Upload
others
View
6
Download
0
Embed Size (px)
Citation preview
Kapag may Panganib at
Kaaway PAGBUBULAY SA AWIT 31
F.A. Tendencia May 2020
PINOY APOLOGISTA Daldal ay Biblikal, Pilosopiya ay Ebanghelikal
Sanggalang ay Cristosentral
II
Kapag may Panganib at Kaaway Karapatang-ari © 2020 ni F.A. Tendencia Inilathala ng PINOY APOLOGISTA www.pinoyapologista.com
III
Tinalakay na Puntos Pagtitiwalaan: Kailangan ng Tao ........................................................................................ 2
Tiwala sa Katangian ng Diyos ............................................................................................ 2
Tiwala at Pakikipag-Ugnayan sa Diyos .............................................................................. 3
Tiwala at Pag-angkin sa Diyos ............................................................................................ 4
Yahweh! Sa Paligid ko’y may mga Kaaway ....................................................................... 5
Sikat dahil sa Paninirang-Puri ............................................................................................. 6
Buhay Kristyano: Hindi Madaling Buhay ............................................................................ 7
Soberanya ng Diyos sa Nakapaligid na Panganib ............................................................ 7
Dalangin sa Diyos ng Katarungan ...................................................................................... 8
Dagok ng Buhay at Mahiwagang Kamay ng Diyos ........................................................... 9
Sining ng Pagtitiwala sa Diyos ......................................................................................... 10
1
Wika ni D.L. Moody, isang Amerikanong Ebanghelista noong 18th century,
“Ang Diyos ay hindi naghahanap ng mga dakilang tao kundi ng mga taong nais maranasan ang kadakilaan ng Diyos.”1
Hitik at mayaman ang Biblia sa mga buhay at makasaysayang patotoo ng mga
mananampalatayang kinilusan ng presensya ng Diyos. Naranasan nila ang kadakilaan
ng kabutihan ng Panginoon lalo’t higit sa oras ng kanilang kahinaan, pag-aalala,
kabagabagan at kawalang-magagawa.
Dito sa Awit 31, matatagpuan natin ang paghahanap at pag-aasam ng Psalmista na
maranasan ang kadakilaan ng Diyos sa mapanganib na sandali ng kanyang buhay.
Pinasimulan ng Psalmista ang kanyang Awit sa pamamagitan ng pahayag ng
pagtitiwala.
Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan; huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan. Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran, iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan. (Awit 31:1)
Gusto ko sa talatang ito ang katagang ‘Lumalapit ako sa iyo.’ Ang paglapit na ito ay sa
diwa ng pagtitiwala. Sa wikang Ingles ng KJV, ang pagkakasabi ay: “In thee Oh LORD, do
I put my trust.” Ngunit sa wikang Hebreo ang salitang ‘lumalapit’ (Chasah) ay may
malakas na diin na sa palagay ko’y mas mabuting isalin sa salitang ‘pananangan’ o
‘pananalig.’ Kung isasalin ko ang kataga, ganito ang sa tingin ko’y gustong sabihin:
„Tumatakbo ako sa iyo Yahweh na aking Kanlungan.‟
Sang-ayon sa ilang komentarista ng Biblia, ang Psalmo raw na ito ay kinatha ni David
noong siya ay walang-humpay na tinutugis ni Haring Saul. Marahil ito ay ginawa niya
habang siya’y nasa loob ng isang kuweba na kanyang pinagtataguan. At batay sa datus
na ipinapakita ng Awit, ang pagtugis na ginawa ng mga sundalo ni Saul ay mabusisi’t
masigasig. Na anupa’t kung hindi dahil sa pag-iingat ng Diyos, ang buhay ni David ay
matagal ng nalagutan ng hininga sa kamay ng kanyang mga kaaway.
Kaya’t ang Awit na ito ay napakagandang kaaliwan at inspirasyon sa oras na tayo ay
nasa panganib at inuusig ng kaaway. Nais ipakita ni David sa Awit na ito na sa oras ng
panganib at kabagabagan, si Yahweh ang ating maaasahang Muog-Sanggalang at
Dakong-Kanlungan. Hindi mapapahiya ang mga nananalig sa Kanya.
1 “God isn’t looking for great people, but He is looking for people who will realize the greatness of God.” D.L. Moody, quoted by Roy B. Zuck on “Faith”, “The Speaker’s Quote Book”, Kregel Publications, Grand Rapids Michigan, 1997.
2
Pagtitiwalaan: Kailangan ng Tao
Lahat ng tao ay may dakong-kanlungan. Bawat isa ay may pinanananganan; may
pinagtitiwalaan. Kapag ang tao ay walang pinagtitiwalaan, mamamatay siya.
Napakalaking bahagi sa ‘survival’ ng tao ang siguridad; yung pwedeng pag-dependehan
o pagsaligan ng buhay. Tuloy, masasabi ko na ang tao ay mapagtiwalang nilalang.
Subalit ang tanong; ang isyu, ang problema ay: sino at ano ang ating pinagtitiwalaan?
Iyan ang mahalagang tanong sa buhay na nagsisilbing ‘paglalakbay ng kalooban’2 sa
tunay nating kabuluhan bilang nilalang; bilang tao.
At para sa Psalmista, yung takbuhan at lagayan ng kanyang tiwala ay ang Panginoon.
Ipinahinga niya ang kanyang kalooban sa presensya ng Diyos bilang kanyang
Kanlungan. Ngunit ang tanong ay: Ikaw, sino o ano ang lagayan ng iyong tiwala? Kanino
ito nakasalig? Sa ano ito nakabatay? Saan o kanino ito nakalagay? Sa Dios ba? Sa Pera?
Sa Katungkulan sa lipunan? Sa Edukasyon? Sa Talino? Sa lakas? Sa ibang tao? Sino?
Ano?
Para sa Psalmista, ang Dios ang kanyang tiwala. Pero alam mo, dapat pansinin na
walang lakas o mahika sa kanyang pagtitiwala. Gusto niyang ipakita na ang ating
pagtitiwala (sa ganang sarili nito) ay walang kapangyarihan. Ang kapangyarihan ng
ating tiwala ay sa kung sino ang kanyang tiwala. Kuha mo? At para nga sa Psalmista,
ang Diyos ang Siyang tunay, totoo at ganap na kapangyarihan ng ating tiwala.
Tiwala sa Katangian ng Diyos
Mapapansin na napaka personal at aktibo ng pagtititiwala ng Psalmista sa Dios.
Ang sabi niya,
„Lumalapit ako sa iyo Yahweh.‟
Ibig sabihin, ang Diyos ang Siyang direksyon at obhekto ng kanyang tiwala. At ganyan
nga ang dapat na ugali natin sa Dios. Ngunit ang tanong ay: Bakit para sa Psalmista ang
tiwala niya ay sa Dios? Bakit niya pinananaligan ang Panginoon? Minsan pa, sa unang
talata ay sinabi ng Psalmista na hindi mapapahiya ang nagtitiwala sa Dios.
Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan; huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan. Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran, iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan. (Awit 31:1)
2 Spiritual pilgrimage
3
Kita mo? Batid ng Psalmista ang matuwid na katangian ng Diyos. Ang ibig sabihin, dahil
sa ang Diyos ay matuwid; na Siya ay banal, hindi nagkakamali, at hindi gumagawa ng
masama sa atin, dapat na pag-alayan natin Siya ng ating pagtitiwala. Hindi tayo
gagawan ng Diyos ng masama. Ang masama ay yung talikuran at limutin natin ang
Kanyang kalooban. At madalas, ang ugat o dahilan ng hindi-magandang nangyayari sa
ating buhay ay dulot ng ating pagsuway sa Kanya. Ngunit dapat nating itanim sa ating
puso at isipan na ang Diyos ay matuwid; Siya ay mabuti. At ang Kanyang proteksyon at
probisyon o yaong mga pag-iingat at pagtutustos na ginagawa Niya sa ating buhay ay
laging hango at ayon sa Kanyang butihing kalooban; sa Kanyang pusong dalisay. At
dahilan nga sa ganyang katangian ng Diyos, ang Psalmista sa tuwituwina ay kusang-
loob na inilagay ang kanyang tiwala sa Panginoon – “Lumalapit ako sa iyo Yahweh!”
Tiwala at Pakikipag-Ugnayan sa Diyos
Gayundin naman, dapat nating malaman na ang pagtitiwala sa Dios ay lumalago
at lumalakas kapag higit natin Siyang nakikilala. Kapag malago ang pagkilala natin sa
Diyos, mas higit na nagiging tagos sa puso ang ating tiwala; pinapanatag nito ang ating
isipan at ginagawa tayong ‘energetic’ o masigla sa pagsunod sa Kanya. Syempre, hindi
ko sinasabi na laging nararanasan ito sa damdamin. Bilang taong makasalanan na nasa
mundong makasalanan, minsan ang ating personalidad at sitwasyon ay malakas na
taga-apekto sa lagay ng ating damdamin na umaapekto rin sa takbo ng ating isipan.
Magkagayunman, kung ang ating pagtitiwala sa Diyos ay dinidiligan, kinu-cultivate at
binubusog ng maayos na theolohiya, lumalakas ang ating puso, nagliliwanag ang ating
isip at pinapayapa ang ating pabago-bago at hindi maaasahang damdamin. At sa
kalagayan ng Psalmista, sa tingin ko, yung paglago at lakas ng kanyang pagtitiwala sa
Panginoon ay dulot ng malinaw at malapit niyang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang sabi
niya sa Diyos,
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din! Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan; matibay na kuta para sa aking kaligtasan. Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang; ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan. Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong; laban sa panganib, sa iyo manganganlong. (Awit 33:2-4)
4
Tiwala at Pag-angkin sa Diyos
Napansin mo ba sa talata (Awit 33:2-4) yaong mga ‘personal pronouns’? Ang
sabi ng Psalmista,
“Ikaw ang aking batong kublihan," "aking kaligtasan,” “aking kanlungan at sanggalang.”
Napaka mapag-angkin ng Psalmista sa Diyos; possessive siya sa Panginoon. Addict
siya sa Dios. Itinuring niya ang Diyos na Takbuhan at Kanlungan ng kanyang buhay:
solido, malakas, hindi magigiba, at talagang pambihira! Iyan ang tingin at pag-aangkin
niya sa Diyos. At kapansin-pansin na ang ganitong ekspresyon o pahayag ng kanyang
pagtitiwala sa Diyos ay hindi lang ‘doctrinal confession’ o ‘statement of faith.’ Ang mga
pahayag niya rito ay hindi lang pahayag sa loob ng simbahan o kaya’y pagsasambit-awit
ng lyrics ng isang awitin sa simbahan. Bagkus, kung babasahin mo ang buong Awit,
malalaman mo na ang Psalmista ay nasa problematikong kalagayan. Siya ay may
pinagdadaanang pagsubok sa buhay. May kabigatan siyang pinapasan, humaharap siya
sa panganib at may pighating nararamdaman. Ibig sabihin, hindi pambobola sa Diyos at
mabulaklaking kapaimbabawan ang sinasabi niya rito; ito’y hugot sa kanyang karanasan
sa harapan ng Presensya ng Diyos. Sa talatang apat halimbawa ay sinabi niya na may
patibong na lihim na ginawa ang kanyang mga kaaway para sa kanya. Ngunit wika niya
sa Diyos,
Sa iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay. At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan; ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan. (Awit 31:5)
Sinasabi ni David rito na kahit na may panganib, patibong at mga kaaway sa ating
paligid, ang Diyos parin ang Siyang may hawak ng ating buhay. Batid ni David ang
simpleng katotohanan na hindi hawak ni Haring Saul at ng mga sundalo nito ang
kanyang buhay. Oo, ito’y nalalagay sa panganib dulot nila, ngunit soberanya ng Diyos
parin ang tunay na may hawak ng kanyang buhay at hindi ang kanyang mga kaaway.
Ang pananaw na iyan ay isa sa palatandaan ng kanyang malagong theolohiya o
pagkilala sa soberanya ng Diyos.
5
Yahweh! Sa Paligid ko’y may mga Kaaway
Kapansin-pansin sa talatang anim na ang malagong theolohiya ni David ay hindi
lamang naghatid ng kanyang tiwala sa Panginoon; ito rin ay nagbigay sa kanya ng
pagkamuhi sa kasamaan ng lipunan. Ang sabi niya,
Ako‟y namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga, ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa. (Awit 31:6)
Sa tingin ko, dahil sa paninindigan ni David sa kalooban ni Yahweh, nagkaroon siya ng
mga mang-uusig sa Lipunan. Ngunit kapansin-pansin na sa halip na matuon ang
kanyang pansin sa panganib na hatid ng kanyang mga mang-uusig, itaas niya ang
pagibig ng Diyos at inangkin ang magagawa nito sa kanyang buhay. Ginawa niyang
kaaliwan ang pagibig ng Diyos sa oras ng kanyang panganib. Ang sabi niya,
Matutuwa ako at magagalak, dahil sa pag-ibig mong wagas. Paghihirap ko'y iyong nakikita, alam mo ang aking pagdurusa. Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway; binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay. (31:7-8)
Sa madaling salita, kahit na tinugis si David ng kanyang mga kaaway, ngunit hindi
hinayaan ni Yahweh na siya’y mahuli nila. Si Yahweh parin ang soberanong May-Ari ng
kanyang buhay. Naranasan ni David ang kabutihan ng pag-iingat ng Diyos.
Hinggil sa ating kalagayan, nagtuturo ito sa atin na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos
ay haharap sa batikos at pang-uusig ng makamundong lipunan. Kaya’t dapat
maunawaan na ang kahirapan na nararanasan natin dito sa Lupa ay hindi laging dulot
ng pagsuway sa Panginoon, kundi dulot mismo ng pagsunod sa Kanya. Mahalagang
alam natin ang ganyang pagkakaiba. May paghihirap na nararanasan ang Kristyano
sapagkat hindi tayo ginigiliw ng Mundo. Hindi nila tanggap at pinapalakpakan ang ating
maka-biblikal o makalangit na prinsipyo at gawi sa buhay. Hindi nila hinahangaan ang
ating Panginoon. Ang totoo niyan, sa ikasampu hanggang labing-anim na talata, si
David ay may ipinahayag na himutok na hindi lamang naging totoo sa kanyang personal
na karanasan kundi naging propetikal na pahayag sa pag-uusig na daranasin ng
Panginoong Jesu-Cristo. Ang sabi niya,
O Yahweh, sana'y iyong kahabagan, sapagkat ako ay nasa kaguluhan; namamaga na ang mata dahil sa pagluha, buong pagkatao ko'y mahinang mahina! Pinagod ako ng aking kalungkutan, dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay. Pinanghina ako ng mga suliranin, pati mga buto ko'y naaagnas na rin. (Awit 31:9-10)
6
Napakatinding paglalarawan ng kalungkutan ang sinasabi rito ni David. Oo, bagamat
siya ay hindi nahuhuli ng kanyang mga kaaway, subalit ito naman ay nagdudulot ng
sikolohikal na kahirapan sa kanya. Malaking tanong sa kanyang sarili kung bakit siya
inuusig at gustong ipapatay ni Haring Saul gayong kung tutuusin ay pawang kabutihan
ang ginawa niya para sa Hari at sa Bayan nitong nasasakupan. Subalit, yun nga,
isinalaysay sa atin sa aklat ng Samuel na dahil sa inggit na naghari sa puso ni Haring
Saul, nakita niya sa David na banta sa kanyang kapangyarihan. Dulot nito’y ang
kabayanihan at kabutihan ni David ay sinuklian niya ng karahasan at paninirang-puri. Ito
ang dahilan kung bakit naghihirap si David. At kaibigan, nagtuturo ito sa atin na ang
inggit ay mapanganib na ugali; mapanira at pumapatay. Kailangan nating bantayan ang
sarili laban sa ganyang tuso at mapagbalatkayong kasalanan.
Sikat dahil sa Paninirang-Puri
Tuloy pa ni David,
Nilalait ako ng aking mga kaaway, hinahamak ako ng mga kapitbahay; mga dating kakilala ako'y iniiwasan, kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan. Para akong patay na kanilang nakalimutan, parang sirang gamit na hindi na kailangan. (Awit 31:11-12)
Kita mo? Napakatinding galit (hate speech, bullying at throlls) ang naranasan rito ni
David mula sa kanyang mga mang-uusig. Nangyayari na pala ang mga ugaling ito noon
pa lang. Kung sa ating pananalita ay parang ganito ang sinasabi ni David: “Para akong
laruan na matapos pagsawaan ay iniwan.” Naranasan ni David ang ganyang
pananamantala at katiwalian mula sa mga taong manggagamit, mapagsamantala at
mapaglaro sa kapwa. Ang sabi pa niya,
Maraming mga banta akong naririnig, mula sa mga kaaway sa aking paligid; may masama silang binabalak sa akin, plano nilang ako ay patayin. (Awit 31:13)
Saanman mapunta si David ay may banta ng panganib sa kanyang buhay. Ang utos ng
hari ay nakakalat sa kanyang nasasakupan. Sinumang tumulong sa kanya ay maaring
madamay, kung kaya’t maging yung mga kakilala niya na inaasahan sana niyang
maniniwala sa kanya at tutulong sa kanya, ay lumayo rin sa kanya upang hindi
madamay sa kanyang mapait na kapalaran. Si David ay katulad ng isang lagalag na ibon
sa gitna ng malakas na unos; walang madapuang lugar na magbibigay sa kanya ng
kapahingahan. Bagkus, saan man siya mapunta, ang ulo niya ay may malaking premyo
na hatid para sa sinumang makapagtuturo at makapapatay sa kanya. Siya ay sikat sa
lipunan hindi dahil sa palakpak ng parangal, kundi dahil sa premyo ng kanyang
7
kamatayan. Siya’y pinaghahanap, hindi dahil sa siya’y papupurihan, kundi dahil sa
paninirang-puri ng masamang hari na kanyang kalaban.
Buhay Kristyano: Hindi Madaling Buhay
Alam mo, kung iuugnay natin ang ating buhay-Pananampalataya sa karanasan ni
David; salungat sa pananaw ng marami, ang pagiging Kristyano ay hindi madaling buhay
sa mundong ito. Kung ikaw at ako ay tunay na naninindigan at nagbibigay-pugay sa
Diyos sa bawat aspeto ng ating buhay, matutuklasan natin na hindi madali ang pagiging
lingkod Niya. Kaya’t ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi dapat laging ipaliwanag at
ilarawan sa mala-rosas, mabulaklak at halakhakang imahe. Hindi po. Ang buhay-
Kristyano ay may kaaway; napapaligiran ng kaaway at nasa digmaan. May pita ng
laman tayong kaaway sa ‘loob’ ng ating sarili at may kaaway tayo sa ‘labas’ ng ating
sarili sa pamamagitan ng makamundong Lipunan sa pangunguna ni Satanas. Kaya’t
salungat sa sinasabi ng marami, sa mundong ito, ang buhay ng Krisyano ay hindi laging
masayang tunay. Sinumang Kristyano ay hindi makapagsasabi sa akin o
makapagpapatunay sa akin na laging may galak ang kanyang kalooban. Mas
makatuwiran pang awitin na ‘Ang buhay ng Kristyano’y laging nasa Digmaan.’ Sapagkat
hangga’t naririto tayo sa sanlibutan, ang mata natin ay dadaluyan ng luha. Dapat nating
tandaan na ang ganap na pagpawi ng Diyos sa ating luha ay hindi sa mundong ito, kundi
sa Bagong Mundo na Kanyang lilikhain sa Kanyang itinakdang dakilang araw.
Soberanya ng Diyos sa Nakapaligid na Panganib
Ngunit hinggil sa mapait at nakapapagod na sandali ng buhay ni David. Kahit na
siya ay tinalikuran o tinakbuhan ng mga kakilala’t mga itinuring na kaibigan. Kahit na
siya ay pinaligiran at tinugis ng panganib, naging matatag ang puso niya sa Diyos. Ang
sabi niya,
Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala, ikaw ang aking Diyos na dakila! Ikaw ang may hawak nitong aking buhay, iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway. Itong iyong lingkod, sana ay lingapin, sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin. (Awit 31:14-15)
Minsan pa, itinaas rito ni David ang soberanya ng Diyos na may ari at hawak ng kanyang
buhay. Oo, may mga nagbabantang panganib, may mga inihandang patibong at may
mga tusong kaaway sa kanyang paligid. Subalit, pagmamay-ari at hawak parin ni
Yahweh ang kanyang buhay. Soberanya ng Diyos parin ang mananaig. At iyan nga ang
pananaw at pag-uugali na itinuro sa atin ni David na dapat nating panghawakan at
maging asal sa oras ng panganib. Oo, kahit na maging sa sandali na tinalikuran ka ng
8
lahat at inaasam nila ang iyong pagbagsak – ang magtiwala parin sa dakilang
soberanya ng Diyos na may hawak ng ating buhay; ang umasa sa Kanyang paglingap o
pabor ay sapat upang tayo’y iligtas sa ating kalagayan. Malaki, dakila at
makapangyarihan si Yahweh!
Dalangin sa Diyos ng Katarungan
Ngunit dapat pansinin na hinggil sa pang-aapi at katiwaliang ginagawa sa atin ng
mga mapag-usig na sistema (o mga pananaw at mga tao) sa ating lipunan, tinuruan rin
tayo ni David na dumalangin sa Diyos ng katuwiran. Itinuro niya tayong bumalik at
umapela sa katarungan ng Diyos; na tulungan tayong pagtagumpayan ang
kasalukuyang masamang lipunan na ating ginagalawan. Ang sabi ni David,
Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan, huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan. Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya, sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ. Patahimikin mo ang mga sinungaling, ang mga palalong ang laging layunin, ang mga matuwid ay kanilang hamakin. (Awit 31:17-18)
Kita mo? Ito ang kapos na uri ng panalangin sa mga Kristyano ngayon. Ngunit ito sana
ang panalangin na dapat linangin ng mga Kristyano sa panahong ito. Syempre, hindi ito
kontra sa katuruan ng ‘pagibig sa kaaway’ sa Bagong Tipan. Bagkus, ito ay tungkol sa
punto ng katarungan na hinihingi natin sa Diyos sa tuwing tayo’y ginigipit ng mga tiwali
sa ating lipunan. Mahalagang mamulat ang Kristyano sa pagpapala ng katarungan ng
Diyos, upang makita ng makasalanang sanlibutan ito na ang ating Ama sa Langit ay
hindi nagpapabaya sa Kanyang mga anak. Oo, pwede tayong apihin ng ating lipunan,
ngunit maari nating tawagin ang katarungan ng Diyos upang tayo’y tulungan. Ang Diyos
ang magtatanggol sa atin.3
3 Ang paksang ito ay maituturing na madulas at mahabing usapin. Subalit, ako’y naniniwala na ang Katarungan ng Diyos ay isang pagpapala na dapat nating angkinin sa buhay-Kristyano na syempre hindi kumo-kontradikta sa tinaguriang Pagibig sa Kaaway; kung paanong ang turo hinggil sa Pagibig sa Kaaway ay hindi dapat na kontra sa sinasabi rito ni David.
9
Dagok ng Buhay at Mahiwagang Kamay ng Diyos
Tungkol sa usapin ng pagsubok sa buhay. Ang naranasan rito ni David ay
matinding dagok. Ngunit minsan pa, ito’y dagok na hindi dulot ng kanyang pagsuway sa
Diyos o ng kanyang kamangmangan, kundi dulot ng pag-uusig ng kanyang mga kalaban.
Gayunman, sa mahiwagang pamamaraan ng Diyos, ipinahintulot Niyang maranasan ni
David ang ganitong pait ng buhay. Ika nga, mas lalo nating nakikilala at nararanasan
ang kabutihan ng Diyos gamit ang mga ipinapahintulot Niyang pagsubok o kahirapan.
At Oo, bagamat masakit, nagpapabuhos ng luha, nagpapakaba ng ating dibdib at
nagpapalito ng ating isipan ang dagok ng buhay; kahit na hindi natin maintindihan ang
nangyayari at napupuno ang ating isip ng mga pagtatanong4 sa Diyos – “Bakit?” Ngunit,
isa lamang ang tiyak: ang Diyos ay mabuti parin. Oo hindi natin alam kung ‘paanong’
Siya’y mabuti parin, lalo’t kung ika’y nasa mabigat na sitwasyon na tingin mo’y hindi mo
‘deserve’ itong mangyari o kaya’y walang dahilan upang ito’y iyong danasin. Subalit…ang
Diyos ay mabuti parin kahit na hindi natin nauunawaan ang masakit na pangyayari. Iyan
ang hiwaga ng pananampalataya sa Diyos. At iyan ang bagay na itinuro sa atin ni David.
Dumaan siya sa mapait na sitwasyon na pwede siyang ‘tumanong’ sa Diyos. Ngunit sa
halip na kwestyunin ang kabutihan at katarungan ng Diyos, ang ginawa niya’y: tinawag
niya ang kabutihan ng Diyos5 upang siya’y ingatan at sagipin. At iyan ang dapat na sagot
natin sa maraming tanong natin hinggil sa hindi maipaliwanag na mga pagsubok sa
buhay.
Subalit sa isipan ng mga iskeptiko at nagmamatalinong mga sekularista ng ating
Lipunan, kababawan ng isip ang ganyang bagay – na inilalagay raw natin sa palusot ng
‘hiwaga’ ang kabutihan ng Diyos na hindi natin naiintidihan. Ngunit sa ating Kristyano na
kinilusan ang puso ng Espiritu Santo, ang hiwaga na ito ay katangian ng ating
pananampalataya – ito’y ugali ng mga hinirang. Ang pagtitiwala natin sa Diyos ay hindi
pinapatakbo ng empiriko at laboratoryong pilosopiya. Kaya’t kahit na hindi
maipaliwanag ng ating ‘senses’ o pandama ang dumarating na pagsubok sa ating
buhay; kumakapit parin tayo sa supernatural na presensya ng Diyos na ayon sa Kanyang
salita’y makatuwiran, mabuti at marunong. Bahagi ng hiwaga ng ating pagtitiwala sa
Diyos kung gayon ay ang tumakbo at kumapit sa Kanya kahit na hindi natin
maintindihan ang mga bagay-bagay. Isa pa, mayroong ‘premise’ o pananaw si David na
maasahan at mapanghahawakan natin. Hindi lamang ito ang naging pambungad na
4 Pagtatanong hindi “Tumatanong” 5 Ang insight na ito hango sa karanasan at ugali ni David ay magandang palaguin hinggil sa paksa ng Theodisiya. Ang
mga “pagtatanong sa Diyos” ay maaring papayapain ng ating “pagtawag sa Diyos.” The more na maraming tanong at kalituhan; the more na dapat ay nananalangin.
10
pahayag sa kanyang Awit, kundi ito rin ang pangunahing aral6 na nais niyang ipabatid sa
Awit na ito. Wika niya: hindi mapapahiya ang nagtitiwala sa Panginoon. Sa bandang
huli, ibibigay sa atin ng Dios ang huling halakhak.
Sining ng Pagtitiwala sa Diyos
Kaya nga, hinggil sa mga taong hindi bumitiw sa Panginoon, inaliw sila ni David
ng katiyakang…
Kay sagana ng mabubuting bagay, na laan sa mga sa iyo'y gumagalang. Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob, matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos. Iniingatan mo sila at kinakalinga, laban sa balak ng taong masasama; inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan, upang hindi laitin ng mga kaaway. (Awit 31:19-20)
At totoo! Ang Diyos ay may mabuting pagkilos at pagpapalang laan sa mga umaasa sa
Kanya. Patotoo mismo si David tungkol rito. Siya’y nagsasalita rito bilang isa sa mga
nakaranas at nakapatunay sa kabutihan ng Panginoon. Tuloy pa niya,
Purihin si Yahweh! Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin, nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin! Ako ay natakot, labis na nangamba, sa pag-aakalang ako'y itinakwil na. Ngunit dininig mo ang aking dalangin, nang ang iyong tulong ay aking hingin. (Awit 31:21-22)
Kita mo? Kaya’t hindi kababawan ng isip o isang kahangalan ang magtiwala sa Diyos.
Isa pa, hindi naman nangangahulugan na ang pagtitiwala sa Panginoon ay yung
malaman natin yung Kanyang mahiwagang dahilan at pamamaraan. Ang Diyos ay
mahiwaga at hindi maikukulong o mapre-predikta ng ating kalkulasyon. Subalit ang
hiwaga o sining ng pagtitiwala sa Diyos7 ay hindi kaylanman mauunawaan at
mararanasan ng mga taong walang relasyon sa Kanya. Ang hiwaga o sining ng
pagtitiwala sa Diyos ay yung kahit na hindi mo makita ang galaw ng Kanyang Kamay,
ngunit panatag ka sa tibok ng Kanyang puso para sa iyo. Tandaan na pangunahing aral
sa Katuruang Kristyano na ang Diyos ay ating ‘Ama.’ At bilang Kanyang mga anak, ikaw
at ako ay makakaasa na hindi Niya tayo pababayaan at iiwan.
Tuloy, tinapos ni David ang kanyang Awit sa pamamagitan ng solidong konklusyon at
mariing paghihikayat sa ating kalooban na…
Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan. Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan, ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa
6 Main point or main lesson 7 The art of trusting God
11
kanilang kasalanan. Magpakatatag kayo at lakasan ang loob, kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos. (Awit 31:23-24)
At sa kapangyarihan at biyaya ng Espiritu Santo, nawa’y pabukalin Niya ito sa ating mga
puso.
Amen