan ang
nakaraang panahong Amerikano sa ating bansa, sila ang
nagtulak sa atin na magkaroon ng edukasyon para magkaroon
ng sariling kakanyahan at karunungan. Sabi nga, “Ang
Edukasyon ang susi sa kaunlaran ng bayan”. Sa kanila tayo
natutong magsalita ng Ingles. Kaya naman ang bawat isa ay
mabilis na nagkakaunawaan. Ngunit sa ganitong pagkakataon,
alalahanin na sa bawat ikot ng buhay, ang sariling wika ay
kailanma’y hindi dapat itakwil. Ika nga ng ating pambansang
bayani na si Gat.Jose Rizal, “ang hindi magmahal sa sariling
wika, ay higit pa sa hayop at malansang isda”. Patunay lamang
ito na hindi dapat lapastanganin ang wikang nakagisnan.
Maihahalintulad rin ito sa mga bayaning nagtanggol sa
ating bayan at isa sa maipapahiwatig rito ay si Gat.Jose Rizal.
Siya ay naghimagsik gamit ang pluma sa pagsulat o paglathala
ng nobela na sumasaklaw sa maling pamamalakad at pag-
aalipusta ng mga kastila sa mga Pilipino. Isa sa nagawa ni
Gat.Jose Rizal ay “Noli Me Tangere” na kung sa tagalog ay
“Huwag mo akong Salingin”. Kaya naman sa nagawang
paglabag ni Gat.Jose Rizal laban sa mga kastila, sya ay
nahatulan ng kamatayan at binaril sa Bagumbayan(Luneta
Park). Makikita sa pagkakasalaysay ng buhay ni Gat.Jose Rizal
ay ang lubusan niyang pagmamahal sa kanyang bayan na
maikukumpara sa wikang pinangngalagaan.
Sa paglipas ng mga henerasyon, nababago, napauunlad at
nadaragdagan ang bokabularyo ng bawat wika. Sa bawat tao na
nabubuhay at nagkakaroon ng puwang sa Daigdig, nagkakaroon
ng ambag sa lipunan sa pagbabahagi ng bagong tuklas ng salita
at dayalekto. Ibatay na lamang sa kasalukuyang panahon,
kakaiba at mulat sa modernisasyon at makabagong teknolohiya,
ibang-ibang sa mabilis na transportasyon at komunikasyon,
lalung-lalo na sa mga kabataan, silaw sa mga bagay na
nakalilibang at madalas kahiligan ang mga usong-usong
kagamitan tulad ng “computer” na talamak sa paglalaro ng mga
larong dota, “cellphone” na mailalarawan sa pagtetext nga mga
salitang padaglat, pagpapaiksi, pagpapaganda ng salita,
pagpapaarte, pagbibigay itsura sa salita na kung tawagin ay
“jejemon”. Ito ang madalas na nasasambit ng mga kabataan sa
ngayon sa kanilang pagpapahayag ng damdamin sa kapwa,
kaibigan at kamag-anak. Ngunit sa pamamaraang ito,
maituturing na “salot sa lipunan”, dahil kung mapapansin sa
bawat salita, pantig, baybay at bigkas ng pangungusap, mali at
taliwas sa tamang paggamit ng salita sa wika. Nagkakaroon
tuloy ng pagka-mangmang sa gawaing ito dahil impormal na
usapin sa pagpapahayag ng salita. Kaya’t tuloy nagkakaroon ng
komplikadong pananaw sa pagsasalita dahil hindi lubos
maintindihan ang tamang paggamit na humahantong sa maling
pamamaraan. Kaalinsabay naman nito ang pag-usbong ng
“jejebuster”. Dito naman napapaloob ang pagpuksa at pag-iwas
sa gawain ng “jejemon” sa pagpapahayag ng tamang layunin sa
wika. Nasasansala ang pamamaraan ng “jejemon” sa
pagpapadagdag ng salita sa bokabularyo ng wika at hindi
kailanman ito na maibibilang sa Antas ng Wika. Sa
pagkakatuklas ng mga ito, dito nasusukat ang hangganan at
katapusan ng modernisasyon na sa bandang huli ay may
kaakibat na kagandahan at kapintasanan. Bagkus, marami pa
ring mga Pilipino ang di nakapag-aral na kung kaya’t sila’y hindi
nakasasabay sa daloy at silakbo ng pagbabago sa lipunan.
Maihahalintulad rito ang mga Mangmang. Sila ang mga taong
hindi nabigyan ng sapat na karunungan para sila’y pumaitaas at
para umunlad. Ang nasasambit nila sa bawat kanilang salita ay
bulol o kung minsan ay mali ang pagkakabigkas ng isang
tamang salita. Humahantong sa panlalait ng mga nakatataas sa
kanila. Sa lipunang ginagalawang ito, nagkakaroon ng mayaman
o mahirap, mababa o mataas na antas sa buhay.
Sa bansang Pilipinas, nagtataglay ng napakaraming
wikain sa iba’t ibang rehiyon. Humigit pitong libong pulo ng
bansa ay humigit kumulang naman na nasa isang daang
dayalekto na ginagamit sa bawat lalawiganin sa Pilipinas. Dito
nababatid ang sariling dayalekto ng bawat lalawiganin sa
Pilipinas. Doon lamang kalimitan nagkakaroon ng sariling
pagkakaunawaan ng dahil na rin sa nakagawiang salita.
Napakahirap talagang unawain na sa bawat bansa ay may
kanya-kanyang wikang sinusunod. Hindi alintana ang
pagbubungang ito sa mapurol na paglilinaw ng isipan. Ito ang
dahilan kung bakit kinakailangang magkaroon ng isang wikang
pambansa na siyang magiging daan sa pagkakaisa.
Kung sa tunay na pagpapahalaga sa wika, maraming
ispekulasyon ang nababalot sa bansa. Nandyan ang mga
Pilipinong hitik sa paggamit ng linggwaheng banyaga tulad ng
Ingles. Sa simula’t simula pa lamang nang sila’y bata ay
tinuruan ng magsalita ng ganitong klaseng wikain. Kaya naman,
sariling kulay ay nalulusaw sa buhay ng wika. Dahil naipapakita
rito ang hindi pagkagawi sa sariling wika ng ibang Pilipino na
mas napag-tuunan ay ibang wika. Pagdating sa talakayang
Filipino, mangmang sila dahil wala silang alam sa simulain ng
wikang ito. Ito ang mabigat sa kalooban dahil sarili mong wika
ay hindi mo maintindihan. Kung palalawigin ang isipan, mas
magandang naisin na maging mangmang sa ibang wika kaysa sa
sariling wikang nakagawian. Pagpapatunay lamang ito na sa
bawat hakbang sa tatahaking landas, unahin muna ang sariling
atin bago ang kanila. Habang ang wika ay umuunlad at
nababago sa paglipas ng panahon, sumasakay naman dito ang
kalagayan ng “Kalikasan”. Kalikasan na sa ngayo’y kailangang
pagyamanin at alagaan ng buong puso’t isipan. Saklaw ang
kalikasan sa Yamang-tubig, Yamang-lupa, Yamang-mineral,
Yamang-kagubatan at Yamang-hayop sa kapaligiran.
Tila isang ginto ang likas-yaman sa isang bansa dahil ito
ang bumubuhay sa lahat ng pangangailangan ng lahat ng may
buhay na nilalang sa daigdig. Dahil kung walang kalikasan,
walang mapagkukunang-yaman na ikabubuhay ng bawat isa.
Kitang-kita na sa kasalukuyang panahon na ang “Inang-
Kalikasan” ay unti-unting naghihikahos sa pagsisira ng mga tao.
Napapabayaan ng lubusan dahil sa mali na ring pamamaraan ng
pagkinabang rito. Kaya naman nagkakaroon ng mga kalamidad.
Tulad ng Bagyo na nagbubunga sa pagkasira ng mga
kabuhayan, pagkaguho ng kabundukan, pagbaha, pagkakasakit
at pagkasawi ng mga tao. Pagsabog ng mga Bulkan na
nagdudulot rin ng pagkasira ng mga kabuhayan at nagdudulot
ng sakit sa tao. Sobrang init ng Mundo na nagdudulot ng
kakulangan sa tubig at mabilis dapuan ng mga dumi ang mga
pagkain. Pagkakalbo ng Kabundukan na nagdudulot ng pagbaha
sa mga lugar at pagkasira ng mga tirahan ng hayop at kawalan
ng pagkukunang yaman at pagkain. Ilan lamang ito sa mga
pinsala na idinulot sa kalikasan.
Bigyan natin ng puwang ang kalikasan sa ating mga puso.
Sa pag-aangkat at pagbebenta ng suplay ng bigas sa bawat
bansa, nagkakaroon ng kita ang bawat negosyante na
nagbibigay kabuhayan at ito’y maibebenta sa mga mamimili. Sa
pagbebenta ng mga prutas at gulay na talaga namang kaakibat
sa pagtulong sa ating pangangatawan. Sa pagmimina ng mga
ginto’t pilak sa mga kabundukan na nagbibigay ng malaking kita
at halaga sa mga namumuhunan. Ito ang mga pangunahing
pinagkukunang-yaman sa ating bansa mula sa kalikasan.
Pansinin na rin ang nakasusulasok ng mga ilog na
nagdudulot ng sakit kapag naamoy ang mabahong basurang
lumulutang rito. Sa ganitong sitwasyon, binibigyang-diin at
lunas ang mga ahensyang responsable rito para bigyang linis sa
pamamagitan ng pagkakaroon ng mga programa tungo sa
paglilinis ng mga kanal, ilog, lawa, sapa at kung anu-ano pang
anyong tubig. Ang pag-iwas din at di pang-aabuso sa paghuhuli
ng mga isda at huhulihin lamang ang mga isda sa tama at anyo
nito. Pagtigil rin sa pagsisira ng mga tirahan ng isda tulad ng
“coral reefs” para ipagbenta at magkaroon ng kita.
Ngunit sa ilan lamang nitong pangangalaga sa kalikasan,
mayroon pa ring lumalabag sa mga batas ng kalikasan. Sa mga
taong nagpuputol ng puno, matapos anihin ang pagputol ng mga
puno sa kabundukan ay nakakaligtaan ng palitan o taniman ng
higit sa tatlo ang katumbas ng isang pagputol ng puno. Kaya
dapat ay binibigyan ito ng karampatang parusa para maiwasan
ito. Sa mga taong lapastangan na pinapatay ang mga hayop na
walang kamuwang-muwang na ginagawang alternatibong
kagamitan o kasangkapan, dapat na mabigyan rin ng parusa
para masugpo ang ganitong mga katiwalian.
Lubusan rin naman sa pagpapatayo ng mga gusali at
subdibisyon sa mga lugar na kagubatan at humahantong sa
pagkawala ng magagandang tanawin ng puno’t halaman.
Nabibigyan ng importansya ang pagpapalaganap ng lakas ng
teknolohiya na kung minsan ay nagdudulot ng masama dahilan
sa maling pamamaraan ng gawaing ito.
Kailangang ito’y maibsan sa tulong natin kung tayo’y
magkakapit-bisig. Sa simpleng pagtulong, halimbawa, tayo’y
magtatapon ng basura, agad nating pakaisipan ang
paghihiwalay nito mula sa nabubulok, di-nabubulok, muling
nagagamit at plastik na basura. O di-kaya’y sa pagtatapon ng
balat ng “candy”, kung walang mapagtapunan ng basura,
maaaring ilagay muna sa bulsa o kung may malalagyan at tsaka
ito’y itapon kapag mayroon ng mapagtatapunan. Sa mga
simpleng pamamaraang ito, malaki ang maiaambag nito sa
kalikasan.
Sa mga “watershed” na tumutulong sa pagpapanatili ng
kalinisan ng tubig sa mga “dam” at ito’y maisusuplay sa mga
kumokonsumo. Mas mainam ring panatilin na maraming puno
ang isang lugar para sila’y magsisilbing sisipsip ng mga tubig
kapag may baha sa kanayunan at magkaroon ng sariwang
hangin sa ating mga katawan. Ang likas ay yaman at ang yaman
ay likas. Sabi nga, “Tao ang sumira sa kalikasan, tao rin ang
tutulong at muling magbabalik sa dating sigla at ganda ng
kalikasan.
Kung ang pag-ibig ay pagmamahal, gayundin sa kalikasan
na dapat mahalin at pagyamaning kusa. Dahil ito lamang ang
tanging sangkap sa pag-usbong ng ating ikabubuhay.
Tunay nga na mahiwaga ang kalikasan sa pagpapaunlad
ng wika, dahil sa pagdaan ng panahon mas lalo pang
napapatunayan na ang wika ay may marami pang nananatiling
lihim ayon sa pagkakagamit nito sa isang patalastasan o sa
usapan man.
Noong hindi pa nasasakop ang Pilipinas, may sarili na
itong wikang ginagamit, mga wikang katutubo na lumaganap sa
buong kapuluan ng Pilipinas at naging isang maunlad na bayan
dahil na rin sa tulong ng mga wika na napagsasalinsalin sa iba’t-
ibang paraan ng pananalita o gamit nito sa mga paksang pinag-
uusapan.
Ang wika ang buhay ng bawat tao. Kung hindi dahil sa
wika, ang mga tao ay walang pagkakaisa at pagkakaunawaan.
Sa pamamagitan ng wika mas malaya nating naipaparating sa
ibang tao ang naisasaloob natin at kung ano ang nais nating
ipaalam. Ang wika ay sangkap sa kapayapaan, dahil ito ang
nagtataguyod sa ating pagkamakalikasan at pananalig na
magkaroon ng katahimikan sa lugar na ating ginagalawan.
Dahil sa karunungan na taglay ng tao ay unti-unti niyang
natutuklasan ang mga makabagong pamamaraan sa paggamit
ng wika. Mula sa maliit na detalye ng paggamit ng wika ay
nagkaroon ng pagpapalawak ng gamit nito, dahil sa patuloy na
pagtutuklas ng mga tao kung paano, sa anong pamamaraan at
kailan ginagamit ang wika. Batay sa mga pag-aaral, ang wika
ang pangunahing kasangkapan sa pagpapalaganap ng
kaunlaran at karunungan.
Mahalaga ang wika sa bawat isa sa atin. Dito nahuhubog
ang tunay na kakayahan ng isang tao. Sa malao’t madali, ang
wika ang tanging yaman na dapat ingatan at pagyabungin pa sa
paglipas ng panahon. Sa wika makikita ang kagandahan at
kariktan ng isang bagay. Maaaring maging daan ang wika sa
maayos at magandang pakikipagkomunikasyon sa iba’t-ibang
panig ng Daigdig. Ito ang nagbibigay karangalan sa isang tao na
may pagpapahalaga sa wika, damdamin ng ibang tao at
kakayahang makibagay sa ibang mga tao sa napapaligid sa atin.
Kapakinabangan ang wika lalo na dito sa ating bansa. Nakikilala
sa pagkakaroon ng maraming katutubong wika. Dahil dito,
nagkakaroon din ng sariling wikang pambansa ang Pilipinas,
dahil kung hindi mangyayari iyon, hindi magkakaintindihan ang
mga taong naninirahan sa isang lugar.
Mahalagang mabigyan ng pansin ang Wika. Dahil kung
ito’y hindi mapapag-aralang mabuti, papaano na ang bansang
Pilipinas na ating ipinagmamalaki sa buong Daigdig? Matatawag
pa kaya itong tunay na likha ng Poong-Maykapal, na kung saan
lahat ng mga magagandang tanawin ay sadyang iniukit para sa
katanyagan ng Pilipinas.
Ang kalikasan ay maihahalintulad sa wika. Kung hindi
iingatan at hindi papayabungin ay masisira at mawawalang
saysay. Hindi ito maaaring mapakinabangan ng maraming tao
kung ito’y pinapabayaan at isinasawalang-bahala. Mahalagang
pagkaingatan ang kalikasan, dahil ito ang nagsisilbing tanglaw
natin sa ating magiging kinabukasan o hinaharap sa buhay.
Kung magiging realidad ng ating buhay ay wasak, walang
pakialam sa damdamin ng ibang tao at walang pakundangang
pagkasira ng ating kalikasan. Ang yaman ng isang bansa ay
makikita sa mga yamang likas na ito.
Kaagapay ng wika ang pag-iingat sa kalikasan. Sa
pamamagitan ng wika, nagkakaroon ng pagbabago sa kalikasan.
Napahuhusay nito ang kakayahan at abilidad ng tao na
umagapay sa kaunlaran ng bayan. Wika, nagbibigay
pagpapahalaga sa tunay na kariktan ng mga bagay-bagay na
makikita sa paligid.
Ang wika ay parang pagmamahal, na kung minsan ay
masarap at kung minsan nama’y masalimuot. Hayaan mong
isipan mo ang gamitin sa pagpapalago ng wika, kaysa sa ang
hayaan mo na wika ang pumailanlan sa iyo at magdikta.
Mahalaga sa wika ang naiintindihan at madaling maunawaan.
Sa paggamit ng wika, malaya nating naipapahiwatig at
naipadadama ang tunay na ibig nating sabihin. Ang wika ang
naghahango sa tao na makamtan ang tagumpay na hinahangad.
Ito ay sumasalamin sa bawat diwa ng tao sa tuwing sya’y
makikipag-usap.
Pagkumparahin natin ang dalawa: ang Wika at Kalikasan.
Sa wika ay sumasalamin sa tunay na nayayanig at silakbo ng
damdamin. Dito napapatunayan ang pormulasyon ng dayalekto
at salita. Sa bawat nasasambit, iba’t-ibang wika ang kanilang
ginagamit. Mayroong Espanyol, Koreano, Tsino, Ingles, Latin,
Griyego, Afrikano, Italiano, Niponggo, Britanya at kung anu-ano
pa. Masasabi na sa bawat bansa na mayroong ganitong wika ay
mapatutunayan ang pagpapahalaga sa kanilang wika dahil
naipapakita ang tunay na diwa ng kanilang sangkap sa
pakikipagkomunikasyon. Sa bawat wikang kanilang ginagamit,
umuusbong ang lahi ng kanilang samahan dahil dito umiinog
ang kanilang pinagmulan.
Mula sa bayan ay nagkakaroon ng simpleng pamumuhay
gamit ang kanilang wika sa pakikipagkomunikasyon at
nagsisilibing tulay sa pag-unlad ng bayan. Sa bawat oras na
dumarating at lumilipas, sa bawat pangyayari na nagaganap at
sa bawat buhay na naiwawaglit, ang wika ay laging nandyan na
nakaagapay kung tayo may madarapa at malulugmok sa
karimlan.
Kaparis nito ang kalikasan, ang kalikasan ang lakas ng
sangkatauhan. Sapagkat dito tayo lahat kumukuha ng ating
ikabubuhay sa pang araw-araw na pamumuhay. Bukas palad na
isapuso at isaisip na ang pagtrato ng tama sa kalikasan ay
magdudulot ng kaginhawaan sa sanlibutan. “Bato-bato sa langit,
tamaan ay huwag magagalit”. Sa mga pilit na inaalipusta ang
pagtrato sa kalikasan at patuloy itong inaabuso, kaya’t ang ganti
ni “Inang-Kalikasan” ay pagkamuhi at bagsik sa atin.
Sinasalamin rito ang anyong likha ng Poong-Maykapal
para paunlarin sa pagkilos ng pag-ikot ng buhay sa
pakikipagsapalaran tungo sa maunlad na pamumuhay. Bagkus,
hindi lamang pangangalaga sa kalikasan ang dapat
pakatandaan, kalikasan mang ituring ngunit pagmamahal ng
tama sa kalikasan ang ituring dito.
Kung minsan, mapupuna sa kasalukuyang panahon na
walang pakialam kung ano na ba ang nangyayari sa lagay ng
kalikasan at pag-usbong ng wika. Dito naipapahayag ang tinik at
suliranin na napapaloob sa lipunang ginagalawan. Matapos
pakinabangan at pagkuhaan ng ikabubuhay ang kalikasan, pilit
ibinabalik naman ay pagkawalang saysay rito dahilan na rin sa
pagiging makasarili sa buhay. Hindi alintana ang iba pang
bagay na maaari pang maibahagi sa iba sa tunay na mga
nangangailangan.
Kung sa wika rin ang pag-uusapan sa lipunan, may mga
pagkakataong sagana sa kaunlaran ng pamumuhay ngunit hindi
wasto ang pagpapahalaga nila sa wika. Sa mga sitwasyong ito
ay maihahalintulad sa mga taong iginagapang ang salita ng
pabalang at pagbagsak na napapatungkol sa pagbatikos ng
wika. Wikang kinagawian ngunit kinahihiya dahil mas nanaisin
ang ganda ng ibang wika kaysa sa sariling pagkagawi. Ito ay
maikukumpara sa walang moral na kaluluwa.
Puso sa puso, ngipin sa ngipin, utak sa utak, mata sa
mata.! Hayaang pagkrusin ang landas ng kalikasan sa pagsabay
sa pag-angat ng wika. Bubungkalin ang napagpasyahang
desisyon sa pangangalaga ng kalikasan. Tatawaging isang
mabisang solusyon sa naghihikahos na Kalikasan. Pero paano
nga ba maisasagawa ang mga ito? Sa mga desisyong
napagpasyahan, mismo sa ating mga sarili magmumula ang
pagbabago dahil sa simpleng pagtulong sa ating mga sarili ay
napalalawig ang signos ng kapalaran sa buhay na magdadala sa
payapang pamamaraan. Tulad sa wikang pinapaunlad at
pinagbubuti, ito’y isa rin sa mahalagang sangkap na ating
damhin at lamunin sa ating mga isipan. Kung ang wika nila ay
iba sa iyo, bigyan mo ng pagpapahalaga at respeto ang kanilang
wika tanda ng paggalang rin sa iyong wika. Unawain ang
nasasambit sa kanilang uhaw na labi sa kinauukulan na dapat
bigyang importansya at sagot sa pag-iintindi sa kung anong
meron ang ibang wika nila sa ibang wika mo. Parang isang pipi
na pinagkaitan ng pakikipagkomunikasyon sa iba, kung ano ang
ginagawa nila at nasasambit, unawain at huwag bigyang malisya
at pintas dahil iyon lamang ang tanda ng kanilang
pagkakaunawaan.
Ngunit sa mga salaysay na pagkakalahad dito, paano nga
ba mapangangalagaan ng tunay at wagas na dapat ay
kailangang pahalagahan ang wika at ang kalikasan? Mula noon
hanggang ngayon, maituturing na isang buhay ang wika at
kalikasan, dahil ito’y nilikha ng Poong-Maykapal gaya ng
pagmamahal nya sa sanlibutan.
Pagmasdan at pakapurihin. Wika at Kalikasan, sabay na
pauunlarin? Di bat kaysarap pakinggan ang ganitong
pagpapahiwatig sa atin dahil mismo ang dalawang ito ang
pangunahing sangkap sa ating buhay. Kung walang wika, paano
tayo magkakaunawaan at kung wala namang kalikasan, ano ang
magsisilibing buhay natin sa pang araw-araw. Talaga namang
magkahambing at pantay ang pagpapahalaga sa wika at
kalikasan dahil nasusukat ang kaangkinang lakas sa masalimuot
na kaganapan. Kaganapang maghahatid sa atin sa matiwasay na
buhay. Nagbubunsod ng matibay na paniniwala na kayang
pagsabayin na walang pag-iimbot at walang sagabal sa
pagpapakahulugan ng tamang pangagalaga sa Wika at
Kalikasan ng bansa tungo sa Wagas na pagmamahal saan mang
panig ng isang wikang kaparis ng kalikasan.