55
Pagsasalin ng Dula bilang Gawaing Pampanitikan Vlad Gonzales Abstrak Ibinabahagi sa maikling papel ang mga negosasyong isinasagawa ng isang manunulat kapag nagsasalin siya ng dulang pang-entablado. May pagsasaalang-alang sa konsepto ng skopos na nakaangkla sa layunin ng pagsasalin at tagasalin, at ng poetics na may pagtatangi naman sa mga kumbensyon sa anyo at sa nakikitang papel ng isang tekstong itinatrato bilang panitikan. Ibibigay ng may-akda ang mga danas sa pagsasalin sa organisasyong UP Dulaang Laboratoryo bilang halimbawang nakabase sa UP Diliman, at ang Teatro La Salliana para sa halimbawa ng institusyong akademiko bukod sa UP.

panitikan.ph€¦  · Web viewIbibigay ng may-akda ang mga danas sa pagsasalin sa organisasyong . UP Dulaang Laboratoryo. bilang halimbawang nakabase sa UP Diliman, at ang . Teatro

  • Upload
    others

  • View
    4

  • Download
    1

Embed Size (px)

Citation preview

32

Pagsasalin ng Dula bilang Gawaing Pampanitikan

Vlad Gonzales

Abstrak

Ibinabahagi sa maikling papel ang mga negosasyong isinasagawa ng isang manunulat kapag nagsasalin siya ng dulang pang-entablado. May pagsasaalang-alang sa konsepto ng skopos na nakaangkla sa layunin ng pagsasalin at tagasalin, at ng poetics na may pagtatangi naman sa mga kumbensyon sa anyo at sa nakikitang papel ng isang tekstong itinatrato bilang panitikan. Ibibigay ng may-akda ang mga danas sa pagsasalin sa organisasyong UP Dulaang Laboratoryo bilang halimbawang nakabase sa UP Diliman, at ang Teatro La Salliana para sa halimbawa ng institusyong akademiko bukod sa UP.

Teatro, Pagsasalin, Adaptasyon

Lagi kong sinasabing ang pagsusulat para sa teatro ay isang di-planadong direksyon sa aking pagiging manunulat. Isang masayang serye ng mga pagkakataong naghatid sa akin mula sa pagtatatak sa sarili bilang manunulat ng mga orihinal na akda patungong manunulat at tagasalin.

Simula 2010, nagkaroon ako ng pakikisangkot sa ilang mga produksyon ng Dulaang UP, ang opisyal na grupong panteatro ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nag-ugat ang pakikisangkot mula sa pakikipagtrabaho ko kay Prop. Dexter M. Santos para sa iba-ibang kultural na pagtatanghal sa UP Diliman, mga palabas gaya ng UP Centennial Kickoff Program noong 2008 at ang dating taunang Hagikhikan o ang UP Diliman Faculty Follies. Mula dito, naiimbitahan ako ni Santos na sumilip-silip sa ilang produksyon ng DUP at tumulong sa magkakaibang mga maliit na gawain. Naging tagabantay at tagawasto ako sa bigkas at gamit ng mga salita sa restaging ng Orosman at Zafira noong 2010. Nabigyan din ako ng pagkakataong magsulat ng orihinal na maikling piyesa o vignette para sa dulang Rizal X noong 2011. Sa ganitong mga gawain umusbong ang aking interes sa pagsusulat at pakikilahok sa mundo ng teatro.

Noong Disyembre 2011, sa rekomendasyon pa rin ni Santos, sumangguni sa akin ang mga mag-aaral na sina Stephen Viñas at Edzfar Allen Diansuy upang magpasalin ng dulang The Dumb Waiter ni Harold Pinter. Ang dulang ipinapasalin ay bahagi ng kahingian sa Theatre 198 nina Viñas at Diansuy, ang special project na katumbas ng tesis sa programang Sertipiko sa Sining Panteatro. Si Santos naman ang kanilang gurong tagapayo para sa proyekto. Itatanghal ang proyekto sa ilalim ng organisasyong UP Dulaang Laboratoryo, ang organisasyong nakapaloob sa Dulaang UP na nakatutok sa mga produksyong nilikha ng mga mag-aaral sa Sining Panteatro.

Hindi The Dumb Waiter ang una kong karanasan sa kinomisyong pagsasalin ng dula. Noong 2009, kinausap ako ng direktor at kaibigang si Geofferson Ting para sa para sa pagsasa-Filipino ng Electra ni Euripides upang maitanghalng organisasyong Art Theatre Clinique ng Far Eastern University. Pakiramdam ko’y opisyal ito dahil nagtakda kami ng pulong para ibigay ang kopya ng dula at pagkasunduan ang deadline ng pagbibigay ng salin at iba pang kaugnay na usapin. Dito sa unang opisyal na pagsubok bilang tagasalin para sa isang campus-based na organisasyong panteatro, nagkaroon ako ng mga tanong at isyung maaaring dulot ng aking kawalan ng kahandaan at pati na rin ng mababaw na oryentasyon tungkol sa pagsasalin. Kailangan bang gawing madulas sa pananalita at pandinig na Filipino? Paano tutumbasan ang mga partikular na salitang walang direktang salin? Maaari ba akong magdagdag ng mga bagong linya at eksena, at maaari rin ba akong magtanggal ng mga bahaging hindi ko gusto? Sa mga nasabing tanong, pinili ko bilang tugon noon ang gumawa ng saling malapit sa literal, ang pinakamatapat sa pagkakaunawa ko ng “matapat” sa panahong iyon. Hindi binabago ang mga lugar, tauhan at sitwasyon, pero ginawan ng paraan para maging madulas ang paggamit ng Filipino nang may paggalang sa makalumang pakiramdam ng wika sa orihinal.

Isinumite ko kay Ting ang draft ng dula at hinayaan silang maghanda sa pagtatanghal nang hindi ako kasama. Sa aking isip noon, sapat na ang maisulat ang salin. Sapat na rin ang isang draft, dahil base naman iyon sa orihinal at walang naging malaking dagdag o bawas. Malayo sa Diliman ang lokasyon ng FEU, mahirap bumiyahe, sabagay ay kilala ko naman ang direktor at sa tantya ko’y kaya naman niyang diskartehan ang lahat-lahat. Natatandaan kong nakadaan lamang ako sa isang gabi ng rehearsal, sa gabing walang aktuwal na rehearsal na magaganap kundi pagbantay lamang sa mga teknikal na kahingian ng produksyon. Ang sunod ko nang punta ay doon sa gabi ng mismong pagtatanghal. Marami na akong hindi matandaan sa isinagawang proyekto, pero natatandaan kong kinilig ako sa sandaling napabuntung-hininga ang mga manonood noong sinabi ng tauhang si Orestes ang linyang “Ano ba ang pinakaangkop na paraan na pagpatay sa isang nanay?” May positibong dating sa akin ang agarang reaksyong nakukuha mula sa mga tagapanood ng dula.

Dahil siguro sa positibong karanasan sa Electra, maging sa akumulasyon ng mga karanasan para sa iba-ibang klase ng pagtatanghal, baka iyon ang mga dahilan kung bakit naging mas aktibo ang aking pakikilahok sa pagsasaentablado ng dula nina Viñas at Diansuy. Madulas ang wika ni Pinter, may dating sa akin ang mga patlang na namamagitan sa bawat maiksing linyang sinasabi ng mga tauhan. Ngunit nagkaroon ako ng problema sa mga bahaging may kaugnayan sa dayuhang laro gaya ng mga termino para sa football. Noong isinasalin ko ang dula, wala akong kahandaan para maghanap ng angkop na pangtumbas para sa mga terminong may kaugnayan sa dayuhang laro. Walang kahandaan at wala na ring panahon dahil isang buwan lamang ang inilaan ko para sa pagsasalin ng proyekto. Muling sumulpot sa isip ang mga tanong na lumitaw sa isip ko noong una akong nagsalin ng dula. Sa pagkakataong iyon, imbes na gumawa ako ng isang “matapat” na salin, napagdesisyunan kong gumawa ng adaptasyong tumatalakay sa enforced disappearances sa Pilipinas, nang may dagdag na detalye tungkol sa mga video game, habang pinapanatili ang mga orihinal na tauhan at banghay ng dula. Praktikal ang pangunahing dahilan ko sa pagpili sa adaptasyon—may mga salita at sitwasyong hindi ko kayang hanapan ng direktang katumbas, at sa aking pagtataya’y magiging hindi madulas ang pananalita ng mga tauhan kapag pinilit ko ang ganoong direksyon. Pangalawang dahilan sa desisyon ang excitement na naramdaman ko noong naisipan kong ikabit ang lumang Family Computer game at ang Family Computer mismo bilang bahagi ng isang dula sa Filipino. May excitement dahil naisip kong nakakatuwang panooring mabuhay ang mga videogame sa harap ng entablado. Masayang nostalgia trip, at posibleng maging matagumpay din ang pagkakabit nito sa ideya ng mga taong pinaglalaho ng lipunan. Noong 2009 naman kasi’y nakalahok ako sa isang palihan para sa mga biktima ng enforced disappearances at summary execution. Naging malaki ang tatak sa akin ng karanasan mula sa mga kamag-anak at mismong biktimang nakalahok sa palihan, kaya naman naging excited ako noong nakaisip ng paraang isingit ang sariling mga hilig at adbokasiya sa isang proyekto ng pagsasalin. Sa totoo lang, kahit ang cake ng Mer-Nel’s sa Laguna, isang detalyeng mas personal kesa akademiko o pulitikal ang pinaghuhugutan, ay naisama ko sa ginawang adaptasyon. Subok lang, baka pumasa sa mga gurong tagapayo. Inaprubahan naman ni Santos ang draft. Si Ting ang naging direktor, at bukod sa ilang mga rebisyon sa proseso ng rehearsal, halos walang nabago sa bersyong ito ng The Dumb Waiter. Pinamagatan kong Elevator Action ang aking adaptasyon, halaw sa videogame na may kaparehong pangalan. Sa aking isip, “adaptasyon” siya dahil malayo sa orihinal.

Naitanghal noong 31 Mayo hanggang 2 Hunyo 2012 ang Elevator Action, ang bersyon ni Pinter na gumagamit ng mga pamilyar na lugar sa Laguna at Bulacan, may pagtalakay sa mga balitang sa Pilipinas naranasan, at gumagamit ng Filipinong nauunawaan at may aliw sa mga batang manonood. Sa pagitan ng mga eksenang hinugot kay Pinter, may pagsisingit ng mga bagong eksena—mga piraso ng pagtatanghal ng iba-ibang laro sa Familiy Computer. Sa tantiya ko, positibo ang reaksyon ng mga nakanood. Nasuportahan pa ito ng ilang mga mensahe ng suporta mula sa mga kaibigan at katrabaho, kasama na rin ang mangilan-ngilang online review. Halimbawa nito ang isinagawang review ni Joanna Lerio, isang estudyante ng MA Theatre Arts sa UP Diliman:

Sa totoong buhay, bawat laro ay pagsubok. Gayun din naman sa computer game at tumitindi ang mga balakid at pagsubok habang nakakaani ka ng kapangyarihan at points sa bawat target na nasisipa mo, nasusuntok mo, nababaril mo, napapasabog mo at napapalusaw o napapa-disappear mo sa screen. Mapapa-engganyo ka sa dahas dahil ang cute-cute lang tingnan ng kalaban o kaya’y ang tatanga-tanga nila’t ang sarap-sarap pagbabarilin o pasabugin at ikalat ang bituka, mata at dugo sa screen.

Ang kaibahan lamang sa tunay na buhay, kapag may natamaan, hindi siya animation o graphics na maaaring mabuhay muli sa isang reset kundi siya ay isang totoong tao na maaaring sa isang tagos ng bala sa dibdib ay deklaradong dead-on-arrival sa PGH: hindi na naghihingalo, wala nang tibok ang pulso, patay na siya at ang kanyang katawang-tao ay talagang patay na magpakailanpaman. Walang reset. Walang extra life. Ayon nga sa tagline ng dulang Elevator Action sa panulat ni Vlad Gonzales at halaw sa The Dumb Waiter ni Harold Pinter.

Nagsimula ang lahat sa simpleng interes sa teatro, sa pagkakakilala sa mga direktor sa teatro dahil sa committee work para sa unibersidad, sa pagsubok ng mga atake at paksang tinangkang ilusot dahil sa mga sariling limitasyon sa kakayahan at sariling kulit na maggiit ng adbokasiya at iba pang mga pansariling pagkiling. Baka tsamba, lalo’t ang pag-uumpisa sa teatro ay kaakibat ng suporta mula sa mga manggagawang panteatrong nagkataong mga kaibigan ko rin. Isang magandang simula. Anuman ang dahilan, nakuha ng teatro ang pagtatangi ko. Sabi nga ng isa pang kaibigang guro mula sa Departmento of Speech Communication and Theater Arts sa UP Diliman, “sabi sa iyo, maaadik ka.”

Hindi Laro-laro

4 Marso 2013 naman ako nagsumite ng draft ng Pitong Patibong, isang pagtatangkang humalaw ng isang piyesa mula sa dulang The Seven Deadly Sins of the Petty Bourgeoisie ni Bertolt Brecht. Nakausap ako nina Francelle Fetalvero at Marynor Madamesila, mga estudyante rin ng Sertipiko sa Sining Panteatro, isang buwan ang nakaraan upang tulungan silang gumawa ng salin para sa kanilang Theatre 198. Sa pagkakataong ito, ang kanilang gurong tagapayo ay si Prop. Jose Estrella, isang direktor na hindi ko pa nakakatrabaho noon at hindi rin personal na kilala. “Kailangang magpa-impress,” iyon siguro ang naisip ko dati. Bagong katrabaho kasi, kailangang maipakita na dapat akong pagkatiwalaan. Ibinalita rin sa akin nina Fetalvero at Madamesila na inatasan ni Estrella na maging direktor si G. Ed Lacson, Jr., na kilala ko lang din dahil alam kong naging assistant director siya sa isang dula ni Estrella. Pareho ko silang hindi pa nakakatrabaho, kaya naging proseso din ng pagkapa at pagsubok ng mga atake ang pagtatangkang isalin ang dula ni Brecht.

Sa inisyal na plano, isang malawakang pagpuna sa magkakaibang sining ang naisip kong bersyon ng pitong kasalanan ng mga petiburges. Ang paglalakbay ng mga tauhan sa aking bersyon ay paglalakbay din mula sa mga gusali ng Cultural Center of the Philippines hanggang sa mga studio ng variety show ni Willie Revillame. Natatandaan kong ipinabasa ko ito sa dalawang mag-aaral at pati kay Lacson. Nagkaroon kami ng reading ng draft at nagbigay siya ng ilang mga komento. Natatandaan kong sinabi niyang gamitin ko ang paparating na holy week para pag-isipan ang mga rebisyon. Itinala ko ang mga komento at pinag-isipan ang mga rebisyon ng may pagsasaalang-alang din sa paalala ng dalawang estudyante na may mga kasanayan din silang nais nilang maitampok sa pagsasalin—kay Madamesila, ang kanyang kasanayan sa pagkanta, kay Fetalvero naman ang kasanayan sa pagsasayaw.

Kung ikukumpara sa Elevator Action, mas maraming hiniling na rebisyonang direktor ng produksyon para sa pagsasalin kay Brecht. Dulot siguro ito ng napakaraming paglihis ko sa tagpo, background, at mga sitwasyon mula sa orihinal. Naging mas galante ako sa paglalaro, paano’y nailusot ko nang maluwag na maluwag ang unang subok sa pagsasalin para sa UP Dulaang Laboratoryo. May pagkakataong ang hiling sa rebisyon ay dulot ng teknikal na pangangailangan—kailangan ng dagdag na mga linya para makapaghanda ang ibang artista sa kasunod na eksena. Habang may hiling sa dagdag, may ilang mga linyang ibinawas. Nagdagdag si Lacson ng isang eksenang may videoke na base sa kanta ni Sampaguita, na nagmula rin naman sa paglalagay ko sa mang-aawit na ito sa unang bahagi ng isinagawang salin. Mas litaw ang kolaboratibong katangian ng dula sa pagsasalin ng dula ni Brecht. At kahit may ilang hindi na makitaan ng pagka-Brecht ang salin, may nakapanood din ng dula na napahalagahan ang mensaheng nais itawid ng dula, malayo man ito o malapit sa orihinal na teksto:

Sa direksyon ni Ed Lacson, hindi opera-ballet (ballet chanté) ang pagtatanghal ng Dulaang UP Laboratoryo. Bagkus, ang mga karakter na Anna 1, Anna 2, Pamilya at Korus ay binigyang-buhay ng pag-arteng realistiko at animasyon, sayaw-aliw at awit-karaoke ng mga artistang-UP kabilang sina Virgilio Balanon, Greg de Leon, Erika Estacio, Teetin Villanueva, Christine Vinarao, Miguel Bongato, Cheska Cartativo, Arvy Dimaculangan at Ysmael Mendoza.

Sa unang sabak sa lungsod, ang dalawang probinsiyana ay naging manggagawang kontraktwal na tagapasinungaling ng mga produktong kapitalista sa ngalan ng kapital. Itinuring na unang patibong ang trabahong di desenteng magpasahod at di nag-uudyok ng kaunlaran sa kabuuan ng isang tao, isang realidad na nararanasan ng mga manggagawang Filipino. (Lerio)

Marso 2014 naman noong nilapitan ako ng panibagong set ng mga estudyanteng kumukuha ng Theatre 198. Itong set ng mga mag-aaral ay binubuo ng walong acting majors at ilan pang estudyanteng nasa teknikal na track mula sa Sertipiko sa Sining Panteatro. Sa ilalim muli ni Santos bilang tagapayo, hiniling nilang makapagsulat ako ng pagsasalin ng Trojan Women ni Euripides. Sa bersyong hinihiling nila, ang orihinal na anim na pangunahing tauhan ay dapat maging walong pangunahing tauhang sasakto sa walong estudyanteng aktor. Hanggang sa kasalukuyan, masasabi kong ang hamong ito ang pinakamapanghamong hamon para sa akin bilang tagasalin ng dula. Ang naisip kong solusyon ay umimbento ng panibagong kuwento, na bahagya na lamang ang paghalaw sa istruktura at nilalaman ng orihinal. Dito nag-umpisa ang proseso ng pagbuo at pagbuno sa dulang Mal.

Halaw ang Mal sa ideya ng malware o malicious software, at may inspirasyon mula sa kultura ng pagtambak at pagbura ng impormasyon sa panahon ng Internet. Digmaang birtuwal na itinatambal sa digmaang nangyayari sa pisikal na mundo. Digmaan ng alaala at pag-alala. Muli, tinangka kong ibalik ang paksa ng enforced disappearances, nang may mas matingkad na pagtukoy sa militar at estado bilang tagapagpalaganap ng dahas at paglimot. Isa sa maraming realisasyon ko sa pagbuo ng dulang ito ay ang realisasyong napakahalaga sa akin ang pagtatampok sa isyu ng mga pinaglalaho ng estado.

Bilang proyektong may pinakamalaking paglihis mula sa orihinal, paglihis na itinakda rin ng teknikal na pangangailangan ng mga mag-aaral, naging masalimuot ang proseso ng paglikha ng dula. Masalimuot dahil ayon nga kay Santos, sa esensya ay magtatanghal kami ng bagong trabaho. Hindi pa nasusubukan gaya ng Trojan Women na palagian nang nagagamit sa mga recital at pagtatanghal. Malaki ang tulong ng direktor na si Mara Paulina Marasigan sa pagsiguro na nauunawaan ng mga mag-aaral ang mga motibasyon at intensyon ng itinalaga sa kanilang mga papel at dayalogo. Gaya rin ng nangyari sa Pitong Patibong, nagkaroon din ng pangangailangan para magrebisa habang dumaraan ang teksto ng dula sa rehearsals. Ilan sa mga mahalagang rebisyong natatandaan ko ay ang hiling nina Santos at Marasigan na magdagdag ng mga eksenang may koro upang maipaalala sa mga manonood na nanggaling pa rin ito sa isang klasikong griyegong teksto, at ang pagpapaalalang kailangan ding magkaroon ng rurok o climactic na eksena ang dula, katulad sa daloy ng orihinal.

Bukod sa mga nabanggit, ang naging pinakamatingkad na paalala sa akin mula sa Mal ay ang sinabi nina Santos at Marasigan na anuman ang mangyari, ginagawa namin ang dula para itampok ang mga mag-aaral ng Sining Panteatro. Sila dapat ang maging bida sa palabas, ang mga estudyanteng magpapamalas ng kanilang mga natutuhang kaalaman at kasanayan mula kanilang pag-aaral sa ilalim ng kanilang programa. Naroon lamang kami upang tulungan silang maisakatuparan ito. Sa ganoong pagtingin, kahit paano’y naalog ang sarili ko. Isinaloob ko ang pananaw na hindi lamang sariling estetika at pulitika, hindi lang sariling trip ang nakasalalay. Hindi lamang ito tungkol sa tagasalin.

Skopos, Poetics, Patronage

Para kay Hans Vermeer, ang gawain ng pagsasalin ay isang pagkilos na nakabase sa isang source text o simulaang teksto, at ang bawat pagkilos patungo sa pagsasalin ng simulaang tekstong ito ay may partikular na “skopos” o layunin sa pagsasalin. Ang “translational action” na ito ang magdadala sa tagasalin sa kanyang target text o tunguhing teksto, na kakatawanin ng isang “translatum” o ang isinaling tekstong resulta ng layuning itinakda mula simulaan patungong tunguhing teksto. Ang skopos ng gawaing salin maging ang inaasahang magiging anyo ng pagsasalin ay dumadaan sa negosasyon sa pagitan ng tagasalin at ng isang “kliyenteng” nagkokomisyon ng gawaing saling ito (221).

Sa teorya ng skopos ni Vermeer, may mataas na pagtingin sa tagasalin:

The translator is “the” expert in translational action. He is responsible for the performance of the commissioned task, for the final translation. (222)

As regards the translator himself: experts are called upon in a given situation because they are needed and because they are regarded as experts. It is usually assumed, reasonably enough, that such people “know what it’s all about”; they are thus consulted and their views listened to. Being experts, they are trusted to know more about their particular field than outsiders. (222)

May pagdidiin din ang teorya ng skopos kaugnay sa papel ng transcoding—o ang “replacement of SL units (at the level of word, phrase of clause) with equivalent units in the TL (Palumbo 121)—sa proseso ng gawaing salin. Ang translatum ayon sa teorya ng skopos, sa maraming pagkakataon (bagaman hindi sa lahat ng pagkakataon), ay hindi makukuha mula sa simpleng transcoding ng simulaang tekstong nakasulat sa source language o simulaang lenggwahe. May pagkakataong ang tunguhing kultura ng translatum ay lumilihis sa simulaang kultura, lalo’t may mga pagkakataong ang simulaang teksto ay may taglay na kultura, mga pananda at oryentasyong naiiba sa kultura, mga pananda, at oryentasyon ng tunguhing teksto at ng translatum (222-223). May mga pagkakataong itatakda ng skopos na gumawa ng transcoding ng simulaang teksto, at kailangang isagawa ng tagasalin ang pagtatapat ng salin sa istruktura at kulturang mas malapit sa orihinal na teksto. Maaaring itakda ng skopos na gayahin ang eksaktong pagkakasunud-sunod ng mga linggwistikong unit mula sa orihinal, o anumang pagtutumbas sa istruktura na mas nalalapit sa orihinal na istruktura ng simulaang teksto. Sa teorya ng skopos, malaya itong gawin basta malay ang tagasalin sa layunin ng gawaing salin, at ano ang magiging implikasyon ng mga ilalapat na limitasyon sa magiging translatum (223).

Maaaring ilapat ang skopos sa tatlong paraan at maaaring tumukoy sa tatlong senses o saysay nito: 1. translation process o proseso ng pagsasalin, na magtatakda ng layunin ng proseso; 2. translation result o resulta ng pagsasalin, ang magtatakda ng silbi ng translatum; 3. translation mode o moda ng pagsasalin, na magtatakda ng intensyon ng modang gagamitin (224). Kung ilalapat sa aking proyekto, halimbawa, maaaring suriin ang skopos sa proseso ng pagsasalin ng mga dula para sa UP Dulaang Laboratoryo, na tutukoy sa mga layunin ng organisasyon na kailangang katawanin ng gagawing pagsasalin. Maaaring dito iuugat ang mga kaalaman at kasanayang dapat nang natutuhan ng mga mag-aaral, at dapat na maipakita sa kanilang mga pagtatanghal. Kung translatum naman ang tutok ng skopos, mas pragmatikong detalye ang hahanapin bagaman maaari pa ring iugat sa proseso. Ano ang silbi ng pagtatanghal ng dula? Sa konteksto ng special project o thesis, nagsisilbi ang salin ng dula bilang susi para makapagtapos ang mga mag-aaral ng kanilang programang sertipiko o batsilyer. Sa usapin ng moda, maaaring negosasyon na ito sa pagitan ng nagkomisyong institusyon at ng kinomisyong pagsasalin. Anuman ang kalabasang anyo at nilalaman ng translatum, inaasahang naging bunga na ito ng negosasyon ng mga naging kalahok sa pagbuo ng dula—ang mga gurong tagapayo, ang mga mag-aaral, ang mga propesyunal na manggagawang panteatrong kinomisyon din kasama ng tagasalin, ang tagasalin mismo. Ang iba-ibang antas ng negosasyon sa pagtatakda ng skopos ang magiging tagapagtakda ng lapit o layo ng translatum sa tekstong pinagmulan nito.

Kay Vermeer, ang pagsasaalang-alang sa skopos ng isang gawaing salin ang magsisiguro na ang anumang kinomisyong salin ay magluluwal ng “optimal” na translatum (230). Kinakailangan ng malinaw na pag-uusap sa pagitan ng tagasalin at ng nagkokomisyon ng salin tungkol sa mga layunin at tunguhin ng gawaing salin. Kinakailangang maging hayag ang nagkomisyon at ang tagasalin sa lahat ng kinakailangang detalye upang maitawid nang matagumpay ang layunin at silbi ng gawaing salin. May kahalagahan ang simulaang teksto, dahil walang translatum kung walang tekstong isasalin, pero hindi ito ang magtatakda sa direksyon ng salin (230). At bukod sa mga nabanggit na, makatwirang teorya sa pagsasalin ang teorya ng skopos dahil naglalagay ito ng malaking pagtitiwala sa papel ng tagasalin sa pagkumpleto ng proseso:

If a commission cannot be realized, or at least not optimally, because the client is not familiar with the conditions of the target culture, or does not accept them, the competent translator (as an expert in inter cultural action, since translational action is a particular kind of intercultural action) must enter into negotiations with the client in order to establish what kind of “optimal” translation can be guaranteed under the circumstances. (Vermeer 230)

Skopos ang magtatakda sa magiging anyo at nilalaman ng translatum. Sa isang kinomisyong proyekto, napakahalaga ng hayagan at malinaw na pagtatakda ng mga layunin ng pagsasalin at ang negosasyon sa mga parametrong kailangang tugunan para maabot ang pinakaangkop na translatum nang naaayon sa skopos. May pagkiling sa tunguhing kultura ang teoryang ito, dahil sa pagsasaalang-alang sa ano ang layunin at silbi ng translatum ay nagiging mas mabigat ang pagtampok sa mga posibilidad ng tunguhing teksto, pero hindi palaging ganito ang kaso. Kung itatakda ng nagkomisyon ang skopos na mas malapit sa simulaang lenggwahe at kultura, kung nailinaw sa negosasyon ng nagkomisyon at tagasalin kung para saan ang nasabing direksyon, kailangang isagawa ito ng tagasalin sa abot ng makakaya niya (230-231).

Kung iuugnay sa teorya ng systems ang teorya ng skopos, nagiging mas masalimuot bagaman mas malaman ang diskusyon. Ginagamit ni Andre Lefevere, halimbawa, ang ideya ng mga system bilang ang pagsasala-salabat ng mga elementong may magkakaugnay at magkakabahaging katangiang nagbibigay sa kanila ng identidad na hiwalay sa iba pang system (12). Kung ilalapat sa panitikan, pwedeng isiping ang pagsusulat ng mga tula, kuwento at dula ay isang grupo ng mga system na nakapaloob sa mas malaking set ng mga system na kinikilala natin bilang kultura, habang gumagalaw naman ang kultura sa kaligiran ng lipunan nito (14). Kay Lefevere, ang panitikan ay kombinasyon ng nabubuong teksto at ang mga taong nagbabasa, nagsusulat, at muling sumusulat nito (12). “Contrived” ang literary system para kay Lefevere, may ideya ng pagiging non-neutral pagkat hindi umiiral ang isang teksto nang mag-isa. May panahon at sitwasyon itong pinanggagalingan, at hindi ito umiiral nang walang umiiral ding pagtatangkang basahin ang mga kahulugan nito at himay-himayin, patungo sa isang panibagong anyo ng pagsusulat (12).

Tulad sa teorya ng skopos ni Vermeer, kinikilala rin ni Lefevere ang tagasalin bilang isang eksperto sa kanyang larangan. Kay Lefevere, ang tagasalin ay “usually meticulous, hard working, well-read, and as honest as humanly possible” (13). Kumikilos ang manunulat na nagsasalin nang may pagtatangi na makaambag sa ebolusyon ng kanyang kultura (13), at para magawa ito ay kailangan niyang itrato ang panitikang isasalin bilang isang system na may magkakaibang limitasyon o “constraint” (12). May mga magsasalin nang may paggalang sa pinagmulang teksto, kaya susunod siya ayon sa itinakdang mga constraint. Sa ilang pagkakataon, maaaring kumilos ng labas sa constraints ng nasabing system:

For instance, by reading works of literature in other than the received ways, by writing works of literature in ways that differ from those prescribed or deemed acceptable in a particular time and a particular place, or by rewriting works of literature in such a manner that they do not fit in with the dominant poetics or ideology of a given time and place. (Lefevere 13)

Ang tinutukoy na poetics ay may dalawang bahagi: ang isa ay may patungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa anyo ng teksto—literary devices, genres, motifs, mga sitwasyon at simbolo; ang pangalawa ay ang pagtukoy na sa papel ng panitikan, o kung ano dapat maging ang panitikan, sa loob ng isang sistemang panlipunan (Lefevere 27). Sa kaso ng pagsasalin, interesante ang poetics pagkat may posibilidad na ang pananaw ng manunulat sa pinagmulang teksto tungkol sa papel ng panitikan sa kultura at lipunan ay maiba sa intensyon at pananaw ng nagsasalin sa nakaplano niyang papel ng isasaling teksto sa kanyang sariling kultura. Maaari ring humarap ang isang tagasalin sa mga hamon dulot ng pagkakaiba sa wika, mga atake sa pagsulat ng panitikan, at pagkakaiba-iba sa simbolismo ng pinanggalingan at pagsasalinang teksto. At gaya na rin ng nasabi sa umpisa, ang literary system ay isang masalimuot na sistemang umiiral sa loob ng iba pang sistema sa lipunan, na may posibleng impluwensya sa direksyon ng magiging salin.

Dito pumapasok ang diskusyon ng “patronage” ni Lefevere. Ang patronage ang mga tao, grupo o institusyong may kapasidad na isulong o kitlin ang pagbasa, pagsulat at muling pagsulat ng panitikan (Lefevere 15). Maaaring may mga isinusulong na agenda ang tagasalin (kasama ang mga manunulat, kritiko, at iba pang nasa linya ng produksyon ng kultura) ngunit may mga patrong may access sa mga malaking institusyon—media, simbahan, edukasyon—na may isinaalang-alang na ugnayan ng panitikan sa iba pang mga sistema sa lipunan, kaya may tendensiyang isailalim ang pagsasalin sa mga regulasyong itataya ng mga patron bilang naaayon sa kanilang ideolohiya. May pagbasa si Lefevere na ang tagasalin bilang propesyunal na kinomisyon ng isang patron ay tumutugon sa panawagan ng mga patrong iayon ang sistemang ng panitikan sa kung ano ang ideolohiyang hindi nawawala sa linya ng patron (15-16).

Ang patronage ay may tatlong elementong nakikipagtalaban sa bawat isa sa magkakaibang mga kombinasyon. May ideolohikal na bahagi, na nakakaapekto hindi lamang sa mga pananaw kundi sa kalalabasang anyo at kumbensyon ng isasalin. May ekonomikong bahagi, pagkat sa isang propesyunal na ugnayan ay may kaukulang bayad para sa tagasalin. May status component din na ibinibigay ang pagpapatron, na nangangahulugang ang akto ng pagsasalin at iba pang anyo ng pagsulat/ muling pagsulat ay magbubukas ng paglalahok sa tagasalin sa isang grupo o institusyong may mataas na pagtatangi sa lipunan (Lefevere 16).

Ang Dulaang UP at Dulaang Laboratoryo

Sa disertasyong Dulaang UP (1976-2006): Theatre in the Academe in the Philippine Setting, sinipi ni Alexander C. Cortez ang depinisyon ng mga school-based theatre group mula sa CCP Encyclopedia of Philippine Art: may grupong academic o akademiko, na nangangahulugang may suportang pinansyal ng paaralang tinutuluyan ng grupo o/at may mga guro mula sa paaralang nangangasiwa sa pagpapatakbo ng mga pagtatanghal kasama ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng teatro; may grupong sociopolitical o sosyo-pulitikal na may pagkiling sa mabilisang pagtugon sa mga sitwasyong lokal o pambansa; may grupong general o panglahat, o ang grupong panteatrong bukas para sa lahat ng tatangkilik, na maaaring kaakibat din ng programang kurikular at maaari ding ihubog patungong grupong akademiko (79).

Sa pagtatasa ni Cortez sa kasaysayan ng Dulaang UP bilang grupo o organisasyong panteatro, nakita niyang ito ay kombinasyon ng akademiko at panglahat na anyo imbes na sosyo-pulitikal. Iniaangkla ni Cortez ang pagtatasa apat na susing elemento: 1. Ang bisyon ng isa sa mga tagapagpataguyod—si Mabesa—na nais magkaroon ng isang teatrong hindi nakasentro sa isang tao o tagapagtaguyod lamang; 2. Ang panawagang bumalik sa mga klasikong teksto “to balance the prevailing theme at that time which was the sociopolitical viewpoint;” 3. Ang pangangailangan ng Department of Speech Communication and Theatre Arts/DSCTA ng isang co-curricular theatre group; 4. Ang pangarap na makapagtanghal ng “quality theatre productions” sa loob at labas ng UP (79-80).

Bago maitatag ang DSCTA, sa Department of English itinuturo ang mga kursong may kaugnayan sa teatro, at ang pangunahing layunin ng mga kursong ito ay ang magturo ng Ingles sa mga estudyante ng UP. May panimulang mga kurso sa teatro simula pa noong 1915-1916, gaya ng English 12 (Development of English Drama) at English 13 (Shakespeare). Napormalisa ang pag-aaral sa teatro bilang espasyo ng kaalaman o pagkatuto, isang nakapag-iisang disiplina, noong 1930s sa kursong English 114 (Play Production). Pagdating ng 1935, nahati ang English 114 at nabuo ang mga kursong English 132 (Experimental Work in Stagecraft) at English 134 (Acting and Directing) (Legasto 264-265).

Nabuo ang Department of Speech and Drama noong 1959, at dahil dito’y binago ang mga pangalan ng mga kurso mula “English” patungong “Speech.” Isa sa mga unang nagturo sa departamentong ito si Amelia Lapeña, isang gurong nakapag-aral ng MA Theatre Arts sa Estados Unidos. Si Lapeña ang nagtatag ng kursong Speech 145 (Art History of Theatre). Idinagdag naman ang Speech 146 (Playwriting) sa kurikulum noong 1960s (Legasto 265). Bagaman may mga positibong pag-unlad patungo sa pag-aaral ng teatro bilang nagsasariling disiplina, para kay Bonifacio ay may dominasyon ang “speech” laban sa “drama” sa mga panimulang taon ng pagkakatatag ng departamento (Carbayas 148).

Sa inisyatiba ni Bonifacio simula pa noong 1960s, nagsimulang mahubog ang programa para sa batsilyer sa Sining Panteatro. Pumasok naman sa Department of Speech and Drama noong 1975 si Mabesa, at noong 1976 ay itinatag ang Dulaang UP, na may dalawang pangkalahatang layunin: magtanghal ng mga orihinal na dula at mga salin mula sa kalipunan ng “world’s dramatic literature,” at ipalaganap ang mga akdang pampanitikan hindi lamang sa komunidad ng Diliman kundi sa ibang mga mag-aaral at tagahanga ng teatro sa Pilipinas. Naglatag din si Mabesa ng mga tiyak na layunin ng organisasyon, na nakaangkla naman sa mga programang panteatro ng Department of Speech and Drama:

1. To produce and perform translations of world drama in order to supplement classroom situation.

2. To include a repertoire of original Filipino plays which can serve as models for budding playwrights.

3. To serve as training ground for students of the DSCTA enrolled in the Theatre program and other Theatre enthusiasts.

4. To expose the student body to a variety of styles in production by inviting theatre practitioners who have excelled in their respective fields, both here and abroad.

5. To bring choice productions to other schools outside Metro Manila by way of tours and lecture workshops. (Cortez 85)

Halos sabay na nabuo ang Dulaang UP at ang UP Dulaang Laboratoryo. Nag-ugat ang Dulaang UP sa pagtatanghal ng dulang Ang Tatlong Panahon ng Pag-ibig: Tag-sibol, Tag-araw at Tag-ulan ni Amelia Lapeña Bonifacio noong 28 Agosto 1975, at opisyal na ipinakilala ang organisasyon sa pagtatanghal ng salin ng Much Ado About Nothing ni Shakespeare noong 1976. Si Dr. Lilia F. Antonio ang nagsalin ng dula, at pinamagatan itong Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon, sa Simbahan din ang Tuloy. Ikalawang semestre naman ng akademikong taong 1975-1976 nabuo ang UP Dulaang Laboratoryo. Si Propesor Antonio Mabesa ang founding artistic director ng Dulaang UP at UP Dulaang Laboratoryo (Cortez 80-82).

Ang UP Dulaang Laboratoryo, sa bisyon ni Mabesa, ay nakalaan para sa mga mag-aaral ng teatro na nagnanais itampok ang kanilang natutunan nang hindi sumasabay sa mga propesyunal na artista ng Dulaang UP. Ayon sa tala ni Cortez, ang Dulaang Laboratoryo ay naglalayong maging “experimental theatre vehicle that would test the skills and knowledge of theatre students in the various productions of theatre production in a smaller scale.” (83)

Noong 1978 nabago ang pangalan ng Department of Speech and Drama patungong Department of Speech Communication and Theatre Arts. Sa taon ding ito opisyal na nabuo ang BA in Theatre Arts (85). Sa antas sertipiko at batsilyer, kinakailangang kumuha ng Theatre 198 (Special Project) o Theatre 200 (Undergraduate Thesis Production) upang makumpleto ang programa (285-286). Habang ginagamit ang pangalan at organisasyog UP Dulaang Laboratoryo para sa lahat ng produksyong isasagawa ng mga estudyante sa mga kurso sa kanilang programa, nagkakaroon ng karagdagang bigat ang mga produksyon ng UP Dulaang Laboratoryo para sa special project at tesis dahil ito ang magtatakda ng pagtatapos sa programa ng mga mag-aaral.

Pagsasalin, Teatro at Akademya

Sa akademikong institusyon, naitala bilang pangunahing tagapagtaguyod ng pagsasalin ng mga dula patungo sa Filipino si Rolando S. Tinio at ang Ateneo Experimental Theatre na naitatag noong 1969. Kahit sumusunod ang Ateneo de Manila University sa kolonyal na disenyo ng sistemang pang-edukasyon, nakapagpasimula pa rin ang Ateneo Experimental Theatre sa pagsasalin ng mga klasikong dulang dayuhan patungo sa Filipino (Cortez 49). Sa disertasyong Philippine contemporary theater, 1946-1985; (with special emphasis on theater in Manila) a materialist analysis, sinipi ni Priscelina Patajo Legasto ang realisasyon ni Tinio na “…(that) classics are still the best stage materials as long as they are translated into a language the audience is familiar with” (311). May mga limitasyong teknikal din ang mga gumaganap sa mga dulang nasa akademikong institusyon. Sinipi ni Doreen Fernandez ang pananaliksik ni Bienvenido Lumbera kaugnay ng kakayahan ng mga mag-aaral sa wikang Ingles. Ani Lumbera, may deteryorasyon sa kakahayan ng mga mag-aaral sa pagsasalita ng Ingles kaya naman hindi naging madali ang pagkuha ng mga aktor para sa mga dulang nasa dayuhang wikang ito. Ang teknikal na limitasyon ay nagkaroon din ng ideolohikal at kultural na dimensyon—ang paghahanap ng isang dulang may bakas ng pagka-Pilipino mula sa mga dulang may dayuhang pinagmulan. May realisasyon ang mga tagapagpaganap sa akademikong teatro—mga direktor, aktor at manonood—na ang kanilang kanluraning edukasyon din ang naghiwalay sa kanila sa mga umiiral na tradisyon ng dula bago ang pagpasok ng Ingles. Ang isang naging tugon dito ay ang pagsasalin at adaptasyon (Fernandez 106).

Maalab din ang mga dulang protesta simula noong 1960s na tumawid hanggang 1970s, at kalakhan ng mga mahalagang pagtatanghal ay naganap hindi sa loob ng akademya kundi sa labas ng mga paaralan at entablado. Nagtanghal ang mga grupong pangkultura gaya ng Kamanyang Players, Kalinangang Anak-Pawis, Panday-Sining, Gintong Silahis at Tanghalang Bayan, sa mga plaza, palengke, pabrika, at iba pang komunidad. Palagiang paksa sa mga pagtatanghal ang mga di-pagkakapantay-pantay sa lipunan, pyudalismo, korupsyon at imperyalismo (Fernandez 107). Ang UP Mobile Theater na itinatag ni Wilfrido Ma. Guerrero noong 1962—isa rin sa mga na mandudulang nagkaroon ng malaking ambag sa pagtatag ng Dulaang UP—ay naglakbay sa iba-ibang rural at urban poor communities kasama ng kanilang mga dula. Kabilang sa mga dulang itinampok ng grupo ang mga dulang isinulat ni Guerrero na nakasalin sa kumbersasyunal na Tagalog. Nakaikot din ang UP Mobile Theater sa mga komunidad sa Ilocos, Dumaguete, Iloilo at Roxas City (Legasto 320-321). Ang UP Repertory Company na itinatag ni Behn Cervantes noong 1968 ay nagsimula bilang isang tradisyunal na akademikong teatro, na naglalayong turuan ang mga mag-aaral sa UP ng mga batayang kaalaman tungkol sa mga batayang kaalaman sa drama sa pamamagitan ng taunang theater season at mga palihan. Noong idineklara ang Martial Law noong 1972, pansamantalang itinawalag ang grupo ngunit agad na nabuong muli at nagpasimulang magbigay ng karagdagang pokus sa mga dulang nakasulat sa Filipino. Bukod sa pagtatanghal sa loob ng unibersidad ng mga orihinal na dulang Filipino at mga salin mula ng lokal at dayuhang mandudula, nagtatanghal din ang UPRC sa mga lugar ng rally, sa kalye, at sa iba pang mga campus sa labas ng UP. Sumusunod ang UPRC sa kontekstong RPN—Repleksyon ng Pangangailangan ng Nakararami (Carbayas 88-89). Binabanggit ni Cortez ang UPRC bilang halimbawa ng sosyo-pulitikal na teatro, isang anyo ng teatrong iniaayon ang mga pagtatanghal sa takbo ng pulitikal na klima, at gaya ng nabanggit sa umpisa, ang panawagan ni Mabesa na bumalik sa mga klasikong teksto nang may pagdidiin sa pagsasalin nito sa Filipino ay pambalanse sa mga proyekto ng ibang grupo gaya ng UPRC na nakatutok sa sosyo-pulitikal na pagtatanghal. Nakikita ni Cortez na ang pagsasalin sa Filipino ng mga dulang klasiko ang isang ambag ng Dulang UP sa mga sosyo-pulitikal na pagkilos noong 1970s (80). Ang mga dulang naitatanghal sa dekadang ito ay hindi na nagdadala o nagsusulong ng dominanteng ideolohiya ng makapangyarihan. Ang mga dulang nakasulat sa Filipino o ang salin sa Filipino, lalo iyong mga hindi nakabase sa sentro, sa pangkalahatan, ay may agenda ng pagpapalaya (Legasto 317).

Mahalaga ang konteksto ng Dekada 70 sa pag-unawa sa mga layuning naiharap ng Dulaang UP at UP Dulaang Laboratoryo nang may kaugnayan sa pagsasalin. Sa mas malawakang iskema ng lipunan sa panahong iyon, pagsasalin ang tugon upang ilapit sa masa ang genre ng dula, isang genre na inilayo ng dayuhang edukasyon at wika. Isa itong paraan ng mga artista ng “testing the waters” sa hangganan ng kayang gawin sa teatro sa panahon ng bagong lipunan (Fernandez 108). Sa inisyal na basa, ganoon ang lumilitaw na skopos ng Dulaang UP at ng kaakibat nitong UP Dulaang Laboratoryo. Pero maaari rin itong himayin, maaari pang imbestigahan. Bakit kailangang ituring bilang pagbabalanse sa sosyo-pulitikal na tema ang pagsasalin ng mga klasikong dula? Ano ang mga posibleng ugat ng tila malay na paghiwalay sa isang mapangahas na kategorya ng teatro at pagsuot sa isang identidad na akademiko at panglahat, lalo sa konteksto ng Martial Law? Bakit ang mga naitaling pagsasaling may sosyo-pulitikal na adyenda ay naikakabit sa mga organisasyong lumalabas sa akademya? Anuman ang sagot, malinaw na ang akademya bilang espasyo, at ang teatrong iniluluwal ng espasyong ito, ay batbat na batbat sa mga constraint na pinalalaganap at pinananatili ng mga namamayaning kapangyarihan at patron.

Sa online na panayam kay Dexter M. Santos, na kasalukuyan ding Artistic Director ng Dulaang UP, sinabi niyang ginagabayan pa rin ang UP Dulaang Laboratoryo ng mga layuning itinakda ng DUP. Malawak ang saklaw ng mga produksyon ng UP Dulaang Laboratoryo dahil bukod sa Theatre 198 at 200 ay sakop din nito ang mga final production ng ibang kurso sa kursong sertipiko at batsilyer, kaya naman ang ginagawa na lamang ng mga gurong tagapayo ay magtakda ng kanya-kanyang skopos o layuning sa tingin nila’y angkop sa kursong kinukuha ng mag-aaral. Kay Santos, ang special project o tesis ang magpapakita ng mga kakayahan at kagalingang natutuhan ng estudyante mula sa unibersidad. Ang kakayahan at kagalingang ito ang magpapakita sa mga manonood at sa mga theatre practitioner na handa na ang mga mag-aaral na magtrabaho sa mga propesyunal na organisasyong panteatro.

Sa usapin ng pagsasalin sa UP Dulaang Laboratoryo, umaayon ang mga pahayag ni Santos sa mga talang historikal at ang kaakibat na intensyon nito. Malaking salik ang kahandaan at kakayahan ng estudyante sa pag-unawa at pagbigkas ng mga dula sa wikang Ingles. Isa itong kakayahang hindi bihasa ang lahat kahit ang mga mag-aaral sa UP. Pumipili ng mga materyal na nasubukan na sa pandaigdigang akademya at entablado, ang mga trabahong tried and tested na, para gawing accessible ang produksyon sa manonood na Pilipino. Inaayon ang pagpili ng materyal sa aspekto ng teatrong inaaral ng estudyante maging ang taglay niyang kalidad, personalidad at abilidad. Inaayon, pero sinisiguro pa rin ng tagapayong may sapat na antas ng hirap ang mga isasaling dula, upang malubos o ma-saturate ang buong creative process ng mag-aaral na magsasagawa ng produksyon.

Sa mga nasabing layunin ng UP Dulaang Laboratoryo pumapasok, nanghahamon at nakikipagbuno ang isang tagasalin.

Skopos at Dulaang Laboratoryo

Mula sa mga naibahaging detalye, nakikitang pangunahing skopos ng pagtatanghal para sa UP Dulaang Laboratoryo, partikular sa mga kursong Theatre 198 at Theatre 200, ang maisaentablado ang isang dulang magtatampok sa mga natutunan ng mag-aaral, at maging tatak ng pagtatapos sa programang sertipiko o/at batsilyer. Ang nagsisilbing patron naman ay ang mga sumusunod:

1. Gurong tagapayo – pag-apruba ng tekstong isasalin, pagrekomenda ng tagasalin, pagsiguro at pag-apruba sa bawat yugto ng produksyon, pagbibigay ng sertipikasyon sa pagtatapos ng pagtatanghal na nakatugon ang mag-aaral sa kahingian.

2. Propesyunal na creative at technical staff – pagsiguro sa kalidad ng produksyon, pagbalanse sa mga posibleng blind spot ng mga mag-aaral na bahagi ng produksyon, pagtawid ng pag-usad o pag-atras ng mga mag-aaral sa bawat bahagi ng produksyon at sa mga tagapayo.

3. Pinagmulan ng tekstong isasalin – pagbigay ng kontrata para sa performance rights, pagtakda ng mga hangganan ng salin at mismong produksyon.

Isinama ko ang pangatlong item dahil sa karanasan sa pagsasalin ng mga dula para sa UP Dulaang Laboratoryo ngayong 2016. Sa pagsasalin ng mga mas bagong dula, may kaakibat nang kasulatan na nagsasaad ng terms and conditions para ibigay ang translation rights at performing rights ng palabas. Ilan sa mga nakalagay sa kontrata ang kaukulang bayad para sa simulaang teksto, bayad sa pagtatanghal, karapatang-ari ng salin, dami ng pagtatanghal, paglalayo o paglalapit ng salin sa kultura ng simulaang teksto.

Sa kasalukuyan, may naisalin na akong anim na dula para sa UP Dulaang Laboratoyo.

1. Elevator Action, 2012.

Naghihintay ang hired guns na sina Gus at Ben ng utos mula sa hindi nakikitang boss. Habang naghihintay ang dalawa ng impormasyon tungkol sa susunod nilang target, may bumababa-taas na isang maliit na elevator—isang dumbwaiter—sa basement na kinalalagayan ng dalawa.

Sa bersyong ito ng dula ni Pinter, inilipat ang dula sa isang lokasyon sa Bulacan. Nagkaroon ng pagpasok ng mga bagong eksenang may kaugnayan sa videogames, at tinalakay din ang issue ng enforced disappearances sa Pilipinas.

2. Pitong Patibong, 2013

May dalawang tauhang parehong may pangalan na Anna, na sinusubukang mabuhay sa mundong may magkakaibang mga kasalanan. Ang pinagkaiba lang sa dula, ang kasalanan ay hindi talaga kasalanan, kundi mga pagnanasang tumakas mula sa mga pagsasagilid ng kaburgisan. Ang piyesang nagmula sa isang ballet performance ay inilipat sa konteksto ng pop culture at noontime variety shows. Naiba man ang konteksto, nanatili pa rin ang format ng pagsasalin mula sa orihinal—may dalawang tauhan, pitong yugto na tumutumbas sa pitong kasalanan, at isang koro na nakikipagsagutan sa dalawang pangunahing tauhan.

3. Mal, 2014

Malayong adaptasyon na ang Mal kung ikukumpara sa pinagmulan nitong Trojan Women. Ang dula ay nagaganap sa dalawang mundo—ang pisikal at ang birtuwal. Sa dalawang mundo, may parehong umiiral na mga babaeng may iba-ibang papel—kabiyak, anak, ina—na pilit na pinaglalaho ng kanilang mundo. Komentaryo ang dula sa enforced disappearances sa Pilipinas at ang simbolikong pagbura ng kasaysayan sa mga mundo gaya ng telebisyon at Internet.

4. Pilandok, 2016

Mula sa serye ng mga aklat-pambata, bumuo ng isang maiksing adaptasyong pang-entablado ang tagasalin na bumabagtas sa mga panlalamang ni Pilandok sa malupit na Datu Usman. Sa orihinal na intensyon ng salin, nakadirekta ang proyekto sa pagtatanong na “kung manlalamang ka, para kanino?” Ginamit na simbolo si Pilandok bilang bayaning magbabalik ng talino at paglilingkod sa masa.

5. Ang Paglaladlad, 2016

Sa pagsasaling ito, iniba ang lokasyon mula sa Tower Hamlets patungong Lumban, Laguna. Bukod dito, halos direktang salin ang ginawa sa kwento ng mag-inang nagpapamana ng isang fabric shop sa kanyang mga anak, kasama ng pagmamahal ng ina sa sining ng pagkukwento. Ang pagpapamana ng tahian at sining ay nagmula sa pagkakaalam ng inang siya’y may nakamamatay na sakit.

6. Ang Puting Ahas, 2016

Isang halos direktang salin ng dula ni Mary Zimmerman, na nakabase naman sa kuwentong-bayan sa Tsina. Ang Puting Ahas ay nakakaramdam ng lungkot sa kanyang bahay sa kabundukan kahit siya’y biniyayaan ng kapangyarihan at kakayahan sa sining ng salamangka. Sa utos ni Guan Yin, bumaba siya sa kapatagan kasama ang Luntiang Ahas at nagpanggap bilang mga tunay na tao. Doon nila nakatagpo si Xu Xian, isang mahirap na lalaki. Napaibig si Puting Ahas kay Xu Xian at ginamit nito ang kapangyarihan para mapangasawa ang lalaki at magtayo ng pagamutan sa kapatagan. Hinadlangan ng mongheng si Fa Hai ang kanilang pagsasama pagkat para sa monghe ay tao lamang ang nababagay sa tao. Dahil sa galit ni Fa Hai kay Puting Ahas, naglunsad siya ng mga serye ng plano para maghiwalay ang mag-asawa. Sa huli, nagtagumpay si Fa Hai. Naikulong si Putis Ahas sa isang mahiwagang pagoda. Ibinahagi sa pagwawakas ng dula ang ginawa ng ibang mga tauhan pagkatapos makulong ni Puting Ahas.

Pagsasalin bilang Negosasyon ng Poetics at Skopos – ang Pagsasapanitikan

Sa mga unang sabak sa pagsasalin para sa UP Dulaang Laboratoryo, may kaluwagan pa sa tataglaying anyo at nilalaman ng mga pagsasalin. Basta naisaalang-alang ang mga inaasahang pagkatuto para sa magsisipagtapos na estudyante—mga kaalaman sa pag-arte at pagtatanghal ng isang produksyon, pag-unawa sa script, pagkakabit ng mga teorya sa teatro patungo sa kanya-kanyang atake sa entablado—mabibigyan ang salin ng go signal mula sa mga tagapayo. Mas madalas na naramdaman ko ang kaluwagang ito para sa mga “klasikong” dula, o mga dulang luma na ang hindi na ganoon kahigpit ang usapin ng karapatan para itanghal. May mga pagkakataong susubok ang mga gurong tagapayo ng mas bagong akda mula sa mga bata at nabubuhay pang manunulat mula sa ibang bansa. Nagkakaroon ng pangalawang antas ng patronage sa pagkakataong ito dahil hindi na lamang gurong tagapayo ang kailangang magbigay ng parametro at permisso. Isaalang-alang na rin ang mga kahingiang itatakda ng mga dayuhang institusyon upang bigyan ng pahintulot na maisalin ang dula. Ganito ang naging karanasan ko sa mga dulang Ang Paglaladlad at Ang Puting Ahas, kung saan may malinaw na pagsasaad sa kontrata na kailangang may mataas na antas ng katapatan sa pagsasalin ng orihinal na Ingles patungo sa Filipino. Sumisikip ang espasyo ng tagasalin sa paglalagay ng kanyang sariling poetika at kailangang umayon sa limitasyong ihinahain ng kontrata. Kailangang makapagtapos ng mga mag-aaral—ito ang pangunahing skopos o layunin ng pagtatanghal ng mga isinalin na dula. Kaya bilang tagasalin, kailangang magtiwala sa anyo at nilalamang iniaalok ng orihinal at magsikap na ilapat ito sa isang bersyong sinisikap na gayahin ang inaasahang dating ng dulang orihinal. Bago makapag-rehearsal ang mga estudyante, ipapadaan muna sa mga gurong tagapayo ang kopya ng script, at pagkatapos ay ipapadaan sa mga institusyong may hawak ng performance rights o karapatang itanghal ng tekstong orihinal. Kapag may go signal na mula sa mga nasabing institusyon, saka lamang magkakaroon ng go signal mula sa mga lokal na pamunuan ng UP Dulaang Laboratoryo. Itinatakda rin sa kontrata ang mga usapin gaya ng billing sa promotional materials ng dula (palaging mauuna at mas malaki ang pangalan ng orihinal na may-akda), at maging ang pag-aari ng salin (sa kaso ng Ang Paglaladlad, pag-aari na ng may-akda ang isinaling teksto; sa Ang Puting Ahas, karapatan lamang sa pagtatanghal sa tiyak na mga petsa ang hiniling).

May mga pagkakataong ang pagsasalin sa salita ay kailangang isalin din sa galaw, na nangyari sa kaso ng Pilandok. Mula sa pinaghalo naming teksto nina Christine Bellen at Virgilio Almario, nakabuo ako ng naratibong magtatahi sa magkakaibang mga pakikipagsapalaran ni Pilandok. Pero dahil ang tutok ng proyekto ay ang direksyon ng mag-aaral na si Stephen Viñas, mas may pagpapahalaga sa galaw at pagsasaentablado. Ang resulta, maraming natapyas na dayalogo at nagkaroon ng maraming dagdag mula sa mga aktor nito. Ang paglalahok ng mga kuwento tungkol sa pag-aaklas ng mga tauhang katutubo ay halos lusaw na lusaw na at nalunod sa maliksing mga sayaw at maingay na pop culture references.

May mga target na matutumbok at may ilang lilihis, laging ganito ang kalalabasan sa pagtatangkang makahanap ng optimal na salin. Mababakas ang tagumpay sa panig ng manunulat at ng magkakaibang patron, depende sa isaalang-alang na layunin at parametro. Ang karanasan sa pagsasalin para sa UP Dulaang Laboratoryo ang nagbukas sa akin ng mga oportunidad na magsalin para sa iba pang akademikong institusyon, na ginagabayan ng mga karanasan at pananaw na natutuhan ko mula sa organisasyong unang sumubok sa aking mga pagsasalin ng dula. Isang halimbawa nito ay ang Deliryo sa El Niño na hinalaw mula sa A Midsummer Night’s Dream ni William Shakespeare. Isa itong kinomisyong proyekto ng Teatro Lasalliana, ang opisyal na grupong panteatro ng De La Salle University Dasmariñas.

Ilan sa nakasaad na misyon ng Teatro Lasalliana ay: a. To expose the community with quality production (musical, straight and street plays) expressed in the native language in order to cultivate Filipino Heritage; b. To provide relevant Filipino classical and musical plays; c. To open the doors and to stimulate the minds of the young people into the theatrical world. Ang mga misyong ito ang kakatawan sa bisyon ng religio, mores at cultura ng DLSU (PAG: Performing Arts Group). Para sa nasabing grupo, may skopos na nakatutok sa pagkilala at pagpapahalaga sa wika at kultura nang may pagsasaalang-alang sa paghubog ng makataong indibidwal. Karagdagang salik sa proyektong salin ang kahilingan ng guro’t tagapayong si Prop. Nazer Salcedo—nais niyang magtampok ang salin ng popular na jukebox hits at magdagdag din ng isyung may kaugnayan sa homosexualidad, na nakapakete sa isang nakakatawang script. Mula sa mga naitakdang skopos, tinangka ko namang ilahok ang mga isyung may kaugnayan sa political dynasties, land grabbing, papel ng mga magsasaka sa lipunan, at paggamit ng pulitikal na posisyon para sa pansariling kapakanan.

Kung pagbabasehan ang feedback mula sa social media, naging patok sa mga nakanood ng Deliryo sa El Niño ang mga kantang popular at ang paglahok ng tauhang bakla na pinag-aagawan ng dalawang bidang lalaki. Naging kapansin-pansing detalye din ang pagpuna sa kulturang teleserye ng bansa. Samantala, hindi palaging nababanggit ang mga usaping may kaugnayan sa lupa at magsasaka. Sa panig ko bilang manunulat, maaari kong sabihing may hindi ako napagtagumpayan. Pero kung isaaalang-alang ang pangangailangan ng grupo at ng institusyon, na masisilip sa feedback mula sa mga nakanood, may makikita nang optimal na tagumpay mula sa naging salin.

Konklusyon

Mahalaga ang paglilinaw sa mga intensyon ng nagpapasalin at tagasalin sa isang kinomisyong proyekto. Habang may pagkilala sa kakayahan ng tagasalin bilang eksperto sa wika at panitikan, may mga pagkakataong haharap siya sa mga limitasyong itatakda ng magkakaibang layuning nakabalot sa kinomisyong proyekto. May mga sitwasyong magkalinya ang mga ideolohiya at kumbensyong pinagmumulan ng tagasalin at ng mga patrong nagpapagawa ng salin, at sa mga pagkakataong lihis ang kanilang intensyon, nagtatangka ang tagasalin ng malikhaing mga laro para mapagkasundo ang magkakaibang mga intensyon at pangangailangan. Masusukat ang antas ng tagumpay ng salin mula sa pag-unawa ng mga estudyanteng kalahok sa produksyon (na makikita sa mga rehearsal at sa kaukulang pasulat na repleksyon, kung itatakda ng institusyon), sa pagsulong ng mga propesyunal na gabay sa pagtatanghal (sa anyo ng pakikipagkasundo sa tagasalin-manunulat sa magkakaibang bahagi ng salin at produksyon), at sa reaksyong matatasa sa pamamagitan ng mga nailimbag na feedback mula sa iba’t ibang daluyan. May karagdagang kumplikasyon ang dula dahil hindi lamang iisa ang panig na kailangang pakinggan at laruin. Kung maisaalang-alang ang mga nailatag na limitasyon, sa pagkilala ng tagasalin na isa lamang siyang bahagi pero sa kabilang banda ay isang esensyal na bahagi, maaabot ang optimal na salin.

Mga Sanggunian

Carbayas, Rene V. The Theater at the University of the Philippines in Diliman: a Chronicle of Events from 1951 to 1997. Dissertation, University of the Philippines Diliman, 1999.

Cortez, Alexander C. Dulaang UP (1976-2006): Theatre in the Academe in the Philippine Setting. Disertasyon. Unibersidad ng Pilipinas Diliman, 2006.

Fernandez, Doreen G. Palabas: Essays in Philippine Theater. Quezon City: Ateneo De Manila University Press, 1996.

Gonzales, Vladimeir B., trans. Ang Paglaladlad. Mula sa The Unravelling. Ni Fin Kennedy. Dir. Stephen Viñas. Wilfrido Ma. Guerrero Theater Lobby. 28-29 May 2016.

---. Ang Puting Ahas. Mula sa The White Snake. Ni Mary Zimmerman. Dir. Charles Yee. Amelia Lapeña Bonifacio Teatro Papet Museo. 24-25 September 2016.

---. Deliryo sa El Niño. Mula sa A Midsummer Night’s Dream. Ni William Shakespeare. Dir. Nazer Salcedo. De La Salle University Dasmariñas. 21-25 November 2016.

---. Electra. Mula sa Electra. Ni Euripides. Dir. Joey Ting. Far Eastern University. 17-19 September 2009.

---. Elevator Action. Mula sa The Dumbwaiter. Ni Harold Pinter. Dir. Joey Ting. Teatro Hermogenes Ylagan, 31 May – 2 June 2012.

---. Mal. Mula sa Trojan Women. Ni Euripides. Dir. Mara Paulina Marasigan. Teatro Hermogenes Ylagan. 17 May – 18 May 2014.

---. Pilandok. Mula sa seryeng Pilandok. Ni Virgilio S. Almario. Dir. Stephen Viñas. Wilfrido Ma. Guerrro Theater Lobby. 28-29 May 2016.

---. Pitong Patibong. Mula sa The Seven Deadly Sins of the Petty bourgeoisie. Ni Bertolt Brecht. Dir. Ed Lacson, Jr. Teatro Hermogenes Ylagan. 10-12 May 2013.

Lefevere, Andre. Translation, Rewriting, and the Manipulation of Literary Fame. London: Routledge, 1992.

Legasto, Priscelina Patajo.Philippine contemporary theater, 1946-1985 ; (with special emphasis on theater in Manila) a materialist analysis. Dissertation, University of the Philippines Diliman, 1988.

Lerio, Joanna. “Elevator Action: No Reset. No Extra Life (Review).” Islang Malaya, 3 June 2012, https://juanalily.wordpress.com/2012/06/03/elevator-action-no-reset-no-extra-life/. Accessed 23 September 2016.

---. “Pitong Patibong, adaptasyon sa Filipino ng dulang The Seven Deadly Sins of the Petty-Bourgeoisie ni Bertolt Brecht .” Islang Malaya, 14, May 2013, https://juanalily.wordpress.com/2013/05/14/pitong-patibong-adaptasyon-sa-filipino-ng-dulang-the-seven-deadly-sins-of-the-petty-bourgeoisie-ni-bertolt-brecht/. Accessed 24 September 2016.

Santos, Dexter M., Facebook Messenger conversation, 13-14 December 2016.

Teatro La Salliana. https://www.facebook.com/TEATROLasalliana1988/

--. https://www.facebook.com/TEATROLasalliana1988/

Vermeer, Hans J. “Skopos and Commission in Translational Action.” The Translation Studies Reader. Ed. Lawrence Venuti. London: Routledge, 2000. 221-232.