8
1 TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | HUNYO 2014 Artwork by Jeric Bastillo and Cha Garcia Hari ng katiwalian: Malawak at lantaran ang kurapsyon sa ilalim ng rehimeng Aquino ‘Gintong’ bawang, bigas at pagkain: Kasabwat si Aquino ng WTO, kartel at ismagler Socialized Tuition System sa UP: Mas matinding atake sa karapatan sa edukasyon Plano ng malawakang pag-oorganisa ng kabataang manggagawa, ikinasa CHED, kinasuhan ng mga mag-aaral dahil sa muling pag-aapruba ng taas-matrikula CARPER ibasura! Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban! Patalsikin ang papet, pahirap, kurap at pasistang rehimeng US-Aquino! Tinatawagan ang lahat ng kabataan at mamamayan na ubos kayang kumilos at magpunyaging patalsikin ang rehimeng US-Aquino. Hindi na matitiis pa ng taumbayan, lalo na ng masang anakpawis, ang todo-todong pagpapahirap sa bayan, pagkatuta sa dayuhan, bulok at kurap na pulitika at pasistang panunupil. Pagpapasahol ng bulok na sistema Sa ilalim ni Aquino, walang kasingsahol ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Lalo pang tumitindi ang krisis na dinaranas ng bayan dahil sa mga patakaran ng tutang rehimen. Todo-todo ang pagpapatupad ni Aquino ng mga patakarang neoliberal. Nakatuon ang mga ito sa higit na pagpapapasok ng dayuhang kapital at liberalisasyon ng kalakalan; pribatisasyon ng mga serbisyo at mga papublikong utilidad; deregulasyon sa industriya ng langis, pamumuhunan at pagmimina; at tuloy-tuloy na pandarambong sa likas-yaman ng bansa. Higit pa itong pasisidhiin ng planong Charter Change ni Aquino. Sa panibagong planong ito ng denasyunalisasyon, tatanggalin ang nalalabi pang mga restriksyon sa konstitusyon at ibubukas ng buong buo ang mga negosyo, serbisyo, lupain at likas- yaman ng bayan sa dayuhang kapital at pagsasamantala. Samantala, mariing tinututulan at hinaharang ng rehimen ang panawagan ng bayan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at ekonomiyang makabayan na tunay na tutugon sa pangangailangan ng mamamayan. 4 5 6 7 7 8 Ituloy sa >>>p2

Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

Embed Size (px)

DESCRIPTION

Read & Download "Tinig ng Kabataang Makabayan" Official Publication of Anakbayan. Chapters, Basahin, palaganapin, talakayin!Second issue for June 2014 includes:- Patalsikin ang papet, pahirap, kurap at pasistang rehimeng US-Aquino!- ‘Gintong’ bawang, bigas at pagkain: Kasabwat si Aquino ng WTO, kartel at ismagler- Socialized Tuition System sa UP: Mas matinding atake sa karapatan sa edukasyon- Plano ng malawakang pag-oorganisa ng kabataang manggagawa, ikinasa- CHED, kinasuhan ng mga mag-aaral dahil sa muling pag-aapruba ng taas-matrikula- CARPER ibasura! Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!

Citation preview

Page 1: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

1TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | HUNYO 2014

Artwork by Jeric Bastillo and Cha Garcia

Hari ng katiwalian: Malawak at lantaran ang kurapsyonsa ilalim ng rehimeng Aquino

‘Gintong’ bawang, bigas at pagkain: Kasabwat si Aquinong WTO, kartel at ismagler

Socialized Tuition System sa UP:Mas matinding atake sa karapatan sa edukasyon

Plano ng malawakang pag-oorganisa ng kabataang manggagawa, ikinasa

CHED, kinasuhan ng mga mag-aaral dahil sa mulingpag-aapruba ng taas-matrikula

CARPER ibasura! Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!

Patalsikin ang papet, pahirap, kurap at pasistang

rehimeng US-Aquino!Tinatawagan ang lahat ng kabataan at mamamayan na ubos kayang kumilos at magpunyaging patalsikin ang rehimeng US-Aquino.

Hindi na matitiis pa ng taumbayan, lalo na ng masang anakpawis, ang todo-todong pagpapahirap sa bayan, pagkatuta sa dayuhan, bulok at kurap na pulitika at pasistang panunupil.

Pagpapasahol ng bulok na sistema

Sa ilalim ni Aquino, walang kasingsahol ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Lalo pang tumitindi ang krisis na dinaranas ng bayan dahil sa mga patakaran ng tutang rehimen.

Todo-todo ang pagpapatupad ni Aquino ng mga patakarang neoliberal. Nakatuon ang mga ito sa higit na pagpapapasok ng dayuhang kapital at liberalisasyon ng kalakalan; pribatisasyon ng mga serbisyo at mga papublikong utilidad; deregulasyon sa industriya ng langis, pamumuhunan at pagmimina; at tuloy-tuloy na pandarambong sa likas-yaman ng bansa.

Higit pa itong pasisidhiin ng planong Charter Change ni Aquino. Sa panibagong planong ito ng denasyunalisasyon, tatanggalin ang nalalabi pang mga restriksyon sa konstitusyon at ibubukas ng buong buo ang mga

negosyo, serbisyo, lupain at likas-yaman ng bayan sa dayuhang kapital at pagsasamantala.

Samantala, mariing tinututulan at hinaharang ng rehimen ang panawagan ng bayan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at ekonomiyang makabayan na tunay na tutugon sa pangangailanganng mamamayan.

456778

Ituloy sa >>>p2

Page 2: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

2 HUNYO 2014 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

Todong pagpapahirap sa bayan

Todo-todo ang pagpapahirap ng rehimeng US-Aquino sa taumbayan, lalo na sa masang anakpawis. Patuloy ang pagsahol at paglawak ng kahirapan. Dumarami ang naghihirap, aabot sa 11.5 milyon, at lumalaki pa ang walang trabaho at aabot sa lagpas kalahati ng populasyon ang gutom.

Ang mahigit 80% ng populasyon ay nabubuhay sa mas mababa sa P80 sa kada araw. Pilit itong tinatago ng gubyerno sa pagmamanipula ng datos -- sa tantos ng gubyerno, nasa P33 lamang ang poverty threshold o halagang kailangan para masabing hindi mahirap.

Pinabababa ni Aquino ang halaga ng sahod. Todo ang pagtanggi nito sa panawagan na P125 kada na dagdag sa arawang sahod sa mga manggagawa. Sa halip, itinutulak nito ang malawakang kontraktwalisasyon na higit pang nagpapababa ng sahod at nagkakait sa mga benepisyo at karapatan. Itinutulak pa ng rehimen ang pagtanggal sa minimum wage sa pamamagitan ng “two-tiered wage system.”

Tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo. Kasabwat si Aquino ng malalaking kumpanya ng langis, kuryente at tubig sa pagpapahirap sa mamamayan at todong pagpiga ng tubo. Patuloy na pinapatupad ni Aquino ang deregulasyon at hinahayaan ang lantarang pang-aabuso sa mamamayan. Napigilan ng mga protesta ng mamamayan ang sobrang singil ng kuryente, pero patuloy pa rin ang mga banta ng dagdag-singil habang binebendisyunan ni Aquino. Ang mga gulay at pagkain gaya ng bawang at bigas ay nagmamahal din dahil sa patuloy na liberalisasyon ng kalakal na pumapatay sa lokal na agrikultura at higit naginagawang dependent ang bayan sa import.

Samantala, itinutulak naman ang pribitisasyon sa mga serbisyong panlipunan. Ibinibenta na ni Aquino ang mga pampublikong ospital at tinataas ang mga singilin dito. Nais ding itaas ang pamasahe sa MRT-LRT para maibenta sa malalaking negosyo. Taon-taon namang kinakaltasan ang badyet ng edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang serbisyong panlipunan.

Pinakamatindi ang pagtaas ng matrikula at mga bayarin, at pinakamasahol ang krisis sa edukasyon sa ilalim ni Aquino. Taon-taon, hinahayaan ang todo-todong pagtataas ng singilin sa kabila ng pagtutol ng mga mag-aaral at magulang. Sa makadayuhang patakarang K-12, lalong itinutulak ang drop-outs, disempleyo at pagbaba ng sahod ng mga kabataang manggagawa.

Demolition king si Aquino. Daanlibong kabahayan na ng maralitang-lunsod ang winasak at mas marami pa ang wawasakin para magbigay daan sa mga proyekto para sa malalaking negosyo at kurakot ng mga ni Aquino na pinagkakakitaan ang mga negosyong pabahay.

Ang mga biktima ng Yolanda sa Eastern Visayas at Panay -- na dati nang pinakamahihirap sa bayan dahil sa pagsasamantalang pyudal -- ay higit pang binubusabos. Kinukurakot ni Aquino ang pondo para sa relief at rehab, pinamumudmod ang mga proyekto sa mga negosyanteng kroni niya at dinedemolish ang mga kabahayan ng mamamayan sa patakarang “no build zones.”

Sa kanayunan, pinatitindi pa ang konsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilan at pang-aagaw ng lupa mula sa magsasaka. Pilit na nagmamaniobra si Aquino para panatilihin sa pag-aari ng kanyang pamilya ang Hacienda Luisita. Nais ng rehimen na palawigin pa ang hungkag na programang CARP na ginagamit para lalo pang agawan ng lupa mga magsasaka.

Sagad-sagaring pagpapakatuta

Maamong tuta si Aquino ng imperyalistang Estados Unidos. Gagawin lahat ni Aquino para lang lumigaya ang kanyang amo. Simula umupo sa poder, libo-libong mga sundalong Amerikano na ang pinagbase sa Pilipinas at daan-daang mga barkong nukleyar ang pinadaong sa bansa.

Pinagtatanggol at pinagtatakpan ni Aquino ang US sa mga krimen nito sa bansa. Walang ginawa si Aquino sa kabila ng pagwasak sa Tubbataha, toxic waste leak sa Subic at paggamit ng drones ng US sa bansa.

Sukdulang kataksilan ang pagpirma ni Aquino ng Enhanced Defense

Cooperation Agreement na nagpapahintulot sa unlimited at eternal na pagbabasa ng US sa bansa. Matinding paglabag ito sa soberenya at kasarinlan -- isang tanikalang ipinalupulupot sa leeg ng bayan.

Isinasangkalan ni Aquino at ng US ang alitang teritoryal sa Tsina para bigyang matwid ang kanyang pagtataksil ngunit sa katunayan, planong pagpihit ng militar ng US sa Asya-Pasipiko para higit na itulak ang interes ng US ang nasa likod ng kasunduan.

Kasabay ng EDCA, itinutulak ni Aquino ang Charter Change at iba pang makadayuhang patakaran na rekisito sa Trans-Pacific Partnership Agreement na itinutulak ng US sa rehiyon para higit na itulak ang pang-ekonimio at geopulitikal na interes nito.

Nangungunang tuta si Aquino na higit na magsasadlak sa mamamayan ng rehiyon sa mas mababang sahod, kawalan ng serbisyo at pandarambong ng dayuhang kapital.

Kurap at baboy na pulitika

Pinasahol ni Aquino ang bulok, kurap at kontra-mamamayang pulitika. Buking na ang hungkag niyang “tuwid na daan.” Lantad na lantad na ang masidhing kabulukan at malawakang kurapsyon sa kanyang gubyerno.

Si Aquino ang “pork barrel king.” Mastermind siya sa pandarambong ng kanyang gabinete, kapartido, kamag-anak at numero unong tagapagtanggol at tagapagtakip ng napakaraming kasalanan ng pandarambong sa pondo ng bayan. Nagpapamudmod ito pabor at ganansya sa malalaking negosyo, mga pulitiko, midya, eskuwelahan, pulisya, at militar upang tiyakin ang katapatan ng mga ito sa rehimen at agendang imperyalista.

Matapos sumabog ang galit ng taumbayan sa pork barrel, kinasuhan nito ang mga kalaban sa pulitika para pagtakpan ang sarili at mga kaalyado sa pananagutan sa pork. Pero kung tutuusin, kasabwat si Aquino at mga kaalyado nito sa raket ni Napoles at mas malaki pa ang pondong kinukurakot niya: aabot sa higit P100 bilyon ang pinanuhol niya sa kanyang Disbursement Acceleration Program (DAP) at Malapaya Fund. Tuloy rin ang pagpapatupad ng pork

>>>Patalsikin ang papet, pahirap, kurap at pasistangrehimeng US-Aquino!

Page 3: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

3TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | HUNYO 2014

barrel para ipanuhol sa mga kaalyadonito kongreso.

Malinaw sa bayan na hindi seryoso si Aquino sa pagpapanagot sa mga kurakot, kahit nga ang kaso ni Gloria Macapagal Arroyo, ibinabasura na unti-unti ng gubyernong ito at binibigyan pa si Arroyo ng ispesyal na pribilehiyo.

Kitang-kita din ang pagpabor ni Aquino sa mga crony at malalaking negosyo na nag-ambag sa kampanya ni Aquino noong 2010 para sa mga kontrata sa ialim ng Public-Private Partnership. Ilan sa mga “boss” sina Eduardo “Danding” Cojuangco, Henry Sy, Manuel Pangilinan, the Ayalas, Consunjis at iba pang mga komprador. Naiulat din ang maanomalyang transaksyon mismo ng kapatid ni Aquino na si Bally sa pagbili ng bagong tren ng MRT.

Kumukubra din si Aquino sa smuggling sa bansa. Ayon mismo sa International Monetary Fund (IMF) Direction of Trade, tumriple ang kaso at halaga ng smuggling sa bansa kumpara sa mga nakaraang taon na aabot sa $19 bilyon noong 2011.

Kasabay nito, pinapaboran nito ang malalaking komrador ng mga tax exemptions at holidays. Habang pinapapasanan ng matinding buwis ang mamamayan, aabot sa 40% sa 100 kumpanya sa Pilipinas ang wala sa listahan ng BIR ng top 500 taxpayers.

Pasistang panunupil

Patuloy na pasismo at pag-atake ang sagot ng Rehimeng U.S-Aquino sa tumitinding paglaban ng mamamayan. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, pinapaslang, inaaresto at dinadahs ang mga lider-aktibista at mga pamayanan. Kaakibat nito, pinagkakaisa ang naghaharing-uri at mga institusyon tulad ng midya at edukasyon, upang atakehin ang makatarungang paglaban ng mamamayan.

Aabot na sa 192 ang pinaslang, 21 ang dinukot at lagpas 39,000 ang pinalayas sa tirahan at pinilit lumikas. Nasa lagpas 300 din ang political prisoners. Niraragasa ng militarisasyon sa mga komuidad sa kanayunan. Dinadahas at pinalalayas ang mamamayan gaya ng sa Talaingod, sa Davao, sa mga prubinsya sa Eastern Visayas, at iba pa.

Nagpapanggap din itong nakikipagnegosasyon sa NDFP at MILF sa usapang pangkapayapaan sa ambisyong mapasuko ang mga rebolusyunaryong pwersa at malansi

ang mamamayan. Ang ipinaghahambog na peace agreement sa MILF at Bangsamoro ay hindi tutugon sa mga karaingan ng mamamayang Moro para sa sariling pagpapasya at lalo pang sisiil sa kanila.

Malinaw na walang interes sa usapang pangkapayapaan ang hacienderong rehimeng Aquino. Pinaghuhuli nito ang ilang mga susing NDF consultant, gaya nina Ka Wilma at Benito Tiamzon na paglabag sa JASIG (Joint Agreements on Safety & Immunity Guarantees) at sinasabotahe nito ang mga negosasyon.

Kilusang bayan para ibagsak ang bulok na rehimen at sistema

Walang ibang landas na dapat tahakin ang bayan kundi landas ng paglaban. Dapat patalsikin ang rehimeng US-Aquino at ihawan ang landas para sa tunay na pagbabago.

Hitik ang kasaysayan ng bayan sa mga karanasan ng tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mamamayan: mga pagdaluyong ng kilusang masa at pag-aalsang bayan laban sa bulok na sistema. Ang pagdaluyong ng protesta mula pa noong Sigwa ng Unang Kwarto ng 70s, paglaban sa batas militar at pagpapatalsik sa rehimeng US-Marcos, pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada, at ang mga protesta laban sa rehimeng Arroyo, bagamat hindi napatalsik ito ay pagpapakita ng kapangyarihan ng sama-samang pagkilos at kilusang bayan. Sa bawat tagumpay, lumalakas ang kilusan ng mamamayan at higit na nalalantad at humihina ang bulok na estado at sistema.

Dapat pasiglahin at palawakin ang protestang masa para higit na ilantad at labanan ang rehimeng Aquino. Saanmang lugar: mga paaralan, komunidad, pagawaan, at iba pa, dapat magpunyaging patalsikin ang rehimen. Dapat itindig ang malawak na nagkakaisang hanay laban sa bulokna rehimen.

Ang malawak na hanay na ito ay maaaring magtayo ng transisyong konseho na kinabibilangan ng mga personalidad, organisasyon at sektor na nanguna sa pagpapatalsik sa rehimen. Ito ang ipapalit sa rehimen, magtitiyak na papanagutin ang rehimen sa mga kasalanan nito, magsasagawa ng makabuluhang reporma at magsasagawa ng demokratikong halalan sa loob ng ilang buwan.

Malaking hakbang pasulong ito sa hangad ng taumbayan na makabuluhang

pagbabagong panlipunan. Iaabante nito sa panibagong antas ang pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba – siyang pangmatagalang solusyon sa krisis at kahirapan ng mamamayan. Higit nitong pahihinain ang reakyunaryo, bulok at kontra-mamamayang estado at lipunan.

Dapat magmartsa ang kabataan sa harapan ng pambansang hanay na ito. Sa kasaysayan, mula pa ng rebolusyong 1896, mapagpasya ang papel ng kabataan sa mga pag-aalsa at kilusan para sa pagbabago.

Kaisahin ang lahat ng mga organisasyon, indibidwal, mga samahan, at iba pa sa mga pakikibaka laban sa rehimen. Asamin ang malakihang mga pagkilos at malawak na paglaban. Paalon-alon na paunlarin ang daluyong ng paglaban laban sa rehimen.

Ilunsad ang masaklaw, malaganap at sustinidong propaganda ahitasyon at edukasyon sa laban sa rehimen. Matalas na ilantad ang pananagutan ng rehimen sa mga isyu at laban na kinakaharap ng mamamayan. Maagap na palaganapin ang pagsusuri ang mga panawagan kapag may mga pihit ng sitwasyon at biglaang mga isyu na sumusulpot. Tiyakin ang iba’t ibang antas ng alyansa, likhain ang malawak na nagkakaisang hanay sa iba’t ibang isyu at sa paglaban sa rehimen.

Ilunsad ang papalaking mga pagkilos: mula ilang libo, hanggang ilampung libo, hanggang daanglibo. Paghusayan ang mga malalaking lokal na mga build-up at aksyon na lumulundo sa mga takdang araw ng sentrong protesta at paglaban.

Palawakin natin ang mga organisasyong masa, mga alyansa, at sa iba’t ibang mga pormasyon at organisasyon ay tipunin ang mga kabataan at mamamayan.

Tinatawagan tayo na lumikha ng kasaysayan, palakasin ang paglaban ng mamamayan at ihawan ang landas tungo sa makabuluhang pagbabago para sa bayan. Panahon na upang panindigan ang ating papel bilang tunay na pag-asa ng bayan. Tumindig at lumaban tayo para sa bayan, kinabukasan at tunay na pagbabago.

Patalsikin ang rehimeng US-Aquino! Ibagsak ang bulok na sistema!

Isulong ang Pambansa-Demokratikong Pakikibaka na may Sosyalistang Perspektiba!

Page 4: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

4 HUNYO 2014 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

Ang apat na taon ni Aquino ay kilala na sa patong-patong na kaso ng katiwalian at kurapsyon. Hungkag ang slogan nito ng “malinis na pamamahala” at “daang matuwid.” Nagpapatuloy at higit na sumasahol ang sistema ng burukrata kapitalismo sa ilalim ng kanyang gubyerno.

Pork barrel kingGinamit ni Aquino ang pondo ng bayan upang konsolidahin ang kanyang kapangyarihang pampulitika. Ang umaabot sa isang trilyong pisong pondong pork, kabilang ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) ay ginamit niyang panuhol sa mga kongresista, gabinete at mga opisina ng pamahalaan para sumunod sa kanyang kontra-mamamayang mga patakaran. Inilagak ni Aquino ang pondo ng bayan sa mga pribadong bank account ng mga kaalyado bilang kikbak ng mga upisyal.

Pinapaboran ni Aquino sa mga kroni at oligarko sa pagbibigay sa kanila ng mga Programang Private-Public-Partnership (PPP). Nakinabang dito ang malalaking kontributor sa kampanya ni Aquino noong 2010 gaya nina Eduardo “Danding” Cojuangco, Henry Sy, Manuel Pangilinan, mga Ayala, Consunji at iba pang malalaking burgesya kumprador. Areglado na sa mga kamay nila ang mga kontratang PPP, maging sa pondo at programa ng “rehabilitasyon” sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad. Dinedemolish din ang kabahayan ng maralita para ihawan ang landas para sa mga negosyo ng mga kroni.

Pinaboran din ang sariling angkang Cojuangco na bukod sa patuloy na pinananatili ang Hacienda Luisita ay nakatangap pa ng P471.5 milyon para sa halaga ng pagbili ng isang bahagi nito sa Land Bank of the Philippines na dapat sana ay P304 milyon lamang.

Binibigyan din ng mga espesyal na tax exemptions and holidays ang malalaking kapitalista habang pinipiga ang mga karaniwang manggagawa at propesyunal. Wala sa listahan ng mga may malalaking binayarang buwis ang ilan sa mga pinakamayayaman sa bansa.

Punong ismaglerTumindi din ang pagtaas ng kaso ng ismugling sa ilalim ng rehimeng Aquino. Ayon mismo sa International Monetary Fund (IMF), lumala ng tatlong ulit ang ismugling sa bansa kumpara sa mga nakaraang taon at nagkakahalaga ng $19 bilyon noong 2011. Patuloy ang malakihang pagpuslit ng bigas, sibuyas, bawang, baboy, manok, at iba pang agrikultural na produkto sa ating bansa. Pinapatay ng ismugling ang kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka at produser sa kanayunan.

Kaklase, Kapartido, Kabarilan.

Nagpasikat si Aquino sa kanyang mga “anti-Kurapsyon” na kampanya, ngunit ni isa wala naman naparusahan. Ginagamit lang ni Aquino ang “Anti-Kurapsyon” na kampanya na panakot sa mga opisyal na humihina ang katapatan sa kanyang rehimen. Kahit na lantaran na ang kurapsyon ng kanyang mga kakampi, patuloy niya parin itong pinoprotektahan (Hal. Butch Abad at Proceso Alacala). Pinagtatakpan niya din ang katiwalian sa mga department na kilalang-kilala sa pagiging kurap (Hal. BIR, DOTC, at DPWH). Ang “Anti-Kurapsyon” ay sumasaklaw lamang sa sa mga kaaway ng pangkat ni Aquino.

Bata ng komprador

Malawak at lantaran ang kurapsyonsa ilalim ng rehimeng Aquino

Page 5: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

5TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | HUNYO 2014

‘Gintong’ bawang, bigas at pagkain: Kasabwat si Aquino ng WTO, kartel at ismagler

Mula P60-90/kilo, nagsimulang umakyat patungong P300/kilo ang bentahan ng bawang (P180/kilo sa lokal na ani) habang pinayagan naman ng National Food Authority (NFA) ang dagdag na P2/kilo sa presyo ng bigas. Bukod dito, sumirit pa ang presyo ng luya, asukal, at iba pang sangkap sa pagluluto dahil sa pagbaba ng mga supply nito sa pamilihan.

Nagaganap ang mga istorikong pagtaas dahil sa kakulangan ng subsidiya sa lokal na pagsasaka, kawalan ng lupa at pagsasailalim natin sa World Trade Organization (WTO). Dahil dito, nakadepende ng malaki ang bansa sa mga iniaangkat na produkto.

Habang itinutulak ng gobyerno ang “malayang kalakalan”, humihina ang kita ng mga lokal na sakahan dahil sa pagbaha ng dayuhang produkto sa merkado. At dahil napabababa nito ang lokal produksyon, binabalikat

ngayon ng mamamayan ang pagtaas ng imported na mga produkto gaya ng bawang.

Habang lubog sa ganitong suliranin, isinisisi naman ng gobyerno sa “bumabang importasyon” at mataas na demand mula sa traders ang pagsirit ng presyo ng bawang. Kaysa tulungang mapataas ang produktibidad ng lokal na pagsasaka ay iminungkahi pa ng National Garlic Action Team (na may basbas ng gobyerno) ang pagpapatupad ng 932 bagong permit sa importasyon.

Nais din ng WTO na tanggalin na ang anumang restriksyon sa mga inaangkat na bigas. Ibig sabihin, wala nang limitasyon sa bilang ng maaaring pumasok na dayuhang palay sa bansa. Ginagamit din itong dahilan ng ilang smuggler upang magpuslit ng dayuhang bigas sa bansa. Hanggang ngayon, hawak pa rin ng mga kartel sa leeg ang supply ng pagkain.

Pinatunayan ng kasaysayan na napahina ng husto ng liberalisasyon ng kalakalan ang pagsasaka simula nang pasukin natin ang WTO noong 1995.

Mula sa 7,000 hektaryang tinatamnan noong 1994, 2,500 hektarya na lang ang tinatamnan ng bawang ngayon. Habang nasa 8,847 metric tons na lang ang kabuuang ani ng bawang noong nakaraang taon, nasa 28,690 metric tons naman ang inangkat natin mula sa ibang bansa.

Sa madaling sabi, pinapaboran nina Agriculture Sec. Proceso Alcala at BS Aquino III ang interes ng mga monopolyo kapitalista sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal. Tagakanlong ng mga kartel at smugglers ang kasalukuyang administrasyon. Hinahayaan ng pamahalaan na ito na magtaas ng presyo ang mga lokal na kartel upang magkaroon ng dahilan na pumasok sa mga maanomalyang kontrata sa pagaangkat ng mga produktong agrikultural. Malinaw na walang pakielam ang gobyerno ng mga hasyendero sa karaingan ng mga nagdarahop na magsasaka. Malinaw na banta ang WTO sa seguridad ng pagkain at kakayahan ng bansa upang makatayo sa sariling paa.

Maisasalba lang natin ang ekonomiya kung proprotektahan natin ang industriya ng pagsasaka. Kinakailangan ang mahigpit na pagkontrol sa mga inaangkat na produkto, pagpuksa sa smuggling at pagbuwag ng mga kartel. Kinakailangang mapasakamay ng mga magsasaka ang lupa’t mamodernisa ang agrikultura upang masiguro ang pangangailangan ng bansa.

Ang walang habas na pag taas na ng presyo ng mga bilihin ay maslalong mag papahirap sa ating mga Pilipino. Sa tindi ng krisis ngayon, hindi na papayag ang mamamayan na “gisahin pa sa sariling bawang.” Ang maghimagsik ay makatwiran.Presyo kontrolin! Noynoy patalsikin!

Sa harap ng walang patumanggang pagsirit sa presyo ng iba’t-ibang produktong agrikultural sa merkado nitong mga nakaraang linggo, lahat ay nagtataka: bakit lahat na nagtataasan?

Page 6: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

6 HUNYO 2014 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

Socialized Tuition System sa UP:Mas matinding atake sa karapatan sa edukasyon

Mas matindi, mas malawak, at mas sistematikong pagpiga ng napakataas na matrikula mula sa mga estudyante ang dulot ng Socialized Tuition System (STS) na ipinatupad ngayon sa UP. Layunin nitong patuloy na tugunan ang patakarang kumersyalisasyon na pangunahing itinutulak ng rehimeng US-Aquino.

Ang ipinalit sa matagal nang isinusukang Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) ay “repormang” STS upang solusyunan umano ang daing ng mga estudyante sa napakataas na bayarin sa pamantasan. Ipinagmamalaki ang “pinaunlad” na proseso, pinasimple’t pinabilis na aplikasyon, at suporta umano sa mahihirap na estudyante sa ilalim ng STS, ngunit sa katunayan, mas masahol pa ito sa STFAP sa pag-atake sa karapatan sa edukasyon.

Walang nang pagpapanggap at ganap na sinelyuhan ng STS ang pagtataas ng matrikula mula P1,000 kada yunit tungong P1,500 kada yunit na pakubling ipinatupad noong 2012 sa pamamagitan ng STFAP. Itinaas nito ang karaniwang bayarin ng estudyante mula sa dating P20,000 tungo sa P30,000 kada semestre. Sa ilalim ng STS, ipinagmamalaki pa ng unibersidad na ang itinatakda na lamang nito ay “diskwento” sa tuition.

Lalong pinalawak ang atake sa pamamagitan ng sapilitang pagpapaloob ng lahat ng estudyante sa napakahirap na aplikasyon, mahigpit na deadline, at bogus na

pamantayan upang tiyakin na magbabayad ang pinakamarami ng P1,500 kada yunit. Dahil computerized, ibayong mas madali pa ang pagpapataw ng administrasyon ng mataas na bayarin.

Maniobra ni Aquino sa pamamagitan ng administrasyon ng UP ang pagpapatupad sa STS sa harap ng malakas na panawagan na ibasura ang STFAP at itigil ang mga hakbang ng komersyalisasyon.

Noong 2012, garapal na isulong ng gobyerno ni Aquino ang pagpapatupad ng iskemang socialized tuition sa lahat ng State Colleges and Universities (SUCs) sa buong bansa sapagkat napatunayang epektibong mekanismo umano ito para sa pagtataas ng matrikula at pagbabawas ng pampublikong subsidyo sa edukasyon.

Ngunit higit na nailantad ang STFAP matapos ang pagkitil ng sariling buhay ng UP Manila freshman na si Kristel Tejada matapos pilitin mag-drop nang hindi mabayaran ang napakataas na matrikulang ipinataw ng STFAP. Ganap na nailantad ang kabululukan ng STFAP at nang subukan nila itong ipatupad sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), mainit itong nilabanan at matagumpay na binigo ng mga protesta ng estudyante.

Hindi na tumatalab ang pagpapanggap at panlilito na tanging ang maykaya lamang umano ang nagbabayad nang mahal sa UP. Ramdam na ramdam ng mga estudyante na

labis silang pinahihirapan na makakuha ng mas mababang matrikula upang magkamal ng limpak-limpak na kita ang unibersidad mula sa kanila.

Maliban sa iskemang socialized tuition, kaliwa’t kanan din ang iba pang porma ng kumersyalisasyon sa UP. Sunud-sunod ang pagtataas ng laboratory fees at nagpapatuloy ang pagpapataw ng iba pang dagdag-singil. Ibayo pang sinasakal ng polisiyang ‘purging’ o sapilitang pagtatanggal sa klase ang mga estudyanteng hirap na ngang magbayad.

Tiyak na ibayong tataas ang bilang ng mga mag-aaral na napipilitang tumigil sa pag-aaral at mga magulang na nababaon sa utang. Hindi makasabay ang natatanggap na barat na sahod sa tindi ng pagtaas ng mga bayarin sa pamantasan kasabay sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin.

Sa kabila nito, tuloy ang garapal na pagsunod ni Aquino sa neoliberal na dikta ng US na isulong ang kumersyalisasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula at pagbabawas ng pondo upang papasukin ang pribadong mga negosyo at pagkakitaan ang mga serbisyo tulad ng edukasyo’t kalusugan.

Masidhi nating itakwil ang STS at iba pang porma ng kumersyalisasyon sa pamantasan! Ilantad ang mga atake ng rehimeng US-Aquino sa karapatan sa edukasyon! Labanan ang kolonyal, kumersyalisado, atpasistang edukasyon!

NXP Solidarity Caravan

Nag-caravan ang iba’t ibang organisasyon, kasama ang Anakbayan papunta sa NXP sa special economic zone sa Laguna kung saan aabot sa 800 mga manggagawa ang lumabas para magprotesta. Inihayag nila na tuloy ang paglaban para sa sahod, trabaho at karapatan. Nakahanda sila magwelga kung patuloy na tatanggihan ang kanilang mga kahingian.

Page 7: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

7TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | HUNYO 2014

PATNUGUTAN

PUNONG PATNUGOT | Orion YoshidaMGA KAWANI | Andrea Pauline Lim,Richard James Mendoza, Jaems Relativo,Ina Nacario, Jaque Eroles, Vencer Crisostomo,Bethany PascuaPAGLALAPAT | Edward Pastor

Para sa mga suhestyon, komento at kontribusyon, mag-email [email protected].

www.anakbayan.orgfacebook | Anakbayan Philstwitter | @anakbayan_ph

Sinampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang walong opisyal ng Commission on Higher Education (CHED), dahil sa muli na naman pag-abruba ng tuition increases ngayong taon.

Kinasuhan ng mga lider-estudyante si CHED chairperson Patricia Licuanan at mga Commisioner ng naturang ahensya na sina Maria Cynthia Rose Bautista, Minella Alarcon, Alex Brillantes Jr., at Ruperto Sanggalang, ang Executive Director na si Julito Vitriolo, at ang CHED NCR Regional Director na si Catherine Castenada, dahil sa matinding kainutilan at sadyang pagpapabaya nito sa pagharap sa mga kaso laban sa pagtaas ng matrikula.

Kabilang sa mga nagsampa ng kaso ang mga lider ng Anakbayan, National Union of Students in the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, League of Filipino Students at Rise for Education Alliance.

Nahaharap ang mga opisyal ng CHED sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, RA 9485 o ang Anti-Red Tape Act at paglabag sa RA 6713 o ang Code of Conduct and Ethical standards for Public Officials and Employees.

Ayon sa isinumiteng pahayag ng mga lider-kabataan, naghain ng magkahiwalay na petisyon ang mga mag-aaral noong ika-18 ng Marso at ng ika-1 ng Abril para kuwestyunin ang mga panukalang pagtataas ng singil ng matrikula sa mga unibersidad, subalit hindi naglabas ng desisyon ang CHED dalawang buwan matapos ihain ang mga petisyon at hinayaan ang pagtataas ng mga singil.

Dagdag pa nila, patuloy na hinayaan ng CHED ang paniningil ng “development fee” sa mga mag-aaral sa kabila ng Resolution No. 221-2012 ng CHED mismo na nagbabawal rito.

Agad na nag-iwas pusoy ang Malakanyang sa mga kaso at sinabing hahayaan nito ang Ombudsmana ng magpasya sa mga kaso. Sagot naman ng mga mag-aaral, patunay ang mga kaso na inutil ang gubyernong Aquino sa pagpigil sa pagtaas ng matrikula at dapat itong panagutin ng mga kabataan at mga magulang.

CHED, kinasuhan ng mgamag-aaral dahil sa muling

pag-aapruba ngtaas-matrikula

Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, ibayong pinatitindi ang mga neoliberal na atake laban sa paggawa. Nakabalangkas itong bawiin ang lahat ng napagtagumpayan ng kilusang paggawa upang lumikha ng ‘mura at siil na paggawa’ na kaniyang ilalako sa mga lokal at dayuhang kapitalista.

Sadyang pinalulubha ng gobyernong Aquino ang kawalan ng hanapbuhay sa bansa at ibayong lumilikha ng malaking reserbang paggawa sa pamamagitan ng programang K-12 upang baratin ang sahod ng mga manggagawa. Kapos na nga’t di nakasasapat ang minimum wage, nais pa itong tanggalin na para magpasahid ng mas mababa sa pamamagitan ng two-tiered wage system at individual contracting. Patuloy ring ipinapatupad ang regionalization ng sahod.

Bahagi rin ng ipinatutupad nitong neoliberal na balangkas ang tanggalan ng kundisyon ang kolektibong paglaban ng mga manggagawa. Maliban sa iba’t ibang paraan upang wasakin ang mga unyon at buwagin ang welga, sadyang pinapalaki din ang bilang ng mga kontraktwal na manggagawa na hindi maaaring sumapi sa unyon. Ayon sa datos ng KMU, halos 5% na lamang ng mga manggagawa ang unyonisado dahil sa pananalasa ng kontraktwalisasyon.

Kabilang din sa mga atake ang pagtatayo ng mga enklabo na isinasailalim sa halos walang-taning na kapangyarihan at panunupil ng Philippine Economic Zone Authority. Ginagamit din ang pasistang

Plano ng malawakangpag-oorganisa ng kabataang

manggagawa, ikinasa

puwersa ng gobyerno upang supilin at buwagin ang mga welga sa pamamagitan ng Assumption of Jurisdiction.

Dahil pangunahing sinasalot ng kontraktwalisasyon, sistemang enklabo, at kabuuang komprehensibong atake sa sahod at paggawa ang kabataang manggagawa, nagkaisa ang mga lider-kabataan na ilunsad ang malakas na kampanya laban dito at mag-organisa nang masaklaw sa hanay ng mga kabataang manggagawa.

Binigyang-diin ng kumperensya ang kahalagahan ng pag-oorganisa kung saan may konsentrasyon ng mga manggagawa na pangunahing matatagpuan sa mga agri-businesses sa mga probinsya, mga enklabo sa ilalim ng EPZA, at ilang factory belt sa Kamaynilaan. Mahalaga rin ang pag-oorganisa sa mga manggagawang nasa linya ng transportasyon, telekomunikasyon, at batayang utilities. Partikular din ang konsentrasyon ng kabataan sa mga enklabo dahil ang karaniwang edad na pinapapasok dito ay 18-25 taong gulang.

Sa pagpupulong, binuo ng mga lider-kabataan ang programa at plano para sa pag-oorganisa ng mga mangagagawa. Nagtalaga ng mga organizing teams sa partikular na workplaces at komunidad.

Ipinanawagan sa mga kasapi ng Anakbayan buong bansa ang buong lakas na pagsisikap upang magtayo ng maraming mga balangay ng organisasyon, mga asosasyon, at unyon ng manggagawa.

Upang palakasin ang paglaban sa tumitinding atake sa sahod at paggawa, isinusulong ngayon ng Anakbayan ang programa para sa malawakang pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataang manggagawa. Bilang paunang sikad, inilunsad noong Hunyo 14 ang kumperensya ng mga lider-kabataan, kasama ang Kilusang Mayo Uno (KMU), upang pagtalakayan ang sitwasyon ng mga manggagawa at pag-aralan ang karanasan sa pag-oorganisa sa kanila.

Page 8: Tinig ng Kabataang Makabayan (Anakbayan Official Publication) June 2014

8 HUNYO 2014 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

Sa panukala ng mga kaalyado ng rehimen, popondohan na naman ng dagdag P150 bilyon ang programa na gagatasan ni Aquino para sa eleksyong 2016. Kung tutuusin, lagpas P300 bilyon na ang nagasta sa CARP mula noong 1972 na dinala sa kurakot at ibinayad pa nga sa mga panginoong maylupa.

Ang CARP, sa loob ng mahigit tatlong dekada ay hindi nagbigay ng lupa sa mga magsasaka, sa halip, lalo pa nga nitong pinatindi ang konsentrasyon ng lupain sa kamay ng iilan. Sa kasalukuyan, nasa kamay pa rin ng iilang mga pamilya ang lagpas 1/5 ng lupang agrikultural sa bansa. Halimbawa

si Danding Cojuangco Jr, na may 30,000 ektarya sa Negros, Isabela, Cagayan, Davao del Sur, Palawan at Cotabato; ang pamilya Cojuangco, Dy at Enrile na naghahati ng 13,085 ektarya sa Isabela; ang Zobel-Ayala na may 12,000 ektarya sa Calatagan, Batangas at Floriendo na may 11,048 sa Davao at Davao del Norte.

Nasa 1% lamang ng populasyon ang nagmamay-ari ng aabot sa 1/5 ng kabuuang lupang agrikultural sa bansa. Kung tutuusin, lumaki pa nga ang bilang ng lupa na ipinasasaka simula ng ipatupadang CARP.

CARPER ibasura!Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!

Sa kasalukuyan, aaabot na sa 60% ng mga Certificate of Land Acquisition and Ownership o CLOA ang nakansela o binawi. Samu’t sari ang mga pamamaraan para ieksempt ang mga lupain mula sa pamamahagi sa pamamagitan ng reklasipikasyon at kumbersyon ng lupa. Matatandaang mula sa orihinal na target na 10.3 milyong ektarya noong 1988 o 85% ng kabuuang lupaing agrikultural at isang ikatlo ng kabuuang lawak ng bansa ay tinapyasan ito ng 22% o 8.1 milyong ektarya na lamang dahil na rin sa malawakang pagbabawas ng mga lupaing pribado at publiko sa sakop ng CARP.

Samu’t sari din ang mga pamamaraan para ikutan ng mga panginoong may lupa ang pamamahagi gaya ng Voluntary Land Transfer (VLT) kung may saan samu’t saring arrangement gaya ng “joint ownership” katulad ng stock distribution option na dehado ang mga magsasaka. Samu’t sari rin ang mga pamamaraan ng paniniil sa mga magsasaka at paninigil sa kanila hanggang sa mapilitan na silang ibenta muli ang lupa sa mga landlord.

Wala ng pinakamainam na halimbawa ng bogus na land reform kundi ang Hacienda Luisita. Bukod sa hindi pa rin nabibigay ang lupa sa mga magsasaka, sobra-sobra ang ibinayad sa mga Cojuangco para sa isang bahagi nito na aabot sa P471 milyon sa halip na P304 milyon lamang. Sa ganitong paraan, ginagatasan pa ng landlords at mga burukrata kapitalista ang CARP.

Sa 26 taon na ipinatupad ito ay pinatunayan ng CARPER na wala itong ibang silbi kung hindi linlangin ang mga magbubukid, pagkakwartahan ang kanilang karalitaan at kawalan ng lupa at maglatag ng ligal na balangkas upang mabawi ng mga asyendero ang lupa.

Nanawagan ang Anakbayan na isulong ang tunay na repormang agraryo sa pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at sa mga pakikibaka ng magsasaka at mamamayan para ibagsak ang paghahari ng mga panginoong maylupa, ipamahagi ng libre ang lupa at suportahan ang mga magsasaka.

Nasa mga magsasaka at mamamayan ang lahat ng dahilan para lumaban at mag-aklas laban sa bulok na sistema, ipanawagan ang lupa, hustisya at pagbabago.

Sa June 30, nakatakdang magtapos ang Comprehensive Agrarian Reform Program with Extensions and Reforms (CARPER). Itinutulak ngayon ni Aquino at mga kaalyado nito na muling palawigin ang huwad na reporma sa lupa.

Libo-libo ang nagmartsa papuntang Mendiola sa Maynila noong Hunyo 12 para ipanawagan ang pananagot ni BS Aqunio at lahat ng sangkot sa pork barrel scam.