13
Masaklaw na tanaw sa kasaysayan ng Anakbayan at mga tampok na aral (1998-2010) Borador para sa Ika-6 Pambansang Kongreso ng Anakbayan, Mayo 2011 Pagbaybay sa kasaysayan Mga taong 1998-2001 Tangan ang makasaysayang tradisyon ng Kabataang Makabayan, binuo ng iba’t ibang mga organisasyon ng kabataan sa buong bansa ang Anakbayan noong Nobyembre 30, 1998. Iniluwal ang Anakbayan ng wastong pag-unawa sa papel ng kabataan sa kasaysayan ng pagbabagong panlipunan at ng kahalagahan ng isang komprehensibong organisasyon ng kabataan na mag-aambag sa pagsusulong at pagtatagumpay ng Pambansa Demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Mula nang itatag ito sa panahong pinupuspos ng rebolusyunaryong kilusan ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, ginampanan nito ang tungkuling mulatin, organisahin at pakilusin ang kabataan -- isang batayang pwersang kailangang-kailangan sa pagsusulong at pagtatagumpay ng Pambansa Demokratikong pakikibaka. Sa unang mga taon pa lamang ng Anakbayan, gumampan na ito ng tampok na papel sa mga kampanya’t pakikibaka ng mga kabataan at mamamayan, at sa pagpapatalsik ng rehimeng US-Estrada. Nag-ambag bilang isang malakas na pwersa ang Anakbayan sa mga pakikibaka laban sa pagtaas ng matrikula, laban sa pagbabawas ng budget sa edukasyon, demokratikong karapatan sa kampus at iba pang mga isyu pang-mag-aaral. Pinangunahan at pinakilos ng Anakbayan ang kanyang mga kasapi at masang estudyante sa loob at labas ng mga paaralan. Matalas na natuligsa ang pagkagahaman ng mga administrasyon at pagkatuta dito ng Commission on Higher Education(CHED) kasabay ng paglalantad sa pagpapabaya ng pamahalaan sa kanyang tungkulin na pag-aralin ang mamamayanipagkaloob ang edukasyon bilang karapatan. Matagumpay na nailunsad ang malakas na kilusang boykoteo sa mga paaralan sa buong bansa. Sa katunayan 45 paaralan sa buong bansa12 dito ay mula sa NCRnoong Enero-Pebrero 2000 ang nagawang iparalisa ang normal na takbo ng akademya dahil sa malakas na kilusang boykoteo na tinatayang nilahukan ng hindi bababa sa 70,000 na mga mag-aral. Inilunsad din ng Anakbayan ang iba pang malalaking laban tulad ng kampanyang kontrolin ang presyo ng langis, P125 dagdag na sahod at P3,000 dagdag na sweldo, kampanya laban sa all-out war sa Mindanao, militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao mga labanang nagtulak sa ibayong pagsigla ng kampanyang pagpapatalsik kay Estrada. Sa puspusang pagpapakilos sa mga kasapian nito at sa pangunguna sa malawak na alyansa na Estrada Resign Youth Movement, pinangunahan nito ang aabot sa 200,000 na mga kabataan sa buong bansa sa mga pagkilos kasama ang mamamayan hanggang sa matagumpay na mapatalsik ang rehimen noong Enero 2001. Umalingawngaw sa buong bayan ang slogan ng Anakbayan: “Sobra nang pahirap, Patalsikin si Erap!” Hindi matatawaran ang makasaysayang papel na ginampanan ng kabataan at Anakbayan sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada. Nakilala ang Anakbayan bilang tagapamandila ng mga demokratikong interes ng kabataan at mamamayan at tinig ng kabataang nagmamahal sa demokrasya at kalayaan.

Masaklaw na tanaw sa kasaysayan ng Anakbayan at mga · PDF filetinig ng kabataang nagmamahal sa demokrasya at kalayaan. ... balangay ng Bayan Muna Youth na siyang naging balon ng recruitment

  • Upload
    lamnga

  • View
    335

  • Download
    24

Embed Size (px)

Citation preview

Masaklaw na tanaw sa kasaysayan ng Anakbayan at mga tampok na aral (1998-2010) Borador para sa Ika-6 Pambansang Kongreso ng Anakbayan, Mayo 2011

Pagbaybay sa kasaysayan

Mga taong 1998-2001 Tangan ang makasaysayang tradisyon ng Kabataang Makabayan, binuo ng iba’t ibang mga organisasyon ng kabataan sa buong bansa ang Anakbayan noong Nobyembre 30, 1998. Iniluwal ang Anakbayan ng wastong pag-unawa sa papel ng kabataan sa kasaysayan ng pagbabagong panlipunan at ng kahalagahan ng isang komprehensibong organisasyon ng kabataan na mag-aambag sa pagsusulong at pagtatagumpay ng Pambansa Demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Mula nang itatag ito sa panahong pinupuspos ng rebolusyunaryong kilusan ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, ginampanan nito ang tungkuling mulatin, organisahin at pakilusin ang kabataan -- isang batayang pwersang kailangang-kailangan sa pagsusulong at pagtatagumpay ng Pambansa Demokratikong pakikibaka. Sa unang mga taon pa lamang ng Anakbayan, gumampan na ito ng tampok na papel sa mga kampanya’t pakikibaka ng mga kabataan at mamamayan, at sa pagpapatalsik ng rehimeng US-Estrada. Nag-ambag bilang isang malakas na pwersa ang Anakbayan sa mga pakikibaka laban sa pagtaas ng matrikula, laban sa pagbabawas ng budget sa edukasyon, demokratikong karapatan sa kampus at iba pang mga isyu pang-mag-aaral. Pinangunahan at pinakilos ng Anakbayan ang kanyang mga kasapi at masang estudyante sa loob at labas ng mga paaralan. Matalas na natuligsa ang pagkagahaman ng mga administrasyon at pagkatuta dito ng Commission on Higher Education(CHED) kasabay ng paglalantad sa pagpapabaya ng pamahalaan sa kanyang tungkulin na pag-aralin ang mamamayan—ipagkaloob ang edukasyon bilang karapatan. Matagumpay na nailunsad ang malakas na kilusang boykoteo sa mga paaralan sa buong bansa. Sa katunayan 45 paaralan sa buong bansa—12 dito ay mula sa NCR—noong Enero-Pebrero 2000 ang nagawang iparalisa ang normal na takbo ng akademya dahil sa malakas na kilusang boykoteo na tinatayang nilahukan ng hindi bababa sa 70,000 na mga mag-aral. Inilunsad din ng Anakbayan ang iba pang malalaking laban tulad ng kampanyang kontrolin ang presyo ng langis, P125 dagdag na sahod at P3,000 dagdag na sweldo, kampanya laban sa all-out war sa Mindanao, militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao – mga labanang nagtulak sa ibayong pagsigla ng kampanyang pagpapatalsik kay Estrada. Sa puspusang pagpapakilos sa mga kasapian nito at sa pangunguna sa malawak na alyansa na Estrada Resign Youth Movement, pinangunahan nito ang aabot sa 200,000 na mga kabataan sa buong bansa sa mga pagkilos kasama ang mamamayan hanggang sa matagumpay na mapatalsik ang rehimen noong Enero 2001. Umalingawngaw sa buong bayan ang slogan ng Anakbayan: “Sobra nang pahirap, Patalsikin si Erap!” Hindi matatawaran ang makasaysayang papel na ginampanan ng kabataan at Anakbayan sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada. Nakilala ang Anakbayan bilang tagapamandila ng mga demokratikong interes ng kabataan at mamamayan at tinig ng kabataang nagmamahal sa demokrasya at kalayaan.

Tuloy-tuloy na isinulong ng Anakbayan ang karapatan at interes ng kabataan at mamamayan sa ilalim ng noo’y bagong rehimeng US-Arroyo. Hinamon ang bagong rehimeng Arroyo na tugunan ang interes ng kabataan at mamamayan, isinikad ang mga pakikibaka para sa karapatan ng mamamayan. Itinrasporma ang ERYM sa Youth Movetment for Justice and Meaningful Change (YMJC). Gayunpaman, naging kahinaan sa panahong ito ang pagbibigay ng 100 araw na palugit sa rehimen na nagmistulang “honeymoon” period. Patuloy at malakas pa ring isinulong ng Anakbayan ang mga kahilingan ng kabataan para sa edukasyon, trabaho, serbisyong panlipunan at iba pang mga demokratikong karapatan sa ilalim ng bagong rehimen. Naging matunog ang mga paglaban sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Maagap na tumugon ang mga balangay sa mga paaralan at komunidad sa laban sa demolisyon. Itinaguyod ng Anakbayan ang Bayan Muna sa kampanyang elektoral noong Marso hanggang Mayo 2001. Masigasig na inabot ang mga komunidad upang magkampanya at magbuo ng mga balangay ng Bayan Muna. Binuo rin ang mga balangay ng Bayan Muna Youth na siyang naging balon ng recruitment at pagkakatayo ng mga bagong balangay ng Anakbayan. Naging usapin gayunman, matapos ang eleksyon ang pag-”transporma” ng Bayan Muna chapters sa mga Anakbayan chapters, at hindi pagkakamintina ng Bayan Muna Youth chapters. Maagap, masigla at malakas ang naging ginawang pagpwesto sa pakikibaka laban sa imperyalistang panghihimasok at agresyon—gerang agresyon sa Afganistan, Balikatan at iba pa. Kinatangian ito ng malaganap, maagap at mabilisang mga aksyong protesta at malaganap na propaganda-edukasyon: pag-aaral sa gerang agresyon ng US, mga teach-ins, forums at malawak na pakikipag-alyansa. Naging tampok ang paglaban ng Anakbayan at iba pang mga organisasyon ng kabataan para buwagin ang ROTC. Nasagpang ang malawak na galit na nilikha ng pagpatay kay Mark Chua dahil sa pagbubunyag ng kurupsyon ng mga opisyal sa ROTC. Hindi bababa sa 40 mga paaralan ang lumahok sa linguhang walk-out ng mga kadete. Sa Maynila pinamunuan ng Anakbayan ang mahigit 5,000 kadete ng UST na nagwalk-out at nagmatrsa patungong Mendiola. Bagamat namaniobra pa na manatili ang ilang mga aspeto ng ROTC sa ipinalit na NSTP, hindi maikakaila na malaking tagumpay ang pagbabasura sa ROTC. Mula sa humigit kulang na 5,000 kasapian at hindi bababa sa 100 balangay sa buong bansa noong 1998, umabot sa 30,000 ang kasapian ng Anakbayan matapos ang pag-aalsang bayan. Sa ikalawang pulong ng Pambansang Konseho noong Hulyo 2001 ay umabot na sa 35,000 ang kasapian nito. Mabilis na lumaki ang kasapian at dumami ang mga balangay ng Anakbayan sa buong bansa. Naitayo ang mga balangay nito sa antas rehiyon sa buong bansa at sa mga mayor na siyudad at probinsya. Mahusay na tinungtungan ang mga kampanyang masa para itulak ang pagrerekluta ng mga kasapi sa mga paaralan, komunidad, pagawaan at mga sakahan. Naging tampok na usapin lalo na matapos ang pag-aalsang bayan ang konsolidasyon ng kasapian. Marami sa mga kasapi na narekluta sa mga ispontanyong pagkilos sa mga kampanyang masa ay di tuloy-tuloy na naging aktibo sa mga balangay. Maraming mga balangay na bagamat naitayo ay hindi nagagampanan ang komprehensibong tungkulin nito. Markado na ang mabagal ng paglaki ng kasapian at maliit na bilang ng natitipon sa mga aktibidad pagpasok ng ikatlong taon ng Anakbayan. Sa taya, nasa 40% lamang ng kasapian ang naituturing na aktibo o napapalahok sa iba’t ibang mga aktibidad ng balangay. Mahalagang salik ito sa liit na din ng mga pagkilos matapos ang pag-aalsang bayan noong 2001. Mahalagang usapin dito ang kakapusan ng malawakang pampulitikang edukasyon sa mga kasapi at masa. Nalimitahan sa pagtatalakay ng praymer hinggil sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada ang mga talakayan sa panahon ng daluyong, at hindi maagap na naipalaganap ang ND pagsusuri at programa sa hanay ng masang kabataan at mamamayan. Maliit din ang nabigyan ng batayang pag-aaral sa hanay ng kasapian, bukod pa sa nalimita lamang sa anim na batayang kurso ang ibinibigay sa mga kasapi sa halip na buong PADEPA. Mahalagang salik ang patuloy na pag-aaral at pagkatuto sa praktika ng pagbubuo at pagpapagana ng mga balangay, mga istruktura, at demokratikong partisipasyon ng mga kasapi at pangmasang katangian ng organisasyon. Kasama sa mga kinaharap na mga usapin ay ang hindi maagap na pagpapaloob ng mga bagong rekrut sa istruktura ng balangay lalo sa

panahon ng daluyong. Hindi din mahusay na napagana ang mga istruktura at dinamismo ng balangay para pakilusin ang mga kasapian. May tendensiya maging mataas ang pamantayan sa pagrerekluta at pagkilos sa mga komite ng balangay. Naging maningning ang mga karanasan sa pakikibaka ng Anakbayan sa unang tatlong taon nito na nagsilbing balon ng aral para sa pagpapatuloy nito sa pakikibaka sa mga susunod pang taon.

Mga taong 2002-2004 Bago pa man ang pagputok ng eskandalong “Hello Garci” noong 2005, naging aktibo na ang Anakbayan at mga grupo ng kabataan sa paglalantad at paglaban sa mga katiwaliang kinasangkutan ng rehimeng US-Arroyo. Malakas na naghayag ang kabataan sa isyu ng Jose Pidal, Diosdado Macapagal Blvd, Fertizer scam at iba pang kaso ng katiwalian na kinasangkutan ng unang pamilya. Ipinalaganap ng Anakbayan ang propaganda edukasyon hinggil sa korupsyon at katiwalian ng rehimen. Malakas na nakapuwesto at naikampanya ng Anakbayan ang isyu ng korupsyon ng rehimeng US-Arroyo, kaugnay ng nalalapit na eleksyon noong 2004. Tumugon din ang sektor sa paglaban sa giyera ng US sa Iraq noong pumutok ito noong 2003. Maramihan ang mga talakayan sa mga paaralan at umabot sa halos 3,000 kabataan ang lumahok sa mayor na pagkilos nito sa Luneta. Masigla at malakas na dinala ng Anakbayan ang iba’t iba pang anti-imperyalistang kampanya’t labanan (Powell Visit, Gera Laban sa Terorismo at Gerang Agresyon ng US sa Iraq, Balikatan at interbensyong militar ng imperyalistang US, Bush Visit, Cancun Round ng WTO, Angelo dela Cruz). Sa panahong ito, naging masigla rin ang ilang sektoral na laban. Dahil sa maagap na mga aksyong protesta at propaganda sa hanay ng mga kasapi ng Anakbayan at LFS high school, matagumpay na naibasura ng Bridge Program noong 2004. Sinikad din ang paglaban sa pagtaas ng matrikula. Naitulak ang pagpapasa ng CMO 14 noong 2005, na nagtakda ng limit sa pagtataas ng matrikula at mga bayarin at pagpapaloob sa konsultasyon ng mga miscellaneaous fees, na kalauna’y binawi din ng Malakanyang. Maagap ding tinanganan ang iba’t ibang mga isyu ng demokratikong karapatan sa kampus, tulad ng long hair policy, new uniform, dress code, wash day at iba pa, kung saan malaki ang naaning suporta mula sa mag-aaral. Tumampok naman ang isyu ng Senate Bill 2587 ng Unibersidad ng Plipinas kaugnay ng tumitinding komersyalisasyon ng edukasyon sa mga SUCs at buong bansa. May mga sumisigla ring mga labanang lokal sa ilang paaralan, tulad ng panawagan sa pagbasura sa bagong UP charter at isyu ng korupsyon ng presidente ng PUP. Nakapamuno rin ang mga balangay ng Anakbayan sa mga lokal na mga pakikibaka sa komunidad, tampok ang mga lokal na laban ng demolisyon sa riles sa Caloocan noong 2003. Nag-ambag din ang Anakbayan sa kampanya para sa Anak ng Bayan youth partylist noong 2004. Matindi ang naging pandaraya at pandarahas laban sa Anak ng Bayan, kabilang na sa mga kasapi at lider ng Anakbayan. Bagamat hindi nagtagumpay na makaluklok ng kinatawan sa Kongreso, nakakuha ito ng daanlibong boto at suporta ng mga kabataan sa buong bansa. Naging balon ng rekrut ng Anakbayan ang Anak ng Bayan bagamat nanatili ang usapin ng “transpormasyon” ng mga balangay ng Anak ng Bayan ng hindi nailulugar ang wastong papel ng isa’t-isa. Nagpatuloy ang mga usaping kinaharap ng Anakbayan hinggil sa pagkokonsolida ng organisasyon nito. Bagamat nakakapagrekluta ng mga bagong kasapi, marami sa mga dati nang kasapi na hindi na nakonsolida ay nalaglag sa bilang ng mga kasapi nito. Ang pambansang kasapian ay lumiit ng hanggang 23,000 na lamang sa buong bansa. Karaniwang pag-aaral sa mga balangay ang PADEPA issues sa Sistema ng Edukasyon, Sitwasyon ng kabataan, at Pambansang Sitwasyon, MKLRP, SND, PSR. Gayumpaman, malaking bilang pa rin ng mga kasapi ang walang batayang pag-aaral. Hindi pa karaniwan ang paglulunsad ng iba pang mga kurso ng PADEPA para sa patuloy na pagtataas ng kamulatan ng mga kasapi. Maliit ang bilang ng pag-aaral, halimbawa, sa mga aralin ng imperyalismo at mala-pyudalismo, moda ng produksyon na magpapalalim ng pambansa demokratikong kamulatan ng mga kasapi.

Nananatiling buhaghag ang maraming balangay, di gumagana ang mga istraktura nito, kung kaya’t di nagagawang isustini ang pagkilos ng maraming kasapi. Madaling nakapagrerekruta ulit, kung kaya’t may rehistro pa rin ng malaking gross ekspansyon, pero kung tutuusin lumiliit ang organisasyon sa paglaglag ng maraming kasapi.

Mga taong 2005-2007 Tuloy-tuloy na binitbit at itinambol ang laban para sa karapatan sa edukasyon at nagkamit ng ilang mga tagumpay sa pagpapa-refund ng matrikula sa ilang mga paaralan. Sinamantala ang paglalabas ng memorandum ng CHED para ipanawagan ang pagre-refund ng mga sobrang singil at nagbuo ng Tuition Refund network na magtitipon ng kampanya sa buong bansa. Malakas ding nilabanan ang tuition increase sa UP, na bagamat naipasa, nakapagtatak ng laban at nagpakilos ng mahigit 2,000 mag-aaral laban dito. Sa PUP, nagkaroon ng proposal ng pagtataas ng matrikula na binigo ng pagwawalkout ng mahigit 5,000 mag-aaral. Sa PMI pinamunuan ang walk-out laban sa no-permit-no-exam policy; sa UE, nag walk-out din ang ilang libong mag-aaral laban sa pagtaas ng matrikula. Sa panahong ito, malakas na binibitbit rin ng sektor ang ibat’t ibang isyu ng mamamayan. Tumampok ang paglaban ng kabataan laban sa pagpapahirap at pambubusabos ng rehimeng US-Arroyo, sa pandarambong, katiwalian, pandaraya nito sa halalan, gayundin laban sa inihahasik nitong pasismo, pampulitikang pamamaslang, at paglabag sa karapatan pantao ng mamamayan. Pagpasok ng June 2005 sa pagputok ng Garci scandal, maagap na tumugon at nakapagpakilos ng mga kabataan mula sa mga paaralan at ilang komunidad. Binuo ang Youth DARE at YCHAT, at ikinasa ang malawak na kampanya para sa pagpapatalsik sa rehimen. Matalas ding nilabanan ang papatinding imperyalistang paghahari, maagap na tumugon sa tit-for-tat prop sa mga usapin ng VFA, panggagahasa kay Nicole, at mga abuso ng tropang Kano. Sa panahon ring ito tumitindi ang pag-atake ng rehimen sa mamamayan at paglabag sa karapatang pantao. Mula dito ay matapang na hinarap at nilabanan calibrated pre-emptive response at BP 880, kahit ang pagdeklara ng PP 1017, gayundin ang pampulitikang pamamaslang at panunupil tampok ang kaso nila Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Sa ilang lokalidad at komunidad naging matunog din ang palalantad at paglaban ng sektor sa militarisasyong urban mula Disyembre 2006 hanggang sa eleksyon ng Mayo 2007. Kasabay nito tuloy-tuloy naman ang naging pagdadala at pagsuporta ng mga kabataan sa isyu ng mamamayan at batayang masa: mga usapin ng kahirapan at pambubusabos ng rehimen, ang patuloy na pagtaas ng langis, EVAT, at pangunahing mga bilihin at bayarin. Patuloy ding binitbit ang panawagan para sa 125 dagdag sahod, pagbitbit at pananawagan ng pagsuporta sa mga paaralan at kabataan para sa pagkondena sa masaker sa HLI, paglaban sa mga demolisyon sa North Triangle at UP at sa iba pang mga komunidad. Gayunpaman, naging tampok ang tendensiya na maging makitid ang mga kampanya at malimita sa mga usapin ng edukasyon at mag-aaral. May tendensiyang makaisang panig na tumuon sa mga isyu ng mag-aaral at “ikawing” na lamang dito ang mga pakikibaka at hindi maagap na magpropaganda at magpakilos batay sa mga isyung pambayan at pampulitika. Bagamat sinimulang ayusin ang mga gabay sa hakbang hakbang na pag-oorganisa at sinikap na tukuyin ang mga usapin sa organisasyon, nanatili ang mga mayor na usapin sa konsolidasyon at pag-oorganisa. Sa parsyal na ulat noong Pambansang Kongreso noong 2008, tinatayang nasa 17,000 ang kasapian ng Anakbayan sa nasa 114 na chapters sa buong bansa.

Kumpara sa suklam ng masa sa rehimeng US-Arroyo, hindi naging kasimbilis at kasinglawak ang naging rekrutment at pagbubuo ng mga balangay. Bagamat may naging pagbuwelo sa pag-oorganisa ng mga balangay sa mga maralitang komunidad, bumagal naman ang paglawak sa hanay ng mga mag-aaral at mga estratehikong mga paaralan. Mapapansin ang pagpapatuloy at higit na pamumuo ng maling pagturing sa Anakbayan na para lamang sa mga kabataan sa komunidad. Nanatili pa rin ang usapin ng maliit na pampulitikang edukasyon. May mga tala ng malakihang mga talakayan ng mga isyu praymer, ngunit hindi napapalalim ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kurso sa PADEPA.

Mga taong 2008-2010 Malakas na tumugon ang sektor sa pagputok ng ZTE-NBN scandal mula pa ng huling bahagi ng 2007 hanggang maagang bahagi ng 2008. Nagpalaganap ng propaganda at prop-ed hinggil sa ZTE NBN, CyberEducation program at iba pa. Mabilis ding tumugon nang uminit ang mga protesta pagpasok ng unang kwarto. Positibo na maagap na naitayo ang Youth Act Now! isang malapad na alyansa ng kabataan laban sa katiwalian. Sinabayan ito ng maagap na tit-for-tat sa media at pangunguna sa malalaking mga aksyon. Nagpakilos sa mga pambansang koordinadong protesta ang sektor at naglunsad ng mga sariling aksyon. Umabot sa mahigit 2,500 ang napakilos ng sektor sa saklaw nito sa NCR kabila ng mabilisan ang mga pagkilos at nalalapit na bakasyon. Gayunpaman, hindi na nasustini ang parehong lakas at lawak ng mga aksyon at ang init ng propaganda matapos ang mga pagkilos sa unang kwarto. Sa kabila nito’y tuloy-tuloy naman ang tit-for-tat prop at maagap na mga aksyon sa pagputok ng krisis sa bigas at iba pa. Pagpasok ng Hunyo at Hulyo, maagap na nakarehistro ang sektor sa paninidigan laban sa pagtaas ng matrikula at mga bayarin. Tumugon ang rehimen sa pamamagitan ng pangangako ng bogus na tuition freeze. Maagap ding tumugon sa mga isyung pambayan ang sektor gaya ng sa pagtataas ng presyo ng langis at iba pa. Naging matunog ang walk-out na pinanawagan ng sektor noong Hulyo 10 at Hulyo 18, 2008. Nakapagpakilos ng higit 2,500 sa mobilisasyon papuntang Mendiola. Inirehistro nito ang paglaban sa pagtaas ng presyo ng langis, paglaban sa EVAT at pakikibaka para sa pagtataas ng sahod. Matapos ang Hulyo, bagamat hindi na muli nakapagpakilos ng ganoon kalaki at katunog, tuloy-tuloy naman ang tit-for-tat sa isyu ng MOA-AD at Cha-cha. Pagpasok ng unang kwarto ng 2009, tuloy-tuloy na binitbit ang usapin ng pagtaas ng matrikula at karapatan sa edukasyon. Itinulak ng maagap na mga aksyon at mga tit-for-tat ang paglalabas ng memo ng CHED na nakikiusap sa mga kapitalista edukador na huwag magtaas ng matrikula, na nagamit naman sa mga lokal na mga pakikibaka sa mga pamantasan. Malakas na nilabanan ng Anakbayan at iba pang mga organisasyon ang planong Cha-cha at term extension ng rehimeng Arroyo. Binuo ang malawak na alyansang Kabataan Kontra Cha-cha na pumayong sa mga aksyon ng mga kabataan at mag-aaral laban sa rehimen. Nag-ambag ang Anakbayan sa paglaban sa mga pakana ni Arroyo para makapanatili sa kapangyarihan. Kumilos ito para ilantad ang mga maniobra ni Arroyo sa halalang 2010, sabotahe nito at kontsabahan sa COMELEC at palpak na AES, at pagpapatakbo nito ng mga bogus na partylist laban sa progresibong mga partido at kandidato. Puspusan at determinadong ikinampanya at ipinanalo ng mga kasapi ng Anakbayan ang Kabataan Partylist. Pinakilos nito ang mga pinakaaktibo nitong mga kasapi para sa senatorial campaign nina Satur Ocampo at Liza Maza. Gayunpaman, higit pa sanang makakapag-ambag ang Anakbayan kung maagap nitong napakilos ang mga balangay nito at nakaisa ang kalakhan ng mga kasapian nito sa mga tungkulin sa kampanya.

Tumampok ang militanteng pagkilos ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines laban sa planong 2000% tuition increase. Mahalaga ang papel ng mga lider at kasapi ng Anakbayan sa matagumpay na paglaban at pagbigo sa pagtataas ng matrikula. Matutunog na protesta din ang isinabay ng mga mag-aaral ng UP na nananawagan ng pagbabalik ng student regent na dumulo sa isang martsa sa Commission on Higher Education. Inaresto ang mga lider-aktibista dahil sa ngitngit ng administrasyon ngunit napalaya din dahil sa malakas na panawagan at magiting na paglaban. Bagamat nakapagkasa ng malalakas na mga aksyon at nag-ambag para sa palalantad at paghihiwalay sa rehimeng Arroyo, hindi napaunlad para sa ibayo pang paglawak ang mga pakikibakang masa at kampanya para mapagpasyang makaambag sa direktang pagpapatalsik sa rehimen. Pagpasok ng rehimeng US-Aquino, isinikad ang paglalantad sa reaksyunaryong katangian ng bagong gubyerno at paglaban sa mga pakana nito para sa higit na pagpapahirap at pambubusabos sa tumbayan. Kasama ang iba’t iba pang mga grupo ng kabataan, ikinasa ng Anakbayan ang paglaban sa planong dagdag taon sa batayang edukasyon o programang K12 ng gubyernong Aquino. Matagumpay ang naging strike ng mga SUCs laban sa higit P1.1B kaltas ng pondo sa edukasyon ng gubyernong Aquino para sa 2011. Nag-ambag ng malaki ang mga kasapi at lider ng Anakbayan sa pagpapakilos sa higit 10,000 mga kabataan sa NCR pa lamang at libo-libo pa sa buong bansa sa mga “strike” ng SUCs laban sa kaltas ng badyet sa edukasyon. Umabot sa 87 na paaralan sa buong bansa ang naglunsad ng mga protesta laban sa kaltas pondo. Nakaalyado ang mga guro, administrador at maging mga presidente ng mga paaralan sa kampanya. Nagmartsa ang higit 4,000 mga mag-aaral, guro, at mga kawani papuntang Mendiola noong Disyembre 1 sa Senado. Sa kabila ng pagkakaila at panlalansi na ginawa ng Malakanyang, nailantad ang malalaking kaltas sa pondo ng mga SUCs. Itinulak ng mga pagkilos ang Senado na ibalik ang bahagi ng kinaltas na badyet at nailantad ang maling prayoridad ng gubyernong Aquino sa pagpopondo na nakatuon sa dayuhan, militar, kurupsyon at dole-outs. Pinangunahan din ng mga kasapi ng Anakbayan ang magiting na paglaban ng mga tsuper ng Kuliglig sa Kamaynilaan noong Nobyembre hanggang Disyembre. Aabot sa 3,000 mga tsuper ang nagbarikada sa Maynila laban sa pag phase out ng kuliglig. Sa panahong ito’y nag-ambag din ang Anakbayan sa pagpapatampok ng isyu ng Hacienda Luisita at panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Nilabanan natin ang demolisyon sa San Roque at iba pang mga maralitang komunidad. Malaking aral sa Anakbayan at mga organisasyon ng mga kabataan sa mga pakikibakang ito ang pagdedebelop ng malalaking pagkilos at mga pakikibaka sa balangkas ng pagbugso ng kilusang masa. Susi sa matumpay na strike noong huling kwarto ng 2010 ang masaklaw na disenyo ng pagkilos na naglayong umabot sa buong populasyon ng mga paaralan; mahusay na alliance work; maagap, matalas at masaklaw na propaganda at tit-for-tat; at papalaking kondukta ng pagkilos. Gayunpaman, kailangan pang palakasin ang inisyatiba at pamumuno ng Anakbayan sa mga kampanya at pakikibakang masa. Bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan, dapat nasa unahan ng mga kampanyang masa ang Anakbayan. Dapat mahusay at buong bitbitin nito ang linya at panawagan sa mga kampanya at pakikibakang masa, at pantindig batay sa interes ng batayang masa. Kailangang iwaksi ang mababaw na pagsusuri at makitid na balangkas, pagsusuri at panawagan sa kampanya. Mahalagang papel ng Anakbayan ang mahusay na pagbibitbit ng anti-imperyalista, anti-pasista at anti-pyudal na pakikibaka.

Kailangan maging masaklaw at pangmatagalan ang mga tanaw sa pagdedebelop ng mga kampanya at pakikibaka. Dapat iwaksi ang hiwa-hiwalay at mababaw na pagbibitbit ng kampanya at asamin ang papalaki at papalawak na kilusang masa na sumasaklaw sa ilang taon. Sa pagpasok ng 2011, nasa 13,000 na lamang ang bilang ng mga kasapi at nasa 200 na mga balangay ng Anakbayan sa buong bansa. Bagamat patuloy na nakakarekluta ng mga bagong kasapi sa mga nagdaang taon, hindi nakokonsolida ang marami dito, marami ding mga balangay ang hindi napapagana ng komprehensibo kaya’t sa paglaon ay nalalaglag din ang mga kasapi na hindi na nauugnayan ng matagal na panahon. Marami dito ay sa mga paaralan na nag-gradweyt na at hindi na napakilos ng tuloy-tuloy. Marami rin ang narerekrut sa pamamagitan ng enlistment ngunit di naman naipapaloob sa mga balangay at nabibigyan ng mga pag-aaral at mga tungkulin. Ngunit kapansin-pansin din ang pagliit ng bilang ng narerekluta lalo na kung ikukumpara sa sigla at lawak ng mga kampanya at mobilisasyon sa masa. Hindi mulat na naitutulak ang mga balangay at mga kasapian para magrekluta at kadalasan ay napapabayaan ito. Sa isang banda rin ay hindi pa napupuspos ang komprehensibong katangian ng Anakbayan. Kalakhan ng ating mga balangay ay nasa komunidad ng magsasaka o maralitang lungsod habang maliit ang bilang ng mga balangay sa mga paaralan at manggagawa. Nananatiling usapin ang mabilis at malawakang pagtatayo ng malaman at tunay na gumaganang mga balangay para maging mabisang tipunan ng malaking bilang ng masang kabataan na napupukaw. Maraming mga komiteng pang-organisa ng balangay ang hindi mabilis na nakakapagbuo ng balangay sa kabila ng sapat na bilang ng kasapian para buuin ito. Ang mga nakapagtatag naman ng balangay ay kumakaharap sa suliranin ng hindi tuloy-tuloy na paggana ng mga istruktura nito at hindi pagpapakilos sa kalakhan ng kasapian. Gayundin, nananatiling hamon ang pagsisikad ng kilusang pag-aaral at pampulitikang edukasyon sa mga kasapi ng Anakbayan at masang kabataan. Bagamat nakakapagtalakay ng mga isyu primer sa libo-libong kasapi at masa, maluwag ang kaisahan sa malaganap at sistematikong pag-aaral ng PADEPA. Hindi sindido ang makinarya para dito, at limitado ang mga kursong naipapalaganap sa kasapian. Panaka-naka din ang mga talakayan sa hanay ng masa na direktang nagpapaliwanag ng mga prinsipyo ng Pambansang Demokrasya at programa nito. Bagamat tuloy-tuloy, maliitan, hindi malaganap ang integrasyon sa batayang masa sa hanay ng kasapian. Limitado na lamang ang mga pag-oorganisa at pakikisalamuha sa hanay ng batayang masa sa mga lider at mga organisador, at hindi naitutulak ng maramihan ang mga kasapi sa mga programa ng integrasyon at exposure. Dapat pagpugayan ang mga tagumpay at mayamang karanasan ng Anakbayan sa higit 12 taon nito. Sa paglilingkod at pakikibaka, hindi iilan ang naging martir na mga kasapi ng Anakbayan, nagbuwis ng buhay para sa bayan. Buong lakas na isinabuhay ng Anakbayan ang programa nito sa pakikipaglaban para sa trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at serbisyong panlipunan bilang mga lehitimong karapatan at interes ng kabataan at mamamayang Pilipino, at sa pagsusulong ng pakikibaka ng sambayanan para sa pambansa demokrasya. Nagkokonsolida ng hanay habang patuloy na humaharap sa mga malalaking pakikibakang masa upang paglingkuran ang sambayanan at dito’y patuloy na natututo at nakapagpapalakas. Tiyak na muling aani ang Anakbayan ng mas malalaking tagumpay sa hinaharap.

Ilang mahahalagang aral Tuloy-tuloy na tinanganan ng Anakbayan ang tungkulin nito sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masang kabataan para sa pambansang demokrasya at mahigpit na pagsanib sa pakikibaka ng batayang masa. Mula sa pagtatayo nito, inorganisa nito ang libo-libong mga kabataan sa mga balangay nito sa buong bansa at sinikap na pagkaisahin ang kabataan sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka at upang magsilbing daluyan sa

pagpapalaganap ng linya, programa, panawagan, paninindigan at mga pagsusuri ng pambansa-demokratikong kilusan sa sektor ng kabataan at malawak na masa ng sambayanan. Natatanging papel ang ginampanan ng Anakbayan sa pagpapakilos ng malaking bilang ng mga kabataan sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada. Bagamat hindi inabot ang kaparehong laki at lapad ng mga pagkilos, tuloy-tuloy nitong inilantad at nilabanan ang rehimeng US-Arroyo at ang mga atake nito sa mamamayan. Inorganisa ng Anakbayan ang ilampung libong mga kabataan sa mga balangay nito sa buong bansa. Tuloy-tuloy itong nakapagpalawak lalo na sa mga panahong may mga malalakas na pakikibakang masa. Gayunpaman, may mga usaping kailangan harapin upang higit pang palawakin ang kasapian at palakasin ang organisasyon nito. Mapapansin na mula sa peak na 35,000 na kasapian nito noong 2001, aabot sa nasa 13,000 na lamang ang kasapian nito sa buong bansa sa pagpasok ng 2011. Bagamat tuloy-tuloy na nakapagrerekluta ng kasapi, marami sa mga kasapi nito ang nalalaglag at hindi tuloy-tuloy na napakilos sa mga balangay. Nasa mainam na posisyon ang Anakbayan para higit pang isikad ang mga gawain nito at mag-ambag sa kalitatibong pag-abante ng kilusang masa para puspusang ilantad at ihiwalay ang tutang rehimen. Magagawa ito kung mapupuspos ng Anakbayan ang oryentasyon at mga tungkulin nito, harapin ang mga usaping pumipigil sa ibayo pang pag-unlad ng mga gawain nito at puspusang pangibabawan ang mga kahinaan.

Paglulubos ng oryentasyon bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan Mahalaga ang papel ng Anakbayan bilang komprehensibong organisasyon ng kabataang Pilipino sa buong Pambansa Demokratikong kilusan. Sinasapol nito ang mahalagang tungkuling abutin at pakilusin ang kabataang Pilipino, isang saligang pwersa sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan para sa pagsusulong at pagtagtaumpay ang Pambansa Demokratikong Pakikibaka. Inililinaw ito ni kasamang Jose Ma. Sison sa kanyang mensahe sa pambansang kumperensya ng pagtatatag ng Anakbayan: “Ang komprehensibong organisasyon ng kabataan ay saligang pwersang kailangan ng pambansa-demokratikong kilusan. Umiiral ito at matatag na umuunlad sa alinmang matagumpay na rebolusyon. Kung mabibigong magbuo ng komprehensibong organisasyon ng kabataan, mangangahulugan iyon ng pagtanda at kamatayan ng kilusang rebolusyonaryo, tulad ng makikita sa kaso ng mga partido at kilusang ang mga nakatatanda ay nakakalimot na dumaan sila sa pagiging batang rebolusyonaryo at tila may palagay na pwede lamang silang magtiwala mismo sa sarili at hindi sila makapagpaunlad ng malaking bilang ng mga batang tagapagmana.” Ang pagpapakilos sa kabataang Pilipino ay pagpapakilos ng isang makapangyarihang kumbinasyon ng mga pwersa – kabataang manggagawa, kabataang magsasaka, estudyante at kabataang propesyunal – para sa pagtatagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon. Magagawa ito kung mahigpit na sasanib ang kabataan sa batayang masa upang makamit ang tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon. Kung gayon, pinagpapatuloy ng Anakbayan ang makasaysayang papel na ginampanan ng Kabataang Makabayan bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan noong muling itatag, palakasain at palawakin ang rebolusyunaryong kilusan noong dekada ‘70. Ang pagbubuo ng KM ay naging pundasyon ng paglawak ng kilusang Pambansa Demokratiko sa buong bansa. Ang pagbubuo at pambansang paglalatag ng Anakbayan ay isang proseso ng paggagap sa tungkulin at wastong papel ng kilusang kabataan sa Pambansa Demokratikong pakikibaka. Isinilang ito sa panahon ng Ikalawang Kilusang Pagwawasto ng buong rebolusyonaryong kilusan na nagbigay inspirasyon sa kilusang kabataang-estudyante. Sa matagal na panahon bago itatag ang Anakbayan, umiral ang magkahiwalay na pag-oorganisa ng kabataang estudyante at kabataan sa komunidad, sa porma ng LFS at KADENA. Nang malusaw ang KADENA, ang gawain sa sektor kabataan ay nakonsentra sa LFS at SCM. Bagamat may inabot na lawak at lakas, binagbag ang kilusang kabataan ng mga

kahinaan ng elitismo at dahil nakatutok lamang sa mag-aaral, may antas ng kitid pa ng inaabot nitong pagsaklaw sa hanay ng masang kabataan at mamamayan. Itinulak ang pagtatatag ng Anakbayan na may tungkulin na pagkaisahin ang kabataan para makibahagi sa pagsusulong at pagtatagumpay ng Pambansa Demokratikong pakikibaka. Ito ay magsisilbing behikulo sa pagpapalaganap ng linya, programa, panawagan, paninindigan at mga pagsusuri ng Pambansa Demokratikong kilusan sa sektor ng kabataan at malawak na masa ng sambayanan. Sa ganitong balangkas, ito ay ang magsisilbing talibang organisasyon ng kabataan sa kilusang masa. Sa pamamagitan ng komprehensibong organisasyong pangkabataan, kaya nitong pukawin, organisahin at pakilusin ang kabataan sa mga pabrika, opisina, kabukiran, komunidad ng maralitang lungsod, at mahusay itong makumbina sa kabataang-estudyante. Kaya nitong magpalawak ng kanyang mga balangay saan mang lugar na may malaking konsentrasyon ng mga kabataan. Sa gayundin, makakatulong din ito sa pagpapalawak at pagpapalakas ng mga batayang organisasyon ng masang anakpawis at iba’t ibang mga sektor. Ang pagsapol at pagtangan sa papel na ito ng Anakbayan ay nagbuhat ng paglawak nito sa buong bansa at pagkakamit nito ng mahahalagang mga tagumpay lalo na noong unang mga taon ng pagkakatatag nito. Dapat higit pa itong lubusin at panghawakan upang maisikad pa ang mga gawain ng Anakbayan at kilusang kabataan sa pangkalahatan. Kailangang iwaksi ang lumalalang tendensiya nitong nagdaang mga taon na pakitirin ang oryentasyon ng Anakbayan na sa isang banda’y isang organisasyong pang-estudyante, o sa kabila nama’y para lamang sa kabataan sa komunidad o out-of-school youth. Kailangang mabilis na mag-organisa saanman may konsentrasyon ng kabataan at tumagos sa iba’t ibang mga sektor. Para magawa ito, dapat alamin at pag-aralan ang kalagayan, interes at panawagan ng mga batayang sektor at lumahok sa mga pakikibaka nito. Dapat mahusay nitong bitbitin at ipalaganap ang pambansa demokratikong pagsusuri, paninidigan at programa. Kaugnay din nito, dapat igpawan ang tendensiya na magtuon lamang sa mga kampanya at pakikibaka ng mga mag-aaral, o di kaya’y hiwa-hiwalay na pagbibitbit ng mga kampanya’t panawagan. Dapat malakas na lumahok sa mga isyung pambayan at pampulitika at manguna sa papalaking mga kampanya’t pakikibakang masa. Kung masasapol nito at panghahawakan ang mga tungkulin, kaya at dapat saklawin ng Anakbayan ang daanlibo hanggang milyong kabataan sa buong bayan.

Mga usapin sa pagpapunlad ng malawak, sustinido at papalaking kilusang masa Bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan, layon ng Anakbayan na pamunuan ang mga kabataan sa laksa-laksang sa pagdaluyong ng kilusang masa laban sa tumitinding krisis, kahirapan at pambubusabos sa mamamayan. Tungkulin nitong likhain ang kilusang masa na nagpapakilos sa kabataan sa pulitika at paglilingkod sa bayan, matalas na nagkikritika sa bulok na sistema at naghahayag ng pangangailangan ng pagbabagong panlipunan at pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Naisasakongkreto ang papel ng mga kabataan bilang pag-asa ng bayan sa mga panahong kumikilos ng laksa-laksa hanggang daang libong mga kabataan hanggang sa pagbugso ng mga pakikibakang ito para sa karapatan at tunay na pagbabago. Mahalagang karanasan ng Anakbayan ang pag-aambag sa pagpapaunlad ng pakikibakang masa hanggang sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada noong 2001. Gayunpaman, tampok na kahinaan ang kakapusan sa konsolidasyon at sustinidong pagpapataas ng pampulitikang kamulatan bago, habang at matapos ang pag-aalsang masa. Matapos ito, kapansin pansin na bagamat pana-panahong nakakasikad at nakakapagpakilos ng ilang daan hanggang isang libo sa mga isyu, makitid, hindi sustinido at papalaki. Sa isang antas ay limitado ang mga panawagan sa mga partikular na isyu at sa sektor ng mga pakikibakang masa. Hamon sa pagsulong ang pag-alpas ng Anakbayan ang mga kahinaan na nagdudulot nito.

Kailangang bakahin ang tendensiya ng pagpapaunlad ng kampanyang masa sa makitid na balangkas lamang ng mga isyu at paninidigan ng sektor. Dapat komprehensibong paunlarin ang kilusang masa na mas mahusay at buo na maitataguyod ang anti-imperyalista, antipasista at anti-pyudal na pakikibaka. Sa mga nagdaang taon, lalo sa mga taon mula 2004 hanggang 2007, may tendensiyang magkaroon ng pagtutuon sa sektoral na isyu at kampanya lamang, at makaisang panig na pagsandig dito para sa pagpapakilos. Sa ilang mga paaralan inaakalang kailangan ang pagpapainit o pagpapaputok muna ng mga lokal at sektoral na labanan at mula rito, magiging “tuntungan” ito ng pagkilos sa mga isyung pambayan. Dahil dito, nalilimitahan ng sektor ang sarili at namamaliit ang kakayanan ng sektor na malakas na tumugon sa mga isyung pambayan at pagkritika ng lipunan sa pangkalahatan. Dahil din sa makitid na tanaw na ito, bagamat nabibitbit ang mga kampanya sa edukasyon, hindi din naman mahusay na nabitbit ito sa balangkas ng pagtindig para sa karapatan ng batayang masa at mamamayan. Kadalasa’y sa punto de bistang lokal, o sa lamang ng sektor, sa partikular, ng mag-aaral. Sa kabilang banda naman, at idinudulot na din nito, may tendensiya na sa mga pagkakataong nakakapagrehistro sa mga pambansang usapin, tumatampok ang makitid na punto de bista lamang ng mag-aaral sa halip na tumining ang pagtindig para sa batayang masa at anakpawis. Makikita rin at kaugnay nito ang tendensiya ng taktikal at baha-bahaging pagtugon sa mga isyu’t pakikibaka. Ang kasanayan ay maging reaktib at issue-based ang pagtugon na kadalasang nakatuon lamang sa media prop, sa halip na sustinido, papalaki at tuloy-tuloy na idebelop ng lahatang panig ang kilusang masa na maglalantad sa rehimen at sistema. Dapat tanganan ng kabataan sa pangunguna ng Anakbayan ang tungkulin nitong maging tagapagsindi ng kilusang bayan para sa pagbabagong panlipunan. Dapat nitong paunlarin ang kakayanang itakda ang mga isyung dapat ipabatid sa taumbayan. Dapat paghusayin ang pangkalahatang pagpupukaw sa masang kabataan sa balangkas ng pambansa demokratikong pagsusuri at panawagan, sa pagkritika ng bulok na sistema at paglaban para sa kanilang karapatan. Kung mahusay itong magagawa, maaari at pwedeng agad na pakilusin ang mga kabataan sa iba't ibang isyung pampulitika na di na kailangang idaan pa sa inaakalang yugto muna ng pagpapakilos sa isyu ng sektor kaugnay ng tuition fee at iba pa. Sa ganitong balangkas isinisikad ang mga pakikibaka para sa karapatan sa edukasyon at demokratikong karapatan ng sektor. Upang maisagawa ang malawakang pagpapakilos sa hanay ng kabataan, dapat tugunan ang mga pang-araw-araw na suliranin at pakilusin sila batay dito. Dapat buuin ang iba’t ibang antas ng pagkakaisa ng kabataan at mga estudyante at hikayatin ang iba't ibang antas at anyo ng pagpapahayag at pagkilos. Subalit dapat magsilbi ito sa pagtataas ng kamulatan ng kabataan sa pamamagitan ng paghahapag ng matalas na pagsusuri sa mga usaping ito, at pag-uugat sa kabulukan ng sistemang panlipunan. Kailangang pagsimulan ng pagtangan sa mga usaping ito ang unawa ng mga kabataan na ang pagkilos at paninidigan sa mga pakikibakang ito ay higit sa lahat para sa sambayanang api, at kung gayon din ay para sa pagbabagong panlipunan. Mahalaga na maging buo ang tanaw at balangkas ng paglulunsad ng kampanyang masa sa tunguhin na madevelop ang papalaki at papalawak na kilusang masa sa bulok na sistema at lipunan. Kailangang mailugar ang mga isyu at pakikibaka sa masaklaw na tanaw na ito. Dapat lahatang-panig na maidebelop ang mga kampanya at pakikibaka, kamtin ang mga tagumpay, at humakbang mula sa isang yugto patungo sa isa pa.

Dapat iwaksi ang maliitan, pakutkot at patsi-patsing pagsusulong ng mga kampanyang masa. Dapat sumalig sa masa, itaas ang kakayanan at inisyatiba ng organisasyon na isagawa ang masaklaw na pakikibaka at idebelop ang kilusang masa patungo sa pagbugso nito. Sa matagal na panahon, napapansin ang maliit na bilang ng napapakilos sa lansangan. Relatibo sa galit at poot ng masa sa naghaharing rehimeng Arroyo halimbawa, maliit ang napapamunuan sa mga aksyong protesta. Kumpara sa populasyon ng mga kabataan sa mga erya na aktwal na kinikilusan, lubhang maliit ang ilang daan hanggang nasa isa

o dalawang libo na bilang na napapalahok sa mga mobilisasyon. Kadalasan, maliit ang bilang ng mobilisasyon kahit ikumpara sa bilang ng kasapian. Mahalagang usaping nagdudulot nito ang maliit at makitid ang tanaw sa pagmomobilisa. Kadalasang nakatuon lamang ang mga gawain sa pagpapakilos ng ilan-ilang kasapi para tumugon sa mga aksyong protesta, sa halip na ang tanaw ay likhain sa pamamagitan ng masaklaw na propaganda edukasyon at ahitasyon, gawaing alyansa at iba’t ibang porma ng pagkilos at pag-oorganisa ang mainam na sitwasyon para mapakilos ang buo o signipikanteng bahagi ng populasyon ng mga paaralan at/o mga eryang kinikilusan. Madalas na hindi buong planado, patsi-patsi ang kondukta ng kampanyang masa, maliitan at token ang propaganda sa masa at alyansa, at abstrakto ang plano kung paano mapapalahok sa malawak na paraan sa mga pagkilos ang masa. Sa ilang mga pagkakataon, namamaliit ang pagnanais at kakayanan ng masa na lumahok sa mga pakikibaka at kumilos para sa kanilang karapatan. Dahil hindi nakatanaw sa masaklaw na pamumunong pampulitika, hindi din epektibong napapakilos at nasasaligan ang mga kasapi para sa pagpapaunlad ng kampanya at para tanganan ang iba’t ibang gawaing kaugnay nito. Karaniwang hindi natitipon ang mga balangay ng mga organisasyong masa para sa kampanya at nalilimatahan sa maliit na bilang lamang ng mga “lider” at kasapi ang napapakilos sa pagpropropaganda at kampanya. Sa mga panahong napapakilos sa relatibong mas malaking bilang ang masang mag-aaral dahil sa init ng isyu o malawak na ispontanyong galit, hindi naman mabilis na nakokonsolida ang masa at hindi sapat na natutuunan ang pagpundar ng solidong lakas sa pamamagitan ng papalawak at papalalim na propaganda at pag-oorganisa para sa tanaw ng higit pang pagsigla ng laban. Dapat idebelop ang kilusang masa sa balangkas ng pagpapabugso rito. Ibig sabihin, buong-buong napapakilos ang kasapian para umabot at magpropaganda sa malawak na masa ng kabataan at mamamayan, habang pinapaunlad ang pakikipagkakaisang prente, at inilalatag ang kondisyon para sa malawak na pagkilos ng organisadong base at ispontanyong masa. Dapat gawin ito sa papalaki at papalawak na paraan sa balangkas ng paglalantad ng bulok na sistema at panlipunang pagbabago. Kailangan ang mahabang tanaw at pang-ilang taong plano para sa kampanyang masa at pagpapaunlad ng kilusang masa. Dapat iwaksi ang kawalan ng malsaklaw na plano, reaktib at isyu based na mga pagtugon sa mga kampanya, at kawalan ng masinsing kondukta sa pagdedevelop ng mga pakikibaka sa partikular na mga isyu. Dapat paunlarin ng Anakbayan ang kakayanan nito sa masaklaw na pamumuno sa mga kampanyang masa, iwasto ang tendensya ng pakutkot na paraan sa pagsusulong ng mga kampanyang masa para mabisa at masaklaw na maabot at mapakilos ang malawak na mamamayan at maksimisahin ang buong potensyal ng mga kampanyang masa para sa ibayong pagpapalawak at pagkokonsolida. Dapat itaas ang pampulitikang aktibidad at mobilisahin ang lahat ng kasapian ng para sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa. Dapat paunlarin ang mga masaklaw na sentro at makinarya sa kampanya. Dapat tiyakin ang mahusay na alliance work sa iba’t-ibang sektor sa loob at labas ng pamantasan. Maksismisahin ang mga institusyon i.e admin, employees, teachers, councils, publikasyon para sa pagpapakilos. Kailangang tiyakin ang propaganda sa masa na malawakan, matalas at maagap. Kailangang samantalahin at payamanin ang iba’t ibang porma ng propaganda at pagkilos para abutin ang iba’t ibang seksyon ng masa at pukawin sila sa pagkilos para sa kanilang karapatan at tunay na pagbabago. Dapat tiyaking aabutin nito ang kalakhan ng populasyon ng mga komunidad at paaralang kinikilusan ng mga balangay.

Dapat ding paunlarin ang iba’t ibang mga porma ng pagkilos na makakapagpalahok sa abante, panggitna, at nahuhuling seksyon ng masa at iba’t ibang porma ng aktibidad na nagtuturo sa masa sa halaga ng sama-samang pagkilos at pangangailangan ng militanteng paglaban.Pangahasan na itaas ang mga porma ng protesta at panawagan, itaas ang militansya ng masa at maging maagap sa pagpihit ng sitwasyon at pag-unlad ng laban.

Dapat tiyakin ang paglaki ng organisasyon, at konsolidasyon sa bawat yugto ng mga kampanyang masa. Kailangang tiyakin ang tuloy-tuloy na gawain sa pagrerekluta, pagpapatapos ng pampulitikang edukasyon, at pagtataas ng kamulatan at kakayanan ng masa sa paglaban, at integrasyon at pag-aambag sa pakikibaka ng batayang masa.

Pangangailangan ng malawakang edukasyong pampulitika at Pambansa Demokratikong Kilusang Propaganda

Sustinidong kilusang masa para sa malawakang edukasyon at propaganda sa pambansang demokrasya ang tuntungan sa malawakang pag-oorganisa at malakihang pagpapakilos sa mga kabataan. Tungkulin ng Anakbayan na dalhin sa hanay ng kabataan sa malakihang paraan ang pambansang demokratikong pagsusuri, paninidigan at programa. Hangad nating malikha sa hanay ng mga kabataan ang masidhing progresibo at rebolusyonaryong ahitasyon, mapukaw ang kanilang maalab na nasyunalismo at ang kanilang pagpanig sa interes ng malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan. Dapat sapulin ang kahalagahan ng sustinido at kilusang masang katangian ng pagpukaw sa kabataan para sa pagpapalawak at konsolidasyon, para ang mga kabataang napupukaw ay desididong kumilos para kamtin ang tunay na pagbabago sa lipunang malapyudal at malakolonyal. Sa mga rurok ng pagkilos ng kilusang kabataan, at maging sa mga partikular na mga panahong lumalakas at lumalawak ang Anakbayan, makikita ang papel ng masiglang kilusang edukasyon para palayain ang kaisipan ng mga kabataan mula sa pagkapasibo at pagtungo sa militanteng pagkilos. Sa mga nagdaang mga taon, mapapansin ang liit ng bilang ng mga pag-aaral sa teorya at programa ng pambansang demokrasya. Mas maramihan ang mga pag-aaral ng mga primer, manipesto at guides hinggil sa mga isyu relatibo sa ibang pag-aaral, bagay na positibo, ngunit hindi naitataas sa mas sistematikong pag-aaral sa pambansang demokrasya. Maliit ang bilang ng nabibigyan ng mga pag-aaral. Hindi sustinido at kilusang masa ang paraan ng pagpapatapos ng mga pag-aaral. Maliit na nga ang napapatapos kahit ng MKLRP, nalilimitahan pa sa ilang mga kurso lamang ang napapatapos na mga pag-aaral. Hindi na napapalaganap ang iba pang mga kurso sa PADEPA sa maramihang paraan. Dapat tiyakin na nabibigyan ng atensyon ang pag-aaral sa hanay ng mga kasapi at propaganda ng ND sa malawak na masa. Kailangang sinupin ang pagtitiyak nito sa mga balangay at palakasin ang ED machineries, paganahin ang mga komite ng edukasyon. Likhain ang pinakamaraming programa para sa pagdaraos ng mga sirkulo ng pag-aaral, mga pagtitipon para sa mga talakayan at indibidwal na pagbabasa at pag-aaral sa loob ng mga organisasyong masa, sa mga institusyong umuugnay sa malawak na masa ng sektor na tuwirang nag-aadres sa malawak na masa ng kabataan. Maging mapanlikha sa mga pamamaraan upang akitin sa progresibo at rebolusyonaryong pag-aaral ang malaking bilang ng kabataan. Dapat imaksimisa ang digital at internet technology para sa access sa materials, pagpapalaganap ng mga kurso at babasahin, talakayan at mga debate, palitan ng mga karanasan at resulta ng pag-aaral, at gumamit at magpaunlad ng mga bagong anyo at pamamaraan.

Pagpapaunlad ng malalakas, pangmasa at tunay na gumaganang mga balangay at pambansang organisasyon Kailangang mabilis na palawakin ang kasapian ng Anakbayan sa hanay ng mga kabataang mag-aaral, manggagawa, magsasaka, maralita, propesyunal at iba pang mga sektor. Dapat mabilis na magpalawak ang Anakbayan sa buong bansa saanman may konsentrasyon ng mga kabataan.

Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang pagliit ng bilang ng kasapian ng Anakbayan. Papaliit ang bilang ng mga rekrut nito habang ang malaking bilang naman ng kasapian nito ay nalalaglag at hindi napapakilos sa mga balangay. Dapat tiyakin ang malinaw na mga plano para sa mabilis na pagpapalawak ng kasapian. Kailangang tiyakin na ang mga napapakilos sa mga mobilisasyon at mga kampanya ay narerekluta sa organisasyon. Kailangang pakilusin ang mga kasapi para maramihang magrekluta, tungkulin ng bawat kasapi na magrekluta ng mga bagong kasapi. Karaniwang usapin na tumagal na ang hindi malinaw na mga plano para sa pagrerekluta at kabiguan na maitulak ang mga kasapi na mabilis magrekluta ng iba pa. Kailangang iwaksi ang tendensiya ng elitismo sa pagrerekluta at pagpapasapi. Dapat pasimplehin ang proseso ng pagsapi at hindi dapat maging mahirap ang mga rekisito sa pagsapi. Sinumang handang tumanggap sa mga mga batayang prinsipyo ng Anakbayan at mga pinaglalaban nito ay maaring maging kasapi at dapat agad na reklutahin sa Anakbayan. Gawing bukas ang pagsapi sa organisasyon at maghikayat ng pagsapi sa iba’t ibang pamamaraan. Ang bawat kasapi ay ipinapaloob sa mga balangay. Ang balangay ay ang batayang yunit ng organisasyon kung saan kumikilos at nag-aambag ang mga kasapi. Saanman may konsentrasyon ng kabataan ay dapat itayo ang balangay. Tunay na magiging malakas at pangmasa ang katangian ng mga balangay kung makakarekluta nito ng pinakamaraming bilang ng mga kasapi at mapapakilos ito sa iba’t ibang mga tungkulin ng balangay. Dapat maging bukas sa mga pamamaraan ng malawakang pagpapakilos at pagkokonsolida ang mga balangay. Tiyakin na may mga sentrong himpilan o tipunan ang mga balangay, namamaksimisa ang iba’t ibang pamamaraan para maka-ugnayan ang mga kasapi gaya ng social media. Kailangan matiyak na may umiiral na programa sa tiyak na panahon ang mga itinatayong balangay na gumagabay sa kanilang araw-araw na pagkilos. Iwaksi ang kagawian na walang mga matagalang plano ang mga balangay at arawan o lingguhan ang kanilang balangkas ng pagkilos. Bigyan ng partikular na atensyon ang programa para sa edukasyon kasama ng iba pang mga aktibidad. Sang-ayon dito, dapat magkaroon ng tiyak na plano ang mga balangay para sa takdang panahon. Dapat paghusayan ang paggana ng mga istruktura ng pagpapakilos ng mga kasapi at pagkokonsolida sa kanila. Dapat paganahin ang mga balangay at pakilusin ang kasapian. Huwag itali ang mga gawain ng organisasyon sa ilan-ilang mga kasapi lamang. Iwaksi ang tendensiya ng pagmamaliit sa kakayanan ng mga kasapi sa paggampan ng mga gawain. Dapat wastong masapol ang relasyon ng pagpapalawak at konsolidasyon. Ang gawain ng pagkokonsolida ay dapat ginagawa bago, habang, at matapos ang mga kampanya at pakikibaka. Hindi dapat maging dahilan ang konsolidasyon para hindi tuloy-tuloy na magpalawak ng kasapian.

Dapat maging balon ang Anakbayan ng mga aktibista at mga kabataang handang maglingkod sa iba’t ibang organisasyon at larangan. Hindi dapat malaglag ang mga kasapi dahil lamang sa sila ay gagradweyt kung sa paaralan, o di kaya lilipat ng tirahan kung sa komunidad o sa kung anupamang dahilan. Dapat matiyak ang tuloy-tuloy na pagkilos ng mga kasapi sa iba’t ibang mga tungkulin batay sa kanilang kakayanan.