8
AGOSTO 2015 IKALAWANG EDISYON Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee increases at K-12 ni Aquino! Kamakailan, tumambad sa buong bayan ang mga protesta ng mga Iskolar ng Bayan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) - Diliman hinggil sa mataas na singilin sa mga dormitoryo sa kampus, kakulangan ng mga klase sa panahon ng enrolment at patuloy na pagtaas ng matrikula at mga singilin. 3 4 5 5 5 6 6 7 7 8 2016 badyet ni Aquino: makadayuhan, kurap at pahirap Balik-eskwela sa UP Diliman sinalubong ng mga protesta Isang Taong Walang Hustisya: Cadano at Salonga, Palayain! Panawagan ng mga kabataan: Agad na palayain ang lahat ng kabataang bilanggong pulitikal Del Carmen 4 minasaker ng militar sa Masbate AFP, bistado sa pamimilit sa mga lumad na magrally Pananakot, red-tagging sa mga lider-pesante sa Ifugao, tinutulan 31 kabataang aktibista minasaker sa Suruc, Turkey Pagkabangkarote at krisis ng Puerto Rico: resulta ng kolonyalismong US at neoliberalismo Mamamatay akong rebolusyonaryo – Concha >>>Ituloy sa p2 Daan-daang mga mag-aaral ang nanawagan na bigyan sila ng slots sa natitirang mga abot-kayang dormitoryo sa kampus dahil hindi nila kayang bayaran ang mahal na singil sa mga bagong tayong dormitoryo sa kampus na higit triple ang halaga. Lumalabas na itinutulak ng UP ang mga mag-aaral na tumira sa mas mahal na mga dormitoryo na ipinaubaya sa pangangasiwa ng mga pribadong korporasyon para sa tubo.

Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

Embed Size (px)

Citation preview

Page 1: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

AGOSTO 2015IKALAWANG EDISYON

Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee increases at K-12 ni Aquino!Kamakailan, tumambad sa buong bayan ang mga protesta ng mga Iskolar ng Bayan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) - Diliman hinggil sa mataas na singilin sa mga dormitoryo sa kampus, kakulangan ng mga klase sa panahon ng enrolment at patuloy na pagtaas ng matrikula at mga singilin.

3

4

5

5

5

6

6

7

7

8

2016 badyet ni Aquino: makadayuhan, kurap at pahirap

Balik-eskwela sa UP Diliman sinalubong ng mga protesta

Isang Taong Walang Hustisya: Cadano at Salonga, Palayain!

Panawagan ng mga kabataan: Agad na palayain ang lahat ng kabataang bilanggong pulitikal

Del Carmen 4 minasaker ng militar sa Masbate

AFP, bistado sa pamimilit sa mga lumad na magrally

Pananakot, red-tagging sa mga lider-pesante sa Ifugao, tinutulan

31 kabataang aktibista minasaker sa Suruc, Turkey

Pagkabangkarote at krisis ng Puerto Rico: resulta ng kolonyalismong US at neoliberalismo

Mamamatay akong rebolusyonaryo – Concha

>>>Ituloy sa p2

Daan-daang mga mag-aaral ang nanawagan na bigyan sila ng slots sa natitirang mga abot-kayang dormitoryo sa kampus dahil hindi nila kayang bayaran ang mahal na singil sa mga bagong tayong dormitoryo sa kampus na higit triple ang halaga. Lumalabas na itinutulak ng UP

ang mga mag-aaral na tumira sa mas mahal na mga dormitoryo na ipinaubaya sa pangangasiwa ng mga pribadong korporasyon para sa tubo.

Page 2: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

2 AGOSTO 2015 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

Nag-aagawan din ng mga klase sa enrolment dahil pinalobo ang bilang ng mag-aaral para palakihin ang masisingil ng mataas na matrikula at para paghandaan rin ang inaasahang pagbagsak ng enrollment sa pagpapatupad ng K-12. Ito, habang wala namang makabuluhang dagdag sa mga guro, klasrum at pasilidad.

Samantala, tuloy ang pagsingil ng mas mataas na mga matrikula at mga bayarin sa UP pamamagitan ng Socialized Tuition Scheme, kasabay ng pagpapataw mga dagdag bayarin at iba’t iba pang mga hakbangin ng pagpapatindi ng komersyalisasyon sa pamantasan. Kabilang dito, nasa kalahati lamang ng mungkahing pondo para sa pamantasan ang ilalaan ng gubyerno para sa susunod na taon at kakaltasan pa ang badyet ng UP ng P2.2 bilyon.

Malinaw na inilalarawan ng mga hakbanging ito ang tumitinding komersyalisasyon ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Hindi kaiba ang UP sa ibang mga state university and colleges (SUCs) sa bansa na itinutulak din sa landas ng papatinding komersyalisasyon.

Sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), tuloy-tuloy ang panghuhuthot ng samu’t saring mga bayarin na malinaw na pabigat, maanomalya at kurakot. Patuloy na tinatangka ang pagtataas ng matrikula na matagumpay na hinaharap at binibigo ng mga protesta. Sa susunod na taon, nais ng PUP na itaas ng hanggang 2000% o aabot sa P16,000 matrikula para sa senior high school.

Samantala, tuloy-tuloy ang paniningil ng papataas na matrikula at mga bayarin sa mga pribadong paaralan sa buong bansa. Lumalagpas na sa mahigit P60,000 ang karaniwang halagang sinisingil kada semestre sa mga mag-aaral, halagang lubhang napakalayo na sa kakayanan ng kalakhan ng pamilya Pilipino. Sa kabilang banda, bilyun-bilyon taon-taon ang itinatalang kita ng malalaking kapitalista-edukador.

Sa pagpapatupad ng K-12 sa susunod na taon, lalo pang patitindihin ang komersyalisasyon sa edukasyon. Kamakailan, walang kahihiyang sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Patricia Licuanan na “hindi para sa lahat ang edukasyong

pangkolehiyo” para bigyang matuwid ang deregulasyon ng matrikula at K-12.

Sa ganito, inilalahad na mismo ng gubyerno ang tunay na motibo ng K-12: ang higit na itugma ang edukasyong Pilipino sa pangangailangan ng dayuhang kapital para sa mas mura at supil na lakas-paggawa. Hihilahin pababa ng K-12 ang sahod ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapatapos ng mas maraming mga kabataang handang sumabak sa paggawa sa mas maagang edad na siya namang handang makipag-agawan ng trabahong barat ang sahod. Samantala, lalong bibigyang dahilan ang pagpapaubaya sa edukasyong kolehiyo sa mga kapitalista edukador at patuloy na pagtaas ng matrikula kasabay ng pagsasabing dapat maging “eksklusibo” at “pribilehiyo” ang edukasyong tersaryo.

Mangangahulugan din ang K-12 ng papatinding pribatisasyon ng mga high school at maging ng batayang edukasyon. Ipauubaya sa malalaking pribadong institusyon ang pagpapatupad ng senior high school na nakatakdang makinabang sa bilyun-bilyong pondong ilalaan ng gubyerno para sa programa. Itutulak ang lagpas sa isang milyong mga mag-aaral na magbayad ng mataas na matrikula sa mga pribadong paaralan dahil sadyang walang balak magpatupad ang karamihan ng pampublikong paaralan ng senior high school. Dahil dito, tiyak na magdudulot ng malawak na kaguluhan at maramihang drop-out ang pagpapatupad ng K-12 sa susunod na taon.

Ang mga patakaran ng tumitinding komersyalisasyon sa mga kampus ay larawan ng pangkalahatang neoliberal na mga patakarang pabor sa dayuhan at iilan na ipinatutupad ng rehimeng US-Aquino. Ang paglaban ng mga kabataan laban sa pagtaas ng mga bayarin sa kampus at ng K-12 ay hindi kaiba at hindi hiwalay sa kabuuang laban ng mamamayan laban sa tumitinding pribatisasyon ng serbisyo gaya ng ospital at transportasyon, deregulasyon at liberalisasyon.

Ang mga atake sa karapatan sa edukasyon ay bahagi ng pangkalahatang disenyong makadayuhan para higit na patindihin ang pagsasamantala sa manggagawa at mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng mas mababang pasahod, kontraktwal na

paggawa, habang nagpapatuloy at sumasahol ang pyudal na pagsasamantala sa kanayunan.

Dapat palakasin ng mga kabataang mag-aaral kasama ang kanilang mga magulang, kaguruan at mga administrador ang paglaban sa tumitinding komersyalisasyon sa edukasyon at programang K-12. Nasa mga kabataan ang lahat ng dahilan para ilunsad ang malawakang walkout sa mga pamantasan at mga hayskul para igiit ang karapatan sa edukasyon sa lahat ng antas.

Sa sama-sama, sustinido at organisadong pagkilos ng kabataan at mag-aaral makahahakbang mula sa isang tagumpay tungo sa susunod pang malalaking tagumpay.Dapat likhain ang malawak na hanay ng mga mag-aaral, magulang, guro, mga kawani at administrador. Maaaring makabalikat ang mga administrasyon ng SUCs sa panawagan ng mas mataas na badyet para sa mga paaralan at edukasyon sa kalakhan.

Dapat mayakag ang mga mag-aaral, magulang at kaguruan sa mga hayskul na malawakang kumilos laban sa K-12. Dapat ipanawagan na itigil na ang programa at igiit na pagradweytin ang mga kasalukuyang 4th year high school.

Tiyakin ang masaklaw at mapangahas na disenyo ng propaganda-ahitasyon at edukasyon, mga pagkilos-paghahanda, walkout at martsa.

Dapat palakihin ang mga balangay, paramihin ang mga kasapi at ipaloob sa organisasyon ang pinakamaraming bilang ng mga kabataan at mag-aaral. Dapat pamunuan ang pinakamaraming mga organisasyon at institusyon sa mga pamantasan.

Dapat singilin ng kabataan at mag-aaral ang pahirap, papet at kurap na rehimeng US-Aquino sa pagtutulak nito ng mga patakarang nagsasadlak sa kabataan at mamamayan sa higit na kahirapan at pagsasamantala. Ang paglakas at paglawak ng organisadong hanay, pagtatagumpay ng kabataan sa kanyang mga pakikibaka at mahigpit na pakikiisa sa pakikibaka ng mamamayan ay mag-aambag ng malaki sa paglakas ng kilusang masa tungo sa pagdaluyong ng protesta laban sa bulok na sistema.

PUNONG PATNUGOTOrion Yoshida

MGA KAWANIAlexia Fuentes, Andrea Lim, Edward Pastor, Elizabeth Gonzales, Issa Baguisi, Gem Aramil, James Relativo, Jackie Tan Gonzales,

Jaque Eroles, John Ian Allenciaga, John Levi Masuli, Karlo Mongaya, Reeza Rosalada, Shelly Dalmacio, Vencer Crisostomo

Para sa mga suhestyon, komento at kontribusyon, makokontak kami sa mga sumusunod:

[email protected]

facebook | Anakbayan Philstwitter | @anakbayan_ph

Page 3: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

3TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | AGOSTO 2015

2016 badyet ni Aquino: makadayuhan, kurap at pahirapAng P3.002 trilyon na panukalang badyet ng rehimeng US-Aquino para sa 2016 ay malinaw na sumasalamin sa patuloy na patakaran ng rehimen para sa mas matinding pagpapakatuta sa dayuhan, pagpapahirap sa mamamayan at pangungulimbat sa pondo ng bayan.

Pangunahing popondohan ng rehimen ang pagpapatupad ng mga patakarang “pangkaunlaran” na sa totoo’y para sa higit na pakinabang ng mga dayuhan at mga lokal na naghaharing uri.

Para sa dayuhan at iilan

Bayad-utang: Nangungunang prayoridad sa badyet ang pambayad-utang sa dayuhan na aabot sa P740.5 bilyon, kung saan P392.79 bilyon ay pambayad sa interes at P347.7 bilyon ay para sa prinsipal na amortisasyon. Mabuting papet si Aquino at masugid sa bayad-utang habang patuloy pa rin namang nangungutang kapalit ng pagpapatupad ng mga makadayuhan at pahirap na mga patakaran. Mangungutang muli ng P674.8 bilyon sa susunod na taon upang tapalan ang depisito sa panukalang budget.

Imprastraktura para sa kita: Malaking bahagi ng pondo ay nakalaan sa pagtutulak ng mga patakaran at programang pang-ekonomiya sang-ayon sa neoliberal na mga imposisyon. Lalagpas sa P766 bilyon at tumaas ng 29% ang mga proyektong pang-imprastraktura gaya ng mga kalsada, paliparan, mga tulay at iba pa na papabor sa malalaking negosyo na siya ring gatasan ng pandarambong at panuhol sa eleksyon.

Para sa malaking negosyo: Nakahanay din ang mas maraming mga proyekto ng pribatisasyon sa Public-Private Partnerships (PPP) kung saan makikinabang ang mga pangunahing kroni at malalaking negosyo na malapit kay Aquino. Aabot sa 10 PPP projects na nagkakahalaga ng P189 bilyon ang naiaward na sa mga Ayala, Sy, Cojuangco at 13 pa ang nakapila na aabot sa P518 bilyon. Taliwas sa pangako na walang gagastusin ang gubyerno sa mga proyektong ito, hindi bababa sa P65.9 bilyon ang ilalaan muli para sa PPPs.

Pandarambong sa kabang-bayan at panuhol sa halalan

Lump sum funds: Pinalaki pa ang pork barrel funds para sa susunod na taon. Hindi bababa sa P648.2 bilyon minimum o 22% ng badyet ay lump sum o pork na nasa direktang kontrol ng pangulo. Maaari pa itong lumagpas ng P1 trilyon kung isasama ang iba pang mga hindi direktang inilalagay sa panukala.

Special Purpose Funds: Malaking bahagi ng lump sums ang “special purpose funds”

(SPFs) na aabot sa P430.4 bilyon. Pinalobo ang SPFs para sa 2016 na tumaas ng 75.2% mula P245.7 bilyon lamang sa 2015. Ang nalalabing P217.8 bilyon naman ay iba pang mga lump sum na nakatago sa 38 ahensya ng gubyerno. PDAF: Kahit idineklara nang labag sa batas, patuloy pa rin ang pork na gaya ng idineklarang iligal na Priority Development Assistance Fund (PDAF). Idinadaan sa “insertions” o pagsisingit sa badyet ang pondo para sa mga kongresista sa badyet ng iba’t ibang ahensya. Pork para sa LGU at NGO: Mayroon ding aabot sa P25.7 bilyon na nakalagay sa ilalim ng “bottom’s up budget” na nakalaan sa mga lokal na pamahalaan at mga non-government organizations (NGO) na tiyak na gagamitin para manuhol ng suporta ng lokal na pamahalaan para sa halalan. Tumaas din ang pondo para sa Local Government Support Fund (LSGF) mula sa P3.1 bilyon tungong P18.4 bilyon. HolDAP: Kung tutuusin, kayang kontrolin ni Aquino ang buong badyet sa sarili nitong

diskresyon. Kahit idineklara nang labag sa konstitusyon, pinanatili ni Aquino ang mga probisyon na tulad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) sa badyet na nagpapahintulot na gawing “savings” ang mga pondo at gamitin ito sa mga mga proyektong pangurakot at panuhol. Aabot ang sinasabing savings sa lagpas P400 bilyon. Pahirap sa mamamayan at paglabag sa karapatan

K-12 at komersyalisasyon: P547.3 bilyon ang inilaan para sa Department of Education, mas maliit sa bayad-utang at pork. Nasa 3.6 % lamang ng Gross domestic Product, malayo sa 6% na standard ng United Nations. Kulang na kulang ito para tugunan ang mga kakulangan sa edukasyon at malaking bahagi pa o aabot sa P21.18 bilyon ay ilalaan para sa pribadong paaralan sa ilalim ng programang voucher.

Samantala, kinaltasan ng mahigit P2.2 bilyon ang pondo ng Unibersidad ng Pilipinas at nananatiling maliit ang pondo para sa mga state universities and colleges (SUCs) na itinutulak sa papatinding komersyalisasyon.

Pribatisasyon ng mga ospital at serbisyo: Ang pondong pangkalusugan na nasa P132.7 bilyon lamang ay nakatuon pa sa pribatisasyon at PhilHealth. Nasa P43.3

PH

OTO

CR

EDITS: SO

UTH

ERN

TAGA

LOG

EXPO

SUR

E

>>>Ituloy sa p4

Page 4: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

4 AGOSTO 2015 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

bilyon ang pondo para sa PhilHealth habang nasa P17.3 bilyon lamang ang pondo para sa mga serbisyo sa ospital.

May hindi bababa sa P9 bilyon din na nakalaan para sa MRT at LRT na patuloy na pinipribatisa at tinataasan ng pasahe.

Demolisyon at huwad na reporma sa lupa: P33 bilyon ang nakalaan para idemolish at pagkakitaan pa ang mahigit 14,000 na

maralita sa mga “danger zones.” Samantala, may P4.5 bilyon na nakalaan para sa huwad na reporma sa lupa na sa totoo’y ibibigay sa mga panginoong maylupa.

Conditional Cash Transfers (CCT): Nasa P62.7 bilyon ang nakalaan muli sa dole-out at kurakot na CCT na umaabot na sa P189.9 bilyon mula noong 2008.

Panunupil at paglabag sa karapatang pantao: Dinagdagan ng nasa 11.5% ang pondo para sa militarisasyon at panunupil mula P115

bilyon tungong P129 bilyon. May P78.9 bilyon din para sa “territorial defense, security and stability services” at P25 bilyon para sa AFP modernization. Ang mga pondong ito ay gagamitin para sa pagtatayo ng dayuhang base at ipambibili ng mga bulok na gamit-militar ng US. Dinagdagan din ang pondo para sa kontra-insurhensya at psy-war sa mga komunidad gaya ng PAMANA program na nasa P21.8 bilyon, mas mataas ng P5 bilyon mula sa nagdaang taon.

>>>Mula sa p3

Sinalubong ng serye ng mga kilos-protesta ang pagpasok ng bagong semestre sa University of the Philippines Diliman (UPD) dahil sa daan-daang estudyante ang walang matulugan dahil sa kawalan ng murang matitirahang dormitoryo sa pamantasan.

Sinimulan ang bagong semestre sa UP nang hindi pa nakapaglalabas ng pinal na desisyon ang Dormitory Oversight and Admissions Committee (DOAC), para sa mga apila ng mga estudyanteng wala pang matitirahan. Kalakhan sa mga estudyanteng wala pang nahahanap na dorm ay nagmula pa sa malalayong probinsya.

Dahil sa kawalan ng desisyon ng DOAC, na dapat ay naglabas ng kanilang desisyon noon pang Hulyo 31 pero naglabas lang ng pailan-ilang resulta noong Agosto 4, napilitang matulog ang mga estudyanteng wala pang matuluyan sa opisina ng All-UP Worker’s Union.

Ayon sa pagsasaliksik ng mga estudyante, tumitindi ang panghuhuthot sa mahal na singil sa pagtira sa mga dormitoryo. Sa bagong Acacia dormitory na isang P180 milyon na gusali, P3,000 kada buwan (labas pa ang bayad sa tubig at kuryente) ang sinisingil sa mga estudyante. Ito, samantalang ang nasa P145.5 milyon na pinagpagawa dito ay galing sa nakolekta sa tuition increase.

Sa Kamagong Centennial Dormitory (KCD), nasa P1,500 kada buwan ang sinisingil sa mga estudyante, kahit na halos P43 milyon sa pinagpagawa dito ay galing sa tuition at university savings. Sa kasalukuyan ang KCD ay pinamamahalaan ng isang pribadong kumpanya na itinakda ng mga pribadong donor na nagbigay ng P43 milyon

Balik-eskwela sa UP Diliman sinalubong ng mga protesta

sa pagpapagawa nito. Habang ginagatasan ng UP ang mga estudyante ng P1,500, nagbabayad naman ito ng P6.6 million kada taon para sa mga empleyado na galing sa pribadong kumpanya (1 manager, 4 na staff member, 3 housekeeper).

Nasa 3,452 ang inisyal na nakabukas na slots para sa 11 dormitoryo pwera sa International center at Kamagong Residence Hall. Pero kung bibilangin ng buo aabot ito sa 3,725. Nasa 4,600 naman ang naipasa na mga aplikasyon para sa pagdodorm online, pero nasa 3,000 lang ang pumasa para mabigyan ng slot.

Noong Agosto 10, nasa 480 apila na ang naipasa sa Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA). Ang nilalaman ng mga pinasang apila ay para sa

rekonsiderasyon, paglipat sa mas murang dorm, at para mag apply lagpas sa deadline. Dahil sa sama-samang pagkilos ng mga estudyante ng UPD, naigiit ang pagbubukas ng mas marami pang slots. Mula sa 20 slots na pwede pa daw, binuksan ang 320. Sa sama-samang pagkilos tagumpay na nakapasok sa dormitoryo ang mga mag-aaral.

Malinaw na ang kinaharap na kawalan ng matitirahan ng mga estudyante ng UPD ay tulak ng malawakang pribatisasyon at komersyalisyalisasyon sa UP at edukasyon. Samantala, pinasasahol ang kalagayang ito sa pagtutulak ng pagtataas ng matrikula at mga bayarin. Kakaltasan din ng gubyernong Aquino ng P2.2 billion ang pondo para sa UP sa susunod na taon.

www.anakbayan.orgbisitahin ang

Page 5: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

5TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | AGOSTO 2015

Kinundena ng Anakbayan ang isang taon nang kawalang hustisya para kina Guiller Martin Cafano at Gerald Salonga na parehong dinukot ng mga elemento ng 3rd Infantry Battalion sa Gitnang Luzon. Sina Cadano at Salonga ay kapwa organisador ng Kabataan Partylist at Anakbayan Central Luzon.

Noong Agosto 9, 2014 dinukot sila ng mga elemento ng 3rd IB sa Brgy. RT Padilla, Carranglan, Nueva Ecija. Inilitaw na lang sila sa susunod na araw na nakakulong na sa headquarters ng Provincial Public Safety Company dahil sa mga gawa-gawang kasong ipinataw sa kanila. Tinaniman ang dalawa ng mga ebidensya, at inakusahang miyembro ng New People’s Army.

Isang taon na silang nakakulong sa San Jose City jail, pero usad-pagong pa rin ang takbo ng kanilang kaso. Kamakailan lang nagpalit na naman ng huwes at nausog sa Oktubre 1 ang hearing na dapat sana’y nitong Agosto 13.

Isang taon ng kawalang-hustisya: Cadano at Salonga, Palayain!

Sina Cadano at Salonga ay mga huwarang kabataan na piniling makipamuhay sa masang anakpawis ng Carranglan. Sila ay nagmulat, nag-organisa, at nagpakilos ng mga mamamayang pinagsasamantalahan at pinahihirapan sa Carranglan.

Sa kanilang pananatili doon, isa sa nailantad nila ang ginagawang pagsasamantala at pagpapahirap sa mga mamamayan doon ng proyektong Dalton Pass East Alignment Road Project (DEARP), na bubutas sa hangganan ng bundok ng Nueva Ecija at Nueva Viscaya para sa isang pribadong kalsada. Ang mahahakot na lupa ay siya namang ieexport palabas ng bansa dahil mayaman ito sa mineral. Sa proyektong DEARP ng gobyerno ng Pilipinas at ng Japan International Cooperation Agency, maraming mga magsasaka ang mapipilitang umalis sa kanilang lugar dahil matatamaan ito ng nasabing proyekto.

Sa kanilang pagkampi sa masang pinahihirapan, sila naman ngayon ang

pinahihirapan ng estado. Sina Cadano at Salonga ay parehong biktima ng Oplan Bayanihan ng pasistang rehimeng US-Aquino na naglalayong patahimikin ang mamamayang lumalaban sa pagpapahirap at pagsasamantala ng iilan gamit ang pandarahas, pananakot, at panlilinlang. Sa sabwatan ng estado, malalaking korporasyong dayuhan at lokal, at malalaking panginoong maylupa, dehado na nga ang mamamayan nalalagay pa sila sa peligro kapag sila ay umalma.

Bilang pagmarka ng isang taon nilang pagkakadukot at pagkakapiit, nagsagawa ng pag-aayuno sina Cadano at Salonga noong Agosto 3-10. Nagsagawa din ng programa sa San Jose City Jail, Nueva Ecija sa mismong petsa ng kanilang pagkakabilanggo isang taon ang nakalilipas. Nanawagan ang Anakbayan sa lahat na suportahan ang panawagan na palayain sina Cadano, Salonga, at lahat ng bilanggong pulitikal sa ating bansa.

Pinangunahan ng Anakbayan kasama ang Student Christian Movement of the Philippines, League of Filipino Students, Kabataang Artista Para sa Tunay na Kalayaan, Kabataan Partylist, College Editors’ Guild of the Philippines at National Union of Students of the Philippines ang paglulunsad ng Tanggulan Youth Network for Human Rights and Civil Liberties noong Agosto 15 sa UP Diliman, Quezon City.

Nanawagan ang mga grupo ng kabataan para sa agarang pagpapalaya sa lahat ng kabataang bilanggong pulitikal. Inilahad nila ang kaso nina Guiller Cadano, Gerard Salonga, Maricon Montajes, Ronilo Baes,

Panawagan ng mga kabataan: Agad na palayain ang lahat ng kabataang bilanggong pulitikal

Romiel Canete at Juan Pablo Versoza bilang ilan sa mga kaso ng kabataang bilanggong pulitikal sa ilalim ng administrasyong Aquino.

“Dahil sa serye ng paglabag ng estado sa karapatang pantao, napakahalagang magbuo ng ugnayan ng mga kabataan na magsusulong at magtatanggol sa mga karapatang pantao at sibil,” dagdag ni Crisostomo.

Idiniin ng Anakbayan ang pananagutan ng administrasyong Aquino sa serye ng harasment laban sa mga aktibista. Sa kasalukuyan, aabot na sa 262 ang kaso ng mga ekstrahudisyal na

pagpatay, 293 ang kaso ng mga bigong ekstrahudisyal na pagpatay; 27 biktima ng sapilitang pagkawala; 125 kaso ng torture; 771 kaso ng iligal na pag-aresto at 538 bilanggong pulitikal.

Nanindigan ang Anakbayan kasama ng iba’t ibang organisasyon ng kabataan na bahagi ng Tanggulan Network na hindi ito hihinto sa paglaban para sa agarang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, pagtatanggol sa karapatang pantao at sibil at pagpapanagot sa administrasyong Aquino para sa paglabag nito sa mga karapatang pantao.

Page 6: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

6 AGOSTO 2015 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

“Isang masaker ang ginawa ng mga sundalo.” Ito ang pahayag ng Masbate People’s Organization (MAPO) hinggil sa brutal na pagpaslang ng mga militar sa apat na namamasadang drayber ng motorsiklo ng Barangay Del Carmen, Uson, Masbate noong Agosto 3, 2015.

Sa hapon ng araw na iyon, walang awang pinatay ng mga sundalo sa ilalim ng 9th Infantry Battalion ng Philippine Army sina Abelio Mahinay, 27 anyos; Adam Fajardo, 34 anyos; Jobert Badilio, 23anyos; at Gary Vistar, 37 anyos.

Tinambangan ng Jose Rapsing Command ng New People’s Army (NPA) ang pinagsanib na grupo ng Criminal Investigation and Detection Group at 9th IB sa Barangay Mactan, Cawayan, Masbate, dakong 4:15 ng hapon noong Agosto 3.

Matapos ang palitan ng mga putok ng baril, inatasan ng kapitan ng Barangay Del Carmen na si Sulpicio Abilida Mahinay ang kanyang mga nasasakupan na tulungan ang mga sugatang sundalo.

Del Carmen 4 minasaker ng militar sa Masbate

Agad na rumesponde ang apat na residenteng mayroong motorsiklo na sina Mahinay, Fajardo, Badilio, at Vistar, na kung tawagin sa barangay ay Del Carmen 4. Ngunit hinarang sila ng mga militar sa checkpoint sa Barangay Mactan at iginiya sa madamong bahagi ng naturang barangay kung saan sila walang awang pinaslang.

Bago maganap ang naturang pananambang, naglunsad ng tatlong araw na operasyong militar ang 9th IB sa mga bayan ng Cataingan, Palanas, Cawayan, at Placer sa Masbate. Ayon sa MAPO, samu’t sari ang pang-aabuso ng mga elemento ng militar laban sa mga residente ng mga bayang ito.

Para mabigyang-depensa ng mga sundalo ang ginawang pagpaslang sa apat na sibilyan, pinalabas nilang ang mga biktima ay mga rebeldeng napaslang sa nangyaring engkwentro sa Mactan. Subalit malinaw na inihahayag ng naiwang pamilya at mga kakilala na ang mga pinaslang ay hindi rebelde kundi mga sibilyang residente ng barangay.

Tinoc, Ifugao - Mariing tinutulan ng iba’t-ibang grupo’t indibidwal ang pananakot sa mga lider-pesante ng Ifugao Peasants Movement (IPM), partikular ng barangay council leader na si Nonoy Bungtiwen ng Barangay Tulludan, Tinoc, Ifugao.

Ito ay sa gitna ng nagaganap na kiskisan sa pagitan ng mga komunidad ng mga magsasaka at ng Quadriver Power Corp. ukol sa proyektong mini-hydroelectric power plant ng huli, kung saan ilang hektarya ng sakahan at taniman ang tiyak na maaapektuhan.

Pananakot, red-tagging sa mga lider-pesante sa Ifugao, tinutulanAyon kay Bungtiwen, nakatanggap siya at ang kanyang mga kasama ng isang litratong nagpapakita ng ‘gamong’, isang kumot na ginagamit sa tradisyunal na paglilibing ng mga Ifugao. Kalakip ng larawan ang mga salitang “Gray May, June Gloom, No-Sky July” na nagpapahiwatig ng isang death threat.

Ito ay kaakibat din ng black propaganda laban sa komunidad na lumabas sa social media, kung saan inakusahan si Bungtiwen at ang kanyang mga kasama na nagsunog ng isang backhoe at inakusahan din bilang mga miyembro ng New People’s Army.

Mariing tinutulan ng mga mamamayan ng Barangay Tulludan ang mga pananakot at akusasyon sa isang community petition at barangay resolution. Ayon sa resolusyon, nilalabag ng planadong propaganda ang mental na integridad, kalayaan, at kaligtasan ng isang respetado at naihalal na opisyal ng barangay.

Kwinestyon ni Bungtiwen ang ginagawang pananakot sa kanya. Aniya, “Bakit kung ipinagtatanggol natin ang bayan ay binabantaan ang ating buhay?” Ilang grupo tulad ng Cordillera Human Rights Alliance ang sumuporta kay Bungtiwen at sa kanyang mga kababayan.

Lumabas sa ulat ng KARAPATAN, isang alyansang pangkarapatang pantao, ang iskema ng panloloko at pananakot na ginagawa ng AFP sa mga Lumad at mamamayang Pilipino.

Nadiskubre na sa militarisadong lugar ng Sitio Laslasakan, Talaingod, Davao del Norte sapilitang pinaaaamin ng AFP ang mga Lumad doon na miyembro sila ng New Peopls’s Army at ihinaharap sila ng AFP sa madla bilang mga sumukong rebolusyonaryo.

Sila din ay pinilit ng AFP na magrally laban sa isang lokal na estasyon ng radyo na nagsisiwalat ng mga paglabag sa karapatang pantao ng AFP sa lugar na iyon. Pinilit din silang sumali sa mga rally

AFP, bistado sa pamimilit sa mga Lumad na magrallyna sumusuporta sa PDAF, kontra sa mga paaralan sa Salugpungan, at pabor sa militarisasyon sa Talaingod.

Ayon kay Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng Anakbayan at convenor ng Tanggulan, isang alyansang pangkarapatang pantao ng mga kabataan, “Pinakikita lang ng mga insidenteng isiniwalat ng KARAPATAN kung gaano kasahol ang pagtrato ng mga militar sa mga Lumad ng Talaingod.”

Ayon sa Anakbayan, ang mga ginagawa ng AFP ay klarong parte ng kampanyang pangkontra-insurhensya nila, ang Oplan Bayanihan.

“Klarong-klaro na ang administrasyong Aquino ang mismong nagrerekluta sa

kanilang mga kaaway dahil sa pamemerwisyo nila sa mamamayan,” dagdag ni Crisostomo.

Idiniin ng Anakbayan na dapat managot si Lt.Col Vicente Edgardo de Ocampo ng 68th IB at Col. Ricardo Nepomuceno ng 1003rd sa kanilang ginampanang papel sa pamimilit sa mga Lumad.

Nanawagan din ang Anakbayan sa mabilis na pagpapaalis sa mga militar sa Talaingod para makabalik na sa normal na pamumuhay ang mga Lumad.

“Habang militarisado ang Talaingod, hindi lang mabubuhay sa paghihirap ang mga mamamayan nito, masasadlak din sila sa anino ng takot dahil sa pasismo ng AFP,” sabi ni Crisostomo.

Page 7: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

7TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN | AGOSTO 2015

Ang Puerto Rico ay kilala bilang bahagi ng teritoryo ng US matapos itong sakupin ng US noong taong 1898 mula sa Espanya. Sa katotohanan, ang maliit na islang matatagpuan sa dagat ng Carribean, sa timog ng mainland US ay isang direktang kolonya ng US.

Ngayong buwan ng Agosto, idineklara ng Gobernador ng Puerto Rico na si Alejandro García Padilla na walang kakayahan ang gobyerno na magbayad ng bahagi ng utang nito na $58 milyon sa mga bondholder. Mayroon itong $5 bilyon babayaran na prinsipal at interes sa susunod na 12 buwan.

Isang dekada nang humihina ang ekonomiya ng Puerto Rico hanggang sa kasalukuyang pagkalubog nito sa mas malalim na krisis kung saan lampas sa 12 porsyento ang walang trabaho at libu-libo ang lumilikas papuntang mainland US kada taon.

Kolonyal na pamana

Ang kasalukuyang krisis ay isang pamana ng kolonyalismo na nagsimula nang sinakop ng US ang Puerto Rico noong 1898. Magkakasabay ang Puerto Rico, Pilipinas, at Cuba na ibinenta ng Espanya sa US sa halagang $20 milyon sa ilalim ng Tratado ng Paris. Hindi rin magkalayo ang karanasan ng mamamayan ng Puerto Rico at mga Pilipino sa ilalim ng kolonyalismong US.

Maraming magsasaka ang nawalan ng lupa matapos matangay sa pang-uusura ng mga bangkong Amerikano nang tinaasan ng US ang property tax sa lupang agrikultural ng Puerto Rico noong 1901. Dahil dito, 34 porsyento ng lupa ay naging pag-aari ng

Pagkabangkarote at krisis ng Puerto Rico: resulta ng kolonyalismong US at neoliberalismo

panginoong maylupang absentee sa taong 1930. At dahil sa kawalan ng lupa at pera, napilitan ang mga magsasakang magtrabaho sa mga syudad ng US.

Ginawang pinagkukunan ng murang paggawa at tambakan ng mga sobrang produkto at kapital ng US ang Puerto Rico. Sa ilalim ng Merchant Marine Act ng 1920 na kilala rin bilang Jones Act, ipinataw na dapat idaan sa mga barko ng US ang lahat ng mga produktong papasok o lalabas ng Puerto Rico. Dahil dito, dumoble ang halaga ng lahat ng mga produktong iniimport sa Puerto Rico dahil sa dagdag na buwis, customs, at import fees. Hanggang ngayon, doble pa rin ang gastos para sa mga batayang bilihin sa Puerto Rico.

Ayon sa mga desisyon ng Korte Suprema ng US noong maagang bahagi ng 1900s sa ilalim ng mga tinatawag na “Insular Cases”, parte lamang ng Konstitusyon ang angkop sa teritoryo ayon sa kagustuhan ng Kongreso. Walang karapatan ang mamamayan ng Puerto Rico na bumoto para sa Kongreso at Senado ng US kahit pa man may hurisdiksyon ang dalawang institusyon na ito sa kanila.

Patuloy na humuhuthot ng sobrang-tubo ang mga koroporasyong Amerikano mula sa ibayong pagsasamantala sa mamamayan ng Puerto Rico. Patuloy din ang di-pantay na pagturing ng batas ng US sa 3.5 milyong residente ng isla kahit pa man sila ay mga US citizen.

Neoliberal na “reporma”

Ginagamit ngayon ng mga internasyunal na pinansyal na institusyon ang pagkabangkarote

ng Puerto Rico sa pakana nito na magtulak ng mas malalim na mga neoliberal na “reporma” sang-ayon sa mga rekomendasyon ng Krueger Report na ginawa ng isang grupo ng mga ekonomista sa pamumuno ni Ann Kruger, isang dating opisyal ng International Monetary Fund (IMF).

Sa partikular, tinutulak ng Krueger Report ang pagbabawas ng oras ng trabaho ng mga empleyado ng gobyerno, ang pagbabawas sa minimum na sahod na kasalukuyang $7.25 kada oras, at pagbabawas sa bilang ng araw para sa sick leave ng mga pampublikong manggagawa.

Kabilang din sa mga mungkahi ng Krueger Report ang pribatisasyon ng Autoridad de Energía Eléctrica, ang kompanya sa kuryente, Autoridad de Aqueductos y Alcantarillados, ang kumpanya sa tubig, ang State Insurance Corporatio (FSE), at ang pampublikong sistema ng edukasyon.

Naiulat din sa balita na may plano ang gobyerno na magpatalsik ng mga empleyado sa pampublikong sektor. Nais din nilang bawasan ang bilang ng mga araw para sa bakasyon na naipagtaumpay ng mga kawani ng mga unyon sa pampublikong sektor.

Sa kabilang banda, dagdag na pag-abswelto naman sa pagbabayad ng mga buwis ang planong nakalaan para sa mga multinasyunal na mga korporasyon. Sa madaling salita, pagkakikitaan na naman ng monopolyo kapitalismo at ng oligarkiya sa pinansiya ang pagkabaon sa utang at krisis ng Puerto Rico.

Sa kabila ng todo-todong neoliberal na atake ng monopolyo kapitalismo, lumalakas naman ang paglaban ng mamamayan ng Puerto Rico laban sa pagyurak ng kanilang mga karapatan at kabuhayan.

Tatlumpu’t isang kabataang aktibista ng Federation of Socialist Youth Associations ang namartir sa isang teroristang atake ng isang suicide bomber sa Amara Culture Centre sa bayan ng Suruc, Turkey noong Hulyo 20 samantalang mahigit isang daan ang nasugatan sa nasabing atake.

Ang mga biktima ay bahagi ng 300 kabataang Kurd at Turko na papunta sa bayan ng Kobane upang tumulong sa rekonstruksyon ng nasabing bayan sa hilagang bahagi ng Syria na winasak ng gera. Plano ng mga kabataan na magtayo ng isang aklatan, parke, at maliit na ospital.

Maaalalang naging inspirasyon ng buong daigdig ang mga mandirigmang Kurd sa ilalim ng People’s Defense Units o YPG sa kanilang

31 kabataang aktibista minasaker sa Suruc, Turkeymagiting na paglaban sa teroristang Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) sa Kobane.

Ayon sa International League of People’s Struggles (ILPS), malakas ang ebidensya na pinayagan ng mga opisyal ng Turkey na papasukin ang ISIS suicide bomber sa bayan ng Suruc na pinamamahalaan ng progresibong People’s Democratic Party na sumusuporta sa laban ng mamamayang Kurd at kumukontra sa ISIS.

Nagsasabwatan ang gobyerno ng Turkey at ISIS laban sa kilusang Kurd na aktibo sa Turkey, Syria, Iran, at Iraq sa pamumuno ng Kurdistan Workers Party o PKK, ayon sa ILPS. Ang pasistang rehimen ni Recep Tayyip Erdogan ay tumutulong sa ISIS sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa teroristang organisasyon na magtayo ng mga kampo sa loob ng Turkey.

Dagdag pa ng ILPS, inaarmasan at pinopondohan ang teroristang ISIS ng US at ng mga papet nitong rehimen ng Turkey, Saudi Arabia at Qatar at ginagamit din ng imperyalismong US upang bigyang katwiran ang agresyong militar nito sa Syria na naglalayong patalsikin ang rehimeng Assad. Pinatindi kamakailan ng Turkey ang mga atake nito sa mga Kurd sa pamamagitan ng mga pambobomba sa mga balwarte ng PKK sa Iraq at Turkey.

Nagpahayag ng pakikiramay ang Anakbayan sa mga pamilya, kasama, at kaibigan ng mga kabataang aktibista na minasaker sa Suruc. Mariing kinukundena ng organisasyon ang karumaldumal na krimeng ito ng ISIS at rehimeng Erdogan. Kaisa ang Anakbayan at kabataang Pilipino sa magiting na pakikibaka ng mamamayang Kurd para sa pagsasarili at kalayaan.

Matapos mabangkarote at masadlak sa matinding krisis ang Greece, sumunod ngayon ang Puerto Rico na magdeklara ng pagkabangkarote o wala nang pondo upang magbayad sa pangkabuuang utang nito sa mga internasyunal na pinansyal na institusyon na aabot sa halagang $73 bilyon.

Page 8: Palakasin at palawakin ang paglaban sa tuition and other school fee

8 AGOSTO 2015 | TINIG NG KABATAANG MAKABAYAN

Iloilo – Nagtatanong ang mga mata at may kirot sa kanyang mga labi nang amin siyang madatnan sa loob ng karsel sa Molo police station dito, umaga ng Agosto 5. Hindi pa siya nakakain noong panahong iyon. Panay ang haplos niya sa kanyang tiyan kasabay ng pagkimi ng kanyang mga bibig sa sakit na dulot ng ulcer.

Siya si Maria Concepcion Araneta-Bocala o mas kilala bilang Concha Araneta-Bocala, isang NDFP Peace Consultant para sa Kabisayaan. Siya rin ang hinihinalang sekretaryo ng komiteng rehiyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa isla ng Panay. Siya lang naman kasi ang isa sa pinakaunang grupo ng mga estudyante na bumalik sa kani-kanilang mga probinsya, namundok at nag-organisa matapos ideklara ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972.

Panglima sa sampung magkakapatid, lumaki si Bocala sa isang maimpluwensiyang pamilya ng mga asendero, ang angkang Araneta sa Negros Occidental. Nag-aral siya mula elementarya at hayskul sa Assumption Iloilo hanggang makatungtong sa UP (University of the Philippines) - Visayas at nang lumaon ay sa UP Diliman. Kumuha si Bocala ng kursong political science at mass communications. Sa UP siya namulat tungkol sa kalagayan ng bansa, at bagsik ng diktadura ni Marcos. Doon niya nakita ang sarili bilang rebolusyonaryo.

Iligal na pag-aresto

Iligal na inaresto si Bocala ng magkasamang pwersa ng Philippine National Police, Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Intel Services Unit ng Philippine Army sa kaniyang inuupahang bahay sa Juntado Subdivision, Barangay Calumpang, Molo dito sa Iloilo umaga nitong ika-1 ng Agosto.

Kasama rin sa mga nadakip at ngayo’y pansamantalang nakalaya, ang kanyang pamangkin na si Joseph Cariaga at Annielyn Soldevilla, isang kasambahay. Lima ang naging anak ni Bocala – isa sa unang asawang si dating board member ng probinsya ng Iloilo Pablito Araneta at apat sa huling asawa.

Nakuha kay Bocala ang mahigit 13 cellphone, isang .42 pistol at mga bala, isang granada, isang binoculars, disket, external hard drives, isang Toshiba laptop, samu’t saring subersibong dokumento at perang nagkakahalaga ng 200 libong piso. Ngunit ayon mismo kay Bocala, dalawa ang nakuhang laptop mula sa kanya at perang aabot sa 600 libong piso. Hindi ito dinedeklara ng mga dumakip sa kanya.

Mariing kinundena ni Bocala ang iligal na pag-aresto sa kanya dahil hawak niya nang mga panahong iyon ang kanyang orihinal na document of identification bilang isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Kabisayaan. Gamit ang pangalang Remi Estrella, ang kanyang JASIG ID number ay ND978245 na muling inisyu noong Setyembre 1, 2011 at balido hanggang Agosto 31, 2016 ay pinirmahan ni GPH chief negotiator Silvestre Bello III.

Sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantess (JASIG), lahat ng kinikilalang peace consultant ay ginagarantiyahang ligtas sa paniniktik, harassment, pag-aresto, detensyon, prosekusyon at interogasyon o anumang kahalintulad na parusang aksyon dahil sa partisipasyon sa usapang pangkapayapaan.

Dagdag pa ni Bocala, isang photocopy lamang ang bitbit na arrest warrant ng mga umaresto sa kaniya at wala ring search warrant. Nagtamo si Bocala ng mga pasa sa kanyang kaliwang braso buhat ng walang pakundanang pagtulak sa pinto ng kaniyang kwarto habang siya’y nagbibihis para ipresenta ang sarili sa mga pulis.

“Ang pagdakip at pagkulong sa mga NDFP peace consultant ay tahasang pagsagka ng gobyernong Aquino sa muling pagpapanumbalik ng usapang pangkapayapaan sa gitna ng NDFP at GPH,” ani Luis Jalandoni, chairperson ng NDFP negotiating panel.

Labingsiyam na NDFP peace consultant na ang ngayo’y nakakulong sa iba’t ibang kulungan sa buong bansa. Ilan sa kanila ay ang mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria, Adelberto Silva, at Ruben Saluta.

Mamamatay akong rebolusyonaryo

Nakakulong ngayon si Bocala sa Aklan BJMP sa bisa ng warrant of arrest CC#1494 sa kasong murder na inisyu ng RTC, Branch 2, Hall of Justice, Kalibo Aklan noong Oktubre 12, 1998. Ang kasong rebelyon ay nakasampa sa 5th Municipal Circuit Trial sa Culasi, Antique noong Oktubre 13, 1998. Kasong illegal possession of firearms at explosive naman ang nakabinbin sa Office of the Provincial Prosecutor sa Iloilo Hall of Justice.

Sa panayam kay Bocala, nagpapasalamat ito sa mga taong sumusuporta at nananawagang palayain siya mula sa bilangguan. “Nagpapakita lamang ito na marami ang sumusuporta at handang tumulong, hindi lang sa akin, kundi sa mismong pakikibakang aking pinasukan,” ani Bocala.

Kahit nasa bilangguan, bukas si Bocala sa paggampan ng anumang gawaing maiatas sa kanya.

“Magpapatuloy ang aking gawain kahit ako’y nasa bilangguan. Hindi nila matitinag ang aking kagustuhang mapalaya ang ating mamamayan mula sa gapos ng pang-aapi at pagsasamantala. Gusto kong mamatay bilang isang rebolusyonaryo, at nabubuhay ako bilang isa,” pagtatapos ni Bocala.

PARA KAY: BALANGAY:ADDRESS:

Mamamatay akong rebolusyonaryo – Concha